Tuesday, February 19, 2008

Unang Labas sa Telebisyon

Inakala kong napakagandang imbensiyon ng cellphone. Ito ang bukodtanging gadget na makatutulong sa iyo na hanapin ang isang nilalang mula sa angaw angaw na mga tao, parang pagsusuyod sa karayom sa dayami. Sa kasamaang palad, ang gadget rin palang ito'y para ring kuliling na nakasabit sa alagang hayop. Nababatid ng may-ari kung nasaan si Muning. Ibig ko sanang lumikha ng pader sa ibang tao gamit ang aking cellphone. At inakala ko ngang ito ang sagot sa pinakaasam na privacy. Kaso, kahit ibilin mo sa ibang mga kaibigan na huwag na huwag ibibigay sa ibang tao ang iyong number, makakalagos at makakalagos sila sa iyong balwarte ng pagbubukod.

Karaniwang umaga lamang kanina, Pebrero 20. Nawala na ang halumigmig ng mga umaga noong Nobyembre hanggang Enero, unti-unti nang nagiging maalinsangan.

Kahit hindi ko iset ang alarm ng orasan, kusang nagigising ang aking katawan na akala mo'y nakarinig ng sipol. Kung hindi makabangon ng alas tres ng umaga para makapagsulat, babangon ng alas sais y medya. Nakapagpainit na ng tubig at nakapagsaing si Des, nainit na rin niya ang hapunan para gawing agahan.

Kakatukin ko na sana ang silid ng aking anak, pero lumabas na rin ito ng kusa, pabiling biling ang mga daliri sa sinturera ng boxer shorts, palatandaang iihi muna. Sapagkat natantiya ko na ang ugali ng anak kong parang kaning nag-iinin pa sa kaldero sa paggamit ng banyo, tumungo na ako sa isa pang banyo para doon na maligo't maghanda. Nakabihis na ako pero kaliligo pa lang ng bata. Naikukumpara ko tuloy ang liksi ng aming mga kilos noon, noong hinahatid pa kami sa eskuwela, dahil ilang beses na naming natutunan na kapag hindi ka pa nakasakay sa kotse ng eksaktong alas-siyete, iiwanan ka. Kesehodang hindi ka pa nagsusuklay o may bula pa ng toothpaste ang nguso mo. Ngayong ako naman ang namamahala ng pagbibihis ng aking anak, hindi ko mapigilang maalala ang mga umagang disiplinado ang kilos sa tikatik ng oras. Wala talagang pakialam ang anak ko kung otso minutos na lang o otsenta minutos pa. Parehas lang ang oras -- maaga pa.

Binulyawan ko na ang bata, na kahit si Bert napatalon sa timbre ng boses ko. "Kailangan mo pa ba'ng gawin 'yan?"
Bakas sa likod ng aking asawa ang isang liwanag na galing sa mga tagapagtanggol. "Oo. Kasi, walang gagawa."
Noon, nasusuklam ako sa ratsada ng mga paalala na magmadali. Iba pala talaga kapag alam kong kasing kritikal ng pagpatak ng bawat segundo ang paghulas ng isang binitiwang pangako, ang pamamaalam ng isang opportunidad.

Ito ang eksaktong tumakbo sa isip ko noong tinitingala ko na ang mga baging ng punong balete na nasa loob ng Fernwood gardens, ang television studio na aking pinuntahan. Lumilipad talaga ang oras, kagaya ng pangangapal ng kalyo, kagaya ng paghaba mismo ng hibla ng mga baging ng mga punong nasa hardin na iyon. May kurbadong kisame ang espasyo, nakakapagpaala sa isang gymnasium, na may hardin sa loob, may pond na pinaglalanguyan ng iba't ibang kulay ng mga koi. "Aba, may totoong swan pa! At ang gaganda ng mga halaman..." iyon ang aking sinabi sa aking kaibigang si Dinah Roma, na katulad ko ri'y maiinterview sa araw na iyon.

Ngumingiti lang si Dinah, marahil ay natatawa sa aking tuwa sa mga halaman. Dala niya ang kopya ng kanyang aklat ng mga bagong tula, nakapagdala rin siya ng cd, at biodata. E ako? Doon ko lang namalayan na kuwarenta'y uno anyos na ako pero parang elementary student pa rin na nakalimutang magdala ng artpaper o glue, pati ang baon ay naiwan sa schoolbus. Hindi na lang ako nagpahalata ng aking pagkatigatig, at sinulat ko na lang sa papel ang ilang detalye ng aking biodata. Masuwerte ako't matalas ang natapat na host sa akin, si Izza. Nagawa niyang imaneho ang pag-uusap namin sa lebel na magiging kumportable ako sa aking sinasabi, parang pakiramdam ng paghaplos sa paboritong upuan o unan.

Kusa ring lumulubog sa hulmahan ang lahat ng impormasyon ukol sa aking pagsusulat -- na ako'y nagtuturo, na naranasan ko nang maging delegado sa mga kumperensya, na heto ang aking mga premyo, at ito ang aking libro. Pero para akong palaka na nagpapalaki ng sarili sa paglilista ng aking mga nagawa. Klaro, sa mukha ng television host na kumakausap sa akin, na pagkaraan ng interbyung iyon ay baka hindi na niya ako maalala dahil sino ba ako? Kaya kahit papurihan niya ng, "that was brilliant, bravo!" ang mga binasa ko, tila napakalaking puwang pa rin ang namamagitan. Una, hindi niya naman naunawaan ang wika. Kabayaran marahil ng kanyang naging pagpapalaki. Kutis pa lang niya, alam mong ni hindi siya nagprito ng kahit isang piraso ng daing sa buong buhay niya. Naiinggit ako sa puting kinang ng kanyang mga ngipin, at bahagya akong nalungkot sa mga -- nakakatawa -- nalimas kong mga bagang, sanhi ng panganganak, sanhi ng pagtanda. Kasing liit ko ang ngiping bulok na hinugot na iyon.

Siniguro ko na banggitin sa interbyu na iyon ang pangalan ng lahat ng nagturo sa akin ng mga leksiyon sa panulat -- kay Villanueva, kay Almario, kay Tinio, at kahit sa pahapyaw, sa aking ama. Ngayong rinerebyu ko sa aking diwa ang aking mga napasalamatan, nagtataka ako kung saan napunta ang leksiyon na lagi kong binibigay tungkol sa pagkakapantay pantay na turing para sa mga babae't lalaki. Muli, nakalimutan ko na naman ang aking ina, na nagtiyaga sa aming pagpapalaki. Nakalimutan ko ang aking lola, na nagturo sa akin na hindi kasuklaman ang pagiging mapagmahal sa sarili. Nakalimutan ko sina Rosario Cruz-Lucero, Joi Barrios, Lilia Quindoza-Santiago, Benilda Santos, Rose Torres-Yu, at si Cristina Pantoja-Hidalgo. Pasintabi sa mga nagturo sa akin ng kaliwanagan, mula sa mga kahanga-hangang mga babaeng ito.
Sa huli, hindi ko rin alam kung nagkasaysay ba ang maiksi kong tv appearance. Masaya ang karanasan. Kahit pa sabihing token gesture lamang iyon ng isang network ng gobyerno. Kahit pa sabihing hindi naman ako ang pinakatampok, ang pinakamagaling na makatang babae. Masuwerte. Ako. Sa pagkakataong. Ibinigay. Pinuputol putol ko ito na parang pagtitipid ng isang minatamis na ibig ko pang malasahan ng dahan dahan.

At ano raw ang maipapayo ko sa mga kabataang ibig magsulat? Muli, lumabas ang mga sagot na parang mga handang monoblock chairs sa isang bertdey party. Ang maniwala sa sariling kakayahan. Ang magpatuloy. Ang magbasa. (At nakalimutan ko -- ang makinig, ang magmasid, ang makisangkot. Parang asiwang sabihin 'yung huli, parang masyado akong nagpipilit na mukhang kritikal.)

Pagkaraan ng interbyu, uwi sa bahay, turo. "Baka naman po maari kayong magrekomenda ng iba pang mga makata?" tanong ng batambatang producer. "Aba'y dapat lang, para makilala rin naman nila ang iba pa," sabi ko. Naniniwala ako na maganda ang hangarin ng programa. Kahit na bumabangga ang pagkakataon sa pagbulwak rin ng mga sunod sunod na eskandalo. Kailangan pa rin talaga ng mga mas mahahabang exposure sa kultura't sining. Malaki sana ang magagawa ng bilyong pisong komisyon (daw) ng isang taong gobyerno kung inilagak na lamang sana sa edukasyon, o sa sining. Sana, maabutan ko pa ang panahong binabasa nga talaga ako, binabasa nga talaga kami. Samantala, umaandar lang muna ang pangarap na ito sa mental na pagbabalanse ng sarili gamit ng internal na monologo: Pagkaraan ng turo, uwi. Matutulog. Maramot na ipagtatanggol ang oras na matulog, kahit isang oras lamang.

Isang oras para pagmunihan ang kahulugan ng espasyong iyon, at ang saysay ng pagtungo ko roon -- sa gymnasium na hardin na may kongkretong sapa, may sisne at koi. Pinauupahang espasyo sa mga maiiksing kumustahan. Hindi ko na hinintay ang interview segment ng isang babaeng nasa kongreso. Dumating siya, may kinse o dalawampung minutos siyang nahuli, nakasemi formal na asul na damit, parang dadalo sa prom. Magiliw siyang kumaway at ngumiti. Napakagat rin ako sa rahas ng aking pagbabasa sa kanyang identidad. Baka ako'y binasa naman niya bilang tindera ng tinapa na naligo lang ng kaunti.

Tunay, hindi mo masasabi ang patutunghan ng mga daliring itong tumitipa sa keyboard ngayon. Hindi neutral ang ikinikilos ng kamay. Sana -- naging maayos, naging makatuwiran ang paggamit ko ng mga kamay, ng utak, ng sensibilidad.

Saturday, February 16, 2008

Psychosomatic

Hinihika na naman ako. Hindi na naman ako makahinga, makatulog. Uminom na ako ng gamot. Lumuwag na ang paghinga ngunit nanginginig naman ang aking mga daliri. Naluluha ang mga mata ko. At hindi na nawala ang sipon. Dati, noong hindi pa ako nakakagamit ng nebulizer, ang hika ang kasama ko sa puyat. Bigla kong naalala kanina, noong pinahiga ako ni Bert sa kanyang tiyan, kung paano ba 'yung ginagawa ko sa tuwing inaatake ako ng hika noong bata pa ako. Natatandaan kong gising na gising ako, sumuko na sa pagtulog na nakaupo, nakatihaya, nakapamaluktot, akala mo'y asong naimpatso. Samantala, habang lumuluwa na ang aking mga mata sa pagod, tulog na tulog silang lahat. May lagusan ang bahay sa Project 6, 'yung partisyon kung saan kami nakatira. Derecho ang lagusang iyon sa kumedor ng bahay ng lola ko. Sisilip ako doon sa ref niyang malaki. Kakatwa, nahihimasmasan ako sa lamig ng ref. Walang kalaman laman na pagkain. Puro mga botelya ng tubig. Minsan, nakatsamba ako sa isang botelyang may laman na Sprite. Lem-o-lime pa yata ang tawag nila doon, sa panahong ang orange soda ay may real pulp bits pa. Grabe, ang saya ko sa pagkakatagpo ng isang botelyang mukhang tubig pero soda pala. May tumba tumba ang lola ko na nakapuwesto sa sala. Doon ako umuupo. Doon na ako makakatulog. May isa pa akong biglang naalala. Minsan, sinubukan kong maglayas. Wala lang. Ang tagal tagal kong nasa loob ng banyo, hindi ako gumagalaw. Tinitingnan ko kung hahanapin ba ako. E hindi. Noong mag-aalas dose na, lumabas ako ng bahay. Talagang pasakay na ako ng jeep. Bigla akong natakot. Bumalik ako. Naglayas ako nang walang nakapansin. Nakakatawa. Noong nagbibisikleta naman akong muli, nahagip ko 'yung eksaktong damdamin ng paglalayas na walang nakakapansin. Sinubukan kong magbike ng alas tres, alas kuwatro ng umaga. Actually, nakakatakot pala ang pag-iisang iyon. Nasa kanto na ako ng isa sa pinaka-dinadaan daanan na sangandaan -- 'yung sa hugpungan ng Molave, Engineering. Nakatuwaan kong umikot ikot doon na akala mo may cloverleaf. Kalaunan, nagsawa ako. Bigla rin akong kinabahan. Parang naalala ko 'yung desolate atmosphere sa pelikulang Vanilla Sky. Noong nananaginip si Tom Cruise na nagmamaneho siya sa New York city, at ang liwa-liwanag ng paligid, pero ang tahi-tahimik at walang katao tao.

Hindi ko na inulit 'yung adventure na 'yun. Dahil noong sinubukan ko rin ulit na magbike, kamuntik na akong tumilapon. Nangyari ito noong 2005 siguro, sa may sulok ng Admin, malapit sa CMC, at katapat ng Music. Galit na galit 'yung cyclist na kamuntik kong mabangga- head on collision na talaga kung sakali. "E putek, you're in wrong lane," sabi niya. "E gago ka pala e," sagot ko. At tumalilis na ako sa ibang direksiyon. Hindi ko na nakita 'yung cyclist, at hindi ko na rin siya mamukhaan, kasi pare-parehas ang itsura't build ng mga cyclist na umiikot sa oval. Para silang mga uwang na nakabisikleta. Mga uwang na matapos magbisikleta'y tatambay sa kiosk at maninigarilyo. Naweweirduhan nga ako sa gawi nilang iyon. Bakit pa sila nag-abalang magbisikleta kung pagkatapos lang ng lahat ay magyoyosi lang? Siguro, patuloy pa rin sa ehersisyo ang cyclist na iyon tuwing umaga, pero ako, nawalan na ako ng gana, kinabahan sa sarili kong death wish sa pagbibisikleta.

II.

Nawalan si Bert ng toolbox. Dati, nasa isang kuwarto lang iyon. Katabi ng emergency light. Dahil nga ang bahay namin ay pinagsanib na talyer at library, inakala kong naroon lang iyon sa sulok na iyon dahil -- toolbox lang -- kagaya ng mga libro -- andiyan lang. Isang araw, hinalughog na ni Bert ang mga gamit niya. Hanap siya ng hanap, binulabog niya ang kapatid niyang si Des, tumawag rin kay Ex sa Marikina, nagbabakasakaling ipinatago niya ang toolbox doon. E wala. Tapos, naalala niya na kung kailan niya huling ginamit ang toolbox na iyon. Noong ipinadala ni Nick ang mga ibang tools galing Amerika. Sa sobra niyang tuwa noong araw na iyon -- Disyembre 23 iyon ng 2007 -- baka raw naipamigay niya ang laman ng toolbox. So tiningnan niya sa bago niyang kahon. Naroon nga ang ilang gamit, pero maraming nawala.

Kung mahalaga sa akin ang bawat libro dito sa bahay, mahalaga para kay Bert ang tools niya. Noong makabalik siya galing ng Dubai, ipinagmayabang niya sa akin ang mga naipundar niyang mga tools. Akala mo ako, noong galing sa mga biyahe, ipinagmamayabang ang mga naipamiling mga libro. 'Yung pakiramdam kasi noon, parang galak na galak ka na kahit munti lang iyong bagay na naiuwi at kahit na wala ka namang pera'y may nabili ka rin naman ng para sa iyo.

III.

Ang dumi ngayon ng bahay, kung baga sa tao, hilamos suklay na lang ang hitsura, hindi na nakapaliligo. Hindi na muna niya pinapupunta sa bahay si Aling Gondina. Ibig niya munang maresolba kung saan ba niya nailagay ang mga tools bago siya magbintang. Dito na kami nagkakaiba ng malaki ni Bert. Ako automatiko na nagiging prangka sa ibang bagay pero pagdating sa pagtatanong ng deretso kung nasaan na ba ang gamit na nawawaglit, napipikon ako dahil nakakaramdam ako ng guilt, na para bang ako pa ang kumuha. Pero paulit ulit na rin na napapatunayan na may kinukuha, "hinihiram". Kung minsan, kapag sinusuwerte na tamaan ng konsyensya, binabalik. Pero kapag tinamaan ng toyo, sinisira. Kapag na-amnesia, wala nang solian, akala mo linulon ng limbo. At dito na rin ako humahanga sa disposisyon ni Bert. Hindi niya pinagkakait ang benepisyo ng pagdududa. Tingnan muna kung naririyan, bago mamintang. Palibhasa'y lumaki ako sa bahay na para hindi mo matikman ang hagupit ng bintang, walang bagay kang maaring galawin nang hindi nagpapaalam, walang bagay na maaring gamitin na hindi sa iyo. Kahit na ano pa iyon, lalong lalo na ang mga bagay na nakapatong sa mesa, lalong lalo na ang mga bagay na pribado.

Sa isang programa sa tv kanina, ipinakita ang isang social experiment na isinagawa sa mga karaniwang tao. Tipong may maglalaglag ng pera sa kalsada, o mag-iiwan ng cellphone sa tricycle na sinasadya. Doon na nakita ang performance ng tao sa pagsusulit. Ang daming bumagsak. 'Yung aleng nagwawalis ng kalsada, nang makita ang balumbon ng limang daan, agad itong inapakan, at saka pinatungan ng bag. 'Yung tricycle driver na nakakita ng cellphone na "nakalimutan" nagmaang-maangan sa pasaherong hinahanap ang nawaglit. 'Yung bantay sa botika huling huling binubuksan ang kaha ng perang naiwan sa ibabaw ng counter. Tinotoo ng bawat isa sa kanila ang kasabihang finder's keepers. Nakalma nila ang mga sarili na hindi naman nila kinukuha ang hindi nila talaga pag-aari, dahil napulot lang naman nila ito. Sa parehas na palabas, ipinakita rin na may mga nakapasa. Binabalik ang pera, ang cellphone, ang kaha. Napaisip ako sa kahulugan ng resulta ng social experiment na iyon. Ang sabi ng programa, hindi naman daw intensiyon ng experimento na ipakita kung sino ang mga marurupok o salat sa buhay. Dahil ang pinili nilang pag-experimentuhan ay ang karaniwang tao, ang C-D class ang nakasalang sa kanilang petri dish. Pero what if isasagawa ang parehas na experimento sa mga iniikutan ng mga mayayaman o may kaya? Halimbawa, mag-iiwan ka ng balumbon ng limang daan sa CR ng gym, cellphone sa mesa ng isang bar, o laptop sa isang internet cafe gaya ng Starbucks. Sisikwatin rin kaya ito? Makakakita ka kaya ng isang pasosy na nagygym, 'yung tipong ang linis ng skin tone sa kakaspa, na tatakpan ng gym bag ang balumbon ng pera? O isang tsinito na pasimpleng kukunin ang cellphone sa counter at ibubulsa? Ibabalik pa ba ang apple G4 ng isang guwapong boylet na cono ang dating?

Siguro oo, siguro hindi. Pero napaisip lang rin talaga ako sa piniling base ng experiment, na kahit hindi siguro intensiyon na paratangan na mga mahihina ang mga mahihirap ay naipapakita pa rin itong "ugaling" ito. Bakit, hindi ba nagkakaroon ng mga insidente ng white collar crime dito sa Pilipinas? Gaya na nga ng ipinapakitang mga expose ng mga iba't ibang tao, na ang latest ay 'yung kay Lozada, nasa taas ang sulak ng amoy ng kabulukan. Kumbaga sa bahay, madaling pagbintangan ang mga katulong dahil alam mong halos gumapang sila sa pagtawid nila sa buhay sa araw araw, pero paano kung ang mga amo pala ang experto na sa laro ng padding ng mga accounts, o sa pakikipagsabwat sa mga deal na bumubukol ang kanilang kasakiman?

Kung mayroon mang matibay na dahilan kung bakit panahon na ring pag-isipan na ng mabuti ang pag-alis sa bayang ito, iyon ay ang pangambang baka ang kalakhan ng mga bata ay ang kamalayang ok lang ang corruption, nasa paligid na naman kasi ito, parang carbon monoxide na binubuga ng sasakyan, o parang vetsin sa pagkain na hindi na maiwasang makain, kahit sa fastfood o sa bahay. Kung endemiko na ang corruption sa buhay natin sa araw-araw, aba, hindi na ako magtataka kung balang araw, sa halip na tukuyin natin ang gene mutation sa kinakain o sa hinihinga'y may bodily symptom na rin ang corruption. Tutubuan kaya ng pigsa ang mga palad na makakati? Luluwa kaya ang mga mata ng mga nasanay sa pagsilip ng mga numero't pagdagdag ng mga zero sa mga resibo? May partikular kayang pagtaba na susulpot na hindi masabing dahil lang sa fastfood cravings kundi dahil sa fastcash cravings?

Hindi ko sinasabing malinis ako sa mga punang ito. Hindi ko rin sinasabi na ibig kong iwan na lang ang Pilipinas. Ito pa rin ang bayan ko, at wala pa akong napuntahang lugar na masasabi kong ibig kong doon na ako, doon na kami. Alam kong makararanas kami ng diskriminasyon sa ibang bansa. Nakita ko na kasi ito mismo, naranasan mismo, na napaka-subtle, halos hindi mo maramdaman, pero magiging malay ka na ikaw pala ay binasa alinsunod sa stereotype. Pero may mga periodical na sumpong ako ng pangangarap na makaalis, kagaya ngayon. Sinimulan ko ang pagmumuni sa hika at dito ako nakarating. Napaisip kasi ako na baka ang mismong kalagayan ngayon ng bayan ang lumilikha ng allergen na nagtutulak ng psychosomatiko kong hika.

Wednesday, February 13, 2008

Luma't Bagong Balat

Maraming mga tao na takot sa ahas. Ako mismo, ayaw ko. Pag pinanonood ko ang ahas sa telebisyon, nabibighani ako. Isipin mo ang disenyo ng mga buto, ultimo ang galaw ng bawat masel, habang lumilingkis ito sa sanga ng puno o gumagapang sa buhangin. Pero ang higit na attraksiyon sa akin ng hayop na ito ay ang pagpapalit mismo nito ng balat. Peryodikal itong maghuhunos, at iiwan ang bakas ng luma niyang sarili. Iiwan ng basta, walang lingon-likod, wala nang mg angst. Nang matapos ko na rin ang sinusulat kong manuskrito noong Abril 26, sa ganap na 3:08 ng umaga, hindi ko mailarawan ang lugod at luwalhating naramdaman ko. Alam ko marami pang imperpeksiyon ang teksto. Pero ngayong naipalaot na ito, may sarili na itong buhay. May sarili na rin itong balat na maaring paghunusan.

Ngayon, haharapin ko naman ang introduksiyon. Nawalan na ako ng oras sa ehersisyo. Nawalan na rin ng panahon para asikasuhin ng maigi ang anak. Ngayon, nasa mga lola niya ang bata. Na maganda na rin, para tumibay naman ang kanilang ugnayan nang higit pa. Binasa ko ang Sampaksaan ng mga Nobelistang Pilipino, isang seminar na naganap noong 1969, at linimbag noong 1974. Napakinggan ko ang tinig ng mga matatandang nobelista na kagaya ni Inigo Ed. Regalado, Fausto Galauran at Nieves Baens Del Rosario. Isang nagngangalang Vito Santos ang nagkuwento ng matinding reaksiyon niya sa ginawang paglapastangan ng isang graduate student sa trabaho, at representasyon ni Lope K. Santos. Binasa ko ang sinipi niyang offensibong talata. "...the researcher, after numerous inquiries, found the novelist in a crowded section of Pandacan, living with a woman in a squalid and crummy one-room house behind a small movie house."

Nagbago na nga ang panahon. Hindi na big deal ang ginawang offense ng nasabing mananaliksik. Sa totoo lang, tagisan lang marahil ito ng dalawang nagbabanggaang ideolohiya: ang manunulat bilang tao na nabubuhay sa real-time-space at ang manunulat na buhay sa mga pahina ng teksto, ang paham na tinig na hindi maaaring lapastanganin. Kahit ang obserbasyon ni Baens Del Rosario ukol sa representasyon ng mga bidang babae ay malaki na rin ang ipinagbago. Higit na mapangahas na ang pagbuo ng mga babaeng tauhan sa fiction ngayon, at hindi ko lang basta tinutukoy rito ang eksperimentasyon sa sex. Binabatak na ng mga babae sa teksto ang mga pamantayan ng moralidad, higit na rin nitong iniinterrogate ang mga dating sukatan at parametro ng pagiging babae.

Salamat at may mga paghuhunos rin tayo sa kritikal at malikhaing pamantayan.

Monday, February 11, 2008

Palapit na ng palapit ang deadline. At hindi ko pa rin alam kung may saysay ba ang lahat ng sinusulat ko. Sa aking tainga ngayon, tumutugtog ang Celtic Dance. Pinatutugtog ko ang mp3 player para hindi ko marinig ang pag-ungot ng aso. Sana, hindi nagising ang bata nang kaninang makabangon ako para tuloy tuloy ang kanyang pahinga. Sana gayundin sina Bert at Des. Inaagaw talaga ng araw-araw na alalahanin ang enerhiya sa pagsusulat, at kung minsan, hindi, madalas, parang ang sarap na lang na sumuko at maging kampante. Inaagaw rin ng mga pangyayari sa Senado ang aking attensiyon sa aking ginagawa. Hindi ko mapigilang mapaisip sa kung saan hahantong ang ginawang paglalantad ni Lozada -- siya ba ay kinidnap o prinotektahan? Kinidnap, ito ang malinaw, ang mas kapani-paniwalang "kuwento". Mukhang napipikon na siya't nagiging emosyonal sa daloy ng imbestigasyon, kaharap niya na mismo ang mga taong kasangkot. Nakakapagod ang paulit ulit na pagtatanong at veripikasyon. Mekanismo ba ito ng panonood ng isang talking heads na telenovela? Epekto ba ito ng walang katapusang mga expose? By product ba ito ng pagtanggi na ng kamalayang sakyan ang napapanood, dala ng paulit ulit na lang na paglalantad, paglalantad, pero wala namang resolusyon? Sa isang aspekto, ang napapanood kong pangyayari ay kahawig ng narrativity na tinatahak ng aking sinusulat.

Deskripsiyon ng tagpo, deskripsiyon ng nakaraan ng tauhan, engkuwentro, pero wala pang pagtutuhog. Paano kung ang paraan ko ng pagkukuwento ay naging dysfunctional na sanhi na rin ng kakulangan ko ng oras para pagtagpiin, kakulangan ng tiyaga para repasuhin ng maayos? Paano kung ang narrativity ng mga expose at kabuuang dysfunctionality ng lipunang kinapapalooban ko'y tumagos na sa aking pagkukuwento, sa lohika't likaw nito?

Totoo rin ang sinabi ng isang kaibigan na nagworkshop ng isa sa mga nasulat kong kabanata. Lubha siyang naging interesado sa kahihinatnan ng kuwento ni Antonio. Natuwa siya sa dayalogo, sa laglag ng mga detalye sa Dubai. Pero noong nasa bandang huli na ng kabanata, sinabi niyang baka nagdurusa ang kuwento sa estilo ng pagkukuwento. Baka kapag kinuwento ito na hindi na stylized ay mas maging mabisa pa. Naaasiwa siya sa estilo kong paglalarawan, paglalarawan, balik sa nakaraan ng tauhan, atbp. Hinihintay niya ang salpukan. Hindi ko na nasabi sa kaibigan ko na ang laki pa ng agwat ng tubig na kailangang malangoy para makarating sa kabilang pampang. Totoong kailangan ng salpukan, at itinatanim iyon, hindi basta basta pinapasak. Sa ngayon, sumisinghap singhap pa rin ako sa gitna ng dagat, malapit na akong mangalay sa kapipisag ng mga binti't mga braso. Unti unti na ring bumibigat ang realisasyon -- nasa labas ang tunay na kuwento, ang buhay ang mas malaking narratibo.

Naiinggit ako sa kondisyon ng iba kong kakontemporaryo. Si Jun Abdon Balde, nakaka-apat na nobela na. Apat! Retired na siya sa kanyang trabaho bilang civil engineer. Pa golf golf, pasulat sulat. Pa attend attend ng booklaunch, exhibit. Lagi niya akong sabayang kinukumusta't inaalaska. Si Jun Cruz Reyes. Na katulad ko ring guro, at magulang. Dati, umuuwi pa ng Bulacan, pero kinakaya ang araw araw na biyahe. Nakakasulat ng tuloy tuloy, nakakapuyat ng tuloy tuloy na hindi naapektuhan ang pagtuturo. Natapos na raw niya ang biograpiya ni Amado V. Hernandez. Gumuguhit muna siya ngayon, at tuloy tuloy rin ito. Si Joi Barrios. Na nasa Boston na, nagtuturo ng mga Philippine literature at Philippine Studies subjects, paluto luto, kuntento na sa routine ng pagiging guro't maybahay. Si Alvin Yapan, na kapapanalo lang ng premyo para sa kanyang indie film, at malamang, masigasig ring nagtatapos ng kanyang nobela, hindi napupurol ang talas, cool pa rin. Gayundin si Egay Samar. Busy sa paggabay sa Heights, nagsusulat, at heto nga't nag-aalok ng publikasyon para sa mga nobelista. At kahit hindi ko siya talaga nakilala ng personal, isinasama ko na rin ang pangalan ni Bob Ong, na taon taon ay may nailalabas na nobela (o sasabihin ng ibang mas teknikal at maselan, novella), at lagi itong binibili't alam ng mga kabataan.

Mismong ang anyo ng nobela ay problematiko na sa panahon ngayon. Kung sumusuong ako sa tinaguriang pribadong kasaysayan ng mga bayan, ang pagmimina pala ng karanasan at pagpapanday niyon para maging kuwento'y saksakan pala ng dami ang hinahanap. Quasi encyclopedic nga. Protean ang anyo -- hindi lang salaysay o sanaysay, puwede kang maglagay ng dayalogo na parang sa dula, ng film script, ng ad, ng newsreel. Kahit nga music sheets. Hindi lang pala ito basta focus, talento. Bisyon! Sinusumpa ko ang naipataw na illusyon na sa tuwing sumusulat ka'y para mong hinuhuli ang pinakamatabang isda ng panitikan, ang Great Filipino Novel. Natatandaan kong may nasulat si Wilfredo Nolledo tungkol dito. (Ang galing ng mamang ito, hanep magkuwento, hindi na ito basta impluwensiya ni Rizal, sumasabog ang panulat niya, parang corncupia, parang kahon ni Pandora.) But then, bakit ko nga ba iniisip ang pamana ng tradisyon ni Rizal. He's tough act to follow. Siya, na awtor ng dalawang nobela (may isang hindi natapos), bayani. Grabe. Anong laban ko sa kanyang reputasyon? Ni wala ako sa kalingkingan ng kabayanihan niya, o ng kabayanihan ng marami pang iba, na hindi kinakailangang may mga pangalan at pinag-aaralan ng mga kabataan sa Sibika o Kasaysayan.

Pero 'yun na nga.

Dala ng iniwang pamana ni Rizal, kailangan ko bang sundan 'yun? Ang mga karakter na hubog sa mga Elias, Ibarra, Simoun, Maria Clara't Sisa? Siyempre hindi na. Na-update na ng mga pangyayari sa kasaysayan ang mga tauhan. Pero bakit namamayagpag pa rin ang mga kuwentong kutsero? (Hindi 'yung basta kasinungalingan ha, pero 'yung bulagsak na kasinungalingan.) Bakit may mga nababasa ka pa ring mga akda na ang sidhi ng damdamin ng tauha'y dinaraan sa pagbabantas, sa exclamation point! o sa ellipsis? Bakit uso pa rin ang mga kuwento ng katatakutan? Bakit bumebenta pa rin ang mga kuwentong may elemento ng mga aswang, tikbalang, duwende? (Exempt sa punang ito si Tony Perez, dahil siya pa lang ang nababasa kong gumagamit ng ganitong elemento na nagagawang ihulagpos ang paksa sa basta katatakutan lang. May ginagawa pa siyang iba -- social commentary (itatanggi niya ito) at psychological realism. Bakit kaya, sa kabila ng tagumpay ni Lualhati Bautista sa paghuhubog ng mga matatapang na tauhang kagaya ni Lea Bustamante'y hindi pa rin namamatay ang mga representasyon ng mga babaeng api, mangmang, at ganda lang ang puhunan? Bakit hindi pa rin binabasa ng karamihan sa mga kabataan ang mga Pilipinong manunulat at sa halip ay tinatangkilik nila ang mga bestselling authors ng ibang bansa? (Must we deny them that choice? Hindi naman. Nalulungkot lang ako na hindi nila kilala ang mga awtor at akdang Pilipino.)

Ang bisyon ni Rizal ay hindi pa rin naaabot, samakatuwid. Sa kabila ng tinatamasa nating "demokrasya" -- na tingnan mo't paulit ulit na hinahamon ang infrastruktura. Kunektado sa malawakang ginhawa ng nakararami ang pagkakaroon mismo ng panahon para magnobela, para makabasa ng nobela, para seryosohin ang sinasabi ng nobela. Nobela, na hango rin sa salitang nouvelle, new. Pero ang kabuuang tingin ng nakararami, lipas, baduy, makaluma.

May mga naging kasabayan akong mga nobelista na mula sa Sweden, Portugal, Netherlands. Si Joost Zwaggerman, ang huling balita'y naging television host. Si Rui Zink ay nakapagsulat na ng 14 nobela, at kasalukuyang bukas ang imbitasyon niyang dalawin ko siya at ang kanyang pamilya sa kanyang summer home sa France. Samantala, si Bengt Ohlsson ay nanalo ng prestigious August prize sa Sweden noong 2004, at bukod sa anim na nobela'y may mga dula rin siyang naitanghal. Hinihintay ni Bengt ang salin ko ng Makinilya. Nagawa na ito ni Marne Kilates. Pero kabado ako na hindi niya magugustuhan. Baka hindi rin makapasa sa pamantayan nila. Ewan. Kaya hindi ko pa pinapadala kahit natapos na ang salin.

Parang nobela na rin itong angas na ito.

Wednesday, February 6, 2008

Noong nabubuhay pa ako, lagi na lang akong may allergy sa kung ano ano. Hipon, pakpak ng ipis, balahibo ng aso, pollen ng bulaklak, sigarilyo. Dahil hikain ako, marami ang ipinagbawal. Gustong gusto ko mang mag-alaga ng mga pusa, hindi maaari. Ibig ko mang tumakbo nang tumakbo sa mga parang, makipagsabayan sa haragan ng aking mga kapatid, ay hindi pupuwede. Para na rin akong nagpasundo sa lalaking naka-itim. Ilang mga gamot na ang ipinasubok para gumaling ang aking kondisyon, mula oregano hanggang buntot ng butiking inihaw, mula hangin ng dagat at maraming pahinga. Nabuhay ako ng marangya, ngunit hindi ako sigurado kung nakatulong nga ba ito sa akin, o sa aking naging pamilya.

Sagana ako sa anumang imported na makakain. Huli na nang malaman ko na ang kinagigiliwan ko palang tsokolate ang puno't dahilan ng paninikip ng aking hininga. Mataas ang katungkulan ng aking ama bilang sundalo sa army. Dahil mayroon siyang medical degree, ang ranggo niya kaagad ay lieutenant. Sagana kami sa imported dahil imported mismo ang tatay kong Puti. Malawak ang aming bahay, laging puno ang aming tukador ng mga pagkain, gayundin ang aming freezer. Kami ang unang nagkaroon ng modernong kusina, ng mga unang modernong kasangkapan na nagpapadali ng gawain. Refrigerator, oven, electric stove, rotisserie. Elegante ang aming mga plato, antigo ang aming mga kubyertos, at lagi kaming may party sa bahay. Walang pahinga ang aming kasambahay sa pagluluto't pagbebake. Nakapaligid sa amin ang mga bodyguard. Tig-isa kaming mga magkapatid. Tungkulin ng mga bodyguard na bantayan kami sa lahat ng oras. Nagdalaga na nga ako sa barracks, sinuyo ng mga kalalakihang ang hinaharana'y mga marcha, isinayaw sa mga mess hall na pinalalamutian ng mga parolang papel. Masaya kapag bakasyon. Umaakyat ang buong pamilya sa Camp John Hay.

Kalaunan, isang sundalo ang napangasawa ko, si James. Isa siyang dentista. Kasalukuyan akong nagpapadental check up nang maisipan niyang ligawan ako. Ngayong naalala ko na ang mga sandaling liniligawan niya ako, natatawa ako sa ideyang napasagot niya ako habang nakanganga't nakahilata sa dental chair.

Tatlo ang aming naging mga anak: sina Anastacia, Frank at Fiona. Sa Murphy, Cubao lumaki ang aking mga anak.

Wala na 'yung bahay namin noon doon. Matagal nang giniba para tayuan ng condominium. Tinutuluyan na ngayon ng mga estudyanteng babae na naka-unipormeng puti, mga magnanars. Giniba na ang karamihan sa mga bahay na tinirhan ng aking mga kaibigan, ng aming mga kapitbahay, mula sa isang panahon. Nahalinhan na ng mga gusali -- naging mga bentahan ng surplus na kompyuter, bakeshop, sentro ng medical transciption, atbp. Nanatili man ang ibang mga institusyon, kagaya ng kapilya doon sa may 12th st., hindi na iyon kagaya ng dati. Noong nakakapasyal na ako, sa katayuan kong ito, tumatambay ako sa kapilyang iyon. Dati-rati, kinaaliwan kong titigan ang bintanang stained glass ng kapilyang iyon tuwing may misa. Mas nakatutok ang attensiyon ko doon kaysa sa tinig ng pari sa misa, dahil sa tama ng araw sa salamin. Ngayon, ni hindi na nasisilayan ng bintanang iyon ang araw, kung saan nakaluhod si Kristo sa hardin bago siya ipinako sa krus. Natatalukbungan na iyon ng rumaragasang anino ng tren, na dumaraan kada kinse minutos.

Kaya ako umalis doon. Nalulungkot ako sa sinapit ng aming bahay. Nalulungkot ako sa sinapit ng aming kalsada. Nakita ko kung paano nila minaso ang mga pader, sinapak ng bolang bakal ang mga bintana, tinabunan ng mga tambak ng simento ang lupa, pinatay ang mga hardin. Lahat ng pinaghirapan kong payabungin ay rinapak na nila't pinudpod, at anumang puno na natira'y matagal nang nakutkot ang mga balat at sanga para maging panggatong, pamatpat ng mga taong naninirahan sa isukwater sa tabi tabi.

Walang pakundangan ang pangangailangan, iyan ang aking nakita. Magmula sa labas ng bahay kung saan nasaksihan ko ang mga maliliit na eksena ng mga krimen at pagkakanulo -- walang pakundangan kung nasisilip ng malaking mata sa itaas ang kahayupan na pinagagawa. Sa mismong tahanan ko'y nakita ko kung paanong naging buwitre ang mga tao, kasama na ang aking mag-anak. Kinaon ng mga nagmamagandang mga kadugo ang mga kung ano anong bagay palibhasa'y pinaglumaan na ang mga tinipon. Agad agad ibinenta ng aking mga anak ang mga muwebles, ang mga appliances. Walang hinagap na magiging mas mahal ang halaga noon pagdating ng araw. Wala silang respeto sa luma, tingin nila'y ito'y bulok. May kinalaman marahil sa walang sinasantong paghuhugot ng ngipin ng asawa ko.

Agad agad nilang pinaghatian ang property. Nagkanya kanyang bili na ng mga gamit. Ang pinaka-praktikal ay si Anastacia. Kaagad itong nagtungo ng Amerika para subukang magturo. Mabilis siyang natanggap, palibhasa'y American citizen ang kanyang nuno. Ngayon, kumikita na siya ng malaki dahil naging school administrator, at may malaki siyang bahay sa Nevada't marami na siyang mga ari-arian. Hindi na siya nakapag-asawa.

Si Frank, linustay kaagad agad ang perang naging parti. Ipinambayad sa mga pinagkakautangan ng sugal. Ibinigay sa isang kumpare ang bulok na raw niyang Impala sa garahe, para hindi na siya kulitin sa utang. Nang magkamalay na siyang ubos na ang kanyang mana, saka niya binulabog ang kanyang mga kapatid. Doon niya kinulit si Fiona at ang kinakasama nitong kolonel. Awa ng Diyos ay galante ang kinakasama ng kanyang kapatid. Binigyan nito ng sapat na pera si Frank para makapaglibang na rin ng isang taon, at nagbuhay don ang sutil, buhos luho mula alak hanggang babae. Pagkaraan ng taong iyon, nang nalimas na ang pera, lumapit itong muli sa boypren ni Fiona. Pagkaraan ng ilang araw, hindi na nakita si Frank.

Noong una, inakala nilang dahil iyon sa mga tinatakbuhan niyang mga utang. May nagsabing baka raw nagtatago lang sa probinsiya, nagpapatakbo ng saklaan. May nagsabing para siyang nakita sa airport, pasakay ng eroplano, hindi paalis na pala sa paliparan. Nakita raw siya sa Hong Kong, hindi, sa Shanghai, nagshashopping. Dumaan ang ilang mga buwan, hanggang sa naging mga taon. Wala pa ring Frank. Sumuko na ang magkapatid na hanapin siya. Pero ako, alam ko kung nasaan siya. Naroon siya sa isang burol sa isa sa mga kurba ng daan patungong Taytay. Hindi na siya natagpuan dahil binuhusan na muna ng langis ang katawan niya bago siya sinilaban ng apoy. Mga tauhan mismo ng colonel ang gumawa noon. Inutos ng amo. Kasalukuyang nagniningas ang kanyang buhok, nang tinahak na ng Pajero ang pasalungat na kurba ng daan pabalik ng Maynila.

Mag-uumaga na ng rineport nila sa colonel na mission accomplished. Si Fiona? Matagal na napatulala sa pool. Ni walang luhang pumatak para sa sinapit ng kapatid.

Ang sabi nila, kapag nakarating ka na sa estadong ito, kung saan para ka na ring usok at para ka na ring amorseko, manhid ka na. Maari ka nang magsuot ng payong na gawa sa tubig, kaya mo nang lubirin ang hangin, ngunit walang makakakita, walang makakapansin. Maaari kang umumit ng mga bagay na maliliit, gaya ng asta ng mga mapaglarong duwende, pero hindi na nila mabasa ang iyong mensahe. Ang sabi nila, wala ka na raw mararamdaman na panghihinayang para sa anumang materyal.

'Yun ang sabi nila. Pero ewan ko, hindi ako naniniwala. Siguro, hindi pa ako kasama sa mga tinatawag nilang namayapa. Dahil nandirito pa ako ngayon, sa bahay ng aking anak na si Fiona, dito sa 11 Chopin st.

II.

Oktubre 15, 1968 nang ikinasal ang aking anak na si Fiona. Isang araw na dapat tumatak sa kanyang kamalayan bilang isa sa pinakamaliligaya. Ngunit dahil ang pinagsasamang mga tao sa ritwal na iyon ay hindi naman talaga nag-iibigan kundi nagkakahiyaan lamang -- nalawayan na raw ang tinapay at dapat nang ubusin ng kumagat -- namahay kapwa sa alaala nina Mitoy at Fiona ang araw na iyon bilang araw ng kanilang sabayang pagpapatiwakal.

Pero sino ba ang makapagsasabi kung ano ang magaganap bukas? Kasama rin ako sa mga nagsaya sa araw na iyon. Pinili ko ng mabuti ang bawat detalye sa kasal ng aking anak. Apple green at orange ang motif. Kaya ang mga abay, orange ang gown, na may peek-a-boo sa dibdib. Pinag-isipan ko ang kantang aawitin. Hiniling kong patugtugin ang Green Grass of Home. At dahil naniniwala ako sa pangitain, sisneng porselana ang aming give away. Pinasadya ko pa, binili mula sa Bulakan. Wala rin silang masasabi sa handa. Bukod sa nabusog ang lahat ng mga bisita -- na tinataya naming aabot lang sa 300 ngunit naging 500 mahigit -- nakapag-uwi pa ang marami sa kanila ng pagkain.

Sumipot ang aking balae, at sinubukan ko namang makipagkuwentuhan. Nagpakita siya sa okasyon na walang pakundangan sa color motif. Nakakulay lupang baro't saya na panahon pa yata ng pagsasagwan sa bangka sa ilog Pasig. Ibig ko ngang itanong: nasaan ang mga bulig at kaeng ng mangga? Pero nagpigil ako. Mabuti pa si Impo na pinilit sundin ang motif, nakasuot ito ng blusang bulaklakin na kulay dalandan. Hindi naman siya amoy niyog noong gabing iyon, salamat naman. Ngumingiti lang si balae sa akin, habang nagkukuwento ako. Ngayon ko lang napapag-isip isip kung bakit siya ngumingiti. Siya'y nagkukuwenta, iniisip kung gaano kalaki ang gastos. Dahil panig niya ang lalaki, nag-alok siyang sila ang sasagot sa kasal. At alam ko na kung saan babagsak iyon. Sa isang simpleng kasal sa munisipyo, uwi ng bahay, simpleng handa. Baka magpakatay pa sila ng kambing. Bago pa nangyari iyon ay tinapik ko na siya ng aking alampay. "Balae, moderno na tayo ngayon, maari na naman nating paghatian, o maari rin naman na ako na ang sumagot. Tutal kami naman ang nakaluluwag -- ngayon." Hindi umiimik ang aking balae, nakangiti lang. Natutunaw na ang yelo sa halo halo niyang ni hindi niya binawasan. Nakahalata ang aking asawang dentista na hindi siya kikibo sa buong resepsiyon. Lumipat na ito ng ibang mesa para makipag-inuman. At ako? Nginitian ko si bale. Nangngitian kami. Hanggang sa malusaw ang yelo, at dakmain na lang ng isang bata ang baso ng aking balae.

III.

Isang gabi, dumating ang anak ko sa bahay namin. Kasama ang dalawa niyang anak. "Ayoko na," ang una niyang sinabi at pagkaraan ay hindi na nagsalita. Talagang kakaiba iyon para sa kanya dahil madalas pa nga akong biruin noon na para ko daw pinakain ng puke ng baboy ang anak kong si Fiona sa kadaldalan nito. Pero wala itong kinuwento. Nagkulong kaagad sa dati niyang silid. Iniwan niya sa salas ang mga maleta nila, pati ang kanyang mga anak. Si Alvin, ni hindi ngumingiti nang linabas ko ang balak kong ibigay sa kanya sa Pasko, gayundin si Rosemary. Nakatulog ang batang babae na nakasalampak sa sahig. Dala marahil ng pagod.

Kinatok ko si Fiona. "Gusto mong kausapin ko si Mitoy?"
"Bakit pa?"
"Ano'ng bakit pa? Asawa mo siya iha."
Isang ngiti. Na maraming isinasalaysay at ikunukuwadro, ngunit pinangangambahan kong basahin, o tunghayan.
"Ano ba'ng nangyari?"
"Mahabang kuwento Ma."

Kalaunan, nalaman ko na rin ang nangyari. Nabunyag kay Mitoy ang kalokohan ng aking anak. Nagkapatawaran sa huling pag-uwi. Ngunit nabisto ni Fiona na kaya pala lumiliit nang lumiliit ang sustento ay dahil sa ipinauubaya ni Mitoy ang remittance sa nanay niya, na siyang nagpapadala kay Fiona ng pera, para raw mabudget, at nang matutunan ng kanyang mga apo na hindi masanay sa luho. Hindi kinumprunta ng aking anak ang aking balae. Nakinig siya, ngumiti, nag-abot pa ng Coke at cake sa dumalaw, ngunit pagkaraan, dumadial na siya ng numero ng nakilala niyang lalaki. Noon ding gabing iyon, matapos ibilin sa katulong ang mga anak, sumama na siya sa lalaking kinalolokohan niya.

Nang malaman ko ang buong pangyayari, naospital ako. Hindi ako makahinga. Pero ngayon, ngayong ligtas na ako sa anumang pakiramdam ng mga makalupang katawan, paulit ulit ko pa ring masasaksihan ang mga balse sa mga kamang pinagsaluhan, iniwanan, binabalikan, tinatalikuran.

Tuesday, February 5, 2008

Paano ba humahabi ng kuwento? Saan hinuhugot ng manunulat ang kuwento? Sa personal kong opinyon, kasinungalingan ang susi ng lahat. Humahabi ka ng kuwento mula sa isang kapani-paniwalang kasinungalingan. Habang binubudburan mo ang orihinal na storya ng mga detalyeng naisip mo lang na posible, unti-unting nagkakahugis ang kuwento. Sapagkat sumasalok ako sa balon ng mga kuwento ng mga taong nakapaligid sa akin, kung minsan, nakakapagdalawang isip kung isasalaysay ko pa ba ang mga kuwento nila. Laging may tulak na kung ano na isulat iyon.

Halimbawa, noong una kong marinig ang anekdota ng aking ina tungkol sa kaibigan ng isa kong tiyahin, natuwa ako sa storya at inimbak ko iyon sa aking kamalayan, for future reference. Isang bata naglaro ng posporo. Sinindihan niya. Hinipan. Sinindihan ang isa pa, naitapon niya ang palito, tumama sa kurtina ng bintana, lumiyab nang paunti unti hanggang sa lumaki ang apoy. Pinagmasdan pa ng maigi ng musmos ang apoy bago siya umalis ng kuwarto makaraan. Nasa labas na siya ng bahay nang maalala niyang natutulog ang kanyang lolo sa loob. Tupok na ng apoy ang bahay at hindi nailigtas ang lolo. Natagpuan ang bata, ngunit hindi ito nagsalita kailanman na siya pala ang nagparikit ng apoy. Dahil siya'y musmos, ni hindi sumagi sa isip ng mga tao na baka siya ang salarin. Tumanda na ang batang iyon, higit singkuwenta na, naging propesora ng matematika, ngunit hindi pa rin niya maibunyag ang pangyayari. Naikuwento lamang niya ang anekdota sa pinakamatalik niyang kaibigan, ang tiyahin ko. Ito namang tiyahin ko ang nagkuwento ng anekdota sa aking ina. Dala dala ng bata, na lumaki na't nagkaedad, ang bagahe na napatay niya ang lolo niya, nang hindi niya sinasadya. O hindi nga ba? Iyon rin ang magandang katanungan.

Kinukuwadro ng nagsasalaysay ang kuwento ayon sa mga ispesipikong mga imahe. Sa isasalaysay ko ngayon, magsisimula ako sa imahe ng isang batang lalaki. Si Alvin. Mga apat o limang taong gulang siya. 1973. Usong uso sa telebisyon ang palabas na Batman and Robin. Nakatira ang batang iyon sa family compound na binubuo ng tatlong mga pamilya, mga magkakapatid, na nakikisuno sa bahay ni Nanay, sa Project 6. Paboritong laro ng bata ang pagpapanggap na siya si Robin, at ang isa ko pang pinsan ang Batman. May litrato silang nakapustura sa outfit na ito, kinunan sa katapat na punong kawayan ng bahay sa Project 6, sa isang umaga ng kaarawan ng batang lalaki.

Lilipas ang tatlo, apat na taon. Nag-aaral na sa isang preschool si Alvin malapit sa kapilya. Christmas party. Toka ng bata ang pagdadala ng spaghetti. Mahilig magluto ang kanyang ina, na pangangalanan kong Fiona. Naglalaro ang mga bata, masaya sa habulan, masaya sa pagbubukas ng mga regalo. Nagkukuwentuhan ang mga ina ng mga bata. Kausap ni Fiona ang isa sa kanila, na pinansin niya ang magandang hikaw na pilak. "Para kang totoong gypsy sa suot mo. Ang ganda ganda ng iyong peasant dress, bagay na bagay ang lahat ng accessories."

May nangyayari sa isang tao na uhaw sa papuri, lalo na kung hindi naman siya ubod ng ganda pero may kakayahan na rin siyang mamili ng kung ano ang ibig. Nagiging mapagbigay sila sa pumuri, matulungin sa mga taong iyon na para bang ang papuri'y pinaniniwalaan nilang taos sa puso, kahit na sa totoo lang ay naiinip na si Fiona sa handa at ibig na niyang umuwi, pero wiling wili ang anak niya sa isa na namang charade na siya si Robin at merong kalarong Batman.
"Bigay ito ng aking asawa, padala niya."
"Bakit, saan ba siya?"
"Nasa Saudi. Kung ako sa iyo, hikayatin mo ang iyong mister na magtrabaho doon. Iyon ang lugar na pinupuntahan ngayon ng mga propesyunal para kumita ng malaki laki."

At bumukod na ang dalawang babae sa umpukan ng iba pang mga ina. May hinugot na papel mula sa bag ang babaeng nakapeasant dress na tangerine at brown, isinulat niya roon ang address at telepono ng agency na pinagtratrabahuhan ng asawa niya, para tulungan ang asawa ng babaeng nakahotpants na apple green. Hinalikan ni Fiona ang papel na parang ostiya. Kaagad siyang nagpaalam na sa kausap, tinawag na ang anak, at umuwi na sila.

Bumaba sila sa kanto ng Road 30 at habang naglalakad, may napansin ang batang lalaki sa kalsada. Papel, dalandan na papel. Pinulot niya iyon. Pagkapulot na pagkapulot, napatingin siya sa ina. Ibinalik niya ang papel, inipit sa ilalim ng isang bato. "Ano ka ba, Alvin? Bakit mo binalik?"
"E sabi po sa school, kung hindi sa iyo ang gamit, ibalik mo o iwanan mo sa kung saan mo nakita. Baka daw po kasi balikan ng nakawala."
"Engot! Beinte pesos rin 'yun!" At dumukwang ang ina, nabigla ang pantsuit niya sa kilos kaya bahagya itong napunit sa may tumbong. "Hmpph!" Hinila niya ang bata pagkakuha ng pera na dali dali rin niyang sinuksok sa bag.

Gabi. Kauuwi ng asawa ni Fiona na si Mitoy. Pagod itong sumalampak sa silya. "Abutan mo nga ako ng tubig," utos nito sa asawa, at tumalima naman si Fiona. Minamasa-masahe ni Fiona ang batok ni Mitoy nang bigla niyang maisip na ikuwento ang insidente nilang mag-ina kanina.
"Biruin mo, naroon na nga sa kalsada 'yung grasya, sinoli pa ng anak mo 'yung pera. Kung di ba naman may pagka-engot."
Muntik mabulunan si Mitoy sa "engot" na narinig. Ina ng kanyang anak ang nagsasalita, ang engot ay ang batang lalaking magmamana ng kanyang pangalan. "Anong sinabi mo?"
Natigilan si Fiona, narinig niya sa tanong ang init ng ulo.
"Dapat nga pinuri mo ang bata sa kanyang katapatan."
"Sus! Hoy Emerito, kailangang ituro sa anak mo ang maging praktikal. Paano siya mabubuhay kung isosoli niya ang lahat ng mga grasya?"
"Kung maririnig ka ni Impo ngayon baka paluin ka pa sa puwet nu'n. Ayaw na ayaw niyang makakarinig ng ganyan."
"O siya, siya. Sorry na. Ngapala, may naisip ako..."

At habang minamasahe ulit ni Fiona ang batok at likod ni Mitoy, ginampanan niya ng mabuti ang papel ng isang masuyo at maasikasong asawa. Ang baso ng malamig na tubig ay itinabi, inakay niya ang lalaki sa hapagkainan, kung saan nakahain na ang hapunan nitong tirang spaghetti at dalawang barbecue na naamot niya sa hapunan sa kabila. Kinuwento niya ang Christmas party ng bata, kung paano niya nakakuwentuhan ang babaeng nakahikaw at maganda ang peasant dress na mukha talagang gypsy sa kanyang outfit. "Marami raw mga job openings sa Saudi. Subukan mo kaya? Iwan mo na 'yang pagiging electrician mo sa Meralco. Walang mangyayari sa 'yo diyan."
"Kung magsalita ka parang tapos ako ng college. E drop out nga ako, di ba?"
"Bakit, 'yung asawa ba ng babaeng kinuwento ko sa 'yo kanina tapos? Aba'y parehas lang kayong umabot ng third year. Mas lamang ka pa kasi Engineering ang kurso mo, sa Mapua pa. E 'yung asawa niya? Accounting yata. UE."

Kinumbinse nang kinumbinse ni Fiona si Mitoy noong gabing iyon. Nakapikit na ang asawa niya, humihilik, ngunit gising pa rin si Fiona. Dumaraan sa kanyang diwa ang mga posibleng eksena kung sakaling makalilipad na nga ito patungo ng Saudi: makakaalis na sila sa bahay na ito, makakalipat na sa isang hulugang apartment, baka nga makapagpatayo pa ng sarili. Hindi na siya aasa sa kakarampot na suweldo ng asawa, na sumasideline pa tuwing Sabado't Linggo sa pagkukumpuni ng mga sasakyan. Hindi na ito mag-aamoy langis. Hindi na siya matataranta sa utang, hindi na siya tatakbo pa sa bahay ng nanay niya sa Cubao para humingi ng pera. Sa wakas, hindi na siya ang iilingan niyon sa awa, at baka siya pa ang mag-aabot ng sobra para rito, pambili man lang ng luho ng matanda, consuelo. Mag-aalas tres na ng umaga nang mapapikit na si Fiona.

Matutuloy ang biyahe ni Mitoy, makakaalis siya patungong Bahrain. At ang batang lalaki ay magigising na lang ng isang umaga na pinagmamadali sa pagbibihis. Tamad na tamad siyang kumilos, at gayundin ang kapatid niyang babae, na umiiyak na ngayon dahil nasasaktan sa higpit ng pagkatirintas ng buhok nito. "Aray! Mommy, sobrang higpit!"
"Ganyan talaga, kung gusto mong maging maganda..."

Ngayon, trenta mahigit na ang batang lalaki sa storyang ito. Kagaya ng kanyang ama, nakipagsapalaran rin si Alvin sa disyerto. Pero kagaya rin ng buhangin sa lupaing iyon, kusang hinihilom ng elemento ang sariling sugat at hindi na malaman kung nasaan na ba ang mga dating bakas ng paa ng naglakbay doon? Tila kinalimutan na ni Alvin ang lahat nang sumama rin siya sa negosyo ng tatay niya sa Dubai. Kinalimutan niyang nagkawatak ang pamilya nila dala ng pagloloko ng kanyang ina. Kinalimutan niyang halos gumapang sila sa hirap nang tumigil ang mga padala ng tatay niya bunga na rin ng pagkainsulto sa nagawa ng asawa. Kung paano sila unti-unting ibinangon ng nanay niya, nang sinangla nito ang share sa bahay nila sa Cubao. Nakaraos siya ng pag-aaral sa siklo ng mga promissory notes na pinipirmahan ng nanay niya kada enrollment. Nakapagtapos siya, nakapag-asawa, nagka-anak.

Ngunit buhangin nga yata ang elementong naghahari sa kanya, hindi marunong magtanda, hindi natututo. Dahil inulit lang niya ang naging pagkakamali ng ina, nang mabuyo siyang makipagkilala sa hindi niya kakilala, sa isang chatroom. Isang inosenteng harutan na naganap sa lalim ng gabi sa opisina sa Dubai, habang pinapaspasan nila ang report ng natapos nilang repair. Na-engganyo siyang buksan ang link na chat, pinili niya ang pinaka-cute na pangalan doon, chocolate frogs.

Siya at si chocolate frogs ay nagkasundo na magkita sa Tagaytay, sa susunod niyang bakasyon sa Pilipinas.

Nabuo ang salaysay mula sa mga usapan at pagmumuni ukol sa usapan. Sa aspetong ito, hindi ko inaasahan na malaki pala ang tulong na naibigay ng paghahasa bilang mandudula, dahil ang training sa pagsulat niyon ay lumikha ng eksena. 'Yung eksena, matagal, kung minsan, mabilis lang na naiimbak sa loob ng aking utak, nagpapahinog. Kusang "nalaglag" ang bunga sa lupa nang makakuwentuhan ko ang kaanak na pinagbatayan ko rin ng karakter. Pinalamutian ko ang pinaka-plotline na galing sa kuwento ng kaanak. Binudbod doon ang mga imahe na nasagap ko mula sa mga pelikulang napanood, sa mga librong nabasa, sa iba pang mga kuwento na nasagap sa araw araw.

Intensiyon ko ngayon sa blog na ito na itest drive ang daloy ng ideya para sa kabanata ng 11 Chopin St. (ang kuwento ng pagsasama nina Mitoy at Fiona) o para sa kabanata ng Kalat (ang kuwento ni Jo).

Sunday, February 3, 2008

Si Antonio Manggagawa

Isang umaga pagkaraan ng birthday ko, tumawag si Nic. Nagkataong nagbubukas ako ng email, kaya tinigil ko muna iyon para kausapin siya. Kaming dalawa ni Des ang kanyang nakausap dahil nasa labas si Bert noon. Malamig pa rin sa Nevada kaya nakikita namin na nakajacket pa siya habang kausap kami. May kaunting liwanag pa ng araw na makikita sa dalawang bintana ng bahay na natatanaw namin sa screen. Lumipat siya ng lokasyon, nagtungo sa garahe. Coke na lang ang kanyang iniinom. Dahil ngayon ko lang ito nasusulat matapos ang kumbersasyon na dalawa o tatlong araw na ang nakalipas, hindi ko na matandaan ang lahat lahat ng aming napag-usapan pero ang pinakatampok marahil sa pag-uusap na 'yun ay 'yung kuwento tungkol sa isang dulang sinulat niya, na tinanghal ng PETA noong 1973. Kung may gawa daw siya na sa tingin niya'y pinakamahusay, ito 'yun. Isang gabi lang daw iyon tinanghal -- ang Ang Makasaysayang Panaginip ni Antonio Manggagawa. Batay sa kanyang deskripsyon -- pumapalakpak daw ang mga manonood, standing ovation sa bawat eksena -- tila napakatalas ng sinasabi ng dula. Tinanong ko si Nick kung may kopya pa siya nito. Ang sabi niya'y iniwan niya raw ito sa dati nilang apartment, doon sa Scout Rallos.

Noong kasagsagan ng Martial Law, iyon rin daw ang peak ng kanyang panulat bilang mandudula. Ang manuskrito ng Antonio Manggagawa ay isinilid niya sa isang rolyo ng aluminum foil at itinago sa kung saan, hindi na niya maalala. Matagal nang umalis ang pamilya sa apartment sa Scout Rallos. Natatandaan kong tumira rin doon si Bert sa mga unang taon ng kanyang pag-aasawa, ngunit umalis rin. Marahil dahil pangit na ang naging alaala ng lugar. Lumipat na siya sa bahay ni Ex sa mga panahong ito. Hindi rin siya makatiyak kung may isang taga-PETA na nagtago nito. Maaring si Gardy Labad, maaring si Al Santos.

Ramdam ko ang panghihinayang na nawaglit ang manuskrito. Alam ko na hindi iyon masayang karanasan. (Ako mismo'y nawalan rin ng manuskrito ng isang full length play, Kapatid Ko Ang Buwan, na ipinasa ko sa CCP Playwriting contest/grant noong 1989. Espesyal para sa akin ang manuskrito dahil kauna-unahan ko iyong full length.) Pinatigil ang scheduled production ng dula, sa kabila ng mainit na pagtanggap dito. Ang dahilan? Natakot daw si Lino Brocka. Kinausap daw niya ng isa isa ang mga tao, pinakiusapan na huwag irebyu, huwag ipagkakalat, hindi dahil sa hindi siya naniniwala sa akda, kundi natatakot siya na mapahamak ang mga taga-PETA. Nagkaroon ng pait si Nic mula sa karanasan. Pero nasabi rin niya, is it worth it kung marami ang makukulong, madarampot, mapapahamak, para sa isang play? At this point, naalala ko ang ehemplo ng mga mandudula ng drama simboliko. Si Aurelio Tolentino, ang sumulat ng Kahapon Ngayon at Bukas, ay nakulong ng siyam na beses. Labas masok sa karsel. Paulit ulit rin siyang nagbabayad ng halaga para sa damages. At pati ang mga kasama sa produksiyon, ultimo mga manonood, ay hinuhuli. Isipin mo 'yun. Mga manonood na handang makulong para sa panonood ng dula. Mga manonood na nauunawaan sa kabutu-butuhan, kung ano ang mga simbolo, ano ang mga gumagalaw na konsepto, sa dulang kanilang tinutunghayan.

Nagulat ako sa anekdotang ito ni Nic dahil may ipinapakita itong facet ni Brocka na takot. Malaking tao na siya sa larangan ng pelikula, at bilib ako sa kanyang bisyon. Pero ang patigilin ang produksiyon ng dula -- na ultimo ang iskedyul ay pinabura? Parang eksena sa Kundera novel. Parang The Joke. Nalungkot rin ako sa talent ni Nic na hindi sumibol sa pinaka-rurok nito, kahit pa naitala na siya ni Doreen Fernandez sa Palabas bilang mandudula ng Higaang Marmol.

Sinasabi niya sa akin, it's either you have it or you don't. Parang sinasabi niya na kung nahihirapan ako ngayon sa pagtatapos ng nobela, maybe, it's not for me. Napakahirap na maging manunulat, at alam rin ni Nic na hindi sapat 'yung nakakasulat ka ng basta, kailangan ikaw ang pinakamahusay. Hindi ka #2 o #3, ikaw ang #1. Ang sabi ko, wala naman akong delusion na mananalo ako balang araw ng Nobel, I am simply aiming for a degree at this point. E dahil na rin mismo sa prinsipyo kong nakalagda ang aking pangalan sa teksto kaya ayaw ko iyong maging bulagsak kaya ako nahihirapan.

Sa totoo lang, madali namang gumoyo ng tao sa pagsusulat. Itong ginagawa ko ngayon na nobela sa Dubai -- puwede ko namang chikahin, puwede ko namang timplahin na parang all star cast production na nasa Dubai lang ang setting pero walang pananaliksik sa milieu, sa karakter, sa mga motibasyon. 'Yung kabanata kay Jo? Puwede ring gawing baduy, gamitin ang formula ng romance. Mag-invest sa mga kagagahang ideya ukol sa "forever" o sa "true love". At dahil ang setting ko'y sa Sacred Heart Novitiate, ma'nong maglagay ng anghel o santa roon na gagabay sa totoong landas kay Jo? O di ba, di may pitch na ako ng pelikulang pangMahal na Araw.

Ang problema, hindi ako kuntento doon. Ang problema, naniniwala ako, nang walang kayabangan, na may kaya pa akong ilabas.

Saturday, February 2, 2008

Pagpapatuloy...

Buong maghapon na pala siyang nakatulog. Nanaginip na nasa gym siya. Eksaktong alas nuwebe na raw ng umaga. Pero ang katawan at mukha niya sa panaginip ay hindi siya. Doon, mas mataas siya ng isang pulgada. Mas mahaba ang kanyang mga braso at binti. Kumikinang ang kanyang balat na parang galing sa isang bakasyon sa Riviera beach. Puti ang gym bag niya, tunay na balat, tatak Nike, orig, at nakasuot siya ng outfit na pangtennis. 'Yung may maiksing palda at blusang sleeveless. Lahat ng mga tao'y napalingon ng pumasok siya dahil para siyang diyosa. Pagdating niya sa locker room, nahahawi pa ang hanay ng mga babaeng nagsasatsatan, nagpapakitaan ng mga bilbil habang ngumangata ng crackers at bottled water. Pinili niya ang paborito niyang puwesto, number 657, na malapit sa changing room. Nagbihis. Paglabas niya, natuklasan niyang iba na muli ang kanyang katawan. Mataba. Nangunguluntoy ang balat. Nawala ang radiant tan, parang balat na ngayon ng dalandan. Suot pa rin niya ang tennis outfit at pumuputok na ito. Paglabas niya pumipintig sa speaker ang Umbrella. Wala na yatang ibang mapatugtog kahit parang sirang plaka 'yung tinig na "me and my umbrella hey hey hey hey."

May foreigner na lalaking nasa exercise machine na nagpapalaki ng biceps. Pagdaan niya dito, tumawa ito ng tumawa. Tila nahawa ang lahat ng mga tao. Pero hindi niya iyon pinansin, muli niyang hinila hila ang laylayan ng ubod ng ikling palda ng tennis outfit. Nagtreadmill agad siya, pinili niyang subukan ang 800 k/cal. Pero wala pang 100 ang metro'y hingal na hingal siya't para siyang babagsak. Tinigil niya ang pag-eexercise, sinubukang magrowing. 200 meters. Ganu'n din. Parang bakang kinakatay na ang paghingal niya. Kinalas na niya ang lock para sa mga paa. Bumaba ng hagdan, at bumalik sa dereksiyon ng locker room. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, binaha ang gym ng maburak na tubig. At walang nakapapansin. Kanina pa niya iniisip kung paano maglalakad ng parang naglalaro ng step no, para hindi maputikan ang suot niyang puting rubber shoes, na parang sinawsaw na sa langis ng sewing machine ngayon. Pataas nang pataas ang tubig. Halos umabot na sa singit.

Me and my umbrella hey hey hey hey
Putik putik na ang aking paa hey hey hey
Sa burak ng umbrella hey hey hey

Hindi na siya nag-abala pang magpalit. Dumiretso siya sa shower room. Laking pasasalamat niya na maayos ang timpla ng tubig, malinis, at gumagana ang soap dispenser. Nagsabon siya ng nagsabon. Wala nang katao tao nuong makalabas siya. Wala na ring tugtog.

Pinalitan niya ang basa niyang outfit ng mga damit na kumakasya't nagtatago ng kanyang bilbil at cellulite. Puting kamiseta, at pantalang maong. Naalala niyang hanggang alas dose lang pala siya dapat sa loob ng gym, para hindi mahuli sa klase. Nang dadamputin na sana niya ang puti niyang gym bag, wala na ito sa loob ng locker no. 657. Doon na siya bumigay. Doon na siya napaiyak.



Humiga raw siya sa sopa. Korales iyon sa ilalim ng dagat. At isda siyang sumisingit sa mapagkandiling pagaspas ng mga sanga nito. Walang kamalay malay ang babae na habang nakapamaluktot siya, humahagulgol na siya. Sa sopa. Sa loob ng gym.

"O, naipagpapatuloy mo ba ang sinimulan mo sa 'yong nobela?"
"Ho?" Nagulat si Jo na kaharap na pala niya sa mess hall ang lalaking nagpakilala kahapon bilang si Amang. Suot pa rin nito ang katsang pajama.
"Napapansin kong parang lagi kang natutulala."
"At napapansin ko rin hong tila iisa ang inyong sinusuot."
"A ito? Marami akong gan'to. Ito lamang ang kumportable para sa akin."
"Insomniac po kasi ako."
"Insomniac ka nga ba? Sa aking karanasan, ang paghuli sa idlip ay humihingi ng katiwasayan. Ito lang ang kailangan mo para lubos kang makapahinga. Hindi sleeping pills, hindi baso ng gatas, at hindi mga nakakaantok na mga kausap -- kagaya ko."
"Mabuti nga po at hindi ako nagsleesleepwalk. Dati po, noong bata ako, ganu'n ako. Takot na takot ang nanay ko sa akin, dahil baka kung sa'n na raw ako makarating habang natutulog."
Itinabi na ni Amang ang tray niyang kinainan. Kundi lang sa sebo, aakalain mong hindi kinainan ang tray. Ang linis at ang ayos maging ang pagkasalansan ng kubyertos.

"Iha, ano ba ang tinatakbuhan mo?"
"Ho?"
"May nobela ka nga ba talagang sinusulat?"
Naglaway si Jo, bigla. Ibig niya sanang manigarilyong muli sa mga pagkakataong tulad nito, ngunit matagal na siyang tumigil.
"Ibig mo ba'ng maglakad?"
Walang kibo si Jo, tumango. Lumabas sila ng mess hall, naglakad sa pasilyo, humakbang sa damuhan, napadpad sa isang simenteryo.

Patong patong na mga nitso. May mga Kastilang mga pangalan, mga banyaga, mga kilalang tao.
Hinawakan muna ni Jo ang mga pangalan ng ilang mga nitso bago siya muling nmagsalita.

"Guro lang po ako. May asawa, may anak. Hindi nila alam kung nasaan ako ngayon. Hindi ako nagpaalam. Hindi naman kasi ako papayagan."
"Bakit ka nga nandirito?"
"Kayo, bakit kayo nandirito?"
"Noong kasing-edad marahil kita, matagal akong nakulong. Hindi rito -- doon." May nginuso ito. Mukhang malayong lugar.
"Napakasikip ng aking karsel. Siguro, halos kasinglawak lang ng isang ganito --" at lumapit siya sa nitso -- "at isa pang ganito."
"Bakit po kayo nakulong?"
"Ay ewan ko ba sa kanila. Wala naman akong ginagawang masama. Sila pa nga ang dapat na ipiit.
Marami akong pinaglilingkuran noon, iha. Pero hindi mga among nakaupo sa mga desk. Ang pinaglilingkuran ko'y 'yung mga dinuduro duro't inuutus utusan ng mga mamang nakaupo't nagpapasarap."
"May mga bumibisita po ba sa inyo?"
"Aba'y araw araw akong pinupuntahan ng aking asawa. Kilala siyang mang-aawit. Kilala ang kanyang tinig, lalo na ng mga taong nabuhay noong araw..."
"Nasaan na po ang asawa ninyo ngayon?"

Ngumiti si Amang. Inimuwestra ang mga nitso.
"Noong Agosto 1974, batang bata ka pa lang siguro noon. Nandirito na ako. Dito ako dinala. May naging pari akong kaibigan. Dumadalaw siya noon sa bilangguan, at nakagawa siya ng paraan na ilipat ako rito. E natunugan ng militar. Sumugod sila rito. Isang trak ng mga sundalo ang pumasok sa seminaryong ito."


Sa gunam gunam ni Jo, sinusundan niya ang kuwento ni Amang.

"Walang pakundangan nilang pinasok ang loob. Tinatanong ng pari, sino po ba ang inyong hinahanap, pero hindi siya pinapansin ng mga sundalo. Sumenyas ang kumander nila na akyatin ang lahat ng palapag, kalampagin ang bawat silid. Takot na takot ang mga tao, nanginginig ang mga madre. May mga naabutan pa nga silang naliligo sa mga shower room. Binosohan pati ang mga madre. Nang hindi nila ako makita, nagbanta pa sila sa mga pari na babalik sila. Babalikan nila ako."

Friday, February 1, 2008

Sacred Heart Novitiate

Dalawang Sleepasil na ang naiinom ni Jo pero hindi pa rin ito tumatalab. Kanina pa siya ikot nang ikot sa kama, parang bulateng batid na ipapain sa pangingisda. Iniisip niya kung lulunok pa siya ng isang kapsula, pero baka hindi na siya magising. Kinapa niya sa ilalim ng katre ang overnight bag niya. May liwanag pa mula sa labas kaya naaninag niya ang mukha ni Hello Kitty sa bag nang iangat niya ito't binuksan ang zipper. Hinugot niya ang librong Surfacing ni Margaret Atwood. Sa utak, alam na niya ang sasabihin sa adviser niya kapag tinanong nito kung ano'ng palagay niya sa librong ipinahiram: well written, very lyrical, sinuous structure. Pinapakita ang giyera ng pagiging babae sa wika. Napapikit siya sa naging takbo ng isip. Hanggang sa mga oras ng paghahabol ng kahit minuto lang ng idlip, nagiging pretensyosa pa rin siya. Bumangon na siya sa katre't dumungaw sa bintana. Umaalulong ang aso. Bakat ang siluwet ng punong balete sa screen ng bintana. Tipikal na eksena sa pelikulang horror, pero wala siyang maramdamang hilakbot. Malay ba niya kung ang pag-alulong ng aso'y para lang ring pag-iinat, o paghihikab?

Lumabas siya ng silid, sinusi iyon, at naglakad sa pasilyo. Mapusyaw na berde ang kulay ng mga pader na plywood kapag araw, at ngayong gabi'y tila namumuti ang luntian. Inaaninag ng flashlight niyang bitbit ang daan patungo sa communal na palikuran. May mga nadadaanan siyang mga silid na bukas ang ilaw at tanaw ang ikot ng ceiling fan. May mahina pang hugong ng transistor.

Kasalukuyan niyang winiwisikan ng tubig ang ari niya nang biglang bumukas ang pinto. Bahagya siyang kinabahan, kahit na alam niyang nasa seminaryo siya't hindi naman nag-iisa sa pagtulog sa wing ng gusaling iyon. Ang pagiging communal mismo ng banyo ang nakakapagpakaba. Kung babae ang pumasok, walang kaso. Pero paano kung lalaki? May pares ng tsinelas siyang nasilip sa ilalim ng cubicle. Ibinalik niya ang tabo sa ibabaw ng toilet, lumabas, at hindi na liningon kung nakatapos na sa pag-ihi ang nasa kabila.

Paglabas niya ng banyo, nagulat siya nang makasalubong niya ang isang lalaking nakasalamin, halos kasintaas niya, may katandaan ang pangangatawan at kalbo. Tila nakaternong pajamang puti. Ang kakatwa, suot nito 'yung itim na tsinelas na nasilip na niya kani-kanina. Katad na tsinelas na mukhang ilang taon na ring ginagamit dala ng mga kulubot. Saan ba siya huling nakakita ng pares ng mga iyon? Sa Recto, noong mag-isa siyang namamasyal?

May sinabi ang lalaki. Parang "good evening" o "evening" basta hindi na rin siya nakakibo. Mabilis ring rumehistro sa diwa niya ang hugis patatas nitong mukha, at ang tila antigong pares ng salamin.

Nang makapasok na si Jo sa silid, sinimulan niyang magsulat. Ng kahit na ano lang. Ikinuwento niya ang araw: bumangon siya kaninang alas siyete, nag-almusal sa mess hall ng mag-isa, nag-isip ng katuluyan ng sinusulat niyang kabanata, nananghali, sinubukang mag-siesta, hindi mapakali, lumabas, umikot sa paligid ng Sacred Heart Novitiate, natuksong itakbo ang bisikletang nakita niyang nakaparada para makaikot sa paligid nang nakabisikleta, lumabas ang isang pari, ngumiti, sumakay sa inaasam niyang bisikleta. Naglakad. Napadpad sa istatwa ni San Jose, na nakatayo malapit sa mga puno ng suha. Nang mabasa niya ang tansong plate ng estatwa na nagsasaad kung anong pangalan ng santo, parang naging suha siya, naging makatas ang mga mata, at natatawa siyang umupo sa bangkito na malapit sa estatwa, pinunasan ang likidong tumulo sa mga mata, pinagnilayan kung siya ba'y kaluluwa ng isang prayleng buktot, o kaluluwa ng isang babaeng saksakan ng makasalanan, na nakikiapid sa prayle, kaya siya naging suha. Nangawit ang kamay ni Jo sa kasusulat. Sa kuwaderno muna niya ibinubuhos ang naiisip bago niya itipa sa laptop. Ilang beses na siyang napupuna sa gawi niyang ito, sayang raw ang enerhiya, pero isa siyang nilalang ng gawi, ganu'n kasimple.

Umaga na nang huminto si Jo sa pagsusulat. Nadatnan na lang niya ang pamumuti ng langit. Ang asong umaalulong kagabi'y tumatahol na ngayon sa paparating na Nissan Patrol na asul. May kambing, may kalabaw na umuunga. Nainggit siya sa pangingingain ng mga hayop sa damo, naalala ang sikmura't tiyan. Bumaba siya ng silid para kumain ng almusal sa mess hall.

Sarado pa. Nakita ni Jo ang swing, ang balete, sa di kalayuan ng mess hall. Naglakad siya patungo roon. Mas lalo siyang namangha nang makalapit siya sa puno, dahil parang pinagdugtong dugtong iyong mga braso't hita, puwet at mukha, ng mga taong nakasalansan sa isang bukas na hukay. Hindi mabilang ang mga nakalaylay nitong mga sanga, na kasing payat ng braso ng mga musmos. Umupo na si Jo sa swing, idinuyan iyon, hinintay niyang maramdaman ang pagpaspas ng swing at ang pag-uulit ng pagtapak pag-angat ng kanyang mga paa sa nakalbo nang lupa sa ilalim niyon. Nakakailang ugoy na siya sa swing nang mapansin muli niya ang katad na tsinelas. Napatigil si Jo. Kaharap na niya ngayon ang mamang nakaputi.

"Nagseseminar po ba kayo rito?" ang tanong nito.
"Hindi po," ang matipid na sagot ni Jo.
"Nagreretreat kayo marahil -- nagninilaynilay?"
"Opo." At tiningnan na ni Jo ang mukha ng mamang iyon, Parang nagulat pa siya nang makita niya iyon ng mas maigi, ngayon, sa araw. Parang naaalala niya ang mukha nito, hindi niya lang matandaan kung saan niya nakita. Parang kagaya ng isang bagay na hinahanap mo sa sarili mong tahanan, tapos natitiyak mong nakita mo lang iyon sa isang sulok, hindi mo nga lang matandaan kung aling sulok.

Sa sandaling iyon, pinasya ni Jo na hindi na maging mailap. "Ang totoo po, bumalik ako sa lugar na ito. Naisip ko, dito ko tatapusin ang aking nobela."
"Ah, para ka na palang nanay na nakapagpasyang magcheck-in na sa ospital bago pa man maglabor."
"Ganu'n na nga po."
"Nobela kamo? Aba, mukhang mahirap 'yan. Tungkol saan ang iyong sinusulat?"
"Hindi ko pa po alam..." bulalas ni Jo, at tumawa siya ng tumawa. "Hindi ko pa po talaga alam."
"Hindi naman talaga nauubos ang materyal, di ba? Gaya ng baleteng ito. Mabibilang mo ba ang mga sanga? Ang lawak?"
"Kung pagtitiyagaan pong sukatin. May mga tape measure naman," sagot ni Jo, at nakagat niya ang sariling dila. Nagsisi siya sa ugali niyang basta sabihin ang nararamdaman, alam na niyang lagi niya iyong ikinapapahamak. "Kayo po. Pari po ba kayo dito?"
Nangiti ang lalaki. "Sabihin mo na lamang na alagad."
Huminto na sa pag-ugoy ng swing si Jo. Tumayo na siya't pinagpag ang puwetan ng pantalong maong. "Noong una po akong nakarating sa lugar na ito, nagulat ako sa tila napaka-pamilyar na dating nito sa akin. Para pong napanaginipan ko na pero hindi ko na maalala."
"Kailan ka pa napadpad rito?"
"Noong nakaraang taon pa po. Writers workshop sa isang pamantasan."
"Ikaw ang guro?"
"Kasama po ako sa maraming mga guro." Tigil. "Maiba po ako. Kanina ko pa ho pinag-iisipan kung saan ko kayo nakita dahil napaka-pamilyar ng iyong mukha."
Sasagot na sana ang lalaki, ngunit narinig nilang dalawa ang huni ng bisikletang dumaan. Kumaway ang mamang nakaputi sa paring nakasakay sa bisikleta.
"Ako nga po pala si Jo Catapangan. Kayo po si?"
"Amang. Tawagin mo na lang akong Amang."
Nagkamayan sila. Mainit, mahigpit ang pakikipagkamay ng matanda. Mabilis lang ang pagdampi ng palad maliksi rin nitong ibinulsa muli ang mga kamay.
"O sige, iiwan muna kita riyan at baka nakakasagabal ako sa iyong pagmumuni. May nobela ka palang tinatapos..."

Hindi na kumibo si Jo. Sinadya niyang ibaling ang tingin sa lupang nakalbo, sa ilalim ng swing.

Nagkita sila muli ng matandang iyon noong pananghalian. Kinakaskas na ng matanda ang mumo sa aluminum nitong tray at inilalagak na ang kubyertos sa tumpok. Pasimula pa lang siyang mananghali, si Amang ay patapos na. Kinawayan siya nito. Sa loob ni Jo, nahihiwagaan siya sa pakilala ni Amang sa sarili bilang alagad. At napansin niyang malinis na malinis pa rin ang polo nito't pantalon na hindi pala puting puti kundi kakulay ng katsang laging linalabhan. Kakilala pala ni Amang ang lahat. Mula sa mamang serbidor , sa hardinero, sa mga janitor na naglalampaso ng pasilyo. Kabatian niya rin ang pulutong ng mga nobisyadang Pilipina, mga Asyano't mga Europeo. Sino kaya siya? tanong ni Jo sa sarili, nang nakahilata na siya sa kama, parang bulateng ipinapain sa pangingisda.

Pagod na pagod ang kanyang katawan na tila hiniram, para bang may minaso siyang pader ng isang gusali dahil nangangalay ang kanyang braso, at hindi na nawala ang paulit ulit na sumpong ng migraine. Sa mesa, linilipad ng hangin ang mga blangko pang pahina ng kanyang kuwaderno. Kanina pa niya naiisip na ihagis iyon sa bintana, kasunod ng kanyang laptop.