Ayon kay Senador Chiz Escudero, hindi lang mga journalists na bahagi ng media corporations ang maituturing na ganap na media sa panahon ngayon. Sinama niya sa depinisyon ng media pati ang mga taong may blog o personal website, na nagbabahagi ng kanilang mga opinyon. Nasabi niya ang comment na ito sa pagdaraos ng Senate hearing para sa mga media na inaresto ng mga militar noong Manila Penninsula incident noong Nobyembre 26, 2007. Natuwa ako sa sinabi ni Escudero kasi totoong may revolution na sa pamamahayag bunga ng net. May margin of freedom pa rin na hindi masasaling ng Estado. At narito iyon.
Samantala, tinapos ng Hum. 1 class ko kaninang 1-2:30 ang diskusyon sa tula ni Benigno S. Ramos. Ito 'yung "Ibig Kong Makita". Sa totoo lang, mas makinis ang tula niyang "Panulat" pero maraming siwang ng diskusyon ang "Ibig Kong Makita". Halos editoryal ang anyo nito, tahasan nitong hinahanap mula sa pamahalaan, sa unibersidad, sa mga botikaryo, sa mga kabinataan at kadalagahan kung ano ang "ibig" niya. Basically isang lipunan na nagpapahalaga sa pagsasarili,
walang takot sa mga dayuhan -- bisyon ni Rizal. Pero may mga kontradiksyon ang teksto. Habang sinasabi niya na may mga salanggapang sa mga obrerista, hindi naman niya tinutukan talaga ang kondisyon ng working man. Nalimitahan ang bisyon niya sa rekommendasyong pang-uri, hindi kagaya ng pagtukoy niya talaga sa okkupasyon ng mga abogado o mediko.
Konserbatibo rin ang tingin niya sa edukasyon, naniniwala siyang ang mga may gulang lang ang may karapatan na magturo at hindi ang mga kabataang "walang...malay". Natuwa ako sa diskusyon ng klase dahil marunong magsala ng tanong ang kabataang naka-assign dito.
Siguro nga tama si Escudero. Kahit na hindi naman ako tahasang sumasali sa mga demonstrasyon at nagmumuni lamang sa kinalabasan ng talakay sa mga tula't maikling kuwento, nakadarama ako ng kalayaan. Anonimo akong tinig pero hindi anonimo ang aking kamalayan. Nakikita ko ang ibig makita ni Ramos, at may mga ibig rin akong makita. Gusto ko, halimbawa, na huwag nang makakita ng mga batang gumagapang sa sahig ng jeep, nagpupunas ng mga paa ng mga nakasakay, at namamalimos. Ibig kong makita na laging may masarap na ulam ang bawat Pilipino sa tuwing dudulog sa mesa. Ibig kong makita na darami ang mga magbabalik sa Pilipinas dahil maayos na ang ekonomiya, mataas na ang kalidad ng buhay, at hindi na alipin ng global na komunidad. Ibig ko ring makita ang maraming mga Pilipinong nagbabasa ng akdang sinulat ng mga Pilipino, at masaya sila sa gawain, hindi puwersahan, kundi bukal.
Tunay na makapangyarihan ang kakayahang makakita. Dahil kung nakakakita ka, may ideya ka kung ano ang ibig mong makita. At ano ang ayaw mo nang makita. May selebrasyon rin sa pamimili, pero may limitasyon ring linilikha ang pagpili.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment