Wednesday, February 6, 2008

Noong nabubuhay pa ako, lagi na lang akong may allergy sa kung ano ano. Hipon, pakpak ng ipis, balahibo ng aso, pollen ng bulaklak, sigarilyo. Dahil hikain ako, marami ang ipinagbawal. Gustong gusto ko mang mag-alaga ng mga pusa, hindi maaari. Ibig ko mang tumakbo nang tumakbo sa mga parang, makipagsabayan sa haragan ng aking mga kapatid, ay hindi pupuwede. Para na rin akong nagpasundo sa lalaking naka-itim. Ilang mga gamot na ang ipinasubok para gumaling ang aking kondisyon, mula oregano hanggang buntot ng butiking inihaw, mula hangin ng dagat at maraming pahinga. Nabuhay ako ng marangya, ngunit hindi ako sigurado kung nakatulong nga ba ito sa akin, o sa aking naging pamilya.

Sagana ako sa anumang imported na makakain. Huli na nang malaman ko na ang kinagigiliwan ko palang tsokolate ang puno't dahilan ng paninikip ng aking hininga. Mataas ang katungkulan ng aking ama bilang sundalo sa army. Dahil mayroon siyang medical degree, ang ranggo niya kaagad ay lieutenant. Sagana kami sa imported dahil imported mismo ang tatay kong Puti. Malawak ang aming bahay, laging puno ang aming tukador ng mga pagkain, gayundin ang aming freezer. Kami ang unang nagkaroon ng modernong kusina, ng mga unang modernong kasangkapan na nagpapadali ng gawain. Refrigerator, oven, electric stove, rotisserie. Elegante ang aming mga plato, antigo ang aming mga kubyertos, at lagi kaming may party sa bahay. Walang pahinga ang aming kasambahay sa pagluluto't pagbebake. Nakapaligid sa amin ang mga bodyguard. Tig-isa kaming mga magkapatid. Tungkulin ng mga bodyguard na bantayan kami sa lahat ng oras. Nagdalaga na nga ako sa barracks, sinuyo ng mga kalalakihang ang hinaharana'y mga marcha, isinayaw sa mga mess hall na pinalalamutian ng mga parolang papel. Masaya kapag bakasyon. Umaakyat ang buong pamilya sa Camp John Hay.

Kalaunan, isang sundalo ang napangasawa ko, si James. Isa siyang dentista. Kasalukuyan akong nagpapadental check up nang maisipan niyang ligawan ako. Ngayong naalala ko na ang mga sandaling liniligawan niya ako, natatawa ako sa ideyang napasagot niya ako habang nakanganga't nakahilata sa dental chair.

Tatlo ang aming naging mga anak: sina Anastacia, Frank at Fiona. Sa Murphy, Cubao lumaki ang aking mga anak.

Wala na 'yung bahay namin noon doon. Matagal nang giniba para tayuan ng condominium. Tinutuluyan na ngayon ng mga estudyanteng babae na naka-unipormeng puti, mga magnanars. Giniba na ang karamihan sa mga bahay na tinirhan ng aking mga kaibigan, ng aming mga kapitbahay, mula sa isang panahon. Nahalinhan na ng mga gusali -- naging mga bentahan ng surplus na kompyuter, bakeshop, sentro ng medical transciption, atbp. Nanatili man ang ibang mga institusyon, kagaya ng kapilya doon sa may 12th st., hindi na iyon kagaya ng dati. Noong nakakapasyal na ako, sa katayuan kong ito, tumatambay ako sa kapilyang iyon. Dati-rati, kinaaliwan kong titigan ang bintanang stained glass ng kapilyang iyon tuwing may misa. Mas nakatutok ang attensiyon ko doon kaysa sa tinig ng pari sa misa, dahil sa tama ng araw sa salamin. Ngayon, ni hindi na nasisilayan ng bintanang iyon ang araw, kung saan nakaluhod si Kristo sa hardin bago siya ipinako sa krus. Natatalukbungan na iyon ng rumaragasang anino ng tren, na dumaraan kada kinse minutos.

Kaya ako umalis doon. Nalulungkot ako sa sinapit ng aming bahay. Nalulungkot ako sa sinapit ng aming kalsada. Nakita ko kung paano nila minaso ang mga pader, sinapak ng bolang bakal ang mga bintana, tinabunan ng mga tambak ng simento ang lupa, pinatay ang mga hardin. Lahat ng pinaghirapan kong payabungin ay rinapak na nila't pinudpod, at anumang puno na natira'y matagal nang nakutkot ang mga balat at sanga para maging panggatong, pamatpat ng mga taong naninirahan sa isukwater sa tabi tabi.

Walang pakundangan ang pangangailangan, iyan ang aking nakita. Magmula sa labas ng bahay kung saan nasaksihan ko ang mga maliliit na eksena ng mga krimen at pagkakanulo -- walang pakundangan kung nasisilip ng malaking mata sa itaas ang kahayupan na pinagagawa. Sa mismong tahanan ko'y nakita ko kung paanong naging buwitre ang mga tao, kasama na ang aking mag-anak. Kinaon ng mga nagmamagandang mga kadugo ang mga kung ano anong bagay palibhasa'y pinaglumaan na ang mga tinipon. Agad agad ibinenta ng aking mga anak ang mga muwebles, ang mga appliances. Walang hinagap na magiging mas mahal ang halaga noon pagdating ng araw. Wala silang respeto sa luma, tingin nila'y ito'y bulok. May kinalaman marahil sa walang sinasantong paghuhugot ng ngipin ng asawa ko.

Agad agad nilang pinaghatian ang property. Nagkanya kanyang bili na ng mga gamit. Ang pinaka-praktikal ay si Anastacia. Kaagad itong nagtungo ng Amerika para subukang magturo. Mabilis siyang natanggap, palibhasa'y American citizen ang kanyang nuno. Ngayon, kumikita na siya ng malaki dahil naging school administrator, at may malaki siyang bahay sa Nevada't marami na siyang mga ari-arian. Hindi na siya nakapag-asawa.

Si Frank, linustay kaagad agad ang perang naging parti. Ipinambayad sa mga pinagkakautangan ng sugal. Ibinigay sa isang kumpare ang bulok na raw niyang Impala sa garahe, para hindi na siya kulitin sa utang. Nang magkamalay na siyang ubos na ang kanyang mana, saka niya binulabog ang kanyang mga kapatid. Doon niya kinulit si Fiona at ang kinakasama nitong kolonel. Awa ng Diyos ay galante ang kinakasama ng kanyang kapatid. Binigyan nito ng sapat na pera si Frank para makapaglibang na rin ng isang taon, at nagbuhay don ang sutil, buhos luho mula alak hanggang babae. Pagkaraan ng taong iyon, nang nalimas na ang pera, lumapit itong muli sa boypren ni Fiona. Pagkaraan ng ilang araw, hindi na nakita si Frank.

Noong una, inakala nilang dahil iyon sa mga tinatakbuhan niyang mga utang. May nagsabing baka raw nagtatago lang sa probinsiya, nagpapatakbo ng saklaan. May nagsabing para siyang nakita sa airport, pasakay ng eroplano, hindi paalis na pala sa paliparan. Nakita raw siya sa Hong Kong, hindi, sa Shanghai, nagshashopping. Dumaan ang ilang mga buwan, hanggang sa naging mga taon. Wala pa ring Frank. Sumuko na ang magkapatid na hanapin siya. Pero ako, alam ko kung nasaan siya. Naroon siya sa isang burol sa isa sa mga kurba ng daan patungong Taytay. Hindi na siya natagpuan dahil binuhusan na muna ng langis ang katawan niya bago siya sinilaban ng apoy. Mga tauhan mismo ng colonel ang gumawa noon. Inutos ng amo. Kasalukuyang nagniningas ang kanyang buhok, nang tinahak na ng Pajero ang pasalungat na kurba ng daan pabalik ng Maynila.

Mag-uumaga na ng rineport nila sa colonel na mission accomplished. Si Fiona? Matagal na napatulala sa pool. Ni walang luhang pumatak para sa sinapit ng kapatid.

Ang sabi nila, kapag nakarating ka na sa estadong ito, kung saan para ka na ring usok at para ka na ring amorseko, manhid ka na. Maari ka nang magsuot ng payong na gawa sa tubig, kaya mo nang lubirin ang hangin, ngunit walang makakakita, walang makakapansin. Maaari kang umumit ng mga bagay na maliliit, gaya ng asta ng mga mapaglarong duwende, pero hindi na nila mabasa ang iyong mensahe. Ang sabi nila, wala ka na raw mararamdaman na panghihinayang para sa anumang materyal.

'Yun ang sabi nila. Pero ewan ko, hindi ako naniniwala. Siguro, hindi pa ako kasama sa mga tinatawag nilang namayapa. Dahil nandirito pa ako ngayon, sa bahay ng aking anak na si Fiona, dito sa 11 Chopin st.

II.

Oktubre 15, 1968 nang ikinasal ang aking anak na si Fiona. Isang araw na dapat tumatak sa kanyang kamalayan bilang isa sa pinakamaliligaya. Ngunit dahil ang pinagsasamang mga tao sa ritwal na iyon ay hindi naman talaga nag-iibigan kundi nagkakahiyaan lamang -- nalawayan na raw ang tinapay at dapat nang ubusin ng kumagat -- namahay kapwa sa alaala nina Mitoy at Fiona ang araw na iyon bilang araw ng kanilang sabayang pagpapatiwakal.

Pero sino ba ang makapagsasabi kung ano ang magaganap bukas? Kasama rin ako sa mga nagsaya sa araw na iyon. Pinili ko ng mabuti ang bawat detalye sa kasal ng aking anak. Apple green at orange ang motif. Kaya ang mga abay, orange ang gown, na may peek-a-boo sa dibdib. Pinag-isipan ko ang kantang aawitin. Hiniling kong patugtugin ang Green Grass of Home. At dahil naniniwala ako sa pangitain, sisneng porselana ang aming give away. Pinasadya ko pa, binili mula sa Bulakan. Wala rin silang masasabi sa handa. Bukod sa nabusog ang lahat ng mga bisita -- na tinataya naming aabot lang sa 300 ngunit naging 500 mahigit -- nakapag-uwi pa ang marami sa kanila ng pagkain.

Sumipot ang aking balae, at sinubukan ko namang makipagkuwentuhan. Nagpakita siya sa okasyon na walang pakundangan sa color motif. Nakakulay lupang baro't saya na panahon pa yata ng pagsasagwan sa bangka sa ilog Pasig. Ibig ko ngang itanong: nasaan ang mga bulig at kaeng ng mangga? Pero nagpigil ako. Mabuti pa si Impo na pinilit sundin ang motif, nakasuot ito ng blusang bulaklakin na kulay dalandan. Hindi naman siya amoy niyog noong gabing iyon, salamat naman. Ngumingiti lang si balae sa akin, habang nagkukuwento ako. Ngayon ko lang napapag-isip isip kung bakit siya ngumingiti. Siya'y nagkukuwenta, iniisip kung gaano kalaki ang gastos. Dahil panig niya ang lalaki, nag-alok siyang sila ang sasagot sa kasal. At alam ko na kung saan babagsak iyon. Sa isang simpleng kasal sa munisipyo, uwi ng bahay, simpleng handa. Baka magpakatay pa sila ng kambing. Bago pa nangyari iyon ay tinapik ko na siya ng aking alampay. "Balae, moderno na tayo ngayon, maari na naman nating paghatian, o maari rin naman na ako na ang sumagot. Tutal kami naman ang nakaluluwag -- ngayon." Hindi umiimik ang aking balae, nakangiti lang. Natutunaw na ang yelo sa halo halo niyang ni hindi niya binawasan. Nakahalata ang aking asawang dentista na hindi siya kikibo sa buong resepsiyon. Lumipat na ito ng ibang mesa para makipag-inuman. At ako? Nginitian ko si bale. Nangngitian kami. Hanggang sa malusaw ang yelo, at dakmain na lang ng isang bata ang baso ng aking balae.

III.

Isang gabi, dumating ang anak ko sa bahay namin. Kasama ang dalawa niyang anak. "Ayoko na," ang una niyang sinabi at pagkaraan ay hindi na nagsalita. Talagang kakaiba iyon para sa kanya dahil madalas pa nga akong biruin noon na para ko daw pinakain ng puke ng baboy ang anak kong si Fiona sa kadaldalan nito. Pero wala itong kinuwento. Nagkulong kaagad sa dati niyang silid. Iniwan niya sa salas ang mga maleta nila, pati ang kanyang mga anak. Si Alvin, ni hindi ngumingiti nang linabas ko ang balak kong ibigay sa kanya sa Pasko, gayundin si Rosemary. Nakatulog ang batang babae na nakasalampak sa sahig. Dala marahil ng pagod.

Kinatok ko si Fiona. "Gusto mong kausapin ko si Mitoy?"
"Bakit pa?"
"Ano'ng bakit pa? Asawa mo siya iha."
Isang ngiti. Na maraming isinasalaysay at ikunukuwadro, ngunit pinangangambahan kong basahin, o tunghayan.
"Ano ba'ng nangyari?"
"Mahabang kuwento Ma."

Kalaunan, nalaman ko na rin ang nangyari. Nabunyag kay Mitoy ang kalokohan ng aking anak. Nagkapatawaran sa huling pag-uwi. Ngunit nabisto ni Fiona na kaya pala lumiliit nang lumiliit ang sustento ay dahil sa ipinauubaya ni Mitoy ang remittance sa nanay niya, na siyang nagpapadala kay Fiona ng pera, para raw mabudget, at nang matutunan ng kanyang mga apo na hindi masanay sa luho. Hindi kinumprunta ng aking anak ang aking balae. Nakinig siya, ngumiti, nag-abot pa ng Coke at cake sa dumalaw, ngunit pagkaraan, dumadial na siya ng numero ng nakilala niyang lalaki. Noon ding gabing iyon, matapos ibilin sa katulong ang mga anak, sumama na siya sa lalaking kinalolokohan niya.

Nang malaman ko ang buong pangyayari, naospital ako. Hindi ako makahinga. Pero ngayon, ngayong ligtas na ako sa anumang pakiramdam ng mga makalupang katawan, paulit ulit ko pa ring masasaksihan ang mga balse sa mga kamang pinagsaluhan, iniwanan, binabalikan, tinatalikuran.

No comments: