Thursday, January 31, 2008

Sa mga Sandali

Nagbago ang kalakaran ng pagsusulat ko rito sa blog magmula nang mawala ang aso naming si Bruce, at muli itong magbalik. Hindi ko na siya pinakakawalan, sa hiling na rin ng aking asawa, na nangangambang baka hindi na ito bumalik. Pinahirapan kasi siya ng aso. Hindi ko akalain na magmula pala nang tapikin niya ang ulo nito't nakiskis ng asong iyon ang pisngi sa kanyang kamay, natali na siya rito. Isang araw bago ang aking kaarawan, inikot namin ang community dog pound at baranggay hall. Umaasa kaming may nagdala sa kanya roon. Sa dalawang beses niyang pag-iimbestiga doon, walang Bruce na lumitaw. Iyon pa ring mga beteranong aso ang kanyang nasilip. Makuwento pa nga si Mang Tano -- ayon sa kanya, may isang aso roon na ang may-ari mismo ang sumuko, dala ng pangangagat nito. Sinabi ni Bert, "aba, kung ganyan ang aso, ipulutan na ninyo 'yan." Namamlano na akong bumili ng kapalit na aso, para lang maalis ang lungkot ng asawa ko't anak. Tapos, noong gabi ng aking kaarawan, nang ipinarada ng aking kapatid ang kotse niya dito sa bahay para madala ni Bert sa talyer bukas, biglang nagpakita ang asong iyon. Mula sa dilim. Sabay pa naming naisigaw ang pangalan niya. Pagkaraan lumapit na ito ng kusa sa garahe. Itinali na ng aking asawa. Sabi ni Bert, tila naunawaan ng aso na may atraso siya. Kamuntik pa raw siyang maiyak habang itinatali niya iyong aso. Kung anu-ano na kasing malalagim na wakas ng hayop ang kanyang naiisip.

Dahil sa pagbabalik ni Bruce, at dahil mahal namin ang alagang ito, mas maaga akong nagblablog. Bumabawi ako sa pagtulog sa tanghali, o sa hapong kauuwi ko lamang. May idinudulot ang pagblablog na ito na disiplina. Pakiwari ko, isa akong kolumnista na may editor. Pakiwari ko rin, malaya kong masusulat dito kung anong naiisip ko.

Medyo nalungkot ako para sa isang kaibigan na rinereto ko sa aking pinsan. Hindi sila nagkatugma. Napaka-iksi lang pala ng aking matchmaking career. Hindi pa pala sapat na pareho silang may hitsura, mabait, matalino, may background sa law at parehong mahilig magsulat. Magkakaiba pa rin talaga ng temperament ang mga tao. Ibinulalas ng isa ang interes niyang makipagkita sa maraming mga text, ipinakikilala ang sarili sa text, ngunit hindi iyon naging sapat para magkaroon ng opportunidad na magkita sila. Busy lang talaga 'yung isa, marahil may kaso siyang inaayos, pinaghahandaan. At hindi niya naibigan ang pagtetext. Naging asiwa siya sa labis nitong pagbubukas. Marahil, dapat pinangunahan ko ang aking pinsan at nasabing ganu'n lang talaga 'yung tao. O nasabi ko sa aking kaibigan na seryoso lang ang pinsan ko sa trabaho niya bilang abogada. Pero hindi naman nila ako sinisi. Hindi naman natapos ang isang pagkakaibigang 22 na ang gulang, o ang pagmamahal para sa kadugo.

Siyempre, hindi na alam ng pinsan ko na pinag-isipan rin namin ang pagtetext mismo ng kaibigan. Nangarap kaming magkakaibigan ng magandang kinabukasan nila bago pa man magsimula. Huminto muna sa isang Starbucks ang sasakyan na galing ng Lipa. Pinagkape muna kami ng kaibigan kong rinereto. Nakakatawa nga na para kaming mga sira na nag-iisip ng magandang pambungad para magkakilala sila. Dinownload pa muna ang litrato ng pinsan ko. Natuwa sa nakita. Lalo siyang naging interesado na makilala.

Pero sa kabila ng pagiging accessible ng mga mukha sa internet, at abilidad ng cellphone na magbulalas ng mga nararamdaman, hindi pa pala sapat ang teknolohiya.

Samantala, naidaos ko ng maayos ang aking ika-41 na kaarawan. Opo, kuwarenta'y uno na ako at hindi ko ito itatago. Namili kami ng handa sa palengke, kasama ko ang aking asawa. Noong una, akala ng asawa ko, liempo lang ang aking ipinabibili. Noong nagpapahiwa na ako ng tapa at nagpapagiling ng baboy at baka, umaangal na siya. (Pero binilhan pa niya ako ng cake, at siya na rin ang sumagot sa sangkap ng spaghetti. Masuyong pag-angal lang pala iyon.) Hindi pa rin ngumingiti ang matador. Patuloy ang pagkiskis niya ng kutsilyo sa hasaan. Kagaya ng istereotipong mga matador na kalbo, may bigote at mala-convict ang dating. Magiliw ang asawa niya, kinukuwento sa amin na parang aswang ang lalaki kapag nagpupuyat at naghihintay ng makakatay, tulog daw ang mga ito kapag araw at gising sa gabi. Lihim akong natuwa sa kanyang allusyon sa aswang, sa asawa niyang pihadong hindi naman talaga nakakatakot kundi mabait rin naman.

Mga hipag ko ang nagluto. Dumayo pa si Ex sa amin para iluto ang puso ng saging, spaghetti, at itimpla ang liempo. Si Des naman ang naghanda ng bistek. Hinayaan lang nila akong umidlip. Dala ng kakulangan ng oras, pinasya ko nang hindi pumasok sa mga klase ko noong Martes. Naunawaan naman ng aking mga estudyante.

Mga malalapit lang talaga ang nakadalo. Sina Mama, ang aking mga kapatid na sina Aurora at Manolo, si IC, ang girlfriend ni Manolo, si Julian, pamangkin, at si Le Kim. Nagdala pa ng balut si Le Kim dahil namimiss niya raw ang girlfriend niyang si Emily, na nasa London na. Hindi nakapasa si Emily sa balut initiation test ng aking asawa. Pero pinadalhan pa niya kami ng card upang magpasalamat sa pag-eestima namin sa kanya. Nakadalo rin si Joey. Hinihintay ko si Eugene, pero hindi na nakahabol.

Sa mga susunod ko pang mga kaarawan, sana maging kasing-saya iyon ng nagdaan. Simpleng handa, simpleng pagtatagpo, simpleng kaligayahan.

II.

Sinubukan ko rin na sundan ang kabanata ni Antonio ng isang masinsin na pagtatapos. Muli, bumalik ako sa eksena ng pag-ulan ng yelo, o hale, sa isang highway sa Fujairah. Ang kuwento sa akin ni Bert, pauwi sila noon galing ng Jebel Ali port. Kasama niya ang tiyuhin ko, si Tito Romy. May tinigilan silang gusali -- para sa pagproproseso ng working papers. Naghihintay sila sa labas. Hinihimas daw ng aking tiyuhin ang putaka niya -- 'yong labor card. Parang pag-uunat ng isang laspag na beinte pesos bago isuksok sa paperbill slot ng tren. Malungkot daw ang aking tiyuhin. Alam ni Bert na masama ang pakiramdam nito -- ikalawang araw ng lagnat -- ngunit sumama pa sa overtime nila sa Jebel Ali, dahil nanghinayang sa kikitain nito.

May pagbubukas ng buhay na naganap sa dalawang lalaki habang nagkukuwentuhan, habang naghihintay ng papeles sa gusaling iyon. Ito lang ang sinabi sa akin ni Bert, pero hindi ko alam ang aktuwal na dayalog dito. Nakaparada ang Nissan Patrol. Bigla, umulan ng yelo. Tok tok tok tok tok, sunod-sunod ang pukol nito sa sasakyan, sa kalsada, sa paligid. Maliliit na piraso ng yelo -- singlaki marahil ng bubog -- ang bumabagsak. Naglabas ng basyo ng bottled water ang Bengali nilang tsuper. Iniipon ang mga bubog ng yelo. Tuwang tuwa. May tubig na mula sa langit. May tubig na mula sa langit.

Iniisip ko na mas maganda ang eksenang ito kaysa sa pagkakuryente ni Vito (ang tauhang ibinatay ko sa aking tiyuhin) sa loob ng barkong Halliburton. Mas may drama. Ang problema ko, ano pa ba ang kanilang pinag-usapan? Ang kuwento sa akin ni Bert, hindi raw niya makasundo ang tiyuhin kong ito noong unang dating niya. Masama raw ang ugali nito, ma-epal. Hinihigop ang kredito kapag may natapos na trabaho, lalo na iyong mga aircon sa barko na ang hirap daw ayusin. May mga pagkakataon daw na halos sumuko na silang lahat sa pagkukumpuni at gusto na nilang ihagis ang aircon sa dagat. Pinakamalaki ang sahod ng tiyuhin kong ito kung ikukumpara sa kanilang lahat. Nauubos daw ang sahod nito dahil ipinapadala nito ang buong halaga sa asawa, na lagi na lang tumatawag. Kung anu-anong kahilingan. Kailangan ng bagong cellphone ng anak, kailangan ng pang-tuition sa mamahaling business school, kailangan ng pagpaayos ng sasakyan, pinalitan ang mga appliance dahil ipinamigay na ang luma sa kapatid, nagparedecorate ng kuwarto at di akalaing aabot ng malaki ang gastos, kailangan ng bagong supply ng mga isda sa petshop, etc. etc. Kanino kayang panig ang mas mahirap -- 'yung humihiling na kailangang burdahan ang hinihingi sa mga salitang makapagtutupi sa kausap, makakapag-paalala ng katungkulan, ng obligasyon nang hindi nauuwi sa iringan o away? O sa hinihilingan, na pikit mata na namang kinukuwenta ang kabawasan ng sahod, na tumatanda na sa pagiging OFW nang walang naiipon, pero ayaw namang umuwi sa Pilipinas dahil wala siyang pagkakakitaan?

Nagkaroon ng dependency para sa isang pangarap, na hindi naman nakamit. Umuwi ang tiyuhin kong ito sa Pilipinas noong 2004, at hindi na bumalik sa Dubai. May humalili na sa kanyang posisyon bilang Chief Engineer ng kumpanya. Samantala, bumalik siya sa tahanang magulo. Nagkagalit ang anak niyang dalaga't ang asawa niya. Naging kritikal ang pinsan ko sa gawi ng nanay niya na todo bigay sa mga kapatid. Naawa siya sa kinalalagyan ng tatay niyang nakakalbo na't nagkakasakit sa pagtratrabaho sa U.A.E. Pumangit na ng pumangit ang iringan, at kumilapsaw na sa pamilya, sa amin, ang kanilang suliranin. Naging tayngang handang makinig ang nanay ko para sa magkabilang panig. Nagkasundo rin naman ang mag-ina, pero hindi ito nangyari kaagad agad. Ang petshop ng pamilya'y maunlad noong mga unang taon nito, natetelevise pa nga sa mga programang nanghihikayat ng entrepreneurial skills ng Pinoy. Mahangin daw ang pinsan kong ito na namamahala ng petshop, ayon kay Bert. Tuwing dumadaan siya sa bahay ng aking tiyuhin sa Project 6, nakakainuman pa niya si Tito Romy, nakakapag-usap sila sa lebel na hindi masakyan at kinaiingitan ng anak. Ang alam ko, dahil matagal ko na ring hindi nakikita ang tiyuhin kong ito, nakabawi na siya ng konti sa kanyang kalusugan. Naninigarilyo pa rin, pero hindi sinasasal ng ubo. Guminhawa ng kaunti ang kalagayan ng pamilya nang nakaalis na ang isa niyang anak patungong California. Pinetisyon ng Tsinoy nitong boyfriend. Ito 'yung anak niyang nabiyuda rin, nang mamatay ang asawa nitong piloto sa isang Balikatan exercise.

Pinasakay kasi ito sa outmoded nang Huey helicopter, na nagcrash landing sa eskuwelahan sa Pampanga. Dumalo ang pangulo sa bahay nila, para makiramay, nangako ng suporta, ngunit nauwi sa pangako. Sa pagkakaalam ko, nag-alok rin ng 100,000 pesos ang pangulo. Ngunit kaunting porsiyento lamang ng halaga ang napunta sa palad ng pinsan kong nabiyuda. At nainip na rin siya sa paghihintay.

Ang namatay na pilotong iyon ang pag-asa ng aking tiyuhin. Kasama sa narratibo ng nobela ang pagdating mismo ng masamang balita ng Balikatan sa Dubai. Halos kasunod lang ng pangyayaring ito ang balita ng pagpanaw ni Papang.

No comments: