Unang araw ng taon at parang ayaw ko nang matapos ang bakasyon. Naging masaya ang selebrasyon ng Bagong Taon kagabi: nakapagligpit ng kalat, nakadalaw sa pamilya, nakapagluto ng maayos na hapunan, at nakapagsindi ng luses. Kaninang umaga, nakapaglaba, nakapanood ng TV, nakatulog ng ilang minuto. Ilang taon ko nang naiisip na parang nauubos ang oras sa ganito lang, pero ito naman yata ang takbo ng ordinaryong buhay ng ordinaryong tao. (Naalala ko tuloy ang isang kundiman na ipinakinig sa akin ng kaibigang makata, "Ang Buhay Ko'y Maghapon Lamang".) Totoo, tila malayo ang kaibahan ng isang buong maghapon sa isang dekada, halimbawa, pero sa danas, parang walang pinagkaiba. Kapag tumitingin na ako ngayon sa mga litrato, hindi na ako nagugulat na ito na ang hitsura ko. Alam kong darating ang araw na parang aluminum foil na ang tekstura ng balat ko, darating ang araw na parang pabo na ang aking leeg, at darami pa ang mga bilbil sa katawan, rurupok ang aking mga buto, at lalabo ang aking mga mata. Sana lang, pag matandang matanda na ang itsura ko, may dignidad ang aking pagtanda, naani ko na rin ang paggalang para sa edad na iyon.
Binasa ko ang burador ng aking ina ng mga sanaysay. Mahusay ang pagkakasulat. Ilang linggo
na rin niyang hinihintay ang aking komentaryo. Kahapon, noong dinalaw namin siya, inupuan ko ang draft. Simple, walang gustong patunayan, at orihinal ang nais sabihin. Ang pagkukuwento tungkol sa gubat at paghahalaman ay isang fictive ploy para makapagkumentaryo sa mga tao: sa mga kapitbahay niya na iskuwater at mayayaman, sa mga nasisilip niyang mga buhay habang namamalengke o namimitas ng kabute. Oido ang pagkatuto ng nanay ko sa pagsusulat. Sumusulat lang siya dahil gusto niya, dahil tinitingnan niyang biyaya na mismo iyon.
Naging palalo ako na isiping kahinaan niya ang hindi niya pagbabasa. Nagtampo siya noon sa akin dahil lagi siyang nagpapabasa ngunit wala naman akong maisingit na oras para gawin iyon. Hindi sa gumagawa ako ng dahilan, pero noong mga panahon ring iyon, ayaw ko na munang magbasa o magsulat man lang. Narindi na rin ako sa mga deadlines ng aking pagtuturo at pagtratrabaho. Naburn-out.
Naging mayabang rin ako sa akalang mas may alam ako sa pagsusulat dahil graduate student ako ng Malikhaing Pagsulat.
Ang totoo, ako pala ang marami pang kakainin. Ang dami, dami pa palang hindi ko alam, at kung alam man natuklasan kong mas episyente kung alam mo kung saan ba talaga patungo ang teknik. Pero higit pa sa teknik ang alas ng aking ina. Pinahinog na siya ng karanasan. Sinahod na niya ang kanyang tinig.
Ngayon nga, habang sinusulat ko ang blog na ito, hindi ko maiwasang maitanong sa sarili, bakit ba nila babasahin ito? Napakagenerous naman ng espasyo, sobrang imposisyon naman kung iisipin pa nila ang mga sinabi ko. Pero iyon naman ang halaga ng isang manunulat. Ibubulong mo, kung minsan pa nga, isisigaw ang nasasa loob ng ibang mga tao, at hindi lang puro Ikaw.
Ngayong Bagong Taon, ninanamnam ko ang kahulugan ng isa na namang simula. Madaling mabitag sa mga magagandang simula -- sa buhay man o sa panulat. Binasa ko ang ilang text messages sa akin ng mga kaibigan na bumabati ng Happy New Year at lumutang ang isang salita -- Resolve. Oo nga, dito umuusbong ang "resolution". Three years ago, I made a pact with myself when I quit smoking. Nagsawa na ako sa mga madaling araw na hindi ako makahinga at parang may dagat ng plema ang baga ko. Naging cumbersome na 'yung dating "comfort". I think it was the best resolution that I ever made. Kasunod ng resolution na iyon 'yung isa pa: be accountable and stop blaming others. (Salamat sa pagpapahiram Joey B. sa librong ito. Oo, nagbabasa rin ako ng mga self help books. Why not?)
Ngayon, sisikapin kong patayin ang mga agam agam. Na ipinapanganak ng ambisyon at yabang, o sa maikling sabi, vanidad. Halimbawa, ang pagkukumahog na makatapos ng akda para sa kontest. Sa halip na isipin na dapat akong manalo, bakit hindi ko isipin na sapat nang maisulat muna at makatapos? Titigilan ko na ang pag-iiwi ng yamot sa gawi ng isang kaibigan (na tunay kong hinahangaan ang kakayahan sa kabila nito) na madalas magsabi, pagkaraan ng kontest, na kamuntik na ako pero hindi pala.
Iyan ang pagkakaiba namin ng aking ina. Siya, hindi na niya ito iniisip. Ni hindi ito materyal. Ito ang dapat kong matutunan. Sana, sa simula ng taong ito, mabibiyaan ako ng mga pagkakataon para patunayan na mas marami pa akong magagawa, bukod sa magreklamo at magkumpisal. Sana, sa simula ng taong ito, matutunan kong muli ang pagpapakumbaba.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment