Mukhang kailangan nang ibasura talaga ang mga bahagi ng nobela na hindi naman umuubra. Ito na yung matagal nang sinasabi ng isang kaibigan na maging klinikal sa pagtatabas. Huli na kaya ako sa proseso? Saksakan ng bagal ang pacing, araw-araw akong nagigising ng alas tres o alas kuwatro ng umaga, kumukutingting sa draft, nagpapalit ng pangalan ng mga tauhan, naglilipat ng mga punto de bista, tapos ibabalik sa dati, maglilipat ng ilang passage, tapyas ng ilang linya, pero hanggang ngayon, hindi ko pa nabubuksan, nalalagos, 'yung parang portal na napapasukan ko kapag alam kong matatapos ko na 'yung kuwento. Literally portal 'yung tinutukoy ko, kaya kong mawala sa loob noon. Mamaya, susubukan kong magsulat doon sa likod, sa hardin na lininis ng aking hipag. Matiyaga niyang binunot ang mga damo, winalis ang mga tuyong dahon, at ngayon, bumalik ang dating itsura ng bakuran. Masarap sigurong magsulat doon, may puno ng sampalok doon na natutuwa ako kapag aking pinagmamasdan. Magsilbi sanang inspirasyon ang paglilinang ng espasyong iyon sa mismong burador (hay, ngayon ko lang lubos na nauunawaan kung bakit bura-dor/bur-ador ang tawag dito sa lintek na manuskritong parang katawan ng taong tumataba, numinipis, gumaganda, pumapanget).
Naging pabaya na akong kaibigan. Ang dami kong mga taong dapat na binati noong Pasko, pero ni hindi ko man lang naitext. Ang dami ko ring hindi binuksang mga email, binubura ko na lang halos 'yung mga mensahe. Naging parang telebisyon na rin ang internet. Madalas sa hindi, akala mo nagiging maagap at mabilis ka sa bawat click, tapos buong maghapon na pala ang lumipas.
Ito mismong pagkalinga sa panahon ang gusto kong matutunan ng aking anak.
Noong bata pa ako, hindi ko maintindihan kung bakit laging napipikon ang aking tatay kapag nahuhuli kami sa eskuwela. May isang taon nga noong ako'y elementarya na halos tatlong oras akong dumarating na huli sa oras, dahil sa hirap na hirap ang nanay ko sa koordinasyon naming magkapatid para makahabol sa alas sais na biyahe ng shuttle patungong Quezon City Hall, noong nakatira pa kami sa Amityville, Montalban. Isang umaga, naglakas loob ang nanay kong parahin ang trak ng basura. Sumakay kami doon. Bumaba kami sa Litex at sumakay na ng jeep patungong Diliman, Quezon City. Dumikit ba ang amoy ng basura sa aming uniporme? Panay putik ba ang aking sapatos? Hindi ko na masyadong maalala. Basta, ang alam ko, pagdating ko sa eskuwelahan, patapos na ang quiz sa matematika. Zero na naman ang score ko.
Ang laki ng magagawang kaibahan ng isang segundo, ng isang sandali. Pero hindi ito maunawaan ng isang bata na kinakalinga pa ang kaisipang "bata pa siya, hayaan mong maglaro". Kaya hayun, kahit na alam na ng bata na tambak ang assignment at project at may periodicals pang irereview, mas gusto pa rin niyang tumanghod sa computer at lumusot sa portal ng virtual. Magiging top gangster, magkakaabs, magkakabigote, magkakaroon ng baril. Pumapatay. "Sandali lang mama, I'll just kill this guy first." Nakakabagabag na ginagamit niya ang salitang "kill" ng ganu'n ganu'n lang. Visually, it's spectacular. Makikita mo talaga na wumiwisik pa 'yung dugo sa pader, at medyo comical pa 'yung death throes ng pinapatay.
Pero ngayon ko lang naiisip -- sino ba ang mas delingkuwente sa oras, ang anak kong siyam na oras na naglalaro ng Grand Theft Auto habang kinakalimutan ang assignments, o ako, na gumigising nga ng madaling araw pero hindi matumbok tumbok ang sasabihin dahil hilong talilong na sa pagsasanga ng mga sinasabi?
Ikaw na ang humatol. Kung may oras ka pang inaakala mong "libre" at kung inaakala mong ikaw ang nagmemay-ari ng iyong panahon.
Tinukoy ng aking asawa ang aking anak bilang "eighth wonder of the world". 'Yun ay sa kabila ng palihim na paglaslas ng pantalon (sa may tuhod, sa may crotch, at sa may puwit) ng aking anak ng paborito niyang pares ng maong. Binati raw siya ng mga tao -- mga saleslady, mga bantay sa hardware, pagkat ito naman ang lagi niyang kahalubilo sa kanyang mga errands -- "Uy, si tatang, moderno...hanep ang pantalon!" In a brilliant speech, my husband was telling our son, "you are the eighth wonder of the world anak, even if you ripped my pants in secret, even if you really wanted to humiliate me in public, I don't care, you are my son." Nasa Baguio na daw sana kami ngayon, kasama ng mga kaanak na nagbabakasyon, kung hindi lang may unfinished business ang bata sa academics. Nagswiswimming na sana sa Serra Monte. Ineenjoy ang holiday. "but you do not deserve a vacation anak, at hindi rin kita bibilhan ng paputok, kung ang iuuwi mo sa aming marka ay mga palakol ulit."
Mukhang tumimo naman sa isip ng aming anak ang talumpati niyang iyon. Sana. Sana nga natutunan ng aking anak ang leksiyon sa oras. Para hindi naman dumating, sa kanyang hinaharap, ang mga pagsisisi kung saan niya naibuhos ang oras, at kung paano hinigop ang kanyang kabataan ng panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment