Nonsense daw ang sinulat ko, parinig ng babaeng bantay.
Kung nonsense pala ang sinulat ko, e di sana sinabi niya kung pa'no ko dapat isulat.
Wala, wala akong natatandaang kinayaskas na ganuong komento sa papel ng estudyante. Wala, wala akong maaninag na mukha't pangalan, sa dami ng mga mukha't pangalan na seme-semestre'y linalagda sa listahan ng mga kakakusapin ko't halinhinang tuturua't lilinlangin, lilinangi't duduruin
Dudurugin ng di sinasadya, hihimasin nang wala sa sariling wisyo.
Nasa loob ako ng kuwartel, at kasalukuyang nakikipagtitigan sa sarili.
Natakpan na ng ginantsilyong blusa ang katawan. Talikod, harap. Sideview. Wala namang nagbago -- ako pa rin. Nang masiyahan sa dati pang itsurang nakasuot ng bago,
Hinila ko ang laylayan ng ginantsilyong blusa. Hinahanap ang bakas ng kamay sa lumikha nito, ngunit makina ang sumagot sa pag-urirat. "Beauty" ang brand, ang ngalan ng humabi. Nauto ako sa pinangakong illusyon, para bang malulusaw ang mga gitla't bilbil sa pagsuot nito. Kaya nga siguro hit ang Blusang Itim, namina nito ang isang malalim na pantasya.
Muli, narinig ko ang anasan ng mga saleslady. Nasaan daw 'yung isang nagsukat ng "Shapes". 'Yung nagsukat, kanina pa lumabas, gusto kong isigaw. Pero may mangyayari pa kaya sa aking abiso, pagka't tiyak na nakababa na 'yun ng escalator, nakalabas na sa bunganga ng mall na ito.
Sino pa ba ang mag-aabalang magbabala sa mga itik na kakatayin mamaya?
May makakaltasan, 'yan ang tiyak. Dinig sa loob ng kuwartel ang mga hanger na umiiyak, nadudupilas sa bakal na tubing. Nagngingitngit ang mga liniligpit na plastik, paroo't parito ang mga takong. Naipit ang zipper sa tagiliran ng blusa ko. Sinisikap kong itaas iyon, habang inaapuhap sa diwa kung may pangalan at mukha ang rehistro ng nonsense.
Kung nasaan na rin kaya ang dalagitang nakadilaw na nagsukat at pumuslit ng blusang mamahalin? May date siguro, pero walang maipambiling porma. O baka naman mag-aapply ng trabaho? Na pagkatapos magmake up at magsuot ng stockings, palda at takong sa jeep, gugulantangin lang ng katahimikan sa applikasyon. At mauuwi sa pagiging tagabantay ng mga sukatan ng saplot.
Ayaw tumaas ng zipper -- lalabas pa yata akong bukas ang blusa't nasisilip ang bilbil. May naibulalas siguro ako't kinatok ako sa loob. Pasok si Ms. Nonsense at inayudahan ako sa pagzip ng blusa. Ziiiiip! Buntung-hininga ng mga pinalaya sa pagkukubli, buntung-hininga ng mga nakapagsukat at nakuntento, sa ngayon, sa bagong biling bersiyon ng sarili. Salamat miss, sabi ko, at hindi na siya kumibo. Tumalikod na lang at nawala, sa gubat ng mga hanger at damit.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment