Nagsisimula ako ng isang blog, at harinawang maipagpatuloy ko ito sa mahaba-habang panahon, bilang pagdisiplina rin sa sarili sa pagsusulat. Namatay kamakailan ang kinikilala kong ama sa panulat na si G. Rene Villanueva. Sa mga oras na ito marahil, nacremate na ang kanyang katawan. "Ganu'n pala 'yun, pinapahiran pala siya ng butter para mabango," sabi ni Liza Magtoto, habang palabas na siya ng Sanctuarium. Tinapay ang aking naisip. Bagong hango sa pugon. Pero siguro, sasabihin ni Rene, hindi na rin siya bagong hango. Malamang, masasabi niya, "inaamag". Marami na rin siyang naging mga sakit, mula diabetes hanggang sa mga kumplikasyon ng stroke.
Naging masaya ang lahat ng mga parangal para sa kanya. Narinig kong magsalita ang ilan sa mga kasama namin sa TELON, kagaya nina Rollie, Ipat, Nick, Joey B., Tim. Mga estudyante pa lang kami noon, nasa edad 15-18 nang amin siyang makilala. Naging kaklase ko noon si Rollie sa isang Film subject. Siya ang naghikayat sa akin na dumalo sa TELON. Laking pasasalamat ko na nahikayat niya ako. Siya ma'y may mga magaganda rin na alaala para sa aming mentor. Pangunahin niyang binanggit sa testimonyal niya ang pasasalamat niya sa pagpapamana sa kanya ng mga libro ni Rene, para gamitin ng mga mag-aaral sa kanyang pribadong eskuwelahan sa Bulacan. Nagustuhan ko ang sinabi niya hindi lamang dahil sa taglay nitong sinserong pasasalamat kundi para sa akin, marami iyong mga sapinsaping mga kahulugan, mga reperensiya, mga pribadong biro, pribadong dalamhati.
Kanina, noong naghihintay kami na tumila ang ulan, habang nagkakape, ipinakita sa amin ni Tim ang mga naprint niyang blogs ni Rene nitong mga nagdaang araw. Ang sabi ni Tim, napaka-poetic ng mga nasulat ni Rene na mga blogs lalo na 'yung mga napost nitong huling linggo. "May intro na tayo para sa libro natin sa TELON!" Sabi ko kay Joey binabasa ko nga ngayon ulit ang Personal, at marami akong natutuklasan muli tungkol sa kanya. Para sa isang anak ng kaminero at mananahi, malayo na nga ang kanyang narating. Dati, noong bata pa siya, ikinahiya niya ang mga okupasyon ng kanyang mga magulang. Nang sumibol na siya bilang manunulat, doon niya natuklasan na mayamang bukal pala ang kanyang pinagmulan. Buhay na buhay siya kung maglarawan ng mga pook, ng mga tao. Eksaktong imahe na talagang guguhit sa diwa. At ang pinakamaganda sa lahat, napaka reflexive. Lagi siyang gising sa mga nangyayari, lagi siyang nag-iisip.
Kanina rin, sa parangal, tumatawid ang mood sa pagitan ng tuwa at dalamhati. Puwede palang lumuluha at tumatawa na sabay. "Bipolar pala ang mga tao," sabi ni Joey. "Napakamild naman ng term na iyon. Ang sabihin mo mga baliw." Paborito ko 'yung testimonyal ni Nick. Talagang hahagulgol na inuudlot, na sadyang nakakatawa. Nang makausap namin siya pagkatapos, pinaliwanag niya na kaya naging ganu'n ay tumatawid rin kasi 'yung sarili niya, "hindi puwedeng magbreak down sa kalagitnaan".
Narinig ko ring magsalita si Jun Lana, na matagal ko na ring hindi nakikita. Napakaphysical daw ng kanyang naging reaksiyon sa pagyao ni Rene -- "kahapon, nagtatae ako. Ngayon, ayoko namang umiyak". Si Jun ang nagtuloy sa dereksiyon ng pagsulat sa telebisyon at pelikula sa TELON, kasama si Elmer Gatchalian. Naiangat daw ni Rene ang kanyang pagkatao. Sumang-ayon rin ako sa puntong ito.
Sana nga lang, mas nasabi ko ito ng may paghahanda. Gusto kong sabihin kanina ang mga maraming okasyon na naramdaman ko na kinalinga ako ni Rene bilang tao. Napakahalaga sa akin ng kanyang pagtanggap. Kahit na tinawag niya akong malnourished na mangkukulam noon, o binibiro na maitim ang kilikili. Kahit nasabi niya na ang dulang nasulat ko ay parang ginantsilyong blusa na magandang tingnan pero hindi mo isusuot.
Paalam Rene, saan ka man naroon ngayon. Salamat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment