Amoy hasang at bulok na daga ang sala. Tila sadyang may nag-iwan ng mensaheng itim. Pagkaagnas? Panglalait ng kalat? Pagpapatalsik ng dumi? Isang tahimik na impeachment?
Bakit ako nagsusulat muli sa blog na ito na gusto ko na ring burahin? Nagtatagisan na naman sa sarili ang hangad na may makausap, at ang hangad na huwag nang makiugnay sa kahit sinuman. Alinman ang piliin kong tindig, lagi na lang akong nahihirapan. Social retardate. Bagay lang yata ang blog sa mga palakaibigan at matsikang tao. Hindi para sa akin na ni hindi marunong magtanong at mambara sa mga taong nakakabuwisit.
Naging paalala ang trahedya ng kaibigang namatayan ng magulang para dalawin ang sariling ina. Kagaya ng dati, wala naman akong naabutang iba. Nagluluto pa rin siya ng hapunan, hiwa na ang karne (baka siguro), binudburan na niya iyon ng sangkaterbang kalamansi, toyo at paminta. Kasalukuyan siyang sumusukat ng kutsaritang asin nang umupo ako sa hapag. May patse patse ng tubig ang mesang bilog. Wala na namang nakaisip pumunas, nasa labas ang mga kasambahay, sinamahan ang kapatid ko't bayaw na nagsimba.
Nakisali na naman sa usapan yung isa ko pang kapatid, siyang pinupudpod ang bumbunan sa tuwing tinutubuan iyon ng buhok. Siya ang garantiya na lalayo na naman sa pinatutunguhang direksiyon ang usapan. Siguro, kung maisasama lang siya sa anumang textbook ng literary devices, siya 'yung "Interruptions". Napaka-essensyal para sa paglikha ng dialogue, pero napakahirap matutunan kung paano titimpiin oras na gamitin bilang device. Kahit na nalihis na naman ang aming pinag-uusapan na mag-ina, naaliw ako sa aking kapatid. Ikinaaaliw ko rin ang mga walang kawawaang mnga tanong -- kung nagcocoloring book pa ba ang mga bata hanggang ngayon, na lilipad patungo sa mas gusto niya ang komik strip ng Baltik and Co. kaysa sa Pugadbaboy na masyadong intelektwal na lilipad sa pagbili niya ng isang supot ng sigarilyas at tuyo, para lang patakamin ang aking asawa.
Ang aking asawa, na hindi na natuto sa daloy ng mga ganitong kumbersasyon, na kakagat pa rin sa mga sinasabi ng aking kapatid, para lang mapikon sa kumbersasyong dinesenyo para maligaw at makatanggal ng ulirat. Mabuti na lang nakikita pa rin ng nanay ko ang humor. Kahit na abala siya sa pagluluto. Kahit na siguro araw araw na lang na ginawa ng Diyos na ganito ang likaw ng usapan.
Pero mabuti na rin ang eksenang ito kaysa ang kulitan nilang mag-ina tungkol sa paghingi na naman ng kapatid ko ng pera para lumabas o bumili ng kung ano. Ayokong ayokong naririnig silang nagsisinghalan, pagkat tila nababalik ako sa mga eksenang inalis ko na sa libro, sa album ng pamilya sa utak. May kinukutingting ang bunso namin sa kanyang workshop. Nakakatawang tinutukoy ko siya ngayon bilang bunso, samantalang higit dalawampu't lima na ang gulang niya. Umupo rin siya sa hapag kanina, pero matapos ang maikling usapan sa delay ng sahod niya bilang guro sa Baguio, umalis na siya sa eksena't nagtungo na sa kanyang workshop. Natatanaw ko siya roon mula sa kinauupuan ko sa kumedor.
Naging estranghero akong dumadalaw sa bahay paminsan minsan.
Gumiginhawa kahit paano ang pakiramdam sa pagsusulat dito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment