Saturday, February 2, 2008

Pagpapatuloy...

Buong maghapon na pala siyang nakatulog. Nanaginip na nasa gym siya. Eksaktong alas nuwebe na raw ng umaga. Pero ang katawan at mukha niya sa panaginip ay hindi siya. Doon, mas mataas siya ng isang pulgada. Mas mahaba ang kanyang mga braso at binti. Kumikinang ang kanyang balat na parang galing sa isang bakasyon sa Riviera beach. Puti ang gym bag niya, tunay na balat, tatak Nike, orig, at nakasuot siya ng outfit na pangtennis. 'Yung may maiksing palda at blusang sleeveless. Lahat ng mga tao'y napalingon ng pumasok siya dahil para siyang diyosa. Pagdating niya sa locker room, nahahawi pa ang hanay ng mga babaeng nagsasatsatan, nagpapakitaan ng mga bilbil habang ngumangata ng crackers at bottled water. Pinili niya ang paborito niyang puwesto, number 657, na malapit sa changing room. Nagbihis. Paglabas niya, natuklasan niyang iba na muli ang kanyang katawan. Mataba. Nangunguluntoy ang balat. Nawala ang radiant tan, parang balat na ngayon ng dalandan. Suot pa rin niya ang tennis outfit at pumuputok na ito. Paglabas niya pumipintig sa speaker ang Umbrella. Wala na yatang ibang mapatugtog kahit parang sirang plaka 'yung tinig na "me and my umbrella hey hey hey hey."

May foreigner na lalaking nasa exercise machine na nagpapalaki ng biceps. Pagdaan niya dito, tumawa ito ng tumawa. Tila nahawa ang lahat ng mga tao. Pero hindi niya iyon pinansin, muli niyang hinila hila ang laylayan ng ubod ng ikling palda ng tennis outfit. Nagtreadmill agad siya, pinili niyang subukan ang 800 k/cal. Pero wala pang 100 ang metro'y hingal na hingal siya't para siyang babagsak. Tinigil niya ang pag-eexercise, sinubukang magrowing. 200 meters. Ganu'n din. Parang bakang kinakatay na ang paghingal niya. Kinalas na niya ang lock para sa mga paa. Bumaba ng hagdan, at bumalik sa dereksiyon ng locker room. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, binaha ang gym ng maburak na tubig. At walang nakapapansin. Kanina pa niya iniisip kung paano maglalakad ng parang naglalaro ng step no, para hindi maputikan ang suot niyang puting rubber shoes, na parang sinawsaw na sa langis ng sewing machine ngayon. Pataas nang pataas ang tubig. Halos umabot na sa singit.

Me and my umbrella hey hey hey hey
Putik putik na ang aking paa hey hey hey
Sa burak ng umbrella hey hey hey

Hindi na siya nag-abala pang magpalit. Dumiretso siya sa shower room. Laking pasasalamat niya na maayos ang timpla ng tubig, malinis, at gumagana ang soap dispenser. Nagsabon siya ng nagsabon. Wala nang katao tao nuong makalabas siya. Wala na ring tugtog.

Pinalitan niya ang basa niyang outfit ng mga damit na kumakasya't nagtatago ng kanyang bilbil at cellulite. Puting kamiseta, at pantalang maong. Naalala niyang hanggang alas dose lang pala siya dapat sa loob ng gym, para hindi mahuli sa klase. Nang dadamputin na sana niya ang puti niyang gym bag, wala na ito sa loob ng locker no. 657. Doon na siya bumigay. Doon na siya napaiyak.



Humiga raw siya sa sopa. Korales iyon sa ilalim ng dagat. At isda siyang sumisingit sa mapagkandiling pagaspas ng mga sanga nito. Walang kamalay malay ang babae na habang nakapamaluktot siya, humahagulgol na siya. Sa sopa. Sa loob ng gym.

"O, naipagpapatuloy mo ba ang sinimulan mo sa 'yong nobela?"
"Ho?" Nagulat si Jo na kaharap na pala niya sa mess hall ang lalaking nagpakilala kahapon bilang si Amang. Suot pa rin nito ang katsang pajama.
"Napapansin kong parang lagi kang natutulala."
"At napapansin ko rin hong tila iisa ang inyong sinusuot."
"A ito? Marami akong gan'to. Ito lamang ang kumportable para sa akin."
"Insomniac po kasi ako."
"Insomniac ka nga ba? Sa aking karanasan, ang paghuli sa idlip ay humihingi ng katiwasayan. Ito lang ang kailangan mo para lubos kang makapahinga. Hindi sleeping pills, hindi baso ng gatas, at hindi mga nakakaantok na mga kausap -- kagaya ko."
"Mabuti nga po at hindi ako nagsleesleepwalk. Dati po, noong bata ako, ganu'n ako. Takot na takot ang nanay ko sa akin, dahil baka kung sa'n na raw ako makarating habang natutulog."
Itinabi na ni Amang ang tray niyang kinainan. Kundi lang sa sebo, aakalain mong hindi kinainan ang tray. Ang linis at ang ayos maging ang pagkasalansan ng kubyertos.

"Iha, ano ba ang tinatakbuhan mo?"
"Ho?"
"May nobela ka nga ba talagang sinusulat?"
Naglaway si Jo, bigla. Ibig niya sanang manigarilyong muli sa mga pagkakataong tulad nito, ngunit matagal na siyang tumigil.
"Ibig mo ba'ng maglakad?"
Walang kibo si Jo, tumango. Lumabas sila ng mess hall, naglakad sa pasilyo, humakbang sa damuhan, napadpad sa isang simenteryo.

Patong patong na mga nitso. May mga Kastilang mga pangalan, mga banyaga, mga kilalang tao.
Hinawakan muna ni Jo ang mga pangalan ng ilang mga nitso bago siya muling nmagsalita.

"Guro lang po ako. May asawa, may anak. Hindi nila alam kung nasaan ako ngayon. Hindi ako nagpaalam. Hindi naman kasi ako papayagan."
"Bakit ka nga nandirito?"
"Kayo, bakit kayo nandirito?"
"Noong kasing-edad marahil kita, matagal akong nakulong. Hindi rito -- doon." May nginuso ito. Mukhang malayong lugar.
"Napakasikip ng aking karsel. Siguro, halos kasinglawak lang ng isang ganito --" at lumapit siya sa nitso -- "at isa pang ganito."
"Bakit po kayo nakulong?"
"Ay ewan ko ba sa kanila. Wala naman akong ginagawang masama. Sila pa nga ang dapat na ipiit.
Marami akong pinaglilingkuran noon, iha. Pero hindi mga among nakaupo sa mga desk. Ang pinaglilingkuran ko'y 'yung mga dinuduro duro't inuutus utusan ng mga mamang nakaupo't nagpapasarap."
"May mga bumibisita po ba sa inyo?"
"Aba'y araw araw akong pinupuntahan ng aking asawa. Kilala siyang mang-aawit. Kilala ang kanyang tinig, lalo na ng mga taong nabuhay noong araw..."
"Nasaan na po ang asawa ninyo ngayon?"

Ngumiti si Amang. Inimuwestra ang mga nitso.
"Noong Agosto 1974, batang bata ka pa lang siguro noon. Nandirito na ako. Dito ako dinala. May naging pari akong kaibigan. Dumadalaw siya noon sa bilangguan, at nakagawa siya ng paraan na ilipat ako rito. E natunugan ng militar. Sumugod sila rito. Isang trak ng mga sundalo ang pumasok sa seminaryong ito."


Sa gunam gunam ni Jo, sinusundan niya ang kuwento ni Amang.

"Walang pakundangan nilang pinasok ang loob. Tinatanong ng pari, sino po ba ang inyong hinahanap, pero hindi siya pinapansin ng mga sundalo. Sumenyas ang kumander nila na akyatin ang lahat ng palapag, kalampagin ang bawat silid. Takot na takot ang mga tao, nanginginig ang mga madre. May mga naabutan pa nga silang naliligo sa mga shower room. Binosohan pati ang mga madre. Nang hindi nila ako makita, nagbanta pa sila sa mga pari na babalik sila. Babalikan nila ako."

No comments: