May giyera nang nagaganap ngayon sa pero heto pa rin ako sa aking sinusulat, tila walang pakialam. Ang totoo, napakadaling husgahan na tila hindi ako apektado sa mga nangyayari. Pero nakikini-kinita ko na kung saan ito posibleng humantong, gaya ng nakahihilong pag-uusap ng aking ina kasama ng aking kapatid. Diversionary tactic ang gulo para ipasok na naman ang isyu ng cha-cha. Minsan iniisip ko kung may lalala pa ba sa kanser na ito sa paligid, kung may bansa pa ba sa planetang ito na mas lugami. At alam ko namang mayroon. Mga ethnic cleansing sa iba't ibang bahagi ng Africa kagaya ng Somalia't Nigeria. Hindi pa naisasama ang gulo ngayon sa Georgia't Russia.
Ito ba ang dahilan kung bakit takot na takot akong pagkatandaan ng aking anak ang panahon ngayon? Ngayon pa lang, tila nanggaling na siya sa ibang planeta. Ayaw magbasa, ayaw gumawa ng homework, ayaw makialam. Mundo niya ang SIMs -- kung saan ikinaaliw niya ang paglikha niya ng mga weirdong tauhan na basta namamatay o pinapatay ng kung anumang estupidong dahilan. Mundo rin niya ang Dota. Baril, bomba, enemy missions. Kapag binuklat mo ang kanyang textbook, mga graffiti ng baril at binalbasang mga mukha ang makikita mo. Hindi ko na babanggitin ang mga mura at ang mga pagtatangkang lumikha ng rap song lyrics.
Sa maraming mga indikasyon, anak ko nga siya. Taglay ang tigas ng ulo, angas, at ang kumbiksyong babasahin lamang ang kung ano basta may silbi't pakinabang ito sa kanya. Pero kahit na nakikita ko ang sarili ko sa kanya, minsan, gusto ko na siyang ipaampon. Gusto ko nang idonate sa science. Kakatwa, kasi ang batang ito ang pinakamamahal ko. Siguro nga, ito na ang re-interpretation ng Frankenstein ni Mary Shelley. Hindi natin kailangang magkabit kabit ng mga body parts ng mga bangkay para lumikha ng halimaw. Kailangan lang nating maging mga mapagpanggap, mapanuri, at malulungkuting mga ina. Yes, nakikini-kinita ko na ang mga pagkalaglag ng mga panga -- lalo na para sa mga naniniwalang ang pagiging ina ang pinaka-fulfilling moment ng pagiging babae.
Isipin ninyo: kung walang katiyakang mareresolba ang problema sa Mindanao, kung pabulusok nang pabulusok ang piso, kung ang mga taong nakaupo ay walang pakialam sa paghihikahos ng mga pinamumunuan, at ang mga tao'y patuloy lang sa mga buhay nila ng tahimik na desperasyon, mag-aanak ka pa ba?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment