Kapag umaga, ang kuwartong ito ang pinakamaliwanag sa buong bahay. Kung mayroon mang kaakit akit sa kuwartong iyon, iyon ang tama ng sikat ng araw. Gusto kong pintahan ang mga pader ng kuwarto, alisin ang graffiti. Gusto ko na ring iparepair ang kama. Binubukbok na ito. Dahil sumisiksik rin naman sa aming tinutulugan ang aming anak, tila mas kailangan ng kamang kakasya ang tatlong tao, 'yung tipong puwede pa silang gumawa ng letra ng alphabet sa pagtulog. Nakapatong sa isang bucket ng laundry detergent ang lamp na dating ginagamit ng aking asawa sa apprenticeship niya sa cellphone repair. Hindi talaga dinisenyo ang lamp na iyon para maging reading lamp dahil may tila magnifying lens iyon sa tuktok ng ilaw. Masakit ito sa mata. Ang electric fan ay discard ng isang nagparepair na kaibigan. Inangkin na ng aking asawa ang appliance dahil tila hindi na interesado 'yung kaibigan niya na kunin. Samantala, ang mukhang malaking fishball sa gilid ng kama ay pamana mula sa dating bahay ng aking lola. Ang ganda ganda ng lamp na ito noon, at babagay marahil sa isang kuwartong mas sosyal ang kagamitan. Minsan, kumain ako sa Ayala Museum Cafe at napansin kong nakasabit na tila parol sa mga puno sa labas ng cafe ang mga ganitong bolang lampara. Hindi na rin makinis ang surface ng lampara, dahil drinowingan ng aking anak ng bandila ng Pilipinas at craters ng buwan. May counter na malapit sa kama, na dati rati taguan ng mga CD, hanggang sa mapansin ko na lang na nauubos ang kuleksiyon. Porous ang buong bahay, period. Hindi maikandado mula sa labas kaya lagusan ito. May sofa sa tabi ng bilog na lamp, at pamana naman ito sa aking ina. Ayon sa kanya, bata pa lamang siya'y ito na ang kanilang upuan. Paborito ko ang sofang ito, na pinalagyan ko na lang ng uratex foam para mas kumportable at maaring tulugan. Katapat ng sofa ang bisikleta na "hiniram" ng aking asawa sa pamangkin ngunit hindi na sinoli. Ito ang bisikletang ginagamit ko rin noon nang tumigil na ako sa yosi at bumalik na sa pag-eehersisyo. Ang bag na nakapatong sa kama ay knapsack na regalo ng ninong ng aking anak para sa Pasko. Sa paanan ng kama'y may dalawang plastik na lalagyanan ng lumang laruan.
Natutulog ang aking sister in law sa kuwartong ito sa ngayon. Hindi naman siya umaangal sa kapayakan ng silid. Simple lang rin naman kasi siyang tao. Tahimik naman ang kuwarto, dahil tahimik rin naman ang katabi nitong silid na inookupahan ng nangangaserang estudyante. Dati, noong dito pa kami natutulog, bahagi na ng mga nakasanayan kong tunog ang ringtone ng cellphone niya (discreet ang volume), ang bukas sara ng kanyang cabinet, ang pauupo upo sa silya marahil, nagrereview. Palaaral ang estudyanteng nakatira sa kuwartong iyon. Pagkagaling sa eskuwela, tumatambay na lamang siya roon at hindi na lumalabas. Parang nababagay nga siya bilang tauhan sa nobela ni Kafka. Kung minsan, naririnig ko pa siyang naglalaba. Isinasabit niya sa may bukana ng pinto ang mga medyas at brip. Dahil nauso na rin ang mp3 player, wala ka na halos maririnig na ambient sounds sa kabila. Bihira ko ring marinig ang tv mula doon.
Ilang pamilya na ba ang tumira sa quonset hut na bahay na ito? ilan na ang natulog sa mismong kuwartong ito at nagsabing, "kay ganda ng sikat ng araw sa kuwartong ito?" sino sino kaya sila? basta lamang ba sila mga propesor o kaanak nila? mga estudyante? May limampung taon na mahigit ang bahay na ito, kung ikukumpirma pa sa records ng unibersidad. Noon ngang bagong lipat kami sa Juan Luna, nakapulot ng dog tag ng sundalo ang asawa ko, mula sa likod. Remnant ng tumira. May sundalong tumira sa bahay na ito.
Sa ngayon, may sundalo pa rin namang nakatira sa bahay na ito. Ngunit iba na ang kanyang digma. Digma niya ang paglimot ng kahapon sa kanya, at sa personal niyang espasyo.
No comments:
Post a Comment