Sa klase namin, sinisikap kong ilapag sa mga estudyante ang attitude na hindi sila dapat matakot sa teorya, o sa anumang kritikal na sanaysay. Mahina pa ang pundasyong teoretikal ng mga mag-aaral sa Malikhaing Pagsulat, bunga rin marahil ng tila natural na opposisyon ng kritiko at manunulat. Pero, kagaya nga ng natuklasan ko mula sa personal kong karanasan, hindi ito kinakailangang paniwalaan, o bitbitin. Siguro dahil nagkaroon ako ng mga kaibigang kagaya ni Roland, isa sa mga kasabayan ko sa Katha, na naging masigasig sa pag-aaral ng teorya, na nauwi sa pagkahasa mismo ng kanyang maikling kuwento bunga ng teorya. O sino bang makakalimot kay JJ, na hinikayat pa kaming magbasa ng magbasa ng mga critical theories? Noong panahong iyon ng Katha, may mga gumabay rin naman sa amin na mga mas nakakatandang mga manunulat, kagaya nina Fidel Rillo, Romulo Sandoval Jr. at Gelacio Guillermo. Halos linggo-linggo sa mga taon ng 1989 hanggang 1992, nagkikita kita ang grupo para magpaworkshop ng maikling kuwento.
Wala pang mga blog noon. Wala ring cellphone. May computer na, pero wordstar pa ang format. Ito 'yung tipong green pa ang kulay ng cursor at bulky pa ang monitor. Pinagtiyagaan naming magkakaibigan na i-encode nang isa isa ang mga kuwento namin sa Katha na winorkshop na. Puyatan 'yun. Salit-salitan sa pagtipa. Naging generous host si Joi Barrios sa grupo, na lagi na lamang naming kinakalampag sa apartment niya noon sa Kamuning. "My gad, this place is a brothel!" nawika noon ni Chris Millado, dahil sino ba naman ang hindi mamamangha sa bohemian na dating ng lugar. Hindi naman dahil psychedelic ang kulay ng apartment, o lagi kaming naghahashish. Kung tutuusin nga, napaka country style ng decor, pink ang paboritong kulay ni Joi noon. Pero wala naman sa decor ang vibes. Dahil pinupuntahan ang apartment na iyon ng mga tampok na personalidad sa sirkulo ng panulat, sa teatro, sa musika noong buntot ng dekada 80 hanggang mga unang taon ng dekada 90, ang apartment ay laging puno ng mga tao. May workshop, may miting. Nagkaroon ng kanya-kanyang eksena ang mga tao: mula sa kalmutan at kagatan ng dating magsyota hanggang sa sabuyan ng pabango ng mga badaf at melodramatikong mga deklarasyon ng pag-ibig at paalam. Sa bahay na iyon nabuo ang mahihigpit na pagkakaibigan, pero sa bahay ring iyon unang nakita ang pagkakalag ng mga mahigpit ring samahan. Hanggang ngayon, kaya ko pa ring hugutin ang imahe ng apartment na iyon sa aking diwa na parang kahapon lang ako nanggaling doon. Aakyat ka ng hagdang kahoy na kay liliit ng baitang, liliko sa isang alcove. Walang masyadong kasangkapan roon maliban sa isang eleganteng divan at bilog na mesang maliit. May hallway na patungo sa kusina, dining area at banyo. Katabi ng hallway ang kuwartong tinutulugan ni Joi. At may isa pang level ang espasyo, isang attic, na may bintana pa, at maliit na maliit na tulugan. Naranasan ng grupong iyon na puntahan ng mga iba't ibang mga manunulat na may samutsaring personalidad. May mga pula, siyempre. May mga manggagawa sa pabrika. May housewife na tumutulong sa baranggay health center at masipag magsubmit ng kuwento, si Marie Novella. May mga estudyanteng aktibista mula sa DLSU, na kung hindi editor in chief ng Malate'y staff doon. Minsan, may napadpad pang isang weirdo, na sumulat ng storyang science fiction. Ginunam gunam ang Jupiter. Siyempre, hindi naman kami bulag at natunugan namin na isa siyang ahente. Biglang sumulpot ang weirdong iyon sa party ng Katha, at natense ang lahat. Hindi ko na maalala masyado kung paano namin siya naitaboy. Ipinaubaya na lang namin (or at least ako) ang gawaing iyon sa hosting skills ni Joi.
Ngayon ko lang ito naisipang isulat, siguro dahil nasulat ko sa naunang blog entry ang Telon. Liningon ko ang gulugod ng pormasyon ng aking kamalayan bilang writer, na kasabay ng mga taong bumuo sa Katha at iba pang mga samahan. Noong bata ako, madalas akong mapangaralan ng tatay ko ukol sa pagsali ko sa mga grupong ito. "Bakit ka ba sumasama diyan? Sa tingin mo ba makakasulat ka niyan? Kung talagang gusto mong magsulat, dumito ka." Cinensor ko na sa pangungusap na iyan ang tadtad ng mura at singhal. Lagi kasi siyang nakamura't singhal sa identidad niya bilang "protective father". Bandang huli, napagtagpi kong kaya pala siya tumututol nang labis sa katigasan ko ng ulo'y bunga ng kanyang sariling karanasan, nang dibdibin niya ang puna sa kanya ng kanyang collective sa Paksa. Si Papa'y naniniwalang kinakailangang alagaan ng isang artista ang kanyang kamalayan, at ayaw niya ng kamalayang nagpapakuyog. Lumikha siya ng sarili niyang gubat at naligaw siya doon, sa kanyang pag-iisa, na kanyang inasam. Kahit kami ay hindi makapasok doon. Kung bata ka'y hindi mo ito mauunawaan. Pero ngayong mas matanda na ako, hindi na ito isyu, at napagtanto ko na produkto ito ng maraming bagay, hindi lang ng presyur ng mga writers' groups. Malakas ang impluwensiya ng interpellasyon sa kanya, na ito lang siya bilang manunulat: ikapitong anak ng isang mangingisda na dating empleyado ng munisipyo at isang babaeng anak ng may-kayang angkan na sumama sa pinakadakila niyang pag-ibig; nahinto sa pag-aaral sa Grade 5 dahil nawalan ng trabaho ang tatay, na nangisda nang nangisda para may makain ang pamilya, at dahil sa pagsasama sama niya sa tatay, natutunan niya ang wika ng katahimikan at pagmumuni. Tumanda siya ng isa, dalawang dekada bunga ng karanasang iyon, kaya nang tumuntong siya ng haiskul, iba ang hanay ng mga pangarap ng mga kaklase niya sa General de Jesus Academy sa kanya. Nagkaroon siya ng identidad na "writer" sa edad na 15, nang matuklasan ng adviser ng school paper niya na sensitibo siyang mamamahayag, at kritikal siya sa kahit na ano, pati ang gawi ng administrasyon at pati ang mga kubling kabuktutan ng mga guro'y nakikita niya. May kubo ang tatay niya na ginawa niyang sulatan. Doon siya sa kubong iyon kapag gusto niyang mag-isip. Napadpad ng Maynila para mag-aral. Naging working student. Nakisama sa panganay na kapatid at asawa nito. Sa gabi, nagmamakinilya. Pinuna ng asawa ang "ingay" ng pagtipa. Nagpasyang magsarili. Sumulat nang sumulat. Bumalik sa kubo, nagsulat ng nobela. Nagsimula nang manalo ng mga timpalak. Nagsimula na ring makabuo ng sirkulo ng mga kaibigang kagaya rin niyang mga anak ng alat. Nakilala ang isang bata't magandang accountant. Linigawan, nakasal, nagkapamilya. And so on, and so forth...
Sabi ko kaninang hapon sa klase, ang master narrative ay hindi lang matatagpuan sa mga tekstong historikal. Ito ay anumang narratibo na iginiit, at pinadaloy sa mga institusyon, sa mga aparato. At sinabi ko rin na kahit ang pamilya, kahit ang mga biograpiya'y may master narrative. Kahit ang kasaysayan ng panitikan ay may master narrative. Kahit na anong diskurso, actually, na maaring pagmulan ng relasyong amo-alipin ay may master narrative.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment