Paano ba humahabi ng kuwento? Saan hinuhugot ng manunulat ang kuwento? Sa personal kong opinyon, kasinungalingan ang susi ng lahat. Humahabi ka ng kuwento mula sa isang kapani-paniwalang kasinungalingan. Habang binubudburan mo ang orihinal na storya ng mga detalyeng naisip mo lang na posible, unti-unting nagkakahugis ang kuwento. Sapagkat sumasalok ako sa balon ng mga kuwento ng mga taong nakapaligid sa akin, kung minsan, nakakapagdalawang isip kung isasalaysay ko pa ba ang mga kuwento nila. Laging may tulak na kung ano na isulat iyon.
Halimbawa, noong una kong marinig ang anekdota ng aking ina tungkol sa kaibigan ng isa kong tiyahin, natuwa ako sa storya at inimbak ko iyon sa aking kamalayan, for future reference. Isang bata naglaro ng posporo. Sinindihan niya. Hinipan. Sinindihan ang isa pa, naitapon niya ang palito, tumama sa kurtina ng bintana, lumiyab nang paunti unti hanggang sa lumaki ang apoy. Pinagmasdan pa ng maigi ng musmos ang apoy bago siya umalis ng kuwarto makaraan. Nasa labas na siya ng bahay nang maalala niyang natutulog ang kanyang lolo sa loob. Tupok na ng apoy ang bahay at hindi nailigtas ang lolo. Natagpuan ang bata, ngunit hindi ito nagsalita kailanman na siya pala ang nagparikit ng apoy. Dahil siya'y musmos, ni hindi sumagi sa isip ng mga tao na baka siya ang salarin. Tumanda na ang batang iyon, higit singkuwenta na, naging propesora ng matematika, ngunit hindi pa rin niya maibunyag ang pangyayari. Naikuwento lamang niya ang anekdota sa pinakamatalik niyang kaibigan, ang tiyahin ko. Ito namang tiyahin ko ang nagkuwento ng anekdota sa aking ina. Dala dala ng bata, na lumaki na't nagkaedad, ang bagahe na napatay niya ang lolo niya, nang hindi niya sinasadya. O hindi nga ba? Iyon rin ang magandang katanungan.
Kinukuwadro ng nagsasalaysay ang kuwento ayon sa mga ispesipikong mga imahe. Sa isasalaysay ko ngayon, magsisimula ako sa imahe ng isang batang lalaki. Si Alvin. Mga apat o limang taong gulang siya. 1973. Usong uso sa telebisyon ang palabas na Batman and Robin. Nakatira ang batang iyon sa family compound na binubuo ng tatlong mga pamilya, mga magkakapatid, na nakikisuno sa bahay ni Nanay, sa Project 6. Paboritong laro ng bata ang pagpapanggap na siya si Robin, at ang isa ko pang pinsan ang Batman. May litrato silang nakapustura sa outfit na ito, kinunan sa katapat na punong kawayan ng bahay sa Project 6, sa isang umaga ng kaarawan ng batang lalaki.
Lilipas ang tatlo, apat na taon. Nag-aaral na sa isang preschool si Alvin malapit sa kapilya. Christmas party. Toka ng bata ang pagdadala ng spaghetti. Mahilig magluto ang kanyang ina, na pangangalanan kong Fiona. Naglalaro ang mga bata, masaya sa habulan, masaya sa pagbubukas ng mga regalo. Nagkukuwentuhan ang mga ina ng mga bata. Kausap ni Fiona ang isa sa kanila, na pinansin niya ang magandang hikaw na pilak. "Para kang totoong gypsy sa suot mo. Ang ganda ganda ng iyong peasant dress, bagay na bagay ang lahat ng accessories."
May nangyayari sa isang tao na uhaw sa papuri, lalo na kung hindi naman siya ubod ng ganda pero may kakayahan na rin siyang mamili ng kung ano ang ibig. Nagiging mapagbigay sila sa pumuri, matulungin sa mga taong iyon na para bang ang papuri'y pinaniniwalaan nilang taos sa puso, kahit na sa totoo lang ay naiinip na si Fiona sa handa at ibig na niyang umuwi, pero wiling wili ang anak niya sa isa na namang charade na siya si Robin at merong kalarong Batman.
"Bigay ito ng aking asawa, padala niya."
"Bakit, saan ba siya?"
"Nasa Saudi. Kung ako sa iyo, hikayatin mo ang iyong mister na magtrabaho doon. Iyon ang lugar na pinupuntahan ngayon ng mga propesyunal para kumita ng malaki laki."
At bumukod na ang dalawang babae sa umpukan ng iba pang mga ina. May hinugot na papel mula sa bag ang babaeng nakapeasant dress na tangerine at brown, isinulat niya roon ang address at telepono ng agency na pinagtratrabahuhan ng asawa niya, para tulungan ang asawa ng babaeng nakahotpants na apple green. Hinalikan ni Fiona ang papel na parang ostiya. Kaagad siyang nagpaalam na sa kausap, tinawag na ang anak, at umuwi na sila.
Bumaba sila sa kanto ng Road 30 at habang naglalakad, may napansin ang batang lalaki sa kalsada. Papel, dalandan na papel. Pinulot niya iyon. Pagkapulot na pagkapulot, napatingin siya sa ina. Ibinalik niya ang papel, inipit sa ilalim ng isang bato. "Ano ka ba, Alvin? Bakit mo binalik?"
"E sabi po sa school, kung hindi sa iyo ang gamit, ibalik mo o iwanan mo sa kung saan mo nakita. Baka daw po kasi balikan ng nakawala."
"Engot! Beinte pesos rin 'yun!" At dumukwang ang ina, nabigla ang pantsuit niya sa kilos kaya bahagya itong napunit sa may tumbong. "Hmpph!" Hinila niya ang bata pagkakuha ng pera na dali dali rin niyang sinuksok sa bag.
Gabi. Kauuwi ng asawa ni Fiona na si Mitoy. Pagod itong sumalampak sa silya. "Abutan mo nga ako ng tubig," utos nito sa asawa, at tumalima naman si Fiona. Minamasa-masahe ni Fiona ang batok ni Mitoy nang bigla niyang maisip na ikuwento ang insidente nilang mag-ina kanina.
"Biruin mo, naroon na nga sa kalsada 'yung grasya, sinoli pa ng anak mo 'yung pera. Kung di ba naman may pagka-engot."
Muntik mabulunan si Mitoy sa "engot" na narinig. Ina ng kanyang anak ang nagsasalita, ang engot ay ang batang lalaking magmamana ng kanyang pangalan. "Anong sinabi mo?"
Natigilan si Fiona, narinig niya sa tanong ang init ng ulo.
"Dapat nga pinuri mo ang bata sa kanyang katapatan."
"Sus! Hoy Emerito, kailangang ituro sa anak mo ang maging praktikal. Paano siya mabubuhay kung isosoli niya ang lahat ng mga grasya?"
"Kung maririnig ka ni Impo ngayon baka paluin ka pa sa puwet nu'n. Ayaw na ayaw niyang makakarinig ng ganyan."
"O siya, siya. Sorry na. Ngapala, may naisip ako..."
At habang minamasahe ulit ni Fiona ang batok at likod ni Mitoy, ginampanan niya ng mabuti ang papel ng isang masuyo at maasikasong asawa. Ang baso ng malamig na tubig ay itinabi, inakay niya ang lalaki sa hapagkainan, kung saan nakahain na ang hapunan nitong tirang spaghetti at dalawang barbecue na naamot niya sa hapunan sa kabila. Kinuwento niya ang Christmas party ng bata, kung paano niya nakakuwentuhan ang babaeng nakahikaw at maganda ang peasant dress na mukha talagang gypsy sa kanyang outfit. "Marami raw mga job openings sa Saudi. Subukan mo kaya? Iwan mo na 'yang pagiging electrician mo sa Meralco. Walang mangyayari sa 'yo diyan."
"Kung magsalita ka parang tapos ako ng college. E drop out nga ako, di ba?"
"Bakit, 'yung asawa ba ng babaeng kinuwento ko sa 'yo kanina tapos? Aba'y parehas lang kayong umabot ng third year. Mas lamang ka pa kasi Engineering ang kurso mo, sa Mapua pa. E 'yung asawa niya? Accounting yata. UE."
Kinumbinse nang kinumbinse ni Fiona si Mitoy noong gabing iyon. Nakapikit na ang asawa niya, humihilik, ngunit gising pa rin si Fiona. Dumaraan sa kanyang diwa ang mga posibleng eksena kung sakaling makalilipad na nga ito patungo ng Saudi: makakaalis na sila sa bahay na ito, makakalipat na sa isang hulugang apartment, baka nga makapagpatayo pa ng sarili. Hindi na siya aasa sa kakarampot na suweldo ng asawa, na sumasideline pa tuwing Sabado't Linggo sa pagkukumpuni ng mga sasakyan. Hindi na ito mag-aamoy langis. Hindi na siya matataranta sa utang, hindi na siya tatakbo pa sa bahay ng nanay niya sa Cubao para humingi ng pera. Sa wakas, hindi na siya ang iilingan niyon sa awa, at baka siya pa ang mag-aabot ng sobra para rito, pambili man lang ng luho ng matanda, consuelo. Mag-aalas tres na ng umaga nang mapapikit na si Fiona.
Matutuloy ang biyahe ni Mitoy, makakaalis siya patungong Bahrain. At ang batang lalaki ay magigising na lang ng isang umaga na pinagmamadali sa pagbibihis. Tamad na tamad siyang kumilos, at gayundin ang kapatid niyang babae, na umiiyak na ngayon dahil nasasaktan sa higpit ng pagkatirintas ng buhok nito. "Aray! Mommy, sobrang higpit!"
"Ganyan talaga, kung gusto mong maging maganda..."
Ngayon, trenta mahigit na ang batang lalaki sa storyang ito. Kagaya ng kanyang ama, nakipagsapalaran rin si Alvin sa disyerto. Pero kagaya rin ng buhangin sa lupaing iyon, kusang hinihilom ng elemento ang sariling sugat at hindi na malaman kung nasaan na ba ang mga dating bakas ng paa ng naglakbay doon? Tila kinalimutan na ni Alvin ang lahat nang sumama rin siya sa negosyo ng tatay niya sa Dubai. Kinalimutan niyang nagkawatak ang pamilya nila dala ng pagloloko ng kanyang ina. Kinalimutan niyang halos gumapang sila sa hirap nang tumigil ang mga padala ng tatay niya bunga na rin ng pagkainsulto sa nagawa ng asawa. Kung paano sila unti-unting ibinangon ng nanay niya, nang sinangla nito ang share sa bahay nila sa Cubao. Nakaraos siya ng pag-aaral sa siklo ng mga promissory notes na pinipirmahan ng nanay niya kada enrollment. Nakapagtapos siya, nakapag-asawa, nagka-anak.
Ngunit buhangin nga yata ang elementong naghahari sa kanya, hindi marunong magtanda, hindi natututo. Dahil inulit lang niya ang naging pagkakamali ng ina, nang mabuyo siyang makipagkilala sa hindi niya kakilala, sa isang chatroom. Isang inosenteng harutan na naganap sa lalim ng gabi sa opisina sa Dubai, habang pinapaspasan nila ang report ng natapos nilang repair. Na-engganyo siyang buksan ang link na chat, pinili niya ang pinaka-cute na pangalan doon, chocolate frogs.
Siya at si chocolate frogs ay nagkasundo na magkita sa Tagaytay, sa susunod niyang bakasyon sa Pilipinas.
Nabuo ang salaysay mula sa mga usapan at pagmumuni ukol sa usapan. Sa aspetong ito, hindi ko inaasahan na malaki pala ang tulong na naibigay ng paghahasa bilang mandudula, dahil ang training sa pagsulat niyon ay lumikha ng eksena. 'Yung eksena, matagal, kung minsan, mabilis lang na naiimbak sa loob ng aking utak, nagpapahinog. Kusang "nalaglag" ang bunga sa lupa nang makakuwentuhan ko ang kaanak na pinagbatayan ko rin ng karakter. Pinalamutian ko ang pinaka-plotline na galing sa kuwento ng kaanak. Binudbod doon ang mga imahe na nasagap ko mula sa mga pelikulang napanood, sa mga librong nabasa, sa iba pang mga kuwento na nasagap sa araw araw.
Intensiyon ko ngayon sa blog na ito na itest drive ang daloy ng ideya para sa kabanata ng 11 Chopin St. (ang kuwento ng pagsasama nina Mitoy at Fiona) o para sa kabanata ng Kalat (ang kuwento ni Jo).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment