Isang umaga pagkaraan ng birthday ko, tumawag si Nic. Nagkataong nagbubukas ako ng email, kaya tinigil ko muna iyon para kausapin siya. Kaming dalawa ni Des ang kanyang nakausap dahil nasa labas si Bert noon. Malamig pa rin sa Nevada kaya nakikita namin na nakajacket pa siya habang kausap kami. May kaunting liwanag pa ng araw na makikita sa dalawang bintana ng bahay na natatanaw namin sa screen. Lumipat siya ng lokasyon, nagtungo sa garahe. Coke na lang ang kanyang iniinom. Dahil ngayon ko lang ito nasusulat matapos ang kumbersasyon na dalawa o tatlong araw na ang nakalipas, hindi ko na matandaan ang lahat lahat ng aming napag-usapan pero ang pinakatampok marahil sa pag-uusap na 'yun ay 'yung kuwento tungkol sa isang dulang sinulat niya, na tinanghal ng PETA noong 1973. Kung may gawa daw siya na sa tingin niya'y pinakamahusay, ito 'yun. Isang gabi lang daw iyon tinanghal -- ang Ang Makasaysayang Panaginip ni Antonio Manggagawa. Batay sa kanyang deskripsyon -- pumapalakpak daw ang mga manonood, standing ovation sa bawat eksena -- tila napakatalas ng sinasabi ng dula. Tinanong ko si Nick kung may kopya pa siya nito. Ang sabi niya'y iniwan niya raw ito sa dati nilang apartment, doon sa Scout Rallos.
Noong kasagsagan ng Martial Law, iyon rin daw ang peak ng kanyang panulat bilang mandudula. Ang manuskrito ng Antonio Manggagawa ay isinilid niya sa isang rolyo ng aluminum foil at itinago sa kung saan, hindi na niya maalala. Matagal nang umalis ang pamilya sa apartment sa Scout Rallos. Natatandaan kong tumira rin doon si Bert sa mga unang taon ng kanyang pag-aasawa, ngunit umalis rin. Marahil dahil pangit na ang naging alaala ng lugar. Lumipat na siya sa bahay ni Ex sa mga panahong ito. Hindi rin siya makatiyak kung may isang taga-PETA na nagtago nito. Maaring si Gardy Labad, maaring si Al Santos.
Ramdam ko ang panghihinayang na nawaglit ang manuskrito. Alam ko na hindi iyon masayang karanasan. (Ako mismo'y nawalan rin ng manuskrito ng isang full length play, Kapatid Ko Ang Buwan, na ipinasa ko sa CCP Playwriting contest/grant noong 1989. Espesyal para sa akin ang manuskrito dahil kauna-unahan ko iyong full length.) Pinatigil ang scheduled production ng dula, sa kabila ng mainit na pagtanggap dito. Ang dahilan? Natakot daw si Lino Brocka. Kinausap daw niya ng isa isa ang mga tao, pinakiusapan na huwag irebyu, huwag ipagkakalat, hindi dahil sa hindi siya naniniwala sa akda, kundi natatakot siya na mapahamak ang mga taga-PETA. Nagkaroon ng pait si Nic mula sa karanasan. Pero nasabi rin niya, is it worth it kung marami ang makukulong, madarampot, mapapahamak, para sa isang play? At this point, naalala ko ang ehemplo ng mga mandudula ng drama simboliko. Si Aurelio Tolentino, ang sumulat ng Kahapon Ngayon at Bukas, ay nakulong ng siyam na beses. Labas masok sa karsel. Paulit ulit rin siyang nagbabayad ng halaga para sa damages. At pati ang mga kasama sa produksiyon, ultimo mga manonood, ay hinuhuli. Isipin mo 'yun. Mga manonood na handang makulong para sa panonood ng dula. Mga manonood na nauunawaan sa kabutu-butuhan, kung ano ang mga simbolo, ano ang mga gumagalaw na konsepto, sa dulang kanilang tinutunghayan.
Nagulat ako sa anekdotang ito ni Nic dahil may ipinapakita itong facet ni Brocka na takot. Malaking tao na siya sa larangan ng pelikula, at bilib ako sa kanyang bisyon. Pero ang patigilin ang produksiyon ng dula -- na ultimo ang iskedyul ay pinabura? Parang eksena sa Kundera novel. Parang The Joke. Nalungkot rin ako sa talent ni Nic na hindi sumibol sa pinaka-rurok nito, kahit pa naitala na siya ni Doreen Fernandez sa Palabas bilang mandudula ng Higaang Marmol.
Sinasabi niya sa akin, it's either you have it or you don't. Parang sinasabi niya na kung nahihirapan ako ngayon sa pagtatapos ng nobela, maybe, it's not for me. Napakahirap na maging manunulat, at alam rin ni Nic na hindi sapat 'yung nakakasulat ka ng basta, kailangan ikaw ang pinakamahusay. Hindi ka #2 o #3, ikaw ang #1. Ang sabi ko, wala naman akong delusion na mananalo ako balang araw ng Nobel, I am simply aiming for a degree at this point. E dahil na rin mismo sa prinsipyo kong nakalagda ang aking pangalan sa teksto kaya ayaw ko iyong maging bulagsak kaya ako nahihirapan.
Sa totoo lang, madali namang gumoyo ng tao sa pagsusulat. Itong ginagawa ko ngayon na nobela sa Dubai -- puwede ko namang chikahin, puwede ko namang timplahin na parang all star cast production na nasa Dubai lang ang setting pero walang pananaliksik sa milieu, sa karakter, sa mga motibasyon. 'Yung kabanata kay Jo? Puwede ring gawing baduy, gamitin ang formula ng romance. Mag-invest sa mga kagagahang ideya ukol sa "forever" o sa "true love". At dahil ang setting ko'y sa Sacred Heart Novitiate, ma'nong maglagay ng anghel o santa roon na gagabay sa totoong landas kay Jo? O di ba, di may pitch na ako ng pelikulang pangMahal na Araw.
Ang problema, hindi ako kuntento doon. Ang problema, naniniwala ako, nang walang kayabangan, na may kaya pa akong ilabas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
madali lang magsulat ng naka-ayon sa subok na't patok na formula. kikita ka pa ng malaki. kaya lang, wala ka na rin pagkatapos.
Post a Comment