Hinihika na naman ako. Hindi na naman ako makahinga, makatulog. Uminom na ako ng gamot. Lumuwag na ang paghinga ngunit nanginginig naman ang aking mga daliri. Naluluha ang mga mata ko. At hindi na nawala ang sipon. Dati, noong hindi pa ako nakakagamit ng nebulizer, ang hika ang kasama ko sa puyat. Bigla kong naalala kanina, noong pinahiga ako ni Bert sa kanyang tiyan, kung paano ba 'yung ginagawa ko sa tuwing inaatake ako ng hika noong bata pa ako. Natatandaan kong gising na gising ako, sumuko na sa pagtulog na nakaupo, nakatihaya, nakapamaluktot, akala mo'y asong naimpatso. Samantala, habang lumuluwa na ang aking mga mata sa pagod, tulog na tulog silang lahat. May lagusan ang bahay sa Project 6, 'yung partisyon kung saan kami nakatira. Derecho ang lagusang iyon sa kumedor ng bahay ng lola ko. Sisilip ako doon sa ref niyang malaki. Kakatwa, nahihimasmasan ako sa lamig ng ref. Walang kalaman laman na pagkain. Puro mga botelya ng tubig. Minsan, nakatsamba ako sa isang botelyang may laman na Sprite. Lem-o-lime pa yata ang tawag nila doon, sa panahong ang orange soda ay may real pulp bits pa. Grabe, ang saya ko sa pagkakatagpo ng isang botelyang mukhang tubig pero soda pala. May tumba tumba ang lola ko na nakapuwesto sa sala. Doon ako umuupo. Doon na ako makakatulog. May isa pa akong biglang naalala. Minsan, sinubukan kong maglayas. Wala lang. Ang tagal tagal kong nasa loob ng banyo, hindi ako gumagalaw. Tinitingnan ko kung hahanapin ba ako. E hindi. Noong mag-aalas dose na, lumabas ako ng bahay. Talagang pasakay na ako ng jeep. Bigla akong natakot. Bumalik ako. Naglayas ako nang walang nakapansin. Nakakatawa. Noong nagbibisikleta naman akong muli, nahagip ko 'yung eksaktong damdamin ng paglalayas na walang nakakapansin. Sinubukan kong magbike ng alas tres, alas kuwatro ng umaga. Actually, nakakatakot pala ang pag-iisang iyon. Nasa kanto na ako ng isa sa pinaka-dinadaan daanan na sangandaan -- 'yung sa hugpungan ng Molave, Engineering. Nakatuwaan kong umikot ikot doon na akala mo may cloverleaf. Kalaunan, nagsawa ako. Bigla rin akong kinabahan. Parang naalala ko 'yung desolate atmosphere sa pelikulang Vanilla Sky. Noong nananaginip si Tom Cruise na nagmamaneho siya sa New York city, at ang liwa-liwanag ng paligid, pero ang tahi-tahimik at walang katao tao.
Hindi ko na inulit 'yung adventure na 'yun. Dahil noong sinubukan ko rin ulit na magbike, kamuntik na akong tumilapon. Nangyari ito noong 2005 siguro, sa may sulok ng Admin, malapit sa CMC, at katapat ng Music. Galit na galit 'yung cyclist na kamuntik kong mabangga- head on collision na talaga kung sakali. "E putek, you're in wrong lane," sabi niya. "E gago ka pala e," sagot ko. At tumalilis na ako sa ibang direksiyon. Hindi ko na nakita 'yung cyclist, at hindi ko na rin siya mamukhaan, kasi pare-parehas ang itsura't build ng mga cyclist na umiikot sa oval. Para silang mga uwang na nakabisikleta. Mga uwang na matapos magbisikleta'y tatambay sa kiosk at maninigarilyo. Naweweirduhan nga ako sa gawi nilang iyon. Bakit pa sila nag-abalang magbisikleta kung pagkatapos lang ng lahat ay magyoyosi lang? Siguro, patuloy pa rin sa ehersisyo ang cyclist na iyon tuwing umaga, pero ako, nawalan na ako ng gana, kinabahan sa sarili kong death wish sa pagbibisikleta.
II.
Nawalan si Bert ng toolbox. Dati, nasa isang kuwarto lang iyon. Katabi ng emergency light. Dahil nga ang bahay namin ay pinagsanib na talyer at library, inakala kong naroon lang iyon sa sulok na iyon dahil -- toolbox lang -- kagaya ng mga libro -- andiyan lang. Isang araw, hinalughog na ni Bert ang mga gamit niya. Hanap siya ng hanap, binulabog niya ang kapatid niyang si Des, tumawag rin kay Ex sa Marikina, nagbabakasakaling ipinatago niya ang toolbox doon. E wala. Tapos, naalala niya na kung kailan niya huling ginamit ang toolbox na iyon. Noong ipinadala ni Nick ang mga ibang tools galing Amerika. Sa sobra niyang tuwa noong araw na iyon -- Disyembre 23 iyon ng 2007 -- baka raw naipamigay niya ang laman ng toolbox. So tiningnan niya sa bago niyang kahon. Naroon nga ang ilang gamit, pero maraming nawala.
Kung mahalaga sa akin ang bawat libro dito sa bahay, mahalaga para kay Bert ang tools niya. Noong makabalik siya galing ng Dubai, ipinagmayabang niya sa akin ang mga naipundar niyang mga tools. Akala mo ako, noong galing sa mga biyahe, ipinagmamayabang ang mga naipamiling mga libro. 'Yung pakiramdam kasi noon, parang galak na galak ka na kahit munti lang iyong bagay na naiuwi at kahit na wala ka namang pera'y may nabili ka rin naman ng para sa iyo.
III.
Ang dumi ngayon ng bahay, kung baga sa tao, hilamos suklay na lang ang hitsura, hindi na nakapaliligo. Hindi na muna niya pinapupunta sa bahay si Aling Gondina. Ibig niya munang maresolba kung saan ba niya nailagay ang mga tools bago siya magbintang. Dito na kami nagkakaiba ng malaki ni Bert. Ako automatiko na nagiging prangka sa ibang bagay pero pagdating sa pagtatanong ng deretso kung nasaan na ba ang gamit na nawawaglit, napipikon ako dahil nakakaramdam ako ng guilt, na para bang ako pa ang kumuha. Pero paulit ulit na rin na napapatunayan na may kinukuha, "hinihiram". Kung minsan, kapag sinusuwerte na tamaan ng konsyensya, binabalik. Pero kapag tinamaan ng toyo, sinisira. Kapag na-amnesia, wala nang solian, akala mo linulon ng limbo. At dito na rin ako humahanga sa disposisyon ni Bert. Hindi niya pinagkakait ang benepisyo ng pagdududa. Tingnan muna kung naririyan, bago mamintang. Palibhasa'y lumaki ako sa bahay na para hindi mo matikman ang hagupit ng bintang, walang bagay kang maaring galawin nang hindi nagpapaalam, walang bagay na maaring gamitin na hindi sa iyo. Kahit na ano pa iyon, lalong lalo na ang mga bagay na nakapatong sa mesa, lalong lalo na ang mga bagay na pribado.
Sa isang programa sa tv kanina, ipinakita ang isang social experiment na isinagawa sa mga karaniwang tao. Tipong may maglalaglag ng pera sa kalsada, o mag-iiwan ng cellphone sa tricycle na sinasadya. Doon na nakita ang performance ng tao sa pagsusulit. Ang daming bumagsak. 'Yung aleng nagwawalis ng kalsada, nang makita ang balumbon ng limang daan, agad itong inapakan, at saka pinatungan ng bag. 'Yung tricycle driver na nakakita ng cellphone na "nakalimutan" nagmaang-maangan sa pasaherong hinahanap ang nawaglit. 'Yung bantay sa botika huling huling binubuksan ang kaha ng perang naiwan sa ibabaw ng counter. Tinotoo ng bawat isa sa kanila ang kasabihang finder's keepers. Nakalma nila ang mga sarili na hindi naman nila kinukuha ang hindi nila talaga pag-aari, dahil napulot lang naman nila ito. Sa parehas na palabas, ipinakita rin na may mga nakapasa. Binabalik ang pera, ang cellphone, ang kaha. Napaisip ako sa kahulugan ng resulta ng social experiment na iyon. Ang sabi ng programa, hindi naman daw intensiyon ng experimento na ipakita kung sino ang mga marurupok o salat sa buhay. Dahil ang pinili nilang pag-experimentuhan ay ang karaniwang tao, ang C-D class ang nakasalang sa kanilang petri dish. Pero what if isasagawa ang parehas na experimento sa mga iniikutan ng mga mayayaman o may kaya? Halimbawa, mag-iiwan ka ng balumbon ng limang daan sa CR ng gym, cellphone sa mesa ng isang bar, o laptop sa isang internet cafe gaya ng Starbucks. Sisikwatin rin kaya ito? Makakakita ka kaya ng isang pasosy na nagygym, 'yung tipong ang linis ng skin tone sa kakaspa, na tatakpan ng gym bag ang balumbon ng pera? O isang tsinito na pasimpleng kukunin ang cellphone sa counter at ibubulsa? Ibabalik pa ba ang apple G4 ng isang guwapong boylet na cono ang dating?
Siguro oo, siguro hindi. Pero napaisip lang rin talaga ako sa piniling base ng experiment, na kahit hindi siguro intensiyon na paratangan na mga mahihina ang mga mahihirap ay naipapakita pa rin itong "ugaling" ito. Bakit, hindi ba nagkakaroon ng mga insidente ng white collar crime dito sa Pilipinas? Gaya na nga ng ipinapakitang mga expose ng mga iba't ibang tao, na ang latest ay 'yung kay Lozada, nasa taas ang sulak ng amoy ng kabulukan. Kumbaga sa bahay, madaling pagbintangan ang mga katulong dahil alam mong halos gumapang sila sa pagtawid nila sa buhay sa araw araw, pero paano kung ang mga amo pala ang experto na sa laro ng padding ng mga accounts, o sa pakikipagsabwat sa mga deal na bumubukol ang kanilang kasakiman?
Kung mayroon mang matibay na dahilan kung bakit panahon na ring pag-isipan na ng mabuti ang pag-alis sa bayang ito, iyon ay ang pangambang baka ang kalakhan ng mga bata ay ang kamalayang ok lang ang corruption, nasa paligid na naman kasi ito, parang carbon monoxide na binubuga ng sasakyan, o parang vetsin sa pagkain na hindi na maiwasang makain, kahit sa fastfood o sa bahay. Kung endemiko na ang corruption sa buhay natin sa araw-araw, aba, hindi na ako magtataka kung balang araw, sa halip na tukuyin natin ang gene mutation sa kinakain o sa hinihinga'y may bodily symptom na rin ang corruption. Tutubuan kaya ng pigsa ang mga palad na makakati? Luluwa kaya ang mga mata ng mga nasanay sa pagsilip ng mga numero't pagdagdag ng mga zero sa mga resibo? May partikular kayang pagtaba na susulpot na hindi masabing dahil lang sa fastfood cravings kundi dahil sa fastcash cravings?
Hindi ko sinasabing malinis ako sa mga punang ito. Hindi ko rin sinasabi na ibig kong iwan na lang ang Pilipinas. Ito pa rin ang bayan ko, at wala pa akong napuntahang lugar na masasabi kong ibig kong doon na ako, doon na kami. Alam kong makararanas kami ng diskriminasyon sa ibang bansa. Nakita ko na kasi ito mismo, naranasan mismo, na napaka-subtle, halos hindi mo maramdaman, pero magiging malay ka na ikaw pala ay binasa alinsunod sa stereotype. Pero may mga periodical na sumpong ako ng pangangarap na makaalis, kagaya ngayon. Sinimulan ko ang pagmumuni sa hika at dito ako nakarating. Napaisip kasi ako na baka ang mismong kalagayan ngayon ng bayan ang lumilikha ng allergen na nagtutulak ng psychosomatiko kong hika.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment