Dati, noong dalaga pa ako at may sarili akong kuwarto, kapag nagkakapatlang ang aking ginagawa, hindi ako matutulog hangga't hindi ko makikita ang pagbubukangliwayway. Gustong gusto ko ang transpormasyon ng langit mula sa malalim na ube hanggang sa maging mala-rosas, tapos magiging manilaw nilaw. Marami pang mga ibon sa yarda na humuhuni. Dito, dahil nga malapit lang ang bahay namin sa highway naririnig mo pa ang hugong ng mga bus, jeep, kotse, motorsiklo. Pamaya-maya, nakakatiyak ako na magdaraan na ang mga joggers, halos sabay sabay mo pang maririnig ang padyak ng mga binti nila sa kalsada. Pero sa ngayon, tahimik lang ang lahat. Tulog pa ang mga tao. Napagod na ang kapitbahay namin na nagkaraoke magdamag. Wala pa ang kaluskos ng mga tagapaglinis ng mga sasakyang nakaparada sa aming tapat. Wala pa ang naglalako ng taho, ang bote diyaryo. Kanina ko pa napakawalan ang aso, na kusa namang bumabalik sa puwesto niya sa bakuran, kapag nagsawa na siyang mangumusta ng ibang aso, o mangalkal ng basura ng may basura.
Paborito ko ang madaling araw dahil ninanamnam ko ang pag-iisa. Nakakapag-isip ako ng mabuti. Nakakaisip ng mga plano. Halimbawa, bilang incentive sa sarili sa pagtatapos ng nobela, plano kong maglakbay kasama ang aking anak. Kahit dito lang sa mga katabing probinsiya. Makadalaw sa mga kaanak sa San Isidro. Uuwi ang pinsan kong si Pedo mula Dubai ngayong Enero. Pag-uusapan rin daw nila ni Bert ang plano para sa trabaho ng asawa ko doon.
Hindi ako masyadong atubili na makaalis si Bert dahil nasanay na akong narito siya, at kahit na pangongontrata lang ng mga repair ng bahay ang nagagawa niya muna sa pagitan ng mga konstruksiyon, mas maigi pang narito siya. Umuuwi siya na may bitbit pang mga supot, hindi hihigit sa dalawa, at depende rin kung may kita siya. Laman ng supot ang kilo ng asukal, sigarilyo para sa kanya at sa kanyang ate, Coke, padalang ulam na nasa garapon (mula sa aking ina). May ibababa siyang mga abubot ng konstruksiyon mula sa likod ng van: mga napaglumaang mga tabla, basyo ng pintura, bakal. Itatambak niya sa sulok, sa tabi ng aquarium na walang laman, sa aming garahe. Bibitbitin na niya ang toolbox at bag niyang itim na may mga kamiseta, gamot at toiletries. Parang sarili rin niyang gym bag, kahit hindi naman siya nagjigym.
Kung minsan, manonood muna siya ng tv bago kumain, o kakain muna bago manonood ng tv. Uupo siya sa sopa -- isang piraso ng muwebles na namana ko sa luma naming bahay sa Don Jose -- at pamaya-maya, hihiga na roon. Kukunin ang remote, manonood ng kursunada niyang programa, na puwedeng lumang pelikula ni FPJ, B-movie tungkol sa mga alien, futuristic war o espionage, at kung wala nang choice, Ang Dating Daan. Samantala, sa aming kuwarto, magigising ako sa pagkaidlip (talagang sinasadya kong makatulog ng mas maaga para makapuyat pagkatapos) dahil kinakausap ako ng aking anak. Tungkol sa kung ano-ano lang. Kapag nakasulat ang pangyayari ng ganito, parang ok di ba? Bonding? Pero humahantong ang pag-uusap sa pagtataboy sa bata na umalis na muna o matulog na siya. Bakit? Nananadya ang batang mang-asar, dahil fuck you's bitch's ang mga pagbabantas. Rapper na naligaw nga. Ligaw sa wika ng Grand Theft Auto. Lango sa pantasya ng mga eksenang mayhem. Dati, natutuwa pa ako sa pantasya niya. Pero lately, hindi ko na matolerate.
Umaasa ako sa darating na taon na magkakaroon pa ng mas maraming oras ang kabiyak ko para pakinggan ang aming anak sa halip na manood na lang siya ng tv pag-uwi. May kutob akong iniiwasan talaga ng asawa kong makausap ang aming anak -- talagang lumilikha siya ng distansya -- dahil natotorete siya sa adhd nito.
Bumili siya ng frame ng itatayo niyang basketball court. Isang hoop ang kasama ng ipinamili. Baka mamayang hapon, naitayo na niya ang frame na iyon, at magbabasketball na silang mag-ama. Sana nga. Kesa naman ang ganitong eksena: makakatulog siya sa harap ng tv, habang magsasawa ang anak ko sa paglalaro ng internet games, at ako, humihilik na marahil sa isang maiksing tulog na nagbabantang maudlot sa pasok ng anak na naghahanap ng kalinga ng magulang.
Magandang umaga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment