Sabi ko na sa 'yo. Kung sino ka mang makatsamba ng blog na ito, wala akong pangako na maeentertain ka sa aking mga pinagsusulat dito. Malamang sa hindi, mabuburyong lang kita. Pero kung sakali mang mapagtiyagaan mong basahin ng mabuti ang mga entries dito, siguro, maiisip mo, pareho lang tayo ng kalagayan. Dumating na rin siguro ang Christmas bonus mo pero ni ayaw mong galawin. Dati, mamimili ka na sa grocery ng mga sangkap para sa handa ng noche buena. Kahit paisa-isa lang -- spaghetti noodles, ham, canned fruit cocktail, condensada, hotdogs, karne para sa barbecue, manok. Ngayon, ni hindi mo maisip kung ano'ng magiging handa ninyo. Siguro, gaya nu'ng isang Pasko, magtityaga sa isang bucket ng fried chicken, Coke, bagong lutong kanin, at french fries. Solb na. Siguro, makukuntento ka nga sa handang iyon dahil ang mas makahulugan naman talagang okasyon ay 'yung Bagong Taon. Natatandaan mo bang bumili pa siya kahit iilang piraso ng Roman candle at paputok (di ko matandaan ang pangalan ng korteng yema na iyon, basta naaaliw ang aking mag-ama na sindihan 'yun habang ako'y nasa loob lamang ng bahay at hindi makahinga sa hanging pinabigat ng usok.)
N aging makabuluhan para sa akin ang iisang Pasko. Bagong tayo noon ang bahay sa Don Jose, at naubos na ang pera ng aking mga magulang. Lumipat na kami sa istruktura kahit na ang kuwartong tutulugan namin ay wala ni hilamos ng pintura at ang sahig na simentado ay may mga bakat pa ng walis tingting at graba. Kinain namin, pinagsaluhan namin, ang iisang lata ng salmon. Hokkaido pa yata ang brand. Binudburan ng asin. Nagluto ang nanay ko sa isang kalan na gumamit pa ng sinibak na kahoy. Hindi ko na maalala kung ano ang aming ininom, kung balde pa ba ng pintura ang ginamit...ganu'n kasi kayagit ang aking alaala ng Paskong iyon ng 1981.
Manganganak pa lang ang nanay ko sa Hunyo, isisilang niya ang aming bunsong kapatid na lalaki. Pakiramdam ko noon, para kaming mga karakter sa panunuluyan na natutulog sa sabsaban. Siguro naromanticize ko na ang alaala -- pero walang kapalit ang mga huntahan ng pamilya -- ang kantahan -- na nangyari noong bisperas na iyon.
Isa pang Pasko ang umukit sa aking alaala, at sa pagkakataong ito, wala ni isa sa aming bumangon para kumain ng noche buena. Nakalimutan ng lahat na magdiwang, dahil iyon ang unang Pasko na batid na ng tatay ko na bilang na ang araw niya dala ng kanser sa baga. Parang nakikini-kinita ko pa ang mga mangkok ng arroz caldo na lumamig na, ang mga platito ng pritong bawang at hiniwang kalamansi. Iyon na lang ang nakuhang ihanda ng aking ina dahil hindi na siya magkaundagaga sa hinaharap niyang problema sa kalusugan ng kabiyak.
Magkakaroon rin naman ng mga masasayang Pasko pagkaraan, halimbawa noong 1997. Sa panahong iyon, pumanaw na ang tatay ko. Nakatira na kami sa Marikina. Nang magdiwang kami ng araw na ito sa bahay ng aking sister in law. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakatanggap ako ng kung ano-anong mga regalo -- bedsheet, malong, hikaw, kamiseta, tsinelas. Pinaghirapang pag-ipunan ng aking mga pamangkin sa kapiraso rin nilang mga allowance. Natuwa ako dahil doon ko lang naramdaman 'yung lugod ng pagpapalitan ng regalo, at nakita ko sa wakas ang saysay ng pagbangon ng bisperas para sa salusalo. Payak rin ang aming handa -- spaghetting Filipino style (puro Jufran ketchup) at manok. May crispy liempo. 'Yun lang. Walang mga apple pie, pot roast, Swiss chocolates, mga prutas sa basket. Aspirasyon ko rin ang pistang ito noong ako'y lumalaki. Pero hindi pa naman natupad kahit kailan ang magarbong handa na kolonyal ang menu.
Wala naman sa handa. Wala rin sa dami ng regalo. Nasa pagsasama. Nasa uri ng pagsasama. Nasa ginhawa ng pag-uusap. Nasa luwalhati ng kinalulugaran. Nasa kapayapaan ng isip.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment