Hindi na ako nagulat na gising rin ang magkapatid -- sina Bert at Des -- nang magising ako. Ang sabi ko sa aking asawa, "Napanaginipan ko naman ngayon ang namayapa ko nang kaibigan, kasama ko noon sa arts school, si James." Huwag daw akong maingay, dahil kaiidlip lang ni Des sa sopa. Bukas ang tv at nanonood siya ng palabas sa Discovery. Nagising rin naman si Des sa aking pagdating sa sala, pero mas nanaig ang antok niya. Ilang minuto pagkaraan, pumasok na ang asawa ko sa kuwarto at ako naman, sinimulan ko na ang pagbubukas ng blog na ito.
1997 pa pumanaw si James, may isang dekadang mahigit na siyang patay. Nalathala sa Philippine Star at Inquirer ang kanyang kuwento. Marahil, dala ng human interest value nito. Nagka-leukemia kasi siya, at wala pang beinte sais nang namayapa. Noong panahong iyon, teacher na siya ng Humanities sa UPLB. Paminsan minsan, dumadayo siya ng Diliman para kumustahin ako. Parang kapatid ko na rin siya. Tuwing naalala ko si James, laging sumasagi sa isip ko 'yung nag-uumapaw na pagmamahal ng mga tao sa kanya. Apat na mga babae ang nag-alaga sa kanya noon, sa kasagsagan ng homoepathic therapy sa bahay nila sa Makati. Dalawa sa tatlong babaeng nag-alaga sa kanya'y mga dati niyang karelasyon. Napakagandang eksena ng pagsasama, ng kapatawaran. Sa panaginip, nakasalubong ko siya sa pasilyo ng isang ospital. Kamukha raw siya ng isa kong estudyante -- na totoo nga, sa realidad. Pareho ng build, ng pananamit. Lamang, si James ay kakaiba ang mga mata. Parang mas bagay ang mga matang iyon sa mukha ng isang babae dahil ang amo amo nito, parang mata ng tubig na puwede kang higupin. May kasama akong matandang babae sa panaginip -- mga 50 o 60 mahigit ang edad. Sa eksaktong sandali na makakasalubong ko si James, may napunit sa aking damit, sa suot kong pambahay na pedalpushers, sa tagiliran. Pilit kong itinatago na napunit dahil sa bandang balakang iyon nasira. Wala namang nakakapansin, ni hindi nagreact ang matandang babae na kasama ko. Napunta kami sa elevator station. 'Yung usual na hinahati sa mga palapag -- kung even o odd number ba ang pupuntahan. Di ko na maalala kung alin ang pinili namin, basta, nakababa kami, at sa ground floor, kakatwang hindi iyon mukhang ospital. Parang lobby ng isang hotel, o resort. Bukas ang mga pinto, malinis ang paligid, at maraming halaman. Natatanaw ko mula sa pinto 'yung kalsada palabas. Excited 'yung matandang babae na katabi ko, na wala akong matandaang features kung sino ba ang kamukha, basta hindi naman siya kasing taas ko, at hindi siya ganu'n kahina, parang malakas pa, parang hindi rin senile.
Naalala ko sa babae 'yun ang matandang babae rin na nakikita ko sa labas ng chapel. Isang gabi, lumabas ako, nagpahangin, at napadpad sa simbahan. Hayun ang matanda, at para akong nakakita ng multo. Ang payat payat niya at hindi na siya makagalaw. May ibinubulong siya. Parang apparisyon nga. Pero linapitan ko. 'Yun pala nagpapatulong lang siya. Ibig daw niyang bumili ng gamot. May inaabot siya sa akin na piraso ng papel. Ayaw kong isipin na karaniwang taktika ito ng mga pulubi. Mukhang totoo kasi na nangangailangan siya ng tulong. Inabutan ko ng pera. Kalahati ng sahod ko sa linggong iyon. Sinamahan ko pa siya sa hintayan ng jeep at pinasakay doon. Halos buhatin na siya para lang makasakay.
Nakikita ko pa rin 'yung matandang iyon pero hindi ko na hinihintuan -- hindi na siya tumatapat sa kapilya tuwing gabi at sa halip ay tumatapat na lang siya sa bangko, malapit sa atm. Hindi dahil sa wala na akong pakialam sa kanya kundi sa ang dami dami ring mga katulad niya. Iba iba sila. Hindi ko na nakikita, halimbawa, 'yung baliw na madalas tumambay sa shopping center. Kasing katawan niya ang isang batang dose anyos, gusgusin, payat, hugis papaya ang mukha, at kagaya ng generikong baliw, salita nang salita at bakante ang mga mata. Ang babaeng iyon ay salit salit na marumi malinis ang damit. May inuuwian kaya na nagmamalasakit sa kanya? Si Aling Daleng, ang baliw na nakatambay sa may subdibisyon ng aking hipag, ay may kaanak na inuuwian. Iba naman ang kuwento niya. Nasiraan daw ng bait dahil nalunod ang anak sa pagtaas ng ilog sa Marikina. Isang tindahang nagsara na ang pirme niyang puwesto. Inaanunsiyo niya sa mga dumaraan, "mataas na ang tubig!" o "huwag mong kalilimutan ang patis!" Lagi akong naantig sa pagkakita sa mga baliw na kagaya niya. Marahil, dahil naalala ko mismo ang isa ko ring tiyahin na nagkagayon. Namayapa na rin siya. Siya lang ang babaeng kapatid ng tatay ko. Ikalima siya. Normal naman daw siya noong lumalaki, pero noong dose anyos, habang umiigib sa poso, nadulas. Nabagok ang ulo. Ayun, linagnat, at pagkaraan, naging sinto sinto. Siya ang tiyahin ko na wala nang ginawa maghapon kundi magwalis ng tuyong dahon sa bakuran. Pupulutin pa niya ng isa isa ang mga tuyong dahon. May Bataan matamis na laging nasa bibig, 'yung dulo ng sigarilyong umaaso ang nasa loob. Simple lang ang kaligayahan niya: bilhan mo ng isang supot ng bubblegum, o painumin ng Cali. 'Yung ikalawang opsiyon ay itinuro ng isa kong pinsan na nasa Dubai na ngayon. Tuwing nagkukuwento, mapapansin na hindi niya ginagamit ang "ako" o "ko" para tukuyin ang sarili. Laging "si nene..." Nagugutom na si nene, inaantok na si nene, etc. Lahat ng mga magkakapatid ay inaalala siya, lalo na noong pumanaw ang aking mga lolo't lola. Kasama siya sa bahay ng tiyuhin ko na dating nagtrabaho sa Papua New Guinea bilang teacher ng Practical Arts. Nagtuturo pa rin hanggang ngayon ang tiyuhin kong ito, sa elementarya, na malapit lang sa bahay sa Alua. Minsan, nabulabog kami ng balitang nasuntok ang tiyahin kong ito ng aking tiyuhin. Nambubulabog daw kasi ng mga kapitbahay, hinahanap siya, hindi maunawaan na ginagabi lang siya. Makulit ito kapag nalulungkot. Alam ko ito dahil nagbakasyon na siya rito sa amin. At naging kasama ko siya sa kuwarto, kapiling rin ng aking anak, na isang taong gulang pa lang noon. Bukod sa amoy na amoy ang Bataan matamis, tawa-iyak ang nangyayari sa kanya kapag sinusumpong, at dahil hindi ako masyadong pasensyosa, naging pagsusulit iyon ng karakter, at bumagsak ako. May dalawang araw pagkaraan, umuwi na sila sa Alua ng aking lola. Namatay ang tiyahin kong ito noong 2005, kung tama ang pagkakatanda ko, sa bahay sa Alua siya inabutan, ni hindi ko na napuntahan ang burol o libing.
Bakit ba umabot na rito ang aking pagmumuni? Ewan. Nag-iba ang ritwal ng aking pagsusulat ngayon. Hindi na kagaya ng dati na pakakawalan ko muna ang aso naming si Bruce. Nawala na kasi ang aso. Isang gabi na siyang hindi umuuwi matapos pakawalan. Inikot naming mag-asawa ang baranggay hall, ang local police station para ipagtanong. Noong nawala kasi siya noong nakaraang taon, tila naging napakadali ng proseso ng pagkakahanap sa kanya. Natagpuan namin siya sa dogpound ng isa sa mga opisina dito sa unibersidad. Kasama ang drayber ng aking pamangkin (wala si Bert noon at nasa probinsiya, kasama ang kapatid), pinuntahan namin ang lugar. Hayun siya, nakalagak sa isa sa mga kulungan. Hindi kaagad kumawag ang buntot. Parang bangag na hindi ako agad nakilala. Parang hindi makapaniwala na tutubusin siya. Noong araw ding iyon, pagkabayad ng limang daan sa cashier, hinatid na ng police car ang aso. May mga patpat pang hawak ang mga mamang naghatid, at may kaunting electric charge daw ang dumadaloy sa dulo niyon. Aalma sana si Bruce, pero isang wasiwas lang ng patpat, napatda siya. Tuwang tuwa ang aking anak nang makita siya. Ilang araw pagkatapos noon, hindi gumagalaw si Bruce sa puwesto at mahinang mahina kung kumain. Nang matanggap na niyang ok na siya, saka pa lang nagkagana, at saka pa lang nanumbalik sa dating gawi.
Ngayon, nagsisisi ako na pinakawalan ko pa. Naiisip kasi siya ni Bert, na matamlay sa kanyang pagkawala. Loyal daw ang asong iyon, na totoo naman. Kapag narinig na niyon ang sasakyan, humahabol ito. Kapag umuuwi kami sa bahay, sumasalubong siya. Kapag pinakakawalan ko siya, lagi siyang nag-aanyaya na makipaglaro. Na hindi ko naman ginagawa. Dahil ang nasa utak ko, uunahin ko ang pagsusulat, dahil babalik naman siya sa puwesto niya sa garahe kapag nagsawa na sa pag-iikot.
E hindi na nakabalik. 'Yun ang masaklap. Hindi pa rin talaga ako marunong mag-alaga ng kahit na anong hayop. Naiinip ako, nayayamot kapag masyado na silang naging demanding sa attensiyon. Ngayon, napapaisip ako sa posibleng brutal niyang kinahantungan. "Sana malason yung mga pumulutan kay Bruce," sabi ni Bert. Nakatitiyak na kasi siyang iyon ang nangyari. Ako? Umaasa akong makababalik pa rin ang aso. Siguro. O baka mananahan na lang siya sa panaginip, kagaya ni James, o kagaya ng mga matatandang babae na nakakasalubong ko sa daan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment