Kung bibilangin ko ang mga oras na ginugugol ni Amado sa pagogoogle, sa paglalaro ng online games, at sa pakikinig ng mga kanta sa Youtube, siguro aabot iyon ng 10 oras. Computer ang una niyang hinahanap pagkagising. Pinabura na ng aking asawa ang paborito niyang game na Grand Theft Auto, matapos siyang payuhan ni Manolo na burahin na dahil hindi talaga ito nakakatulong sa bata. Dapat nga sigurong mapaisip ako sa labis na intimacy ng batang ito sa computer. Sobra siyang nahuhumaling na dito, halos kakabit na ng kanyang mga daliri ang mouse. Mas ibig niyang magbasa ng hypertext kaysa sa magbasa ng textbook. Hindi rin siya takot na subukan ang features ng computer, hindi kagaya ko na magtatanong tanong muna bago lumusong. Kung nabuhay si Amado noong dekada 80 at naranasan niya ang aking kabataan, hindi siguro ganito ang makukuhang litrato. Posibleng makunan siyang umaakyat ng puno, nagsasaranggola, nagbibisikleta. Kumakain ng ginatan. Tumutulong sa pagtatanim ng lolo niyang 10 oras naman ang ginugugol sa pagtatanim ng mga gulay. Baka natuto siyang magspray ng pesticide, maglagay ng pataba (tae ng baka), alisin ang mga aphids sa mga tangkay, diligan ang mga pananim. O baka magkukulong rin sa kuwarto't magdrodrowing ng kung ano-ano, kagaya ko noon. Mundo na ang puwang ng aming kabataan ng aking anak.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment