Thursday, January 3, 2008





Ito ang aming bahay sa Juan Luna. Una kaming nanirahan dito noong 1992, nang kasalukuyan pang dekano ng Arts and Letters ang aking ama. Noong una naming makita ang bahay, napamulagat kami sa laki, sa lawak ng espasyo nito sa loob man o sa labas. Nanlambot naman ang aking ina sa gastos na nakikita niyang aabutin sa renobasyon. Dahil matagal na nabakante ang unit, nagkawalaan na ang mga features at amenities na dapat na taglay nito -- hanggang sa ultimo gripo sa lababo'y tinangay, bungi bungi ang mga bintana, at laylay ang mga kisame, bukod pa sa tadtad ng butas ang bubong. Noong naipasa ang unit sa akin, ipinaayos ko ang kisame at ubos ang inutang pa namin noon na 50 mil sa pagpapagawa. Hindi na ito naipareimburse, pero wala naman akong inaangal. Dito, sa bahay na ito, nagkaugat talaga ang buhay mag-asawa namin. Dito sa bahay na ito nasubukan ko talagang patakbuhin ang isang household.

Kanina, dumalaw rito ang pinsan kong si Le Kim. Siya'y half Vietnamese. Nagtratrabaho siya ngayon sa FAO. Lumaki siya dito sa Quezon City, pero may bahagi ng kabataan niyang nasubukang tumira sa Nigeria, noong nadestino ang tiyuhin ko doon. Maganda ang naging pagpapalaki ng tiyahin ko sa mga pinsan kong ito. Kahit nakaririwasa, wala silang bakas ng kayabangan. Simple lang ang kanilang mga gusto. Paborito, halimbawa, ni Kim ang mga doughnuts ng Mister Donut dito, naisasama mo siya sa ukay ukay, at hiyang siya sa dinuguan at pinakbet na luto ng aking ina. Umuwi siya rito sa Pilipinas, at ipinakilala niya sa amin ang kanyang kaibigang si Emily. Mukha namang nag-enjoy ang mga bisita namin sa pakikipagkuwentuhan sa amin, at sa aking anak. Ayon kay Kim, nakarating na sa Afghanistan si Emily, kung kaya hindi ako dapat mag-alala kung naasiwa siya sa payak, gusgusin, at makalat na paligid dito sa aming bahay. Natuklasan ko sa pakikinig sa kanilang pag-uusap na magaling pala ang aking anak sa kumbersasyon. Tinuruan niya si Emily, na isang 26 year old Brit student ng Osaka University, ng ilang mga conversational phrases. Mahusay ang pagdadala ni Amado ng sarili. Talagang unfair nga na gamitin sa kanya ang sukatan ng development ng ibang bata na kaedaran niya.

Aalis na si Linggo si Emily, babalik ng Japan para tapusin ang degree niya sa Economics. Samantala, nasubukan niyang kumain ng siopao at balut. Pinakain ito sa kanya ni Bert, sa sarili nitong bersiyon ng inisasyon sa kung ano ba ang Pinoy. "That siopao has cat meat and cockroaches and that balut is really an unborn duck chick." Kinain ni Emily ang siopao, pero tumanggi siyang kainin ang balut. Siningil siya ni Bert. Grabe talaga ang asawa ko. Sabi ko, "Bakit mo pa siningil?" "E hindi niya inubos e." Apparently wala namang problema iyon kay Emily. She was really happy to know us. Sana makadalaw ulit siya sa Pilipinas, sana madalaw niyang muli ang bahay namin dito sa Juan Luna.

No comments: