Nagtext ang kaibigan kong si Joey Baquiran. Finorward niya ang mensahe ni Edgar Samar, kapwa guro at manunulat mula sa Ateneo. Nakakuha raw si Egay ng funding para sa publikasyon ng journal, na laan sa nobelang serialized. Hinihingi ni Egay ang email ko para mapadala niya ang detalye. Kaagad rin akong tumugon. Siyempre, gusto ko ito dahil pagkakataon na iyon para sa aking sinusulat. Pero naiisip isip ko, paano kung madisqualify ang manuskrito para sa isa pang opportunidad -- ang Likhaan Centennial Prize?
Simple lang ang solusyon dito. Humanap ng kopya ng rules. Kung nakasaad na hindi maaring isali ang isang akda na nalimbag, hindi ko papasukan ang alok ni Egay. Or kung papasukin ko iyon, hahanap ako ng ibang manuskrito. Mayroon naman ako, actually. Pero Matagal ko na 'yung nasulat -- 1992 pa. Noong panahong iyon, balak kong isubmit sa Rosas iyon, sa experimento ng Anvil para sa romance novel. Tumaya noon si Karina Bolasco sa mga nobelista sa Pilipino, at kung tama ang tanda ko, si Lualhati Bautista pa ang punong editor nito. Naengganyo akong sumulat dito dahil ang kaibigan kong si Joi Barrios, Roland Tolentino, ay nakapagbigay na. Maaari raw na gawing literary ang pagkakasulat, kasi ang punto, behikulo lang ang romance para talakayin ang iba pang mga bagay, kagaya ng pambansang kalagayan, o ng oppresyon ng kababaihan. At, patunay nga na tama ang naalala ko, narinig ko mismo kay Karina ang reminiscence na ito nang magsalita siya sa isang kumperensiya na inorganisa nina Lily Rose Tope at Dr. Cristina Hidalgo ng DECL.
Hilarious ang dating ng pag-aalaala niya. Pumasa naman daw ang mga romance novel kay Lualhati -- gumamit daw ng stream of consciousness, binulabog ang plotline, nag-incorporate ng estilo ng magic realism. Ang kaso, ayon kay Karina, hindi iyon kinagat ng mambabasa. Mukhang mga kapwa manunulat lang rin ang nalugod sa experimento.
'Yung manuskrito kong hindi na nailimbag ay ukol sa babaeng umibig sa isang refrigerator. Pumayag siya sa isang weird na arrangement sa isang misteryosong lalaki na ayaw magpacommit rin, dahil sa refrigerator. Ibang klase ang refrigerator ng lalaki -- malaki, hindi tipikal ang brand, at luma. May naalala ang babae -- si Tess, na part-time installation artist na sumasideline sa window display at marketing officer -- sa ref na iyon, na nadaanan lang niya minsan sa isang garage sale. Pumatok na ang love scene ni Janice de Belen sa ref sa Shake, Rattle and Roll noon bago ko nailabas ang ideyang ito. Actually, linilingon ko naman ang ambag ng eksenang iyon. Pero para sa akin mas matindi 'yung gusto ko pang palabasin sa attachment ni Tess sa ref. Parang nanay niya iyon. Binubuksan niya ang ref kapag nalulungkot siya. Wala namang kalaman laman ang ref na binubuksan niya in the sense na wala naman itong pagkaing nakaimbak. Puro basyo ng tubig, stockings, film canisters, ketchup, kalamansi, week-old styrofoam packs na may fastfood o pancit na nabili sa tabi tabi.
Nakita ko nga ang burador ng nobelang iyon at tawa ako nang tawa sa mga eksena ni Tess sa boss niya noong sinisante siya nito. Inspirasyon ko rito 'yung mismong eksena ng pagkaka-annunsiyo ni Vertido na hindi na renewed ang kontrata ko bilang special instructor para sa Creative Writing sa arts school dahil wala raw akong civil service certificate. (What a lame excuse. Pero wala na akong galit sa mamang 'yun, matagal na. Huling balita ko nga'y nastroke daw ito, at aligaga ang kalagayan. Hindi siya makapagbasa o makapagsalita ng normal. Nalungkot ako doon.)
Anyway, yung espiritu ng pagiging punk ni Tess ang lumalabas, mula sa statement sa buhok hanggang sa choice niya ng installation materials (condom? na linagyan ng likidong iba't ibang mga kulay? at isinabit sa mga sulok na akala mo banderitas?). Ngayong naalala ko ito, naisip kong ang pagiging rebelde mismo ni Tess ay predictable at hindi na masyadong "iba". Marami na rin akong nakikitang nagkukulay ng buhok na asul, sabi nga ni Nerissa noon, lalo na raw sa Amerika. At hindi na shocking 'yung konsepto ng banderitas ng de-kulay na condom para sa statement ukol sa AIDs. Ngayong ibig ko rin itong malimbag, haharapin kong muli ang tanong na Bakit nga ba iba si Tess? Hindi lang dahil tinina niya ng asul ang buhok niya matapos siyang "kumalas" sa boypreng magulo rin ang isip. Hindi lang dahil mahal niya 'yung ref. Siguro kinulang pa sa honesty 'yung karakter. At hindi ko pa napag-isipan masyado ang tuhog ng mga pangyayari.
Ang lakas ng loob ko ano? Di pa nga ako matapos tapos sa aking dissertasyon. Naroon pa rin ang apat na bahagi na hindi mapagtagpi. Apat na kuwentong umiikot sa iba't ibang tauhan -- kay Antonio, ang OFW; kay Mitoy at Fiona; kay Jo at ang kuwento ni Papang. Kung isusuma, ganito ang diwa ng bawat chunk:
1. Antonio's story: ukol sa pagbibiyahe niya patungong Dubai, may rekoleksiyon rin ng nakaraan ng kanyang pamilya. Ukol rin sa turning point ng buhay niya nang namundok siya.
2. Mitoy's story: ukol sa pagfafile ng church annulment para mapakasalan ang tunay na minamahal; konting backstory sa karakter ni Fiona, ang ex ni Mitoy.
3. Jo's story: ukol sa recurrent dream ni Jo na lumalabas na alaala ng isang pang-aabuso na hindi na niya naharap pa.
4. Papang's story: ukol sa pagbibiyahe ng pamilya na backdrop para sa journey ni Papang sa pag-aalaala ng kanyang pagiging sundalo noong giyera, at pagkaraan.
Pag-aaralan ko pa kung paano ko ipopost ang mga kabanata sa blog na ito. Sa ngayon, hirap pa rin ako sa focus. Plodding through pa rin. Nakasalubong ko nga si Celeste at binalita niya sa akin na magdedefend na rin siya ng MA niya. Tuwang tuwa ako para sa kanya. At vinivisualize ko na rin ang sarili na nasa posisyon niya, na naging posisyon ng lahat ng maluwalhating nakatapos na. Kaya mo nang ngumiti sa mga tao pagkaraan kasi wala nang magtatanong na "kumusta na ang dissertasyon mo?"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment