Wednesday, January 2, 2008

Ang Mga Pusa

Ito si Bibimbap, ang paborito kong pusa na alaga ng aming boarder na si Benot. Hika ang pumipigil sa aking tuluyang mag-alaga ng mga pusa. Dati na akong natutuwa sa hayop na ito. Noong nagtuturo ako sa Makiling, may pusang namamasyal sa mga cottage doon, hinihingi ang tira-tira sa mga pagkain. Hindi ko na maalala ang pangalan ng pusang iyon, pero maamo ito at humihimlay pa sa aking binti. Anim ang mga pusang alaga ng aming boarder. Isa ang lalaki, na ayon kay Benot ay bading. May isang tangerine colored na kuting na nawala. (Marami nang nawalang pusa si Benot dito sa Juan Luna pero tuloy pa rin siya sa pag-aalaga sa kanila.) At ang apat ay pawang mga puting pusa. Kung hindi pamilyar ang tumitingin sa apat na iyon, baka isipin nilang pare-pareho ang mga ugali ng mga pusang ito. Pero hindi. Karakter pala ang bawat isa sa kanila. Paboritong pusa ng aking asawa si Putot, dahil sa putol nitong buntot. Ito ang pinakamalaki ang bulas (halos kasingtaba siya ng iisang lalaki, si Rain.). Ito rin ang pinakamatakaw. Noong pinakain ito ni Bert ng mga nakaraang araw, napapansin rin niyang ito ang pusang pinakamalambing sa kanya. Uubusin ni Putot ang tirang pellet ng kanyang mga kapatid. Wala siyang pakialam kung hindi pa kumakain 'yung ayaw kumain. Tineterrorize rin ni Putot si Kalahating Putot (si Bert na ang nagpangalan nito, pero ang tunay niyang pangalan ay Yoda.) Natuklasan niya na kaya pala hindi nagpapakita sa balkonahe ay dahil linilisikan nito ng mga mata't iniiringan ni Putot. Loner ang pusang ito, kasing antukin ni Bibimbap.
Natuklasan ni Bert na napamahal na sa kanya ang mga pusang ito nang hindi niya namamalayan. Mahilig ring mag-alaga ng pusa ang kanyang abuela noon, si Baeng. Pero ayon kay Des, nang mamatay ito, nawala na rin ang mga pusa. Sa piling ng mga pusang ito, nakikita ang karakter ni Bert na maamo, at makuwento. Para siyang musmos na nagkukuwento ng kanyang mga alaga. Nakakaaliw daw. Gumagaan ang kanyang pakiramdam. Kaya natutuwa na rin ako sa mga pusang ito, na naging regular fixtures na sa paligid ligid ng aming bakuran: sina Yoda at Putot, halimbawa, ay may gawing tumambay sa mga poste ng gate at tumatanghod sila na parang gargoyle. Kung maaraw, tumatambay rin sila sa bubong. May linagay pa si Benot na tela sa punong mangga (sa likod ng kanilang bahay) para maging tawiran ng mga puno, shortcut na rin sa loob ng bahay. Nadudulas sila sa simentadong walkway. Humihikab sa may balkon. At kung makikita mo sila sa likod na naghuhukay, matutuwa ka kapag nalaman mong marunong silang magbaon ng sariling dumi. Lagi silang malinis, dahil regular din silang pinaliliguan.
Posted by Picasa

No comments: