Wednesday, August 27, 2008

Student Loans

Kasesend ko lang ng personal na mensahe sa dati kong estudyanteng umutang sa student loans ng UP noong 2005. Tubong Silangang Samar ang dati kong estudyanteng ito, na noo'y bakas sa mukha't pangangatawan ang paghihikahos. Working student siya sa mga panahong iyon, kaya hindi ako nagdalawang isip na tulungan siya sa kanyang kagipitan. Pero kagaya nga ng sinasabi sa Florante at Laura, mag-ingat sa mga taong magigiliw ang bukas ng mukha. Pagkatapos niya ng kurso sa Malikhaing Pagsulat, exit frame na rin sa responsibilidad sa pautang. Naiwan ang guro na magbabayad. Sa tingin ko, hindi tama ito. Masidhi ang naramdaman kong inis kanina, nang makatanggap na naman ako ng notisyo galing sa unibersidad na nagpapaalala sa aming mga bayarin. Nakakainis ang kapirasong papel na iyon, na alam kong nanggaling rin sa opisinang hikahos rin, batay sa itsura ng pagkaka-imprenta. Dot matrix pa ang ginagamit na printer habang talamak na ang laser printers sa paligid.

Nakalulunos na ito pa ang ibinubunga ng pagkukusa ng mga gurong makatulong sa mga estudyanteng nangangailangan. Kamukat mukat, nang tiningnan ko ang Multiply site ng nasabing estudyante, nakakagimmick pa siya sa Eastwood at pumupunta pa sa konsiyerto ni Alicia Keys. Halatang ito na ang lifestyle ng mga nagtratrabaho sa callcenter. Kahit ang wikang nakasulat sa kanyang personal na blog site ay Ingles na. Salamat naman at kahit naninigas ang estilo'y hindi naman pumalya sa grammatika. Nakuha ko pang mag-alala sa pagkalamog ng banyagang wika, sa lapat ng isang kamalayang minsan ko ring naturuan ng Panitikan at Pagsulat sa kanyang kabataan.

Mas malala ang nangyari doon sa isa ko pang tinulungan. Ni hindi ko ito naging estudyante, pinsan siya ng naging estudyante ko, na hindi ko na matandaan ang pangalan. Sinubukan kong halughugin ang hinayupak sa mga search engines na taglay ng cyberspace, pero para akong naghanap ng initsang classcard sa limbo. Provincial address ang nakasaad sa papel. Sa Binangonan Rizal. Sa presyo ng gasolina ngayon, aabutin siguro ng anim na raan ang isang sadyang pagpunta doon, na walang katiyakang makasisingil, o kahit ang identipikasyon na doon nga talaga nakatira. Leksiyon ito sa hindi pagtitiwala. Leksiyon ito na masakit sa bulsa.

Lumalabas na hindi ako nag-iisa sa kalagayang ito. Ang isa, sabi niya sa akin, kaibigan pa raw niyang matalik ang bata (sa akala niya) dahil madalas itong tumambay sa kanyang sulok sa opisina, nakikisagap ng balita't tsismis, nakikiload pa. Iyon pala'y tatakbuhan rin ang nagmabuting loob na kawani. Gayundin ang nangyari sa dalawa ko pang nakausap na guro. 'Yung isa, nagtiwala sa apelyido ng isang pinagpipitaganang manunulat, sa pag-aakalang ang anak nito'y marunong ring kumilala ng kompromiso. Sabi nu'ng isa pa, lumalabas na burgis 'yung pinautang niya't kayang kaya namang magbayad pero dinadaan sa kapal ng mukha ang paglimot. 'Yung isa naman, na guro sa dula at direktor, ay nakuha pang puntahan sa Cubao ang tirahan ng estudyante, para lamang matuklasan na sa loob ng mga eskinita'y naroroon ang angkang hindi na magkandaugaga sa gastos, wag nang banggitin pa ang magpaaral. Nagbiro ang huli na wala naman siyang nahita sa karanasan, kundi marahil pasakalye sa isang nobela. Pansamantala akong natawa, ngunit hindi naibsan ang ligalig at tanong.

Bakit hinahayaan ng unibersidad na makapagtapos ang mga nasabing estudyante na ito na hindi tumutupad sa kanilang mga pinangako. Bakit ang mga kawani at guro ang parurusahan para sa kapabayaan?

3 comments:

Louie Jon A. Sanchez said...

My God, Luna, it's been a while! Kamusta ka na, kapatid?

Fishgills said...

Okay lang ako. Nabalitaan ko ngang wala ka na pala sa DLSU. Medyo nalungkot ako doon. Pero naisip ko na kahit sa'n ka naman itapon, magsusulat at magsusulat ka pa rin. Nawala ko na rin 'yung phone ko na may contact mo kaya hindi na rin kita natatext.

Louie Jon A. Sanchez said...

Email mo ako kapatid. louiejonasanchez@gmail.com. Doon tayo magkuwentuhan.