Katorse na si Amado. Hindi pa rin ako makapaniwala na siya na nga ito. Ang litratong ito ang isa sa mga seryeng nakuha mula sa digital camera na regalo sa amin ng kanyang tiyuhin sa Amerika, si Nick. Kaninang hapon, sinubukuan kong ayusin ang resolusyon ng litrato. Nakakaaliw na hindi mo na kailangan ngayon ng darkroom para makita ang mga litratong kinunan mo, sa mismong camera ay may preview ka na, at sa computer mo naisasaayos ang final print. "Madaya" ang digital camera dahil naayos mo 'yung basic na problema ng litrato. Puwedeng iadjust ang highlights, ikontrol ang mga anino, dagdagan ng liwanag. Noong estudyante pa ako ng Film sa UP, aliw na aliw ako kapag nagdedevelop kami ng prints sa loob ng dark room sa Mass Comm. Ang iingay naming magkaklase. Hindi ko na masyadong maalala ang mga hakbang sa pagdedevelop, pero natatandaan ko na ipinapasok mo sa isang canister ang film at iyon ang iyong aalug-alugin ng ilang minuto. Pag natapos na 'yung oras, saka mo palang itong maaring salinan ng iba't ibang solusyon. Alog ulit. Tapos sawsaw sa mga tray. Inaabangan ko 'yung sandaling lumilitaw 'yung mga imahe sa papel. Dahan dahan na magkakahugis. Tapos patutuyuin. Iniimprove ang shot sa isang mala-microscope na contraption, doon maadjust mo na ng kaunti ang contrast, puwede ka nang magsuperimpose, makokontrol mo na 'yung laki ng image. Natatandaan ko pa ang kakatwang amoy ng kemikal na parang sukang paombong. May nagsabi sa akin na puwede mong gamitin ang pawis sa iyong ilong (medyo mainit sa dark room na iyon noon) para raw sa "preservation" ng film. May naging kaklase rin ako na walang pakialam sa dami ng mga photopaper na kanyang maaaksaya para sa mga litrato. (Mahal na noon pa mang 1980s ang mga supplies. Naalala ko ang classic fiasco na bibilangin mo ang photopaper na nabili mo pa sa Araneta Center sa Cubao, para lamang matuklasan na exposed na 'yun lahat.) Nasaan na kaya siya, si Maritess? Kumusta na kaya ang mga kaklase kong iyon, sina Senedy, Mouse, Ronald, Cris Violago, Cesar, Girlie, Ben at Raul? Sila ang mga dati kong kasa-kasama sa Cineastes. Kami-kami lang rin ang nagtutulungan sa mga proyekto, halimbawa, ako ang madalas nilang kunin para umarte o maging modelo ng kanilang litrato. Parang isang buhay na rin iyon na matagal nang nawaglit. Noon, ang pagkakilala nila sa akin, ako 'yung malungkutin, ma-angst na babae na aanga anga pa sa mundo. Magkakasama kami sa mga exposure trips sa klase ni Ricky Lee. Tumambay na kami sa bahay ni Ben, kumanta ng mga Manilow songs sa piano sa mga madaling araw. Nagpuyat sa bahay ng aming gurong si Gigi Alfonso bilang creative team. Lahat halos ng nabanggit kong mga pangalan ay nagtuloy sa mga career nila sa media, naging empleyado ng ABS, at naging bahagi ng mga indie outfits. Si Louie Quirino ay nakita ko ring muli noong 2004 sa Writers Night ng ICW at parang long lost friend noong nag-usap kami.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment