Sunday, January 13, 2008

Cain

Kung naging Biblikal akong tauhan, hindi ako si Ruth, ang mapagmahal na biyuda, na sukat mamatay ang asawa'y pinili pa ring makasama ang kaanak ng kabiyak. Hindi rin ako si Magdalena, bagamat hinahangaan ko ang tibay ng kanyang pagkatao sa kabila ng pinagdaanan, at kahanga hanga rin ang kanyang debosyon kay Kristo. Ako kaya si Veronica, na pumunas ng mukha ni Kristo't namangha sa nakitang bakas ng mismong mukhang iyon?

Ang totoo, gusto ko si Hudas. Wala siyang takot. Marami siyang mga tanong. Kung tutuusin, kung hindi siya maurirat, aba'y hindi siguro ganu'n ka-interesante ang pag-uusap. Walang dayalektika, wika nga. Siya ang nagkanulo, at dahil hindi niya maatim ang kataksilang ginawa, nagbigti siya. Imbi ang kaluluwa niya, na hindi na nanahan sa anumang lugar.

Si Cain, para sa akin, ay isa rin sa pinaka-interesanteng tauhan ng Bibliya. Ramdam ko ang sama ng kanyang loob. 'Yung tipong alam niyang nagpakabuti siya bilang anak, ngunit hindi pala sumasapat iyon. Napatay pa niya ang kapatid sa inggit at selos.

Bago isipin ng mambabasa na pangarap kong magpari, sinasabi ko na sa inyong hindi po. Naisip ko lang ito dahil pinagmumunihan ko ngayon ang hinampo ng aking asawa. Biblikal ang uri ng kanyang hinampo. Hinanakit sa kitid ng unawa ng kapatid, na anya'y ayaw na niyang makatrabaho. Sa totoo lang, hindi naman kinulang ng biyaya ang aking asawa pagdating sa mga talent. Nag-iisa siyang nakilala ko na kayang mag-ayos ng mga bagay na sira o wasak. May oido sa teknikal na kaalaman, nakakapagpatino ng mga duling na tv, inaantok na elisi, hinihikang mga aircon. Tinitingnan niya ang kakayahan niya bilang bokasyon. Dati, bago ko raw siya makilala, libangan niya ang tumulong sa pag-aayos ng mga kotseng nasiraan sa Session road. Ilang beses ko nang nakita kung paano siya tumulong sa mga taong hindi niya kaano ano pagdating sa sasakyan. May sibol siya ng awa para sa karaniwan, magmula sa mga matatandang ale na humihingi ng plastik na basyo na bibigyan pa niya ng aming tirang ulam, hanggang sa mga batang palaboy na aabutan niya ng barya.

Hindi niya napakinabangan pagdating sa career ang kurso niya sa Economics sa UP. Naabutan siya ng aktibismo sa unibersidad, at may panahong pinili niyang kumilos sa kanayunan. Hindi na nagkaroon ng ganang magtrabaho sa opisina, hindi na rin pinilit ang sariling bumagay sa mundo ng korporasyon. Umunlad na marahil ang kanyang mga dating kaklase. Talagang isinabuhay ang diwa nina Adam Smith at iba pang mga kapitalista. Kung mapag-uusapan ang kanyang college days, paborito niyang anecdote 'yung kung paano siya gumanti sa dati niyang guro sa Macroeconomics. Sa parking lot. Binato niya ng itlog ang kotse, itlog na pinagtiyagaan pa niyang tusukin ng heringilyang may kemikal na sisira sa pintura, tutupukin ang kulay, pakakalawangin. Plinano niya ang lahat na akala mo'y isang paglusob sa enemy territory na may mapa pa't walkie talkie.

Musmos siya na naghahanap lagi ng undivided attention. Kapag nagkukuwento, kailangang all ears. Napipikon siya sa ugali kong kalahating diwa lang ang nasa kumbersasyon, dahil ang natira'y nakatutok sa pagmamasid at pagmumuni ng kung ano ano. Kailangan mong ibigay ang annotasyon ng pinapanood mong pelikula o telecast ng balita, kahit unang beses mo rin lang iyong napanonood. Kailangan mo ring asikasuhin siya pagdating -- tulungan sa pagbubuhat ng gamit, abutan ng malinis na kamiseta. Alukin ng makakain. Mga tungkulin ng asawa.

Maraming mga talento, may matalas na isip, may puso sa karaniwang tao. Pero laging minumulto ng sama ng loob sa kanyang mga pinili. Nasasaktan sa labis na pagtatanong. Masamang magalit. Madalas bangungutin. Maingay makipagtalo. Pumapatol sa bata. Bihasa sa blackmail. Isang Cain, isang Hudas, at isa ring Kristo, na binilot sa iisang katawan.

No comments: