Pagbawi ito mula sa matagal ring pananahimik. Napagod ako sa natapos kong manuskrito. (Napakakakatwa na tinatawag iyong manuskrito, parang sinulat-kamay ko talaga sa papel.) Sa totoo lang, naging halos ganoon ang proseso. Hanggang ngayon, kahit na masasabing nabawi ko na ang puyat ko ng sunod sunod noong nakaraang buwan, nagigising pa rin ako na tila naalimpungatan sa mga salita. Namemorya ko na ang ilang bahagi ng nobela, parang noong aking kabataan na memoryado ko ang aking mga dula. Paulit ulit ko kasing rinebisa, inawat ko na nga lang ang sarili sa pagkukutingting at baka hindi na ako makatapos. Ngayon, panibagong problema ulit. Isang introductory essay ang dapat kong matapos, bago sana magpasukan. Pero alam kong hindi ito realistiko dahil ilang araw na lang at magbubukas na ang klase. Natagalan ba ako sa pahinga? Sa totoo lang, kahit hindi na ako halos lumalabas ng bahay, tila kulang pa ang recharging na iyon.
Naibsan ang aking pag-aalala sa linipatang eskuwelahan ng aking anak. Mas nagustuhan niya ang estilo ng pagtuturo. 'Yun nga lang, nagkaro'n ng buwis sa kanya 'yung pagiging kampante niya sa pag-aaral noong unang taon. Malaki'ng ibinaba ng grado niya sa karamihan ng kanyang mga subjects, natuklasan na niya ang halina ng bulakbol, napabarkada sa isang kabataang Koreano na kasingkulit niya, nalikwas sa mga maling kaibigan na mahilig lang magpalibre at magturo ng kalokohan, kagaya ng iba't ibang estilo ng pangongopya, na estilong Escalera brothers pa ng Iskul Bukol noong 70s. Pero hindi ito ikinasasama ng aking loob. Ganu'n talaga, kahit anong pag-aalaga ang gagawin mo, hindi naman siya lalaki kung hindi niya magigiit ang sarili niyang buhay. Sa darating na pasukan, harinawa'y hindi maging ningas kugon lang na tuturuan siya ng aking asawa sa Math. (Hindi ito maiasa sa akin na ilang beses na kumuha ng Math 11 at Stat. 101. Na sa huli, bilang pasaway, nagdala ako ng adding machine sa klase sa exam sa halip na calculator para lang mang-inis.)
Umattend kami ng closing ceremony ng kanyang summer enrichment. 'Yung usual na eksena -- speech, talent showcase, bigayan ng sertipiko. Naghihintay ako ng inaantok na talumpati, pero natunugan ng mga tagapagsalita na limitado ang attention span ng mga bata at magulang, kaya hindi na nila iyon pinahaba. Ang temtasyon na ipagmayabang ang pagbibiyahe sa ibang bansa ay napigilan sa pagbabahagi ng mga postcard, at sa halip ay tumutok lang sa mga pahapyaw na impresyon ng sistema ng edukasyon sa US at Pilipinas. 'Yung usual na kulang man tayo sa fasilidad at teknolohiya'y may lamang naman tayo sa talino. 'Yung talent showcase ang matindi. Pachelbel ni Bach na sintunado. Ang walang kamatayang Ice Castles. Mabuti't hindi na binigyan ng interpretative choreography. (Nahawa ako sa pagtataray ni Simon Cowell, pasensya na. Pero torture ang maging audience ng isang kabataang illusyonadong marunong siyang tumugtog.)
Nagligpit rin ako ng mga kalat. The usual na uminit muna ang ulo ko, tapos sugod na sa pagtatapon at pagdedespatsa ng mga itinagong hindi naman mapapakinabangan. Lumuwag ang library. Nangako ako sa nanay kong isosoli ko na lang ang mga libro ng tatay ko. Baka mas maalagaan pa niya. Nalungkot ako sa mga lumang sertipiko ng Palanca na hindi na talaga maisalba. Noon, buong yabang itong nakasabit sa bahay ng mga lolo ko sa Alua. Nang mamatay ang mga magulang ng aking ama, ibinalik sa amin ang mga sertipiko. Hayun, unti-unting nalagas.
Kaya dapat marunong talagang magligpit at magpahalaga sa mga bagay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment