Kay yumi ng kanyang pangalan, na nakakapagpaalala mismo ng birhen. Pero ang nagmamay-ari ng pangalang ito'y malayo sa pagiging santa. Nakabatay ang pagkakilala ko sa kanya sa iilang buwan ng pagtira niya rito sa aming bahay, bilang yaya ng aking anak. Bago siya naging yaya ng aking anak, siya ang nag-aalaga kay Papang. Kung maghahanap ka ng itsurang atsay sa kanya, hindi mo ito makikita. Una, napakakinis ng kanyang balat sa kabila ng kanyang edad (45) at sa kabila ng kanyang diabetes. Kakulay ng kanyang buhok ang ribbon ng cassette tape na kinain na ng player. Kamukha niya si Vanessa Redgrave, pareho sila ng lawlaw sa mga mata at gilid ng bibig, at may ekspresyon ang kanyang mga mata na nakakapagpaalala ng mga amoy sapatos at madidilim na pubhouse. Sa madaling salita, may taglay siyang ganda kung titingnan mo ng mabuti, at sana matataon ang pagtinging iyon nang hindi siya nakainom dahil babawiin mo ang iyong sinabing "maganda naman siya".
Siya ang aking naiisip na pagbabatayan para sa isang tauhang nasa loob pa ng aking diwa, bilang instrumento para gumulong ang storya ni Leon. Masalimuot kasi ang kanyang nakalipas: ang tatay niya'y dating cook ni Gen. McArthur, ang nanay niya'y karaniwang maybahay. Hindi siya masyadong makuwento tungkol sa kanyang tatay, mas bukambibig niya ang nanay niyang hindi niya makasundo, dahil anya'y mahal lang pala siya nito noong may pera pa siya.
Tapos ng degree sa Tourism ang babaeng ito. Sienna College kung hindi ako nagkakamali. Kabataan niya noong mga late 60s. May binabanggit siya na party girl siya noon, madalas sa Wells Fargo, isang lugar na makikita ko mismo sa aking pamamasyal sa Recto. Sarado na 'yung saloon na 'yun na wika ni Virginia'y isa sa pinakapopular na pub sa kapanahunan niya. Noong makita ko 'yung Wells Fargo na iyon, wala akong nakitang ringal o ganda, mapanghi iyon, may mga palaboy na natutulog sa tapat ng malangis nitong accordion door na kakulay ng mga gilid ng gusgusing dyip. Dahil party girl siya, naranasan niyang magkaroon ng maraming mga manliligaw.
Sa lahat ng mga naging manliligaw niya, may isa roon na pinagsisihan niya na tinawanan lang niya. Patay na patay ang lalaki, at nu'ng nakikipagbreak siya dito, tinawag nito ng tinawag ang kanyang pangalan, ibig yata nitong malaman ng balana kung gaano kasakit ang maipagpalit sa ibang lalaki. "Virginia, I love you!!!" Ito raw 'yung paulit ulit nitong sinasabi, habang tawa siya ng tawa sa itsura nito sa baba. Wala siyang binigay na deskripsiyon ng lalaki, pero kung iisipin mo na ang Wells Fargo at amoy ng hininga ni Virginia na magkahalong sanib ng Tanduay at sigarilyo, magkakaideya ka na baka panget ang lalaking tumatanghod.
Nakapangasawa ng isang Hapon si Virginia, bunsod na rin ng pagtratrabaho niya sa travel agency na minamanage ng kanyang kapatid (mas bata sa kanya at may asawa ring Hapon) sa Ermita. Mga 35 na siya noon. Hindi nga niya akalaing makakapag-asawa pa siya. Sinama siya ng lalaki sa Japan, at sa isang probinsiya doon (hindi ko na maalala ang pangalan ng lugar na tinirhan nila), kinasal sila sa tradisyunal na paraan. Meaning, binihisan siya, inayusan siya, kagaya ng mga babaeng Haponesa. "Sa sobra kong nerbiyos, naihi ako." Hindi ko alam kung ano'ng naging konsekwensiya ng ikinakasal ka't mapanghi ka sa iyong sariling ihi. Ang hirap siguro no'n. Walang mga kamag-anak na dumalo -- kahit ang kanyang bunsong kapatid ay hindi naimbitahan. Malaki ang puwang sa kanyang kuwento, parang suklay na bungi. Ano na ang nangyari pagkaraan ng kasal? Nagbakasyon daw siya. Pumayag ang asawa. Sa London siya nagpunta, at parang naiisa isa pa niyang dalawin ang Europa. Kasama niya ang kapatid sa pagliliwaliw. At sabi niya, isa iyon sa pinakamasasaya niyang alaala.
Pagbalik daw niya, nakalagay na sa maleta ang kanyang mga damit. Pinauuwi na siya ng Pilipinas. Ayaw na sa kanya ng asawa. Sa puntong ito, at sa laki rin ng mga patlang sa kanyang kuwento, magtataka ka pa ba sa desisyon ng asawa? Umuwi siya ng Pilipinas na malungkot. Understatement. Halos magpatiwakal na siya. Araw araw siyang naglalasing.
Nasa ika-anim o ika-pitong taon na siya ng pagluluksa para sa isang naudlot na pagsasama nang maisipan niyang mag-ihaw ng tuyo isang umaga. Paborito raw niya kasi iyon. May narinig siyang bumababa sa traysikel, na sinasalubong ng kanyang mga kapitbahay. Parang pinagkakaguluhan. Parang sabik na sabik silang makita 'yung kung sino mang bumababa roon. Lumalabas na ang lalaking bumababa sa sandaling iyon ay si Papang. Umuwi siya ng Anao dahil nalulungkot siya, at todo asikaso naman sa kanya ang mga kamag-anak, lalo na si Daleng (sa totoong buhay, si Linda). Lipat siya sa kapitbahay, pinakilala ang sarili. Malayo pala silang kamag-anak. Mabait ang matanda at madaling kausapin. Siguro nga, dahil kung pareho na kayong lango, wala na sigurong pagtatalo.
Inalagaan daw niya si Papang, lalo na noong sinamahan niya itong magbakasyon sa Baguio. Noong mga panahong iyon wala nang nakatira sa tinutuluyan nina Soc sa ancestral house sa La Trinidad Benguet. May katabing strawberry farm ang bahay na iyon at masarap ang simoy ng hangin. Ipinagmamalaki ni Virginia na wala pang kaanak na gumawa ng ginawa niyang kalinga para kay Papang. May panahon daw kasi na hindi na nito kayang kontrolin ang sariling pagbabawas at pag-ihi, umuuwi raw ito sa umaga na basa ang pundya ng pantalong gabardine at nangangamoy. Papalitan niya ng damit, pupunasan, paliliguan.
Dahil sa kanyang malasakit sa matanda, sinama siya nito sa Marikina. Dito na kami nagkakilala. 1997 noon. Tuwang tuwa siya sa aking anak at magiliw niya itong kinakausap sa tuwing manggagaling ito ng eskuwela. Bigay hilig sa pagkaing fastfood kapag may sweldo. Lilipas ang mga taon at sa amin na siya mamamasukan. Kagaya pa rin ng dati, sa umpisa, pero matutuklasan naming mag-asawa na mahirap pala siyang pakisamahan.
Araw araw siyang umiinom. Habang nasa eskuwela ako't nagtuturo, at ang aking asawa'y nasa labas, pumupunta siya sa likod ng bahay, doon sa kubeta ng extensyon, at umiinom ng Tanduay. Isang mahabang hilera ng mga bote ang matutuklasan namin na nakahimpil sa gilid ng pader ng kubeta, tila hinahanda para sa isang kuleksiyon. Kaya pala kapag umuuwi ako'y mapungay na mapungay na ang kanyang mga mata't sumusuray suray. Isang hapon, nang inaya ko siyang maggrocery, plakda siyang sumemplang sa kalsada. Laseng.
Dahil mahal niya ang aming anak, pinabayaan lang namin ni Bert ang kanyang gawi. Hanggang napapansin na namin na pati kami ay minumura niya sa kanyang kalasingan. May monologo siya sa kabilang silid, kung minsan may kinakausap pa siya sa Hapon. Minumura rin. Kapag tinanong mo naman siya kinabukasan, titingnan ka niya na parang ikaw ang nasisiraan ng bait. Nakakatawa ang kanyang ugaling ito kapag binabasa pero hindi ito nakakatuwa kapag kasama mo siya sa buhay, lalo na kapag natutulog rin siya sa iyong pamamahay. Isang hapon, umuwi ako't natagpuan kong nagpriprito ng bangus ang aking asawa. "Nasaan siya?" kako. Nasa silid, tulog, laseng.
Halos hindi na ako makahinga sa galit, at ngayong naikukuwento ko na ito ng mas buo, sa selos marahil. Ano ang ginagawa niya do'n sa silid, at sino ang nagsabi sa kanyang puwede siyang matulog habang nagpriprito ng isda ang asawa ko? Minura ko. Lumabas sa aking bibig ang lahat ng kabalahuraan na pamana ng mga pelikula't programa sa radyo. Pupungas pungas siyang bumangon, tila musmos na nagtataka kung bakit binubulabog siya ng alas singko ng umaga para maligo na't maghanda sa pagpasok. Kinuha niya ang sanse sa kamay ng aking asawa at itinuloy ang pagluluto ngunit para na akong sinapian na pinaghahagis ang mga damit niya sa bag, at noon din, pinalayas ko siya.
TUmawag siya sa bahay, pagkaraan ng isa, tatlo, anim na buwan, walang kadala dala, walang pagsisisi, walang pagtataka kung bakit siya naroon sa ibang bahay at nakikitawag, nakikiusap na doon na lang siya sa amin. Mababalitaan ko na lang na namatay siya sa kuwarto ng kanyang pinapasukan, malamig na ang katawan niya nang matagpuan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment