Monday, December 31, 2007
Binasa ko ang burador ng aking ina ng mga sanaysay. Mahusay ang pagkakasulat. Ilang linggo
na rin niyang hinihintay ang aking komentaryo. Kahapon, noong dinalaw namin siya, inupuan ko ang draft. Simple, walang gustong patunayan, at orihinal ang nais sabihin. Ang pagkukuwento tungkol sa gubat at paghahalaman ay isang fictive ploy para makapagkumentaryo sa mga tao: sa mga kapitbahay niya na iskuwater at mayayaman, sa mga nasisilip niyang mga buhay habang namamalengke o namimitas ng kabute. Oido ang pagkatuto ng nanay ko sa pagsusulat. Sumusulat lang siya dahil gusto niya, dahil tinitingnan niyang biyaya na mismo iyon.
Naging palalo ako na isiping kahinaan niya ang hindi niya pagbabasa. Nagtampo siya noon sa akin dahil lagi siyang nagpapabasa ngunit wala naman akong maisingit na oras para gawin iyon. Hindi sa gumagawa ako ng dahilan, pero noong mga panahon ring iyon, ayaw ko na munang magbasa o magsulat man lang. Narindi na rin ako sa mga deadlines ng aking pagtuturo at pagtratrabaho. Naburn-out.
Naging mayabang rin ako sa akalang mas may alam ako sa pagsusulat dahil graduate student ako ng Malikhaing Pagsulat.
Ang totoo, ako pala ang marami pang kakainin. Ang dami, dami pa palang hindi ko alam, at kung alam man natuklasan kong mas episyente kung alam mo kung saan ba talaga patungo ang teknik. Pero higit pa sa teknik ang alas ng aking ina. Pinahinog na siya ng karanasan. Sinahod na niya ang kanyang tinig.
Ngayon nga, habang sinusulat ko ang blog na ito, hindi ko maiwasang maitanong sa sarili, bakit ba nila babasahin ito? Napakagenerous naman ng espasyo, sobrang imposisyon naman kung iisipin pa nila ang mga sinabi ko. Pero iyon naman ang halaga ng isang manunulat. Ibubulong mo, kung minsan pa nga, isisigaw ang nasasa loob ng ibang mga tao, at hindi lang puro Ikaw.
Ngayong Bagong Taon, ninanamnam ko ang kahulugan ng isa na namang simula. Madaling mabitag sa mga magagandang simula -- sa buhay man o sa panulat. Binasa ko ang ilang text messages sa akin ng mga kaibigan na bumabati ng Happy New Year at lumutang ang isang salita -- Resolve. Oo nga, dito umuusbong ang "resolution". Three years ago, I made a pact with myself when I quit smoking. Nagsawa na ako sa mga madaling araw na hindi ako makahinga at parang may dagat ng plema ang baga ko. Naging cumbersome na 'yung dating "comfort". I think it was the best resolution that I ever made. Kasunod ng resolution na iyon 'yung isa pa: be accountable and stop blaming others. (Salamat sa pagpapahiram Joey B. sa librong ito. Oo, nagbabasa rin ako ng mga self help books. Why not?)
Ngayon, sisikapin kong patayin ang mga agam agam. Na ipinapanganak ng ambisyon at yabang, o sa maikling sabi, vanidad. Halimbawa, ang pagkukumahog na makatapos ng akda para sa kontest. Sa halip na isipin na dapat akong manalo, bakit hindi ko isipin na sapat nang maisulat muna at makatapos? Titigilan ko na ang pag-iiwi ng yamot sa gawi ng isang kaibigan (na tunay kong hinahangaan ang kakayahan sa kabila nito) na madalas magsabi, pagkaraan ng kontest, na kamuntik na ako pero hindi pala.
Iyan ang pagkakaiba namin ng aking ina. Siya, hindi na niya ito iniisip. Ni hindi ito materyal. Ito ang dapat kong matutunan. Sana, sa simula ng taong ito, mabibiyaan ako ng mga pagkakataon para patunayan na mas marami pa akong magagawa, bukod sa magreklamo at magkumpisal. Sana, sa simula ng taong ito, matutunan kong muli ang pagpapakumbaba.
Friday, December 28, 2007
Naging pabaya na akong kaibigan. Ang dami kong mga taong dapat na binati noong Pasko, pero ni hindi ko man lang naitext. Ang dami ko ring hindi binuksang mga email, binubura ko na lang halos 'yung mga mensahe. Naging parang telebisyon na rin ang internet. Madalas sa hindi, akala mo nagiging maagap at mabilis ka sa bawat click, tapos buong maghapon na pala ang lumipas.
Ito mismong pagkalinga sa panahon ang gusto kong matutunan ng aking anak.
Noong bata pa ako, hindi ko maintindihan kung bakit laging napipikon ang aking tatay kapag nahuhuli kami sa eskuwela. May isang taon nga noong ako'y elementarya na halos tatlong oras akong dumarating na huli sa oras, dahil sa hirap na hirap ang nanay ko sa koordinasyon naming magkapatid para makahabol sa alas sais na biyahe ng shuttle patungong Quezon City Hall, noong nakatira pa kami sa Amityville, Montalban. Isang umaga, naglakas loob ang nanay kong parahin ang trak ng basura. Sumakay kami doon. Bumaba kami sa Litex at sumakay na ng jeep patungong Diliman, Quezon City. Dumikit ba ang amoy ng basura sa aming uniporme? Panay putik ba ang aking sapatos? Hindi ko na masyadong maalala. Basta, ang alam ko, pagdating ko sa eskuwelahan, patapos na ang quiz sa matematika. Zero na naman ang score ko.
Ang laki ng magagawang kaibahan ng isang segundo, ng isang sandali. Pero hindi ito maunawaan ng isang bata na kinakalinga pa ang kaisipang "bata pa siya, hayaan mong maglaro". Kaya hayun, kahit na alam na ng bata na tambak ang assignment at project at may periodicals pang irereview, mas gusto pa rin niyang tumanghod sa computer at lumusot sa portal ng virtual. Magiging top gangster, magkakaabs, magkakabigote, magkakaroon ng baril. Pumapatay. "Sandali lang mama, I'll just kill this guy first." Nakakabagabag na ginagamit niya ang salitang "kill" ng ganu'n ganu'n lang. Visually, it's spectacular. Makikita mo talaga na wumiwisik pa 'yung dugo sa pader, at medyo comical pa 'yung death throes ng pinapatay.
Pero ngayon ko lang naiisip -- sino ba ang mas delingkuwente sa oras, ang anak kong siyam na oras na naglalaro ng Grand Theft Auto habang kinakalimutan ang assignments, o ako, na gumigising nga ng madaling araw pero hindi matumbok tumbok ang sasabihin dahil hilong talilong na sa pagsasanga ng mga sinasabi?
Ikaw na ang humatol. Kung may oras ka pang inaakala mong "libre" at kung inaakala mong ikaw ang nagmemay-ari ng iyong panahon.
Tinukoy ng aking asawa ang aking anak bilang "eighth wonder of the world". 'Yun ay sa kabila ng palihim na paglaslas ng pantalon (sa may tuhod, sa may crotch, at sa may puwit) ng aking anak ng paborito niyang pares ng maong. Binati raw siya ng mga tao -- mga saleslady, mga bantay sa hardware, pagkat ito naman ang lagi niyang kahalubilo sa kanyang mga errands -- "Uy, si tatang, moderno...hanep ang pantalon!" In a brilliant speech, my husband was telling our son, "you are the eighth wonder of the world anak, even if you ripped my pants in secret, even if you really wanted to humiliate me in public, I don't care, you are my son." Nasa Baguio na daw sana kami ngayon, kasama ng mga kaanak na nagbabakasyon, kung hindi lang may unfinished business ang bata sa academics. Nagswiswimming na sana sa Serra Monte. Ineenjoy ang holiday. "but you do not deserve a vacation anak, at hindi rin kita bibilhan ng paputok, kung ang iuuwi mo sa aming marka ay mga palakol ulit."
Mukhang tumimo naman sa isip ng aming anak ang talumpati niyang iyon. Sana. Sana nga natutunan ng aking anak ang leksiyon sa oras. Para hindi naman dumating, sa kanyang hinaharap, ang mga pagsisisi kung saan niya naibuhos ang oras, at kung paano hinigop ang kanyang kabataan ng panahon.
Sunday, December 23, 2007
Haplos at Pagganap
Galit na galit ang awtor sa kanya pagkaraan ng palabas. Bakit? Tinadtad niya ng kung anu-anong ad lib ang papel ng NPA. Kaigtingan noon ng FQS. At dahil nga feeling rockstar ang asawa ko, naging springboard ang cameo para sa agit sa audience. Na kinagat naman. Sinasabi ko ito dahil kung magpapakuwento ka sa kanya ng mga personal na bagay, may kasama pa 'yung kuwento niya na stage business. Tipong dinedirect ang sarili, parang alam ang blocking. Parang may instinct sa spotlight, kung nasaan ba ang audience. At paborito niyang paksa ang tatay niya, lalo na kapag naaalala niya, o pinaalaala niya, kung paano siya lumaki, kung paano sila lumaki.
May paborito siyang imahe ng tatay niya, at ito raw ang lagi niyang naalala, magmula nang mawala na ito noong 2003. Madalas daw, habang nagmamaneho siya, papunta sa kung saan, bigla na lang daw niyang maalala ang isang gabing naglakad sila sa madilim na kalsada ng Tarlac. Ang kuwento niya, matutulog daw dapat sila sa bahay ng kamag-anak -- sa tiyuhin niya sa Anao. Matagal ang dalaw, nagkakuwentuhan muna ang tatay niya't tiyuhin. Nag-inuman. Andu'n lang daw siya sa bintana, nakatanghod. Napansin ng tiyuhin niya ang katamlayan. "Malungkot yata si balong ko, a."
Ngumiti lang daw ang asawa ko. Walong taong gulang siya sa alaalang ito. Hindi siya kumibo sa tanong ng tiyuhin. Tinanong siya ni Papang, "Gusto mo na ba'ng umuwi?" at sumagot siya, "opo." May ngiti ang aking asawa pagkatapos ng salitang "opo" na para bang nangyayari muli ang pagtatanong at walong taong gulang ulit siya. "Naramdaman ni Papang 'yon, na namimiss ko si Mamang. Noong gabi ding iyon, umuwi kami. Naglakad kami. Wala nang mga bus. Ang dilim dilim ng kalsada. Wala kaming kibuan. Takot na takot akong makaapak ng ahas. Ang sabi ni Papang, "Hindi, hindi ka basta basta makakaapak ng ahas, mabilis masyado ang kilos nu'n, at mararamdaman nu'n ang pagdaan natin." Nakalma ako sa sinabi niya. At nalakad namin ni Papang ang haba ng kalsadang iyon -- mga tatlong kilometro siguro o higit pa, na nagkukuwentuhan lang kami."
May hiwaga ang alaalang ito na umaalingawngaw rin sa iba pang mga teksto. Paulit ulit kong maririnig sa pagitan ng mga salita ang halos banal na katahimikan ng magulang at anak na nagkakaunawaan. Itong katahimikan na ito ang hinuhuli ko sa teksto na aking sinusulat. Gusto kong maipakita 'yung haplos sa mga tagpo.
Parang pagganap rin ng papel ang pagsusulat. Magiging aktor o aktres ka. Maghahanap ng tamang motibasyon, magtitimpla ng linya, kilos at timbre ng boses. Noong bata pa ako, natatandaan kong mahilig talaga akong umarte (pero hindi ko ito kailanman aaminin ng harapan kahit sa aking mga malalapit na kaibigan). May isang beses pa nga na nagpatahi ako ng costume para sa chorus ng Little Drummer Boy kahit hindi naman ako kasama sa mga kaklase kong babae na mala-marionette na kumikilos sa saliw ng rapapampam. Nang malaman ng nanay ko ang totoo, hindi naman siya nagalit, nairita lang, nahiya sa kaanak namin na napuyat ng magdamag sa pananahi, nahiya sa maghapong paglilibot nito sa Divisoria para humanap ng tassles sa epaulet.
Noong kolehiyo ako, sinama ako sa cast ng Riders to the Sea. Doon ko nakita na mahirap pala ang maging aktor. "Masunurin" ka dapat dahil may sinusundan kang blocking. At oido ang timing para sa bigkas ng linya. Hindi maari ang basta labis mong nararamdaman ang linya, madalas pa ngang nagiging liability ng aktor iyon. Paradox na umaarte ka talaga kapag hindi mo talaga dinidibdib ang linya, kapag kaya mong ibukod ang sarili sa pagganap. Napagalitan ako ng husto ni Tony Mabesa noon sa student production na iyon. "You think too much kasi. Learn to let go." Doon ko natuklasan na hindi talaga ako naitabas para sa pagganap sa teatro.
Nakukumpara ko ang sarili kong unawa sa pagganap kay Bert, na sa tingin ko'y higit na may persepsiyon sa bagay na ito. Minsan, gumanap siya bilang state witness sa isang commercial ng Dept. of Justice. Walang shooting script, improv lang. Ang napansin daw niya, doon sa upuan ng mga kinocross-examine, panay kalmot ang gilid ng upuan. Ilang mga palad ang namawis at ilang mga daliri ang nanlamutak doon? Hindi na mabilang. Hindi na malaman kung ilan ang mga nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling. Baon ang insight na ito, dito niya inatake ang improbisasyon. Ang ganda ng kinalabasan, tamang tama ang timpla ng kaba, takot, lihim na lunggati.
Dalawang birtud ng teksto kumbaga ang inaapuhap ko: haplos(o 'yung tinutukoy ni Arcellana na "tenderness") at paradoha ng pagganap. Tingin ko, may kapasidad naman akong humugot ng insight. Pero hangga't maari, ayokong pangunahan ang mambabasa. Isa ito sa mga kahinaan ng isang nag-aral ng pormal na malikhaing pagsulat. Kailangang matuto rin akong talikuran ang mga natutunan, dahil nakayayamot rin na magbasa na ang naririnig mo'y tinig na nanggagaling sa pulpito, o di kaya'y tinig na Nagbabasa Ng Malakas at Nagpipilit Na Maging Awtoridad.
Saturday, December 22, 2007
Kung Bakit Paborito Ko Ang Madaling Araw
Paborito ko ang madaling araw dahil ninanamnam ko ang pag-iisa. Nakakapag-isip ako ng mabuti. Nakakaisip ng mga plano. Halimbawa, bilang incentive sa sarili sa pagtatapos ng nobela, plano kong maglakbay kasama ang aking anak. Kahit dito lang sa mga katabing probinsiya. Makadalaw sa mga kaanak sa San Isidro. Uuwi ang pinsan kong si Pedo mula Dubai ngayong Enero. Pag-uusapan rin daw nila ni Bert ang plano para sa trabaho ng asawa ko doon.
Hindi ako masyadong atubili na makaalis si Bert dahil nasanay na akong narito siya, at kahit na pangongontrata lang ng mga repair ng bahay ang nagagawa niya muna sa pagitan ng mga konstruksiyon, mas maigi pang narito siya. Umuuwi siya na may bitbit pang mga supot, hindi hihigit sa dalawa, at depende rin kung may kita siya. Laman ng supot ang kilo ng asukal, sigarilyo para sa kanya at sa kanyang ate, Coke, padalang ulam na nasa garapon (mula sa aking ina). May ibababa siyang mga abubot ng konstruksiyon mula sa likod ng van: mga napaglumaang mga tabla, basyo ng pintura, bakal. Itatambak niya sa sulok, sa tabi ng aquarium na walang laman, sa aming garahe. Bibitbitin na niya ang toolbox at bag niyang itim na may mga kamiseta, gamot at toiletries. Parang sarili rin niyang gym bag, kahit hindi naman siya nagjigym.
Kung minsan, manonood muna siya ng tv bago kumain, o kakain muna bago manonood ng tv. Uupo siya sa sopa -- isang piraso ng muwebles na namana ko sa luma naming bahay sa Don Jose -- at pamaya-maya, hihiga na roon. Kukunin ang remote, manonood ng kursunada niyang programa, na puwedeng lumang pelikula ni FPJ, B-movie tungkol sa mga alien, futuristic war o espionage, at kung wala nang choice, Ang Dating Daan. Samantala, sa aming kuwarto, magigising ako sa pagkaidlip (talagang sinasadya kong makatulog ng mas maaga para makapuyat pagkatapos) dahil kinakausap ako ng aking anak. Tungkol sa kung ano-ano lang. Kapag nakasulat ang pangyayari ng ganito, parang ok di ba? Bonding? Pero humahantong ang pag-uusap sa pagtataboy sa bata na umalis na muna o matulog na siya. Bakit? Nananadya ang batang mang-asar, dahil fuck you's bitch's ang mga pagbabantas. Rapper na naligaw nga. Ligaw sa wika ng Grand Theft Auto. Lango sa pantasya ng mga eksenang mayhem. Dati, natutuwa pa ako sa pantasya niya. Pero lately, hindi ko na matolerate.
Umaasa ako sa darating na taon na magkakaroon pa ng mas maraming oras ang kabiyak ko para pakinggan ang aming anak sa halip na manood na lang siya ng tv pag-uwi. May kutob akong iniiwasan talaga ng asawa kong makausap ang aming anak -- talagang lumilikha siya ng distansya -- dahil natotorete siya sa adhd nito.
Bumili siya ng frame ng itatayo niyang basketball court. Isang hoop ang kasama ng ipinamili. Baka mamayang hapon, naitayo na niya ang frame na iyon, at magbabasketball na silang mag-ama. Sana nga. Kesa naman ang ganitong eksena: makakatulog siya sa harap ng tv, habang magsasawa ang anak ko sa paglalaro ng internet games, at ako, humihilik na marahil sa isang maiksing tulog na nagbabantang maudlot sa pasok ng anak na naghahanap ng kalinga ng magulang.
Magandang umaga.
Wednesday, December 19, 2007
Plot is a verb
Ngayong naikukuwento ko ito ngayon sa blog, parang endemiko na ang corruption sa pakikitungo sa mga tao, on a day to day basis. Naalala ko tuloy nang maging estudyante ko sa isang writing class ang anak ng mayor. Pagkatapos ng klase, lumapit sa akin at binati ako ng Merry Christmas, sabay abot ng isang kahon ng imported na tsokolate. Ibinigay niya iyon nang nakikita ng iba pang mga kaklase, pero wala namang pumansin. Pagkatapos, parang weird 'yung pakiramdam ko. Naulit 'yung feeling na yun kanina, nang ako naman ang nagbitbit ng cake at regalo para sa adviser ng aking anak. Walang dudang suhol.
Sumasabay ang mga pangyayaring ito habang rinerebisa ko ang nobela. Malaking tulong ang isang reference na nakita ko, simple lang ang titulo: Plot. It turns out na linalabag ko ang maraming mga don'ts sa pagsasalaysay. 'Yung huli ko ngang pinost na blog, napaka-pangit pala. Pero hintay muna, fiction fatigue ito, pagkabalahaw sa gitna. Ang solusyon: ibukod ang mga bahagi ng draft na nakakasagabal sa pagpapatuloy ng totoong kuwento, ng tunay na gustong sabihin ng teksto, at hindi iyong pinipilit sabihin ng writer. Bawasan ang mga shifts, at alisin ang mga unnecessary interruptions. Higit sa lahat, isulat talaga ng mabuti ang mga set pieces. Ito pala 'yung teknikal na tawag du'n -- parang katumbas ng obligatory scene sa pagsulat ng dula. Ito 'yung mga kumpruntasyon na pinahihiwatig. Ang nangyayari, hindi ko pala itinutuloy. Akala ko, maari namang ipalagay na "katahimikan" iyon na pupunuin na lang ng mambabasa. Bukod sa maaring basahin bilang katamaran, it seriously undermines the crafting kasi hindi ko pa pala nasusulat ang dapat na masulat na mga kumpruntasyon.
May mga naiisip na akong mga set pieces na dapat na lumabas, at least sa bahagi ng Pasakalye:
1. Ang kumpruntasyon nina Pele at Leon, lalo na pagkaraan ng pagkawala ni Alejandria, at lalo na pagkaraan ng digma, kung kailan patapos na ang hawak ng kapangyarihan ni Pele.
2. Ang pagbabalik ni Alejandria matapos nitong maglaho, at kung papaano sila magkikita ni Leon.
3. Ang pagtanggap ng pamilya ni Alejandria sa kanya pagkaraan ng lahat.
4. Ang pagkikita nina Concha at Leon -- bago ang malubhang pagkakasakit ng una
Subplot pa rito 'yung kuwento ng paglalakad ng dokumento ni Papang, kung paano niya natanggap ang kanyang wartime compensation. HIndi sapat na expository lang 'yung pagkakasulat -- hinihingi 'yung eksaktong eksena.
Monday, December 17, 2007
Mga Manlalakbay
Sinunod ko ang payo na nabasa ko sa (Im)Personal ni Rene Villanueva: maglaan ng oras para sa pagmumuni ng isusulat, at kapag humarap na sa computer huwag nang ibuhos ang panahon sa pamamlano, isulat na ang pinag-isipan ng mabuti. Naisip ko, hindi naman pala basta manlalakbay lamang ang mga tauhan dahil ang mismong attitude ng tauhan sa paglalakbay ay pupuwedeng maging iba-iba rin. Kagaya nga ng nasabi ni Baumann sa kanyang Life in Fragments, may pilgrim, may vagabond, may tourist at may player. Uunahin ko munang talakayin ang reaksiyon ko sa unang kategorya: ang pilgrim. Sa Filipino, gagamitin ko ang pinakamalapit na salin sa Espanyol: peregrino.
Kung si Papang ang peregrino sa nobela, ano ang katotohanan na kanyang sinusundan sa pagtahak ng buhay niyang nakapaloob doon? Bakit siya umalis? Bakit siya bumabalik? Ano ba ang kanyang linisan? Ano ang kanyang inuuwian? Sa burador, inestablish kong makati ang kanyang talampakan sa kabila ng edad. Basta na lang itong nagdidisappearing act, lalo na kapag nagtatampo sa anak. Kapag pinupuna halimbawa ang kanyang pag-iinom. O kapag naramdaman niyang siya'y nakakaabala. Sa kuwento, umaakyat siya ng Baguio. (Ang totoo hindi lang siya pumupunta sa Baguio, dahil may anak siyang nakatira doon. Dumaraan rin siya sa Gerona Tarlac para dalawin ang puntod ng kanyang asawa, at nakikitulog siya sa mga kaanak niya doon sa karatig bayan ng Anao habang nagpapalipas ng sama ng loob.) Umuuwi naman siya sa bahay ng anak pagkaraan ng isa, dalawang buwan. Pero halos mabaliw na ang mga anak niya sa pag-aalala.
Bakit ngapala siya bumabalik? Ano ba ang kanyang binabalikan? Iniingatan kong huwag maging mapuwersa sa pagsasabi ng mensahe sa kuwento. Halimbawa, gusto kong ibahagi 'yung palo ng ideyang hindi naman talaga natin nababalikan pa ang mga lugar na linisan na natin. Akala ba natin, porke naroon pa rin ang mga guho, ang mga landmarks, ay 'yun pa rin ang dati nitong lokasyon? May kakatwang gawi ang panahon at memorya -- sa nobela, maaalala ni Papang ang lokasyon ng isang pinangyarihan ng madugong labanan na halos ikamatay niya. Itataon ko na ang lugar rin na iyon ang haunted na kalsada na naengkuwentro na rin ng anak niyang lalaki, noong nagmamaneho pa ito ng inaarkilang van. Isang madaling araw, habang pinapaspas niya ang kanyang pag-uwi sa Maynila, may matandang babae na papara sa kanya at kanyang malalampasan. Matatagpuan niyang may binti at bayong sa kanyang tabi at kikilabutan siya at halos maaksidente. Sa confluence ng haunting ni Papang ('yung attachment niya sa battle site) at 'yung haunting ni Antonio('yung literal na haunting ng kalsada), wala pala itong pagdirikit. Ako mismo, hindi ko pa pala nadidigest kung ano ang kaugnayan ng dalawang haunting na ito. Isa pang sapin: ang lokasyon ba ng pinangyarihan ay 'yung aktuwal nga ba, o posible ring nagkakamali ang umaalaala? What if hindi na matagpuan ang lugar? What if natayuan na ito ng ibang istruktura -- dahil nangyayari naman talaga ito, dahil ganito na ang nosyon ng geograpiya, ang dating pinupuntahan naming magkakaibigan na Sam's Diner halimbawa, ay naging automotive shop, o ang dating Chinese restaurant na kinainan ng lauriat ay nabakante na't naging funeral parlor?
Halos lahat pala ng bahagi ng nobela, sa teknikal, ay tumitingin lamang sa kanya. Bihira siyang pinapagsalita -- samantalang siya ang pangunahing tauhan. Ngayon ko lang din na naunawaan ang matagal nang naging "hiwaga" ng rebisyon nito -- bakit ko nga pala ipinapasa sa ibang tauhan ang tutok, samantalang siya ang bida ng kuwento? Kung gayon, hindi si Jo, halimbawa, ang makakaranas ng pagtakwil bilang kabit mula sa kaanak, ang dapat makaranas ng emosyon para sa ikagugulong ng plot ay si Papang. Paano na ang magiging proseso ng pag-uwi ng isang peregrino?
Lumilitaw rin sa burador na hindi ko pa lubusang naisketch ang tauhan ng pangunahing karakter na nawala na rin sa kuwento, pero mahalaga dahil siya ang "paraluman" ni Papang. Ang karakter ni Alejandria. Inaamin ko, naging shortcut na naman sa akin na ibase siya sa tunay na buhay na counterpart. Parehong anak ng asendero, parehong pangalan, parehong tunay na pag-ibig ni Papang. Pero humabi na rin ako ng fabrikasyon. Siya'y anak mayaman pero kumikilos kasama ng mga gerilya. Mapapaibig sa kanya si Leon dahil mayroon siyang pluck. (Kalistuhan? Parang Nida Blanca noong 50s, tomboyish, independent, feisty.) Kaso, magagahasa ng kumandanteng Hapon (na hinayaan na mangyari ng mga magulang na collaborator). Noong binasa ko ulit ang burador, napaisip nga ako -- does she deserve this? Mukha kasing cop-out. Alam mo 'yun, dumarating na lang sa 'yo 'yung pinakamadaling "fate" ng tauhan. Bukod sa echo ang plotting na ito ng Mga Ibong Mandaragit ni AVHernandez, parang sayang 'yung build up kay Dadang bilang karakter na matalino. Lumabas na biktima siya ng pagkaganid ng mga magulang, ng pagiging duwag ng mga ito. Sayang 'yung eksena na si Dadang pa mismo ang nagsasabing kailangang mag-ingat ang mga kasama sa puting kuweba.
Natagpuan ko ang character study na ginawa ko para sa Rosa Henson project ko noon. Grabe pala ang epekto sa akin ng sinulat ni Henson. I was so engrossed in the text na nakasulat ako ng life outline. Na lumabas na rin, unconsciously, sa draft ng Pasakalye. Oo, para na rin akong isang peregrino na nakauwi. Ang tanong, natahak ko nga ba talaga ang distansya? 'Yan ang kailangan kong masagot sa pagrerebisa ng aking burador.
Pumasok na rin sa akin ang possibilidad na mag-aasawa muli ang karakter ni Papang para makalikha ng totoong tunggali sa pagitan niya at ng kanyang mga anak. Naisip kong ipasok ang karakter ni Virginia (na nasulat ko na sa blogsite na ito). Ipakikilala niya ang kanyang mahal, pero ituturing mismo ng mga anak, at lalo na ng iba pang mga kaanak, bilang isang eskandalo. Sa puntong ito, mahalagang isaisip ang naging payo rin ng isa pang tunay-na- buhay na kaanak na nasaktan ng matagpuan niya sa tekstong kanyang binabasa ang larawan, ang re-presentasyon ng kanyang kuya, na aking tiyuhin. Hindi nagustuhan ng Tita Elvie ko ang larawan ng tiyuhin ko sa teksto dahil pinakita ko siya bilang OFW na tamad magtrabaho, mautak at mapanglait sa katrabaho, isang insekto. Dahil sa hindi pa rin ganap ang burador na aking ipinabasa, akala ng aking tiyahin ay mananatiling gayon ang representasyon ni Vito. Hindi ko na naipabasa sa kanya ang malamyos na mga eksena ng nasabing tauhan, kung paano nito inuunat unat ang pasaporte na malapit nang mapaso at natatakot siyang umuwi ng Pilipinas na walang ipon. Kung paano niya pinapangarap na makarating sa Dubai ang anak niya, ngunit mabibigo siya dahil mababalitaan niyang namatay ito. Kung gaano kaimportante ang kinahinatnan ni Vito sa pagpapasya ni Antonio na umalis na sa Dubai at huwag nang bumalik. Ang payo sa akin ng aking tiyahin: "Magkaroon ka naman ng responsibilidad."
May pinaghuhugutan ang tiyahin ko sa kanyang sinabi. Bilang dating aktibista. Bilang kapamilya. Bilang mambabasa. Oo, may responsibilidad dapat ang manunulat. "Huwag namang sulat nang sulat, 'yun pala'y nakakasakit ka na." Sensitibong mambabasa ang tiyahin kong ito, at siya rin ang pumuna sa aking ina nang isinulat nito ang kuwento ng pagkamatay ng pamangkin. Pinalabas sa kuwento na isa iyong suicide at hindi foul play. Pinalabas rin na nangharass ang anak ng katulong. Sympathetic ang kuwento hindi sa karakter na ibinatay sa pamangkin, kundi sa katulong na ibinatay sa mga kaanak na lagi na lang nakukuntento sa mga kaprasong mga biyaya na itinatapon sa kanila at binabawian ng karapatang magreklamo ng pyudal na lipunan.
Mga immigrante rin sa nakaraan ang mga tauhan. Immigrante dahil riniritualize pa nila ang pagbabalik, at hindi talaga sila nananahan sa kanilang mga binabalikan. Nakatagpo na sila ng kani-kanilang mga "tahanan". Problematiko, halimbawa, ang binibigay na illusyon ng pagsasama nina Wanda at Paquito. Kasal na ang mga tauhang ito ng higit pa sa 20 na taon, ngunit dahil sa nagtrabaho na sa Saudi si Paquito pagkaraan ng unang anak, ang kanilang aktuwal na pagsasama'y hindi katumbas ng 20 taon, at kukulangin pa sa kalahati nito. Sa mga unang taon ng pagkakawalay, ang lalaki'y nagpilit na gampanan ang papel ng mabuting ama. Nagpapadala ng prutas, laruan, tuwalya, mga imported na toiletries, mga gamit sa bahay na luxury items kagaya ng ice cream maker, nakapagpundar ng kotse, natustusan ang pag-aaral sa isang pribadong eskuwelahan ng tatlong anak. Ngunit tumabang ang pagsasama (hindi ko pa nasabi sa burador kung bakit) at humantong ang relasyon sa isang di opisyal na pag-aabandona.
May tensiyon ang mag-asawa na hindi pa lumalabas sa burador dahil laging bumabalakid sa isip ko na baka mabasa iyon ng mga tunay na counterparts. (Kagagahan di ba? Pero nangyayari. ) Narealize ko rin, sa proseso ng rebisyon, na napakalaki pala ng papel ni Wanda. Bakit? Siya ang nag-aalaga kay Papang, siya ang nagpapakilala kay Papang sa hipag nitong si Jo, at siya rin ang kasama ni Papang noong linakad niyon ang mga papeles para makuha ang kanyang wartime compensation benefits.
Nagtutunog sanaysay ang burador. Palibhasa hindi naman talaga ako nakasama sa pag-aasikaso noon ni Papang ng mga papeles niya. Kaya "told" ang bahaging dapat sana ay "shown". Naging emphasis rin sa draft 'yung konsepto ng pagkakatali ng pera at ginhawa, pera at pagmamahal. Ploy lamang pala ang biyahe. Napaka-materyal rin pala ng pinag-uugatan ng tensiyon. Pera, ang kawalan nito, ang nag-udyok kay Papang na sumali sa On The Spot (isang contest na binatay ko talaga sa isang segment ng noontime show na Eat Bulaga). Hindi ko sinabi sa burador na pera ang dahilan. Basta ipinakita ko lang na iiniinterbyu na nina Vic Sotto at Pia Guanio ang tauhan at matataong mapapanood iyon ni Wanda.
Hindi na nakakapagpadala ng maayos si Paquito magmula nang maging girlfriend nito ang isang Pinay na nurse na nagtratrabaho rin sa Saudi. May natagpuang botas ng sanggol si Wanda sa maleta ni Paquito nang minsang umuwi ito. Nagtaka siya kung bakit mayroon no'n sa gamit ng asawa -- sinabi ni Paquito na baka nasingit ng kasamahan niyang humiram ng maleta -- at naniwala si Wanda dito. Pero kagaya ng sinumang asawa, kinukutuban siyang iba ang nangyayari. Ang problema, hindi niya ito maihinga sa kanyang mga kapatid. Takot siyang mapahiya. Pero mas takot siya sa kumukulong galit ni Antonio, na tiyak niyang papatusin ang kawalanghiyaan ng asawa. Ang hindi alam ni Wanda, matagal na ring kinukutuban si Antonio at ang iba pa niyang mga kapatid.
Hindi ko pa nasasabi sa burador na bunga ng marital transgression ni Paquito, apektado hindi lang si Wanda kundi ang buong pamilya. Mas lalo na si Papang, dahil nakikita niyang hindi na nakakapasok ang mga bata dahil walang baon, walang pamasahe, napuputulan na sila ng kuryente, tubig, at umuutang na si Wanda sa kabi-kabila. Hahantong ang lahat sa pagkakulong ni Wanda sa salang estafa. Pupuntahan siya ni Antonio, at tatatak sa huli ang eksena -- ang kanyang kapatid, na tumayo na bilang pangalawa niyang ina, nakakulong kasama ng mga maton, ng mga mandurukot, ng mga manyak, ng mga pusher, ng mga kriminal. Dahil sa pangyayaring ito, aayain si Wanda ng kapatid niyon sa Davao na doon na muna siya at ang kanyang mga anak. Kataong maginhawa ang kapatid niya sa Davao. Ito si Serge? O si Gonzalo? Hindi ko pa ito naisusulat sa burador, ngayon ko lang naibubulalas. Si Gonzalo ang sasagot sa paaral ng kanyang mga anak -- dahil ayaw ng mga magkakapatid na magkaroon ng pagkamuhi ang mga anak sa tatay nilang sukat na lang na nawala. Saan nanggagaling ang "proteksiyon" para sa ngalan ng ama? Dahil mahal ng mga magkakapatid ang sarili nilang tatay.
Galit ang anak na si Alexi sa tatay nitong si Paquito. Naestablish ko na nawalan ito ng gana sa pag-aaral at narehab sa Estrella Compound. Walang galang si Alexi sa tatay. Mula sa pangdedeadma sa mga pasalubong ng tatay hanggang sa tahasang pagsasabi na hindi naman si Paquito ang tinuturing niyang ama, kundi ang tiyuhin niyang si Antonio. Hinihintay, actually, ni Alexi, na aminin ni Paquito, sabihin na nito ng maliwanag, na may iba itong pamilya. Hinihintay rin ni Alexi na kumilos na ang kanyang ina para aksyunan iyon.
At a deeper level, 'yung journey ni Wanda sa Pasakalye ay hindi lang para sumama siya at ang kanyang pamilya sa pagbabaliktanaw ni Papang. It was a desperate move to save her family -- at hindi pa ito lumalabas. Kailangan pa ng mas maraming kumpruntasyon sa pagitan niya at ni Paquito. Ibang klaseng peregrino rin kasi si Wanda. Inidolo niya ang kanyang ina nang labis. Napakarelihiyosa rin niya. Masaya na siya sa buhay niyang nasa bahay lamang. Hindi naman naging mahalaga sa kanya ang kanyang maikling career bilang bank employee. Ang sahod niya, noong kumikita pa siya, ay napupunta sa hingi ng mga kapatid na hindi niya mahindian. May nagkagusto sa kanya na matalik na kaibigan ng kanyang kuya. Pero hindi iyon ang kanyang sinagot, sa kabila ng mga indikasyong mahal na mahal siya nito (isang cruise vacation na kasama ang best friend niyang kapatid, pati ang manliligaw, pauwi sa Negros, para ipakilala sa mga magulang. Ang cruise vacation na ito ang laging linilingon ni Wanda kapag nalulungkot at bumababa ang self esteem: dahil minsan din siyang naging tunay na maligaya, tunay na maganda't kaakit akit para sa paningin ng isang lalaki na sasagutin na niya sana kundi nga lang kaibigan ng kuya niya.) Hindi ko rin maintindihan 'yung idiotic na rason na "hindi kami talo, kasi kaibigan ng kapatid". Parang may mas malalim pa na dahilan na hindi ko pa napag-iisipan. Siyempre may repercussion sa mga anak ang karakter ng ina. Mula sa aking sariling karanasan, naalala ko noon na asar na asar ako sa nanay ko dahil pinababayaan niyang maburo ang sarili niya sa bahay. At that time I felt there was nothing worse than having an unfulfilled mother. Nasakyan ko lang 'yung nanay ko, kung sino ba talaga siya, nang mamatay ang tatay ko. Pinanghinayangan ko na hindi ko siya naging matalik na kaibigan noong lumalaki ako. Pinagsisihan ko rin na hindi ko sila pinagtiwalaan ng lubos ng aking ama.
Anyway, ang dating ni Paquito so far sa text ay isa siyang bastos na asawa na akala'y ang pagiging ama ay nasa pagbibigay lamang ng sustento. Nakalbo na sa Saudi (sa kakashower sa chlorinated na tubig). Nalulong daw sa sugal kaya hindi nakapagpadala sa asawa. Alam daw iyon ni Wanda pero linihim sa mga kapatid. 'Yun lang, wala na. Kung pupunuan natin ng detalye -- bakit nga ba siya talaga nagtungo sa Saudi? Bakit kaya nagtitiyaga siya doon? Ang dali ng sagot na: kasi mas malaki ang kanyang suweldo. Ang dali rin ng sagot na: kasi nag-aaral pa ang kanyang mga anak. Nagkaisip na si Alexi pero wala siya sa mga importanteng okasyon katulad ng graduation, birthday, prom, etc. Ang pumuno sa obligasyon ng pagiging ama ay si Antonio. Si Antonio tuloy ang tinitingalang tatay ng mga pamangkin, at naiinggit si Paquito dito. Sa burador, nag-uusap sina Antonio at Alexi ukol sa sasakyan. Gustong mag-aral magdrive ni Alexi, at hinihikayat siya ni Antonio na ituloy iyon. Papasok sa eksena si Paquito at masisira ang mood. Siguro kailangan ring pagdesisyunan ang hubog ng backstory ng pamilyang ito.
Ngayon, balik tayo sa usapan ng pera. May secret life ang pera sa teksto. Ang pera ang humahalili sa intimate na domain na dati rati'y puwesto ng sex. Mas secretive pa ang mga tao sa pera kaysa sa ibang bagay. Ito sana 'yung gusto kong lumabas. Kaya, halimbawa, walang nakakaalam na secretly may hinuhulugan si Wanda na memorial plan (ibubuild up ko na ineentertain na rin niya ang sudden exit in her moments of desperation). Secretly may itinatabi pa pala si Papang para sa mga apo para maging panregalo sa kani-kanilang mga kaarawan. Secretly nagpapaloko pa rin siya sa mga scam mail na nagsasabing nananalo siya ng lottery (sa ibang bansa) o kotse (na fake na susi lang ang ipinapadala). Secretly pinapadalhan ng pera ni Paquito ang kapatid niya para iabot sa kanyang Pinay na girlfriend na nurse. Secretly may itinatabi rin si Antonio para sa pagtulong kay Wanda, atbp.
Ano ang magiging repercussions ng paglilihim? At paano ito nakakaapekto sa mga pag-uwi? Isa pang kailangang matuhog sa nobela ay ano ang kaugnayan ng unang eksena (pageestablish na may mag-anak na naglalakbay patungong Norte para dalawin ang malubhang kaanak) sa huling eksena (ang paggising ni Papang mula sa isang bangungot na tungkol sa unang beses niya ng pagpatay). May imahe doon sa huling eksena na tungkol sa mga tipaklong. Hinalintulad noon si Antonio sa tipaklong -- dahil ang sabi ng kanyang ina, sabay siyang kumakain at dumudumi. Mauulit ang obserbasyong ito sa anak na si Hero na sa sobrang takaw ay mapapatigil ang van sa isang talahiban para makapagbawas ang bata. And thus begins the old man's recollection of how he had to kill a Jap. Kasi ganu'n na ganu'n 'yung circumstance. He had to move his bowels and there was the enemy. Ngayon, pinag-iisipan ko kung dapat ba'ng ito ang maging huling eksena. Kasi parang hindi pa nabubungkal 'yung tunay na kahulugan ng panaginip -- is the dream trying to say na binabangungot si Papang ng karahasang nagawa niya sa sundalong Hapon? That seems to be the obvious message. Pero ang babaw naman. Hindi ko pa gaano napaglaruan 'yung kuneksiyon ng tipaklong sa wandering nature ng mga tauhan na kagaya ni Papang, ni Paquito at kahit na ni Antonio. Siyempre kasama na sa gamit ng tipaklong 'yung Aesop's fable "the grasshopper who sang all summer". Peste ba o insektong may pilosopikal na danas sa buhay? Kailangang magpasya. Baka inaakala lang na peste, 'yun pala'y higit na malalim ang pagdanas ng tipaklong sa buhay niya bilang insekto, habang patalon talon, habang pangasab ngasab ng dahon, pakiskiskis. (Wala nga pala ang tenga nito sa ulo kundi nasa katawan, at apat ang guts ng grasshopper. Fascinating di ba?)
Saturday, December 15, 2007
Si Virginia
Siya ang aking naiisip na pagbabatayan para sa isang tauhang nasa loob pa ng aking diwa, bilang instrumento para gumulong ang storya ni Leon. Masalimuot kasi ang kanyang nakalipas: ang tatay niya'y dating cook ni Gen. McArthur, ang nanay niya'y karaniwang maybahay. Hindi siya masyadong makuwento tungkol sa kanyang tatay, mas bukambibig niya ang nanay niyang hindi niya makasundo, dahil anya'y mahal lang pala siya nito noong may pera pa siya.
Tapos ng degree sa Tourism ang babaeng ito. Sienna College kung hindi ako nagkakamali. Kabataan niya noong mga late 60s. May binabanggit siya na party girl siya noon, madalas sa Wells Fargo, isang lugar na makikita ko mismo sa aking pamamasyal sa Recto. Sarado na 'yung saloon na 'yun na wika ni Virginia'y isa sa pinakapopular na pub sa kapanahunan niya. Noong makita ko 'yung Wells Fargo na iyon, wala akong nakitang ringal o ganda, mapanghi iyon, may mga palaboy na natutulog sa tapat ng malangis nitong accordion door na kakulay ng mga gilid ng gusgusing dyip. Dahil party girl siya, naranasan niyang magkaroon ng maraming mga manliligaw.
Sa lahat ng mga naging manliligaw niya, may isa roon na pinagsisihan niya na tinawanan lang niya. Patay na patay ang lalaki, at nu'ng nakikipagbreak siya dito, tinawag nito ng tinawag ang kanyang pangalan, ibig yata nitong malaman ng balana kung gaano kasakit ang maipagpalit sa ibang lalaki. "Virginia, I love you!!!" Ito raw 'yung paulit ulit nitong sinasabi, habang tawa siya ng tawa sa itsura nito sa baba. Wala siyang binigay na deskripsiyon ng lalaki, pero kung iisipin mo na ang Wells Fargo at amoy ng hininga ni Virginia na magkahalong sanib ng Tanduay at sigarilyo, magkakaideya ka na baka panget ang lalaking tumatanghod.
Nakapangasawa ng isang Hapon si Virginia, bunsod na rin ng pagtratrabaho niya sa travel agency na minamanage ng kanyang kapatid (mas bata sa kanya at may asawa ring Hapon) sa Ermita. Mga 35 na siya noon. Hindi nga niya akalaing makakapag-asawa pa siya. Sinama siya ng lalaki sa Japan, at sa isang probinsiya doon (hindi ko na maalala ang pangalan ng lugar na tinirhan nila), kinasal sila sa tradisyunal na paraan. Meaning, binihisan siya, inayusan siya, kagaya ng mga babaeng Haponesa. "Sa sobra kong nerbiyos, naihi ako." Hindi ko alam kung ano'ng naging konsekwensiya ng ikinakasal ka't mapanghi ka sa iyong sariling ihi. Ang hirap siguro no'n. Walang mga kamag-anak na dumalo -- kahit ang kanyang bunsong kapatid ay hindi naimbitahan. Malaki ang puwang sa kanyang kuwento, parang suklay na bungi. Ano na ang nangyari pagkaraan ng kasal? Nagbakasyon daw siya. Pumayag ang asawa. Sa London siya nagpunta, at parang naiisa isa pa niyang dalawin ang Europa. Kasama niya ang kapatid sa pagliliwaliw. At sabi niya, isa iyon sa pinakamasasaya niyang alaala.
Pagbalik daw niya, nakalagay na sa maleta ang kanyang mga damit. Pinauuwi na siya ng Pilipinas. Ayaw na sa kanya ng asawa. Sa puntong ito, at sa laki rin ng mga patlang sa kanyang kuwento, magtataka ka pa ba sa desisyon ng asawa? Umuwi siya ng Pilipinas na malungkot. Understatement. Halos magpatiwakal na siya. Araw araw siyang naglalasing.
Nasa ika-anim o ika-pitong taon na siya ng pagluluksa para sa isang naudlot na pagsasama nang maisipan niyang mag-ihaw ng tuyo isang umaga. Paborito raw niya kasi iyon. May narinig siyang bumababa sa traysikel, na sinasalubong ng kanyang mga kapitbahay. Parang pinagkakaguluhan. Parang sabik na sabik silang makita 'yung kung sino mang bumababa roon. Lumalabas na ang lalaking bumababa sa sandaling iyon ay si Papang. Umuwi siya ng Anao dahil nalulungkot siya, at todo asikaso naman sa kanya ang mga kamag-anak, lalo na si Daleng (sa totoong buhay, si Linda). Lipat siya sa kapitbahay, pinakilala ang sarili. Malayo pala silang kamag-anak. Mabait ang matanda at madaling kausapin. Siguro nga, dahil kung pareho na kayong lango, wala na sigurong pagtatalo.
Inalagaan daw niya si Papang, lalo na noong sinamahan niya itong magbakasyon sa Baguio. Noong mga panahong iyon wala nang nakatira sa tinutuluyan nina Soc sa ancestral house sa La Trinidad Benguet. May katabing strawberry farm ang bahay na iyon at masarap ang simoy ng hangin. Ipinagmamalaki ni Virginia na wala pang kaanak na gumawa ng ginawa niyang kalinga para kay Papang. May panahon daw kasi na hindi na nito kayang kontrolin ang sariling pagbabawas at pag-ihi, umuuwi raw ito sa umaga na basa ang pundya ng pantalong gabardine at nangangamoy. Papalitan niya ng damit, pupunasan, paliliguan.
Dahil sa kanyang malasakit sa matanda, sinama siya nito sa Marikina. Dito na kami nagkakilala. 1997 noon. Tuwang tuwa siya sa aking anak at magiliw niya itong kinakausap sa tuwing manggagaling ito ng eskuwela. Bigay hilig sa pagkaing fastfood kapag may sweldo. Lilipas ang mga taon at sa amin na siya mamamasukan. Kagaya pa rin ng dati, sa umpisa, pero matutuklasan naming mag-asawa na mahirap pala siyang pakisamahan.
Araw araw siyang umiinom. Habang nasa eskuwela ako't nagtuturo, at ang aking asawa'y nasa labas, pumupunta siya sa likod ng bahay, doon sa kubeta ng extensyon, at umiinom ng Tanduay. Isang mahabang hilera ng mga bote ang matutuklasan namin na nakahimpil sa gilid ng pader ng kubeta, tila hinahanda para sa isang kuleksiyon. Kaya pala kapag umuuwi ako'y mapungay na mapungay na ang kanyang mga mata't sumusuray suray. Isang hapon, nang inaya ko siyang maggrocery, plakda siyang sumemplang sa kalsada. Laseng.
Dahil mahal niya ang aming anak, pinabayaan lang namin ni Bert ang kanyang gawi. Hanggang napapansin na namin na pati kami ay minumura niya sa kanyang kalasingan. May monologo siya sa kabilang silid, kung minsan may kinakausap pa siya sa Hapon. Minumura rin. Kapag tinanong mo naman siya kinabukasan, titingnan ka niya na parang ikaw ang nasisiraan ng bait. Nakakatawa ang kanyang ugaling ito kapag binabasa pero hindi ito nakakatuwa kapag kasama mo siya sa buhay, lalo na kapag natutulog rin siya sa iyong pamamahay. Isang hapon, umuwi ako't natagpuan kong nagpriprito ng bangus ang aking asawa. "Nasaan siya?" kako. Nasa silid, tulog, laseng.
Halos hindi na ako makahinga sa galit, at ngayong naikukuwento ko na ito ng mas buo, sa selos marahil. Ano ang ginagawa niya do'n sa silid, at sino ang nagsabi sa kanyang puwede siyang matulog habang nagpriprito ng isda ang asawa ko? Minura ko. Lumabas sa aking bibig ang lahat ng kabalahuraan na pamana ng mga pelikula't programa sa radyo. Pupungas pungas siyang bumangon, tila musmos na nagtataka kung bakit binubulabog siya ng alas singko ng umaga para maligo na't maghanda sa pagpasok. Kinuha niya ang sanse sa kamay ng aking asawa at itinuloy ang pagluluto ngunit para na akong sinapian na pinaghahagis ang mga damit niya sa bag, at noon din, pinalayas ko siya.
TUmawag siya sa bahay, pagkaraan ng isa, tatlo, anim na buwan, walang kadala dala, walang pagsisisi, walang pagtataka kung bakit siya naroon sa ibang bahay at nakikitawag, nakikiusap na doon na lang siya sa amin. Mababalitaan ko na lang na namatay siya sa kuwarto ng kanyang pinapasukan, malamig na ang katawan niya nang matagpuan.
Bakit hindi ko maramdaman ang Pasko?
N aging makabuluhan para sa akin ang iisang Pasko. Bagong tayo noon ang bahay sa Don Jose, at naubos na ang pera ng aking mga magulang. Lumipat na kami sa istruktura kahit na ang kuwartong tutulugan namin ay wala ni hilamos ng pintura at ang sahig na simentado ay may mga bakat pa ng walis tingting at graba. Kinain namin, pinagsaluhan namin, ang iisang lata ng salmon. Hokkaido pa yata ang brand. Binudburan ng asin. Nagluto ang nanay ko sa isang kalan na gumamit pa ng sinibak na kahoy. Hindi ko na maalala kung ano ang aming ininom, kung balde pa ba ng pintura ang ginamit...ganu'n kasi kayagit ang aking alaala ng Paskong iyon ng 1981.
Manganganak pa lang ang nanay ko sa Hunyo, isisilang niya ang aming bunsong kapatid na lalaki. Pakiramdam ko noon, para kaming mga karakter sa panunuluyan na natutulog sa sabsaban. Siguro naromanticize ko na ang alaala -- pero walang kapalit ang mga huntahan ng pamilya -- ang kantahan -- na nangyari noong bisperas na iyon.
Isa pang Pasko ang umukit sa aking alaala, at sa pagkakataong ito, wala ni isa sa aming bumangon para kumain ng noche buena. Nakalimutan ng lahat na magdiwang, dahil iyon ang unang Pasko na batid na ng tatay ko na bilang na ang araw niya dala ng kanser sa baga. Parang nakikini-kinita ko pa ang mga mangkok ng arroz caldo na lumamig na, ang mga platito ng pritong bawang at hiniwang kalamansi. Iyon na lang ang nakuhang ihanda ng aking ina dahil hindi na siya magkaundagaga sa hinaharap niyang problema sa kalusugan ng kabiyak.
Magkakaroon rin naman ng mga masasayang Pasko pagkaraan, halimbawa noong 1997. Sa panahong iyon, pumanaw na ang tatay ko. Nakatira na kami sa Marikina. Nang magdiwang kami ng araw na ito sa bahay ng aking sister in law. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakatanggap ako ng kung ano-anong mga regalo -- bedsheet, malong, hikaw, kamiseta, tsinelas. Pinaghirapang pag-ipunan ng aking mga pamangkin sa kapiraso rin nilang mga allowance. Natuwa ako dahil doon ko lang naramdaman 'yung lugod ng pagpapalitan ng regalo, at nakita ko sa wakas ang saysay ng pagbangon ng bisperas para sa salusalo. Payak rin ang aming handa -- spaghetting Filipino style (puro Jufran ketchup) at manok. May crispy liempo. 'Yun lang. Walang mga apple pie, pot roast, Swiss chocolates, mga prutas sa basket. Aspirasyon ko rin ang pistang ito noong ako'y lumalaki. Pero hindi pa naman natupad kahit kailan ang magarbong handa na kolonyal ang menu.
Wala naman sa handa. Wala rin sa dami ng regalo. Nasa pagsasama. Nasa uri ng pagsasama. Nasa ginhawa ng pag-uusap. Nasa luwalhati ng kinalulugaran. Nasa kapayapaan ng isip.
Friday, December 14, 2007
Wala siyang tiyaga sa mga ugali ng artist. Wala siyang hinahangaan ni isang writer. Brutal mang sabihin pero posible pala na maging graduate ka ng Economics sa UP pero ni wala kang nahitang pamana ng literary taste. Now I sound like a snob. But I can't help it. Nakakainis kasi hindi talaga niya maintindihan ang halaga ng panitikan.
Ito ang naging pangunahing dahilan ko kung bakit idinonate ko na lang sa ALIWW ang aking mga manuskrito. May kutob ako na susunugin lang niya iyon balang araw. I envy my dead mentor's resolve not to let anyone get in the way of writing. Because that is the way it should be. We owe it to our imagination. Now I sound like an arrogant snob, but who cares? I'm quoting this from an acquaintance at a recent conference that I attended. Hindi ko naman talaga siya kilala, nagkakape lang naman kami sa corridor ng Bus. Admin. Tagahanga siya ni Jessica Hagedorn. Ang sabi ko, tagahanga rin ako ng manunulat na ito. Problematic ang nobelang Dogeaters ni Hagedorn para sa maraming tao, lalo na 'yung mga taga-UP. But this British guy told me that Hagedorn is the best thing that ever happened to Philippine literature lately. One professor even remarked, "I'm sorry but I have to say this: Hagedorn is a slick writer." I found her comment so narrowminded.
Bakit ang dami dami nilang hinihingi sa iyong sinusulat na para bang obligasyon mo pang maging historically accurate, ethnographically correct? This is the same problem that I have with the material I am working on. I constantly look for any sign na magiging red flag ng mga biases. It is even more difficult because the main character is a part of my family. E gusto ko na gawin siyang imperfect, in fact, ang balak ko nga, ipakita na selfish siya dahil ni hindi niya sinamahan ang asawa niya noong nagkasakit ito. Nasa probinsiya siya ng Tarlac nang bumaha at consequently, mas lumala ang kanser ng asawa. Nagpakita siya sa burol. Pero wala 'yung eksena na hawak niya ang kamay ng asawa sa mga huling sandaling hinahabol pa nito ang kanyang hininga. I am even considering na isama sa history ng characters si Virginia, ang girlfriend ni Leon, na hindi na naipakilala dahil ang dami dami pang makikialam. Siya ang magiging dahilan kung bakit bigla na lang nawawala 'yung karakter ni Leon. (Sa halip na maging simpleng tampo.)
Nabubuwisit na rin ako sa draft na rinerebisa ko parang ang pangit pangit ng daloy, hindi talaga mahulog nang kusa ang mga pira-piraso. Ayoko nang napupuyat nang ganito na wala talagang nagagawa. Edit nang edit. Tapos, kulang pa rin. Ang dami pa ring kailangang likhaing mga eksena. Isa pang major problem 'yung hindi mabitiw bitiwan ang ilang prose passages na kinatutuwaan pero wala naman talagang kaugnayan sa kuwento.
Kung itatapon ko naman ang draft ng "Pasakalye" at ititira na lamang ang burador ng kuwento ni Antonio, magiging manipis ang nobela. Siguro talaga ngang hindi dapat ako sumama sa excursion ng pamilya sa Olongapo na magaganap sa 27th. As usual, taya rito ang napaka-generous kong brother in law. Kasama ang lahat sa biyaheng iyon. Maglalaro na naman ng Boulderdash ang isang pamilya habang nakatanghod ang kabila. Masusunog na naman ang balat ng anak ko sa kaswiswimming. Masasaksihan ko naman 'yung mga nakakairitang pag-iingles. May mga Koreanong turista na magslislide patungo sa pool. Walang katapusang pagyoyosi habang binabantayan ang pamangkin. Mga tuwalyang nanlilimahid. Mga brip at shorts na kailangang paarawan. Ano'ng pagsusulat ang sinasabi mo? Pagdating do'n, magiging dakilang yaya lang ako. Kakain ng anim na beses, tataba sa meryenda't softdrinks. Magpapaiwan na lang ako. Nakikini kinita ko na na hindi naman ako mag-eenjoy dahil hindi ko naman mahaharap ang dapat kong matapos.
Iniisip ko kung anong payo kung sakali man na manggagaling kay Rene V. Siguro, sasabihin niya, basta isulat mo lang. Kahit panget? Kahit walang coherence? Kahit ang gulo gulo ng structure? Shit, bakit ba kasi kailangang multuhin pa ako ng pressure na tapatan ang husay ng aking nasirang ama? E tinatanggap ko na ngang hindi ako kasing husay niya dahil may sarili rin naman akong lipad. Kapag tuluyan na ring natanggap ang nobela ni Mama sa Anvil, isa na namang pressure. Wala talagang uubra na palusot para hindi makasulat.
Thursday, December 13, 2007
Ibig Kong Makita
Samantala, tinapos ng Hum. 1 class ko kaninang 1-2:30 ang diskusyon sa tula ni Benigno S. Ramos. Ito 'yung "Ibig Kong Makita". Sa totoo lang, mas makinis ang tula niyang "Panulat" pero maraming siwang ng diskusyon ang "Ibig Kong Makita". Halos editoryal ang anyo nito, tahasan nitong hinahanap mula sa pamahalaan, sa unibersidad, sa mga botikaryo, sa mga kabinataan at kadalagahan kung ano ang "ibig" niya. Basically isang lipunan na nagpapahalaga sa pagsasarili,
walang takot sa mga dayuhan -- bisyon ni Rizal. Pero may mga kontradiksyon ang teksto. Habang sinasabi niya na may mga salanggapang sa mga obrerista, hindi naman niya tinutukan talaga ang kondisyon ng working man. Nalimitahan ang bisyon niya sa rekommendasyong pang-uri, hindi kagaya ng pagtukoy niya talaga sa okkupasyon ng mga abogado o mediko.
Konserbatibo rin ang tingin niya sa edukasyon, naniniwala siyang ang mga may gulang lang ang may karapatan na magturo at hindi ang mga kabataang "walang...malay". Natuwa ako sa diskusyon ng klase dahil marunong magsala ng tanong ang kabataang naka-assign dito.
Siguro nga tama si Escudero. Kahit na hindi naman ako tahasang sumasali sa mga demonstrasyon at nagmumuni lamang sa kinalabasan ng talakay sa mga tula't maikling kuwento, nakadarama ako ng kalayaan. Anonimo akong tinig pero hindi anonimo ang aking kamalayan. Nakikita ko ang ibig makita ni Ramos, at may mga ibig rin akong makita. Gusto ko, halimbawa, na huwag nang makakita ng mga batang gumagapang sa sahig ng jeep, nagpupunas ng mga paa ng mga nakasakay, at namamalimos. Ibig kong makita na laging may masarap na ulam ang bawat Pilipino sa tuwing dudulog sa mesa. Ibig kong makita na darami ang mga magbabalik sa Pilipinas dahil maayos na ang ekonomiya, mataas na ang kalidad ng buhay, at hindi na alipin ng global na komunidad. Ibig ko ring makita ang maraming mga Pilipinong nagbabasa ng akdang sinulat ng mga Pilipino, at masaya sila sa gawain, hindi puwersahan, kundi bukal.
Tunay na makapangyarihan ang kakayahang makakita. Dahil kung nakakakita ka, may ideya ka kung ano ang ibig mong makita. At ano ang ayaw mo nang makita. May selebrasyon rin sa pamimili, pero may limitasyon ring linilikha ang pagpili.
Sunday, December 9, 2007
Paano Kung Naliligaw sa Gubat ng Katha?
Pinatawad ko na ang aking sarili kung sakali mang maging baduy. Basta, gusto ko lang na makatapos. Puwede namang careerin ang pagrerebisa -- sa ngayon ay may time element. Ngayong naliligaw ako sa gubat ng pagkatha, uubra ba ang pagbabaligtad ng kamiseta para makita ang tamang landas? Naiinis lang ako kasi may mga pamantayan pa rin ako ng mabisang kuwento -- at hindi ko nagagawa. Halimbawa, boring pa rin ang daloy. Hindi umuubra ang lyrisismo lang ng wika. Dinagdagan ko ng mga detalyeng nasaliksik: mula sa net, sa mga libro. Pangunahing problema 'yung lumalayo ka na sa paglikha ng ostensive characters (hiram kay Bing Lao ang terminong ito). In other words, ayoko nang lumikha ng mga tauhan na batay sa totoong tao. Gusto ko na ng imbensiyon. Pero paano kung ang grid ng draft ay ostensive ang character? Iyan ang dilemma.
Nabasa ko ang :Mga Uban at Rosas, ni Mario Albalos. Interesante ang karakter. Isang oldtimer sa Hawaii na nag-asawa ng Pilipina na dalawang dekada mahigit ang agwat ng edad sa kanya. Inaapi siya ng babaeng ito na tinutukoy niya bilang "bagumbukadkad". Grabe ang depiksiyon ng pagiging golddigger at user friendly ng babae. Aping api naman 'yung lolong napangasawa, na matapos ipakulong sa salang hindi siya ang kriminal at simutin ang bank account at kaliwain ng kung ilang beses ay magagawa pa niyang ipagluto ng bagnet at masasarap na putaheng Iloko. Sa huli, kinailangan pang masawi ng isang kaibigan rin niyang oldtimer na natagpuang naninigas sa sariling apartment, para magising ang bida. Bubugbugin niya ang asawang bagumbukadkad. Magkakapatlang ang pagsasama. Pero patuloy ang panunuyo ng lalaki sa asawa. Hanggang sa sumuko na rin ang babae sa wagas na pag-ibig ng oldtimer.
Naalala ko ang mga akda nina Bulosan at ni Bienvenido Santos sa hubog ng bidang lalaki. Pero mas pinaghandaan ang delinyasyon ng tauhan. Martir rin ang mga mangingibig na oldtimer sa mga kuwento ng mga nasabing awtor. Pero iba ang kani-kanilang interpretasyon ng sentimyento at sentimentalismo. Sa mga nabanggit na sina Bulosan at Santos, poignant ang dating ng pagdurusa ng mga oldtimer. Hindi kaya dahil ang kanilang iniibig ay hindi nila kalahi at ang lunggati nila'y nakabatay rin sa karahasan ng diskriminasyon? Mukhang ang punto pa ni Albalos ay ipakita ang pagbabago mismo, ang modernidad ng mga babaeng kumakapit sa mga matatandang makapagbibigay sa kanila ng greencard. Siguro kung nabigyan pa ng sapat na karakterisasyon si Prescy baka mas naging matagumpay ang akdang Mga Uban at Rosas.
Naging masaya ang lahat ng mga parangal para sa kanya. Narinig kong magsalita ang ilan sa mga kasama namin sa TELON, kagaya nina Rollie, Ipat, Nick, Joey B., Tim. Mga estudyante pa lang kami noon, nasa edad 15-18 nang amin siyang makilala. Naging kaklase ko noon si Rollie sa isang Film subject. Siya ang naghikayat sa akin na dumalo sa TELON. Laking pasasalamat ko na nahikayat niya ako. Siya ma'y may mga magaganda rin na alaala para sa aming mentor. Pangunahin niyang binanggit sa testimonyal niya ang pasasalamat niya sa pagpapamana sa kanya ng mga libro ni Rene, para gamitin ng mga mag-aaral sa kanyang pribadong eskuwelahan sa Bulacan. Nagustuhan ko ang sinabi niya hindi lamang dahil sa taglay nitong sinserong pasasalamat kundi para sa akin, marami iyong mga sapinsaping mga kahulugan, mga reperensiya, mga pribadong biro, pribadong dalamhati.
Kanina, noong naghihintay kami na tumila ang ulan, habang nagkakape, ipinakita sa amin ni Tim ang mga naprint niyang blogs ni Rene nitong mga nagdaang araw. Ang sabi ni Tim, napaka-poetic ng mga nasulat ni Rene na mga blogs lalo na 'yung mga napost nitong huling linggo. "May intro na tayo para sa libro natin sa TELON!" Sabi ko kay Joey binabasa ko nga ngayon ulit ang Personal, at marami akong natutuklasan muli tungkol sa kanya. Para sa isang anak ng kaminero at mananahi, malayo na nga ang kanyang narating. Dati, noong bata pa siya, ikinahiya niya ang mga okupasyon ng kanyang mga magulang. Nang sumibol na siya bilang manunulat, doon niya natuklasan na mayamang bukal pala ang kanyang pinagmulan. Buhay na buhay siya kung maglarawan ng mga pook, ng mga tao. Eksaktong imahe na talagang guguhit sa diwa. At ang pinakamaganda sa lahat, napaka reflexive. Lagi siyang gising sa mga nangyayari, lagi siyang nag-iisip.
Kanina rin, sa parangal, tumatawid ang mood sa pagitan ng tuwa at dalamhati. Puwede palang lumuluha at tumatawa na sabay. "Bipolar pala ang mga tao," sabi ni Joey. "Napakamild naman ng term na iyon. Ang sabihin mo mga baliw." Paborito ko 'yung testimonyal ni Nick. Talagang hahagulgol na inuudlot, na sadyang nakakatawa. Nang makausap namin siya pagkatapos, pinaliwanag niya na kaya naging ganu'n ay tumatawid rin kasi 'yung sarili niya, "hindi puwedeng magbreak down sa kalagitnaan".
Narinig ko ring magsalita si Jun Lana, na matagal ko na ring hindi nakikita. Napakaphysical daw ng kanyang naging reaksiyon sa pagyao ni Rene -- "kahapon, nagtatae ako. Ngayon, ayoko namang umiyak". Si Jun ang nagtuloy sa dereksiyon ng pagsulat sa telebisyon at pelikula sa TELON, kasama si Elmer Gatchalian. Naiangat daw ni Rene ang kanyang pagkatao. Sumang-ayon rin ako sa puntong ito.
Sana nga lang, mas nasabi ko ito ng may paghahanda. Gusto kong sabihin kanina ang mga maraming okasyon na naramdaman ko na kinalinga ako ni Rene bilang tao. Napakahalaga sa akin ng kanyang pagtanggap. Kahit na tinawag niya akong malnourished na mangkukulam noon, o binibiro na maitim ang kilikili. Kahit nasabi niya na ang dulang nasulat ko ay parang ginantsilyong blusa na magandang tingnan pero hindi mo isusuot.
Paalam Rene, saan ka man naroon ngayon. Salamat.