Hay naku, eto na naman. Papasok ako mamayang ala-una, pero haharapin ko muna ang naudlot na nobelang tinatapos ko. "Hindi pa ba tapos 'yan?" tanong ng asawa kong naalimpungatan. Nagrereklamo na sa aking pagpupuyat, dahil ayon sa kanya, "umiinit kasi ang ulo mo." Na totoo naman. E ano pa ba ang magagawa ng isang katulad ko sa kalagayan ko ngayon? Walang magtatapos ng akda kundi ako. Ayaw ko na ring nagpapabasa. Nauubos ang enerhiya sa kaiisip ng ibig talagang sabihin ng mga tao sa kanilang komento. Kung may plot ba o wala. Kung parang notecards lang. Tama na. Sa huli, judgement call ko pa rin. Nalulungkot lang ako na hindi maintindihan ng mga mahal ko sa buhay na nobela ang tinatapos ko at hindi maikling katha, kaya inaaraw-araw ko.
Pinatawad ko na ang aking sarili kung sakali mang maging baduy. Basta, gusto ko lang na makatapos. Puwede namang careerin ang pagrerebisa -- sa ngayon ay may time element. Ngayong naliligaw ako sa gubat ng pagkatha, uubra ba ang pagbabaligtad ng kamiseta para makita ang tamang landas? Naiinis lang ako kasi may mga pamantayan pa rin ako ng mabisang kuwento -- at hindi ko nagagawa. Halimbawa, boring pa rin ang daloy. Hindi umuubra ang lyrisismo lang ng wika. Dinagdagan ko ng mga detalyeng nasaliksik: mula sa net, sa mga libro. Pangunahing problema 'yung lumalayo ka na sa paglikha ng ostensive characters (hiram kay Bing Lao ang terminong ito). In other words, ayoko nang lumikha ng mga tauhan na batay sa totoong tao. Gusto ko na ng imbensiyon. Pero paano kung ang grid ng draft ay ostensive ang character? Iyan ang dilemma.
Nabasa ko ang :Mga Uban at Rosas, ni Mario Albalos. Interesante ang karakter. Isang oldtimer sa Hawaii na nag-asawa ng Pilipina na dalawang dekada mahigit ang agwat ng edad sa kanya. Inaapi siya ng babaeng ito na tinutukoy niya bilang "bagumbukadkad". Grabe ang depiksiyon ng pagiging golddigger at user friendly ng babae. Aping api naman 'yung lolong napangasawa, na matapos ipakulong sa salang hindi siya ang kriminal at simutin ang bank account at kaliwain ng kung ilang beses ay magagawa pa niyang ipagluto ng bagnet at masasarap na putaheng Iloko. Sa huli, kinailangan pang masawi ng isang kaibigan rin niyang oldtimer na natagpuang naninigas sa sariling apartment, para magising ang bida. Bubugbugin niya ang asawang bagumbukadkad. Magkakapatlang ang pagsasama. Pero patuloy ang panunuyo ng lalaki sa asawa. Hanggang sa sumuko na rin ang babae sa wagas na pag-ibig ng oldtimer.
Naalala ko ang mga akda nina Bulosan at ni Bienvenido Santos sa hubog ng bidang lalaki. Pero mas pinaghandaan ang delinyasyon ng tauhan. Martir rin ang mga mangingibig na oldtimer sa mga kuwento ng mga nasabing awtor. Pero iba ang kani-kanilang interpretasyon ng sentimyento at sentimentalismo. Sa mga nabanggit na sina Bulosan at Santos, poignant ang dating ng pagdurusa ng mga oldtimer. Hindi kaya dahil ang kanilang iniibig ay hindi nila kalahi at ang lunggati nila'y nakabatay rin sa karahasan ng diskriminasyon? Mukhang ang punto pa ni Albalos ay ipakita ang pagbabago mismo, ang modernidad ng mga babaeng kumakapit sa mga matatandang makapagbibigay sa kanila ng greencard. Siguro kung nabigyan pa ng sapat na karakterisasyon si Prescy baka mas naging matagumpay ang akdang Mga Uban at Rosas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment