Pinakamasakit sa proseso ng pagtatapos ko ng dissertasyon 'yung pagsingit ng mga kahilingan mula sa pamilya para asikasuhin sila. Madalas ko na rin itong naging paksa ng entry sa journal. Parang napakasama kong tao kapag nagiging makasarili. Matagal nang nasulat ni Virginia Woolf ang A Room of One's Own. Pero totoo pa rin 'yung urgency ng pangangailangan para sa sariling espasyo. Minsan nga, kapag nagigising ako mula sa panaginip, bumabalik 'yung alaala ko ng sarili kong kuwarto sa bahay namin dati sa Don Jose. Napakalaki pala na biyaya iyon. Hindi rin ako inoobliga ng nanay ko na tumulong lagi sa gawaing bahay. (Kaya hindi ako talaga marunong magluto at natuto lang ako rito nang makapag-asawa na't nagkaanak, out of sheer survival.) Pero wala nang mas masaklap kaysa sa inaalaska ka ng kasama mo sa buhay dahil ang tagal tagal mong makatapos sa iyong sinusulat. Bakit ako nasasaktan sa mga bagay na ito? Kasi sila ang dapat na makaunawa. Hindi naman binabasa ng asawa ko ang aking sinusulat, bagkus, tinatawanan pa niya ang aking kakayahan. Naiinis ako dahil bakit pinili ko siyang makasama e ni hindi niya binabasa ang mga librong ibig ko, hindi kami magkasundo sa panonood ng tv, ni hindi kami magkataste sa pelikula. Habang gusto ko pang panoorin ang docu ukol sa Cuba at kay Fidel Castro, aalaskahin niya ako nang aalaskahin para mawalan ako ng gana at masolo niya ang remote control. Samantala, kapag nanonood siya ng Ang Dating Daan at lumalamon ng tinapay na may sangkaterbang butter o mayonnaise, lihim kong iniisip na sana mabilaukan siya sa asar ko sa kanyang pinanonood. Aaminin ko, kung minsan padiva rin ang aking ugali. Pero mas malala siya kasi sa edad na 49, ang pagdating niya sa bahay ay may kasama pang tantrum. Kapag nawawala ang kanyang susi, kailangang kalimutan mo ang ginagawa mo (kahit na kasalukuyan kang kumakain ng hapunan) para asikasuhin siya. Para siyang pitong taong gulang na nagsisigaw kaya wala na akong mukhang maihaharap sa mga nakikitira sa amin. Alam na alam na nila ang pribado kong buhay. Iniisip ko kung saan niya nakuha ito at walang ibang itinuturo kungdi ang role model niyang kinalakhan: ang tatay niya. Kailanman ay hindi naman niya ito aaminin. Ako pa ang masama kapag sinabi ito. Pero mahirap kasing maging kritikal sa sariling kadugo dahil para kang walang utang na loob.
Wala siyang tiyaga sa mga ugali ng artist. Wala siyang hinahangaan ni isang writer. Brutal mang sabihin pero posible pala na maging graduate ka ng Economics sa UP pero ni wala kang nahitang pamana ng literary taste. Now I sound like a snob. But I can't help it. Nakakainis kasi hindi talaga niya maintindihan ang halaga ng panitikan.
Ito ang naging pangunahing dahilan ko kung bakit idinonate ko na lang sa ALIWW ang aking mga manuskrito. May kutob ako na susunugin lang niya iyon balang araw. I envy my dead mentor's resolve not to let anyone get in the way of writing. Because that is the way it should be. We owe it to our imagination. Now I sound like an arrogant snob, but who cares? I'm quoting this from an acquaintance at a recent conference that I attended. Hindi ko naman talaga siya kilala, nagkakape lang naman kami sa corridor ng Bus. Admin. Tagahanga siya ni Jessica Hagedorn. Ang sabi ko, tagahanga rin ako ng manunulat na ito. Problematic ang nobelang Dogeaters ni Hagedorn para sa maraming tao, lalo na 'yung mga taga-UP. But this British guy told me that Hagedorn is the best thing that ever happened to Philippine literature lately. One professor even remarked, "I'm sorry but I have to say this: Hagedorn is a slick writer." I found her comment so narrowminded.
Bakit ang dami dami nilang hinihingi sa iyong sinusulat na para bang obligasyon mo pang maging historically accurate, ethnographically correct? This is the same problem that I have with the material I am working on. I constantly look for any sign na magiging red flag ng mga biases. It is even more difficult because the main character is a part of my family. E gusto ko na gawin siyang imperfect, in fact, ang balak ko nga, ipakita na selfish siya dahil ni hindi niya sinamahan ang asawa niya noong nagkasakit ito. Nasa probinsiya siya ng Tarlac nang bumaha at consequently, mas lumala ang kanser ng asawa. Nagpakita siya sa burol. Pero wala 'yung eksena na hawak niya ang kamay ng asawa sa mga huling sandaling hinahabol pa nito ang kanyang hininga. I am even considering na isama sa history ng characters si Virginia, ang girlfriend ni Leon, na hindi na naipakilala dahil ang dami dami pang makikialam. Siya ang magiging dahilan kung bakit bigla na lang nawawala 'yung karakter ni Leon. (Sa halip na maging simpleng tampo.)
Nabubuwisit na rin ako sa draft na rinerebisa ko parang ang pangit pangit ng daloy, hindi talaga mahulog nang kusa ang mga pira-piraso. Ayoko nang napupuyat nang ganito na wala talagang nagagawa. Edit nang edit. Tapos, kulang pa rin. Ang dami pa ring kailangang likhaing mga eksena. Isa pang major problem 'yung hindi mabitiw bitiwan ang ilang prose passages na kinatutuwaan pero wala naman talagang kaugnayan sa kuwento.
Kung itatapon ko naman ang draft ng "Pasakalye" at ititira na lamang ang burador ng kuwento ni Antonio, magiging manipis ang nobela. Siguro talaga ngang hindi dapat ako sumama sa excursion ng pamilya sa Olongapo na magaganap sa 27th. As usual, taya rito ang napaka-generous kong brother in law. Kasama ang lahat sa biyaheng iyon. Maglalaro na naman ng Boulderdash ang isang pamilya habang nakatanghod ang kabila. Masusunog na naman ang balat ng anak ko sa kaswiswimming. Masasaksihan ko naman 'yung mga nakakairitang pag-iingles. May mga Koreanong turista na magslislide patungo sa pool. Walang katapusang pagyoyosi habang binabantayan ang pamangkin. Mga tuwalyang nanlilimahid. Mga brip at shorts na kailangang paarawan. Ano'ng pagsusulat ang sinasabi mo? Pagdating do'n, magiging dakilang yaya lang ako. Kakain ng anim na beses, tataba sa meryenda't softdrinks. Magpapaiwan na lang ako. Nakikini kinita ko na na hindi naman ako mag-eenjoy dahil hindi ko naman mahaharap ang dapat kong matapos.
Iniisip ko kung anong payo kung sakali man na manggagaling kay Rene V. Siguro, sasabihin niya, basta isulat mo lang. Kahit panget? Kahit walang coherence? Kahit ang gulo gulo ng structure? Shit, bakit ba kasi kailangang multuhin pa ako ng pressure na tapatan ang husay ng aking nasirang ama? E tinatanggap ko na ngang hindi ako kasing husay niya dahil may sarili rin naman akong lipad. Kapag tuluyan na ring natanggap ang nobela ni Mama sa Anvil, isa na namang pressure. Wala talagang uubra na palusot para hindi makasulat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment