Isa na namang post mortem na pagmumuni. Napapaisip rin lang ako tuwing alas tres y medya dala ng pagkasanay sa puyat sa oras na iyon, lulubus lubusin ko na lang ang pagratsada ng naiisip sa pagtipa ngayon. Wala akong ginawa sa buong maghapon na kaiba -- matapos ilabas at paarawan ang mga sapatos na linabhan ni Aling Dina, nagsaing, naghugas ng pinggan, naghanda na ako ng sarili para sa pagkuha ng tseke ng educational plan ng aking anak. Kung hindi ko namisplace ang nasabing insurance, mas malaki marahil ang matatanggap. Kaso dala na rin ng kagipitan at pagiging bulagsak ng ayos ng papeles, halos iilang daang piso lamang ang kinita ng interes at parang nagwithdraw lamang ako ng aking naipon. Pero hindi na rin masama, dahil, at least may mapaghuhugutan ng pambayad ng tuition. Alam kong hindi lang ako ang magulang na nakukulta na ang utak sa pagbabayad ng eskuwela ngayong pasukan. Perenyal na problema na ang pagtaas ng tuition fee, dagdag pa ang bumabababang kalidad ng edukasyon sa primarya't sekondarya.
Sa mga panahong kagaya nito, naiisip ko ang kondisyon namin noong magkakapatid,nang nakakapag-enroll kami na bebeinte pesos ang ibinabayad para sa bawat isa. May pribilehiyo ang aking ama bilang empleyado ng UP na mapag-aral kami sa unibersidad. Napakagandang priilehiyo pala nuon. Hindi ko ito nakita nuon, palibhasa'y bulag ako sa tinatamasa kong kalidad sa edukasyon noong ako'y nasa elementarya't haiskul. Nasabi na ito ni Jessica Zafra sa isang hiwalay na sanaysay niya, nang buong pagmamalaki niyang sabihing siya'y geek. Totoo, hindi mabait ang mga kabataan sa mga geek. At sa panahong iyon, akala ko wala nang tutumbas pa sa torture ng pasok-uwi sa eskuwelahang hindi ka maunawaan at binabansagan kang weird. Ngayong natitimbang ko na ng mabuti ang mga taong iyon, wala naman itong pinagkaiba sa pagiging awkward ng growing up years ng sinumang kabataan na mapag-usisa. Siyempre, weirdo nga ang magiging bansag sa 'yo kung basta ka na lang lumalabas ng klasrum ng di nagpapaalam dahil nabobore ka na sa sinasabi ng titser, o itatago mo sa iba't ibang mga sulok ang mga bag ng kaklase mong gusto mong mataranta sa paghahanap. Pero maiisip isip mo, ang dami rin palang palatandaan ng eskuwela, ng klasrum, ng mga gulo't unos sa labas. Halimbawa, bakit kami nagprom sa Camp Aguinaldo? Bakit status symbol ang maging plebo o COCC, pinahihiya sa pagbitbit ng dummy rifle at pinapasquat sa quadrangle para lang maging siga sa C.A.T. pagdating ng senior year? At bakit ba naging parang race of champions ang kaalaman sa mga top 40 hits at "latest" na nabasang Nancy Drew o Hardy Boys?
Masarap pa rin talaga itong maisulat. Hmmm. Isa na namang proyekto. Samantala, panahon nang mapaghandaan ang napipinto kong pagtuturo ng kursong masteral. Exciting.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
thank you for having visited my blogsite.:)
Post a Comment