Friday, February 1, 2008

Sacred Heart Novitiate

Dalawang Sleepasil na ang naiinom ni Jo pero hindi pa rin ito tumatalab. Kanina pa siya ikot nang ikot sa kama, parang bulateng batid na ipapain sa pangingisda. Iniisip niya kung lulunok pa siya ng isang kapsula, pero baka hindi na siya magising. Kinapa niya sa ilalim ng katre ang overnight bag niya. May liwanag pa mula sa labas kaya naaninag niya ang mukha ni Hello Kitty sa bag nang iangat niya ito't binuksan ang zipper. Hinugot niya ang librong Surfacing ni Margaret Atwood. Sa utak, alam na niya ang sasabihin sa adviser niya kapag tinanong nito kung ano'ng palagay niya sa librong ipinahiram: well written, very lyrical, sinuous structure. Pinapakita ang giyera ng pagiging babae sa wika. Napapikit siya sa naging takbo ng isip. Hanggang sa mga oras ng paghahabol ng kahit minuto lang ng idlip, nagiging pretensyosa pa rin siya. Bumangon na siya sa katre't dumungaw sa bintana. Umaalulong ang aso. Bakat ang siluwet ng punong balete sa screen ng bintana. Tipikal na eksena sa pelikulang horror, pero wala siyang maramdamang hilakbot. Malay ba niya kung ang pag-alulong ng aso'y para lang ring pag-iinat, o paghihikab?

Lumabas siya ng silid, sinusi iyon, at naglakad sa pasilyo. Mapusyaw na berde ang kulay ng mga pader na plywood kapag araw, at ngayong gabi'y tila namumuti ang luntian. Inaaninag ng flashlight niyang bitbit ang daan patungo sa communal na palikuran. May mga nadadaanan siyang mga silid na bukas ang ilaw at tanaw ang ikot ng ceiling fan. May mahina pang hugong ng transistor.

Kasalukuyan niyang winiwisikan ng tubig ang ari niya nang biglang bumukas ang pinto. Bahagya siyang kinabahan, kahit na alam niyang nasa seminaryo siya't hindi naman nag-iisa sa pagtulog sa wing ng gusaling iyon. Ang pagiging communal mismo ng banyo ang nakakapagpakaba. Kung babae ang pumasok, walang kaso. Pero paano kung lalaki? May pares ng tsinelas siyang nasilip sa ilalim ng cubicle. Ibinalik niya ang tabo sa ibabaw ng toilet, lumabas, at hindi na liningon kung nakatapos na sa pag-ihi ang nasa kabila.

Paglabas niya ng banyo, nagulat siya nang makasalubong niya ang isang lalaking nakasalamin, halos kasintaas niya, may katandaan ang pangangatawan at kalbo. Tila nakaternong pajamang puti. Ang kakatwa, suot nito 'yung itim na tsinelas na nasilip na niya kani-kanina. Katad na tsinelas na mukhang ilang taon na ring ginagamit dala ng mga kulubot. Saan ba siya huling nakakita ng pares ng mga iyon? Sa Recto, noong mag-isa siyang namamasyal?

May sinabi ang lalaki. Parang "good evening" o "evening" basta hindi na rin siya nakakibo. Mabilis ring rumehistro sa diwa niya ang hugis patatas nitong mukha, at ang tila antigong pares ng salamin.

Nang makapasok na si Jo sa silid, sinimulan niyang magsulat. Ng kahit na ano lang. Ikinuwento niya ang araw: bumangon siya kaninang alas siyete, nag-almusal sa mess hall ng mag-isa, nag-isip ng katuluyan ng sinusulat niyang kabanata, nananghali, sinubukang mag-siesta, hindi mapakali, lumabas, umikot sa paligid ng Sacred Heart Novitiate, natuksong itakbo ang bisikletang nakita niyang nakaparada para makaikot sa paligid nang nakabisikleta, lumabas ang isang pari, ngumiti, sumakay sa inaasam niyang bisikleta. Naglakad. Napadpad sa istatwa ni San Jose, na nakatayo malapit sa mga puno ng suha. Nang mabasa niya ang tansong plate ng estatwa na nagsasaad kung anong pangalan ng santo, parang naging suha siya, naging makatas ang mga mata, at natatawa siyang umupo sa bangkito na malapit sa estatwa, pinunasan ang likidong tumulo sa mga mata, pinagnilayan kung siya ba'y kaluluwa ng isang prayleng buktot, o kaluluwa ng isang babaeng saksakan ng makasalanan, na nakikiapid sa prayle, kaya siya naging suha. Nangawit ang kamay ni Jo sa kasusulat. Sa kuwaderno muna niya ibinubuhos ang naiisip bago niya itipa sa laptop. Ilang beses na siyang napupuna sa gawi niyang ito, sayang raw ang enerhiya, pero isa siyang nilalang ng gawi, ganu'n kasimple.

Umaga na nang huminto si Jo sa pagsusulat. Nadatnan na lang niya ang pamumuti ng langit. Ang asong umaalulong kagabi'y tumatahol na ngayon sa paparating na Nissan Patrol na asul. May kambing, may kalabaw na umuunga. Nainggit siya sa pangingingain ng mga hayop sa damo, naalala ang sikmura't tiyan. Bumaba siya ng silid para kumain ng almusal sa mess hall.

Sarado pa. Nakita ni Jo ang swing, ang balete, sa di kalayuan ng mess hall. Naglakad siya patungo roon. Mas lalo siyang namangha nang makalapit siya sa puno, dahil parang pinagdugtong dugtong iyong mga braso't hita, puwet at mukha, ng mga taong nakasalansan sa isang bukas na hukay. Hindi mabilang ang mga nakalaylay nitong mga sanga, na kasing payat ng braso ng mga musmos. Umupo na si Jo sa swing, idinuyan iyon, hinintay niyang maramdaman ang pagpaspas ng swing at ang pag-uulit ng pagtapak pag-angat ng kanyang mga paa sa nakalbo nang lupa sa ilalim niyon. Nakakailang ugoy na siya sa swing nang mapansin muli niya ang katad na tsinelas. Napatigil si Jo. Kaharap na niya ngayon ang mamang nakaputi.

"Nagseseminar po ba kayo rito?" ang tanong nito.
"Hindi po," ang matipid na sagot ni Jo.
"Nagreretreat kayo marahil -- nagninilaynilay?"
"Opo." At tiningnan na ni Jo ang mukha ng mamang iyon, Parang nagulat pa siya nang makita niya iyon ng mas maigi, ngayon, sa araw. Parang naaalala niya ang mukha nito, hindi niya lang matandaan kung saan niya nakita. Parang kagaya ng isang bagay na hinahanap mo sa sarili mong tahanan, tapos natitiyak mong nakita mo lang iyon sa isang sulok, hindi mo nga lang matandaan kung aling sulok.

Sa sandaling iyon, pinasya ni Jo na hindi na maging mailap. "Ang totoo po, bumalik ako sa lugar na ito. Naisip ko, dito ko tatapusin ang aking nobela."
"Ah, para ka na palang nanay na nakapagpasyang magcheck-in na sa ospital bago pa man maglabor."
"Ganu'n na nga po."
"Nobela kamo? Aba, mukhang mahirap 'yan. Tungkol saan ang iyong sinusulat?"
"Hindi ko pa po alam..." bulalas ni Jo, at tumawa siya ng tumawa. "Hindi ko pa po talaga alam."
"Hindi naman talaga nauubos ang materyal, di ba? Gaya ng baleteng ito. Mabibilang mo ba ang mga sanga? Ang lawak?"
"Kung pagtitiyagaan pong sukatin. May mga tape measure naman," sagot ni Jo, at nakagat niya ang sariling dila. Nagsisi siya sa ugali niyang basta sabihin ang nararamdaman, alam na niyang lagi niya iyong ikinapapahamak. "Kayo po. Pari po ba kayo dito?"
Nangiti ang lalaki. "Sabihin mo na lamang na alagad."
Huminto na sa pag-ugoy ng swing si Jo. Tumayo na siya't pinagpag ang puwetan ng pantalong maong. "Noong una po akong nakarating sa lugar na ito, nagulat ako sa tila napaka-pamilyar na dating nito sa akin. Para pong napanaginipan ko na pero hindi ko na maalala."
"Kailan ka pa napadpad rito?"
"Noong nakaraang taon pa po. Writers workshop sa isang pamantasan."
"Ikaw ang guro?"
"Kasama po ako sa maraming mga guro." Tigil. "Maiba po ako. Kanina ko pa ho pinag-iisipan kung saan ko kayo nakita dahil napaka-pamilyar ng iyong mukha."
Sasagot na sana ang lalaki, ngunit narinig nilang dalawa ang huni ng bisikletang dumaan. Kumaway ang mamang nakaputi sa paring nakasakay sa bisikleta.
"Ako nga po pala si Jo Catapangan. Kayo po si?"
"Amang. Tawagin mo na lang akong Amang."
Nagkamayan sila. Mainit, mahigpit ang pakikipagkamay ng matanda. Mabilis lang ang pagdampi ng palad maliksi rin nitong ibinulsa muli ang mga kamay.
"O sige, iiwan muna kita riyan at baka nakakasagabal ako sa iyong pagmumuni. May nobela ka palang tinatapos..."

Hindi na kumibo si Jo. Sinadya niyang ibaling ang tingin sa lupang nakalbo, sa ilalim ng swing.

Nagkita sila muli ng matandang iyon noong pananghalian. Kinakaskas na ng matanda ang mumo sa aluminum nitong tray at inilalagak na ang kubyertos sa tumpok. Pasimula pa lang siyang mananghali, si Amang ay patapos na. Kinawayan siya nito. Sa loob ni Jo, nahihiwagaan siya sa pakilala ni Amang sa sarili bilang alagad. At napansin niyang malinis na malinis pa rin ang polo nito't pantalon na hindi pala puting puti kundi kakulay ng katsang laging linalabhan. Kakilala pala ni Amang ang lahat. Mula sa mamang serbidor , sa hardinero, sa mga janitor na naglalampaso ng pasilyo. Kabatian niya rin ang pulutong ng mga nobisyadang Pilipina, mga Asyano't mga Europeo. Sino kaya siya? tanong ni Jo sa sarili, nang nakahilata na siya sa kama, parang bulateng ipinapain sa pangingisda.

Pagod na pagod ang kanyang katawan na tila hiniram, para bang may minaso siyang pader ng isang gusali dahil nangangalay ang kanyang braso, at hindi na nawala ang paulit ulit na sumpong ng migraine. Sa mesa, linilipad ng hangin ang mga blangko pang pahina ng kanyang kuwaderno. Kanina pa niya naiisip na ihagis iyon sa bintana, kasunod ng kanyang laptop.

No comments: