Kung tatanungin mo siya tungkol sa kanyang ama, iyong seryosong usapan, humanda ka sa lamok at usok ng yosi niya. (Magmula na'ng tumigil na akong manigarilyo, hindi ko na matagalan ang usok ng iba, para ba'ng humihiyaw 'yung baga kong nagmamalinis.) Titiisin mo ang lamok kasi hindi naman siya magkukuwento sa ibang espasyo -- sa sala namin, halimbawa -- kundi sa garahe, kung saan talaga siya kumportable. Gifted actor sana ang asawa ko. Kaso, nahilig sa pagmemekaniko, at medyo homophobic. Hindi niya naseryoso ang kanyang kakayahan. Sayang, kasi noong kabataan niya, pakalat kalat lang siya sa bakuran ng PETA, pasali sali sa sound team ng produksiyon, paextra extra sa mga dula. Bukod sa umiikot sa PETA ang kanyang mga kapatid na sina Nick at Freddie, (ang nauna'y nakilala rin bilang mandudula noong Martial Law), kasama sa acting credits ng aking asawa ang pagganap minsan bilang rebolusyonaryo sa dula ni Nonilon Queano.
Galit na galit ang awtor sa kanya pagkaraan ng palabas. Bakit? Tinadtad niya ng kung anu-anong ad lib ang papel ng NPA. Kaigtingan noon ng FQS. At dahil nga feeling rockstar ang asawa ko, naging springboard ang cameo para sa agit sa audience. Na kinagat naman. Sinasabi ko ito dahil kung magpapakuwento ka sa kanya ng mga personal na bagay, may kasama pa 'yung kuwento niya na stage business. Tipong dinedirect ang sarili, parang alam ang blocking. Parang may instinct sa spotlight, kung nasaan ba ang audience. At paborito niyang paksa ang tatay niya, lalo na kapag naaalala niya, o pinaalaala niya, kung paano siya lumaki, kung paano sila lumaki.
May paborito siyang imahe ng tatay niya, at ito raw ang lagi niyang naalala, magmula nang mawala na ito noong 2003. Madalas daw, habang nagmamaneho siya, papunta sa kung saan, bigla na lang daw niyang maalala ang isang gabing naglakad sila sa madilim na kalsada ng Tarlac. Ang kuwento niya, matutulog daw dapat sila sa bahay ng kamag-anak -- sa tiyuhin niya sa Anao. Matagal ang dalaw, nagkakuwentuhan muna ang tatay niya't tiyuhin. Nag-inuman. Andu'n lang daw siya sa bintana, nakatanghod. Napansin ng tiyuhin niya ang katamlayan. "Malungkot yata si balong ko, a."
Ngumiti lang daw ang asawa ko. Walong taong gulang siya sa alaalang ito. Hindi siya kumibo sa tanong ng tiyuhin. Tinanong siya ni Papang, "Gusto mo na ba'ng umuwi?" at sumagot siya, "opo." May ngiti ang aking asawa pagkatapos ng salitang "opo" na para bang nangyayari muli ang pagtatanong at walong taong gulang ulit siya. "Naramdaman ni Papang 'yon, na namimiss ko si Mamang. Noong gabi ding iyon, umuwi kami. Naglakad kami. Wala nang mga bus. Ang dilim dilim ng kalsada. Wala kaming kibuan. Takot na takot akong makaapak ng ahas. Ang sabi ni Papang, "Hindi, hindi ka basta basta makakaapak ng ahas, mabilis masyado ang kilos nu'n, at mararamdaman nu'n ang pagdaan natin." Nakalma ako sa sinabi niya. At nalakad namin ni Papang ang haba ng kalsadang iyon -- mga tatlong kilometro siguro o higit pa, na nagkukuwentuhan lang kami."
May hiwaga ang alaalang ito na umaalingawngaw rin sa iba pang mga teksto. Paulit ulit kong maririnig sa pagitan ng mga salita ang halos banal na katahimikan ng magulang at anak na nagkakaunawaan. Itong katahimikan na ito ang hinuhuli ko sa teksto na aking sinusulat. Gusto kong maipakita 'yung haplos sa mga tagpo.
Parang pagganap rin ng papel ang pagsusulat. Magiging aktor o aktres ka. Maghahanap ng tamang motibasyon, magtitimpla ng linya, kilos at timbre ng boses. Noong bata pa ako, natatandaan kong mahilig talaga akong umarte (pero hindi ko ito kailanman aaminin ng harapan kahit sa aking mga malalapit na kaibigan). May isang beses pa nga na nagpatahi ako ng costume para sa chorus ng Little Drummer Boy kahit hindi naman ako kasama sa mga kaklase kong babae na mala-marionette na kumikilos sa saliw ng rapapampam. Nang malaman ng nanay ko ang totoo, hindi naman siya nagalit, nairita lang, nahiya sa kaanak namin na napuyat ng magdamag sa pananahi, nahiya sa maghapong paglilibot nito sa Divisoria para humanap ng tassles sa epaulet.
Noong kolehiyo ako, sinama ako sa cast ng Riders to the Sea. Doon ko nakita na mahirap pala ang maging aktor. "Masunurin" ka dapat dahil may sinusundan kang blocking. At oido ang timing para sa bigkas ng linya. Hindi maari ang basta labis mong nararamdaman ang linya, madalas pa ngang nagiging liability ng aktor iyon. Paradox na umaarte ka talaga kapag hindi mo talaga dinidibdib ang linya, kapag kaya mong ibukod ang sarili sa pagganap. Napagalitan ako ng husto ni Tony Mabesa noon sa student production na iyon. "You think too much kasi. Learn to let go." Doon ko natuklasan na hindi talaga ako naitabas para sa pagganap sa teatro.
Nakukumpara ko ang sarili kong unawa sa pagganap kay Bert, na sa tingin ko'y higit na may persepsiyon sa bagay na ito. Minsan, gumanap siya bilang state witness sa isang commercial ng Dept. of Justice. Walang shooting script, improv lang. Ang napansin daw niya, doon sa upuan ng mga kinocross-examine, panay kalmot ang gilid ng upuan. Ilang mga palad ang namawis at ilang mga daliri ang nanlamutak doon? Hindi na mabilang. Hindi na malaman kung ilan ang mga nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling. Baon ang insight na ito, dito niya inatake ang improbisasyon. Ang ganda ng kinalabasan, tamang tama ang timpla ng kaba, takot, lihim na lunggati.
Dalawang birtud ng teksto kumbaga ang inaapuhap ko: haplos(o 'yung tinutukoy ni Arcellana na "tenderness") at paradoha ng pagganap. Tingin ko, may kapasidad naman akong humugot ng insight. Pero hangga't maari, ayokong pangunahan ang mambabasa. Isa ito sa mga kahinaan ng isang nag-aral ng pormal na malikhaing pagsulat. Kailangang matuto rin akong talikuran ang mga natutunan, dahil nakayayamot rin na magbasa na ang naririnig mo'y tinig na nanggagaling sa pulpito, o di kaya'y tinig na Nagbabasa Ng Malakas at Nagpipilit Na Maging Awtoridad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment