Inakala kong napakagandang imbensiyon ng cellphone. Ito ang bukodtanging gadget na makatutulong sa iyo na hanapin ang isang nilalang mula sa angaw angaw na mga tao, parang pagsusuyod sa karayom sa dayami. Sa kasamaang palad, ang gadget rin palang ito'y para ring kuliling na nakasabit sa alagang hayop. Nababatid ng may-ari kung nasaan si Muning. Ibig ko sanang lumikha ng pader sa ibang tao gamit ang aking cellphone. At inakala ko ngang ito ang sagot sa pinakaasam na privacy. Kaso, kahit ibilin mo sa ibang mga kaibigan na huwag na huwag ibibigay sa ibang tao ang iyong number, makakalagos at makakalagos sila sa iyong balwarte ng pagbubukod.
Karaniwang umaga lamang kanina, Pebrero 20. Nawala na ang halumigmig ng mga umaga noong Nobyembre hanggang Enero, unti-unti nang nagiging maalinsangan.
Kahit hindi ko iset ang alarm ng orasan, kusang nagigising ang aking katawan na akala mo'y nakarinig ng sipol. Kung hindi makabangon ng alas tres ng umaga para makapagsulat, babangon ng alas sais y medya. Nakapagpainit na ng tubig at nakapagsaing si Des, nainit na rin niya ang hapunan para gawing agahan.
Kakatukin ko na sana ang silid ng aking anak, pero lumabas na rin ito ng kusa, pabiling biling ang mga daliri sa sinturera ng boxer shorts, palatandaang iihi muna. Sapagkat natantiya ko na ang ugali ng anak kong parang kaning nag-iinin pa sa kaldero sa paggamit ng banyo, tumungo na ako sa isa pang banyo para doon na maligo't maghanda. Nakabihis na ako pero kaliligo pa lang ng bata. Naikukumpara ko tuloy ang liksi ng aming mga kilos noon, noong hinahatid pa kami sa eskuwela, dahil ilang beses na naming natutunan na kapag hindi ka pa nakasakay sa kotse ng eksaktong alas-siyete, iiwanan ka. Kesehodang hindi ka pa nagsusuklay o may bula pa ng toothpaste ang nguso mo. Ngayong ako naman ang namamahala ng pagbibihis ng aking anak, hindi ko mapigilang maalala ang mga umagang disiplinado ang kilos sa tikatik ng oras. Wala talagang pakialam ang anak ko kung otso minutos na lang o otsenta minutos pa. Parehas lang ang oras -- maaga pa.
Binulyawan ko na ang bata, na kahit si Bert napatalon sa timbre ng boses ko. "Kailangan mo pa ba'ng gawin 'yan?"
Bakas sa likod ng aking asawa ang isang liwanag na galing sa mga tagapagtanggol. "Oo. Kasi, walang gagawa."
Noon, nasusuklam ako sa ratsada ng mga paalala na magmadali. Iba pala talaga kapag alam kong kasing kritikal ng pagpatak ng bawat segundo ang paghulas ng isang binitiwang pangako, ang pamamaalam ng isang opportunidad.
Ito ang eksaktong tumakbo sa isip ko noong tinitingala ko na ang mga baging ng punong balete na nasa loob ng Fernwood gardens, ang television studio na aking pinuntahan. Lumilipad talaga ang oras, kagaya ng pangangapal ng kalyo, kagaya ng paghaba mismo ng hibla ng mga baging ng mga punong nasa hardin na iyon. May kurbadong kisame ang espasyo, nakakapagpaala sa isang gymnasium, na may hardin sa loob, may pond na pinaglalanguyan ng iba't ibang kulay ng mga koi. "Aba, may totoong swan pa! At ang gaganda ng mga halaman..." iyon ang aking sinabi sa aking kaibigang si Dinah Roma, na katulad ko ri'y maiinterview sa araw na iyon.
Ngumingiti lang si Dinah, marahil ay natatawa sa aking tuwa sa mga halaman. Dala niya ang kopya ng kanyang aklat ng mga bagong tula, nakapagdala rin siya ng cd, at biodata. E ako? Doon ko lang namalayan na kuwarenta'y uno anyos na ako pero parang elementary student pa rin na nakalimutang magdala ng artpaper o glue, pati ang baon ay naiwan sa schoolbus. Hindi na lang ako nagpahalata ng aking pagkatigatig, at sinulat ko na lang sa papel ang ilang detalye ng aking biodata. Masuwerte ako't matalas ang natapat na host sa akin, si Izza. Nagawa niyang imaneho ang pag-uusap namin sa lebel na magiging kumportable ako sa aking sinasabi, parang pakiramdam ng paghaplos sa paboritong upuan o unan.
Kusa ring lumulubog sa hulmahan ang lahat ng impormasyon ukol sa aking pagsusulat -- na ako'y nagtuturo, na naranasan ko nang maging delegado sa mga kumperensya, na heto ang aking mga premyo, at ito ang aking libro. Pero para akong palaka na nagpapalaki ng sarili sa paglilista ng aking mga nagawa. Klaro, sa mukha ng television host na kumakausap sa akin, na pagkaraan ng interbyung iyon ay baka hindi na niya ako maalala dahil sino ba ako? Kaya kahit papurihan niya ng, "that was brilliant, bravo!" ang mga binasa ko, tila napakalaking puwang pa rin ang namamagitan. Una, hindi niya naman naunawaan ang wika. Kabayaran marahil ng kanyang naging pagpapalaki. Kutis pa lang niya, alam mong ni hindi siya nagprito ng kahit isang piraso ng daing sa buong buhay niya. Naiinggit ako sa puting kinang ng kanyang mga ngipin, at bahagya akong nalungkot sa mga -- nakakatawa -- nalimas kong mga bagang, sanhi ng panganganak, sanhi ng pagtanda. Kasing liit ko ang ngiping bulok na hinugot na iyon.
Siniguro ko na banggitin sa interbyu na iyon ang pangalan ng lahat ng nagturo sa akin ng mga leksiyon sa panulat -- kay Villanueva, kay Almario, kay Tinio, at kahit sa pahapyaw, sa aking ama. Ngayong rinerebyu ko sa aking diwa ang aking mga napasalamatan, nagtataka ako kung saan napunta ang leksiyon na lagi kong binibigay tungkol sa pagkakapantay pantay na turing para sa mga babae't lalaki. Muli, nakalimutan ko na naman ang aking ina, na nagtiyaga sa aming pagpapalaki. Nakalimutan ko ang aking lola, na nagturo sa akin na hindi kasuklaman ang pagiging mapagmahal sa sarili. Nakalimutan ko sina Rosario Cruz-Lucero, Joi Barrios, Lilia Quindoza-Santiago, Benilda Santos, Rose Torres-Yu, at si Cristina Pantoja-Hidalgo. Pasintabi sa mga nagturo sa akin ng kaliwanagan, mula sa mga kahanga-hangang mga babaeng ito.
Sa huli, hindi ko rin alam kung nagkasaysay ba ang maiksi kong tv appearance. Masaya ang karanasan. Kahit pa sabihing token gesture lamang iyon ng isang network ng gobyerno. Kahit pa sabihing hindi naman ako ang pinakatampok, ang pinakamagaling na makatang babae. Masuwerte. Ako. Sa pagkakataong. Ibinigay. Pinuputol putol ko ito na parang pagtitipid ng isang minatamis na ibig ko pang malasahan ng dahan dahan.
At ano raw ang maipapayo ko sa mga kabataang ibig magsulat? Muli, lumabas ang mga sagot na parang mga handang monoblock chairs sa isang bertdey party. Ang maniwala sa sariling kakayahan. Ang magpatuloy. Ang magbasa. (At nakalimutan ko -- ang makinig, ang magmasid, ang makisangkot. Parang asiwang sabihin 'yung huli, parang masyado akong nagpipilit na mukhang kritikal.)
Pagkaraan ng interbyu, uwi sa bahay, turo. "Baka naman po maari kayong magrekomenda ng iba pang mga makata?" tanong ng batambatang producer. "Aba'y dapat lang, para makilala rin naman nila ang iba pa," sabi ko. Naniniwala ako na maganda ang hangarin ng programa. Kahit na bumabangga ang pagkakataon sa pagbulwak rin ng mga sunod sunod na eskandalo. Kailangan pa rin talaga ng mga mas mahahabang exposure sa kultura't sining. Malaki sana ang magagawa ng bilyong pisong komisyon (daw) ng isang taong gobyerno kung inilagak na lamang sana sa edukasyon, o sa sining. Sana, maabutan ko pa ang panahong binabasa nga talaga ako, binabasa nga talaga kami. Samantala, umaandar lang muna ang pangarap na ito sa mental na pagbabalanse ng sarili gamit ng internal na monologo: Pagkaraan ng turo, uwi. Matutulog. Maramot na ipagtatanggol ang oras na matulog, kahit isang oras lamang.
Isang oras para pagmunihan ang kahulugan ng espasyong iyon, at ang saysay ng pagtungo ko roon -- sa gymnasium na hardin na may kongkretong sapa, may sisne at koi. Pinauupahang espasyo sa mga maiiksing kumustahan. Hindi ko na hinintay ang interview segment ng isang babaeng nasa kongreso. Dumating siya, may kinse o dalawampung minutos siyang nahuli, nakasemi formal na asul na damit, parang dadalo sa prom. Magiliw siyang kumaway at ngumiti. Napakagat rin ako sa rahas ng aking pagbabasa sa kanyang identidad. Baka ako'y binasa naman niya bilang tindera ng tinapa na naligo lang ng kaunti.
Tunay, hindi mo masasabi ang patutunghan ng mga daliring itong tumitipa sa keyboard ngayon. Hindi neutral ang ikinikilos ng kamay. Sana -- naging maayos, naging makatuwiran ang paggamit ko ng mga kamay, ng utak, ng sensibilidad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment