"Akala ng mga kabataan sa TELON ako ang nagturo sa kanila, hindi nila alam ako ang natuto mula sa kanila." -- mula sa (Im)personal, Rene Villanueva
Ninamnam ko pa rin, hanggang ngayon, ang sarap at gaan ng pakiramdam mula sa bakasyon naming magkakaibigan sa Telon, matapos kaming magkita kita sa Lipa, Batangas noong Enero 20. Nag-imbita si Ipat sa pista ng kanilang bayan. Naabutan pa ni Rene ang pagpaplanong ito - ngunit hindi na siya umabot sa araw na aming sabay-sabay na itinakda. Sinundo na siya noong Disyembre 5 noong nakaraang taon. Pagmasdan ninyong mabuti ang group picture. May silyang naroon. Na tila walang nakaupo. Ngunit alam namin, kagaya ng mga mag-anak na patuloy na naglalagay ng isa pang plato sa mesa na para sa isang hindi naman dumarating, naroon sa upuang iyon si Rene. Walang panghihilakbot, ni walang taas ng balahibo. Basta, ramdam lang namin na nakarating nga siya.
Kanina, sa klase, tinalakay namin ang tulang "Oda sa Wala" ni Jim Libiran, isa ring kaibigan. Nagpalaro ang estudyanteng nag-ulat. Pinatayo niya ang kanyang mga kaklase at sinabi, "kailangan, sa larong ito, ang tanong ay sasagutin rin ng isa pang tanong." Arangkada na. Natural, tawanan. Lalo na nuong may mga na-aout, dahil nasasagot nila ang pagbato ng tanong ng katabi. 'Yung iba naman, nahuli sa intonasyon ng pangungusap. Ang "ewan ko?" ay hindi itinuring na tanong. (Pero hindi nga ba tanong rin iyon?) Ang dami ko ring natuklasan kanina sa aking pagtuturo -- kapag pala inaamin ng guro ang sarili niyang fallibility, mas gumugulong ang tugon ng mga estudyante, mas bukas silang mag-isip. Nagpapasalamat nga ako at kahit pa'no, naipaliwanag ko kung paanong ang "pag-aalsa sa mayroon ay kisap-matang rebelyon". Hindi nga ba't kisapmata lang ang pagitan ng pagtanggap sa patuloy na oppresyon at pagtalikod na rin dito? Nakaawang lagi ang pinto sa sinumang interesadong umalis. May mga diwa tayong kayang humakbang.
Iyan ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko kay Rene. Tan'yo, hindi naman playwriting lang ang itinuro niya. Pinamalas niya sa amin na ang salita ay hindi basta salita, ito ay ideya rin. At malawak ang kayang lakdawin ng ideya. Tinuruan niya kaming mag-isip, mamilosopo. Lumipad.
Kasama sa gaan ng pagkikita kita ng mga kaibigan 'yung pagkatuklas na dalawang dekada na pala kaming magkakaibigan, kahit na nabungi ng ilang taon ng di pagtatagpo ang samahan, may pinagsamahan pa rin. Ang dulas lang ng kumusta, wala nang gatol sa pagsagot, kasi, naging totoo kami sa isa't isa kahit noong mga bata pa lang kami hanggang sa maging kuwarenta na, o mahigit pa. Wala ka nang maikukubli. Sa biyahe nga namin patungong Lipa, natuklasan ng mga magkakasama -- kami nina Joey, Tim, Rollie at ako -- na wala ni isa sa amin na nakaisip magdownload ng direksiyon mula sa egroup. Walang makaalala ng ruta. Paano kami nakarating ng Lipa? Simple. Nagtiwala kaming makakarating kami ng Lipa. Wika nga ni Rollie, kung saan saang siyudad at lupalop na ng mundo siya nakarating. Sa Japan, kahit na wala siyang kaalam alam sa Nippongo, nasubukan niyang magbiyahe ng mag-isa at makarating ng matiwasay sa destinasyon. Hindi siya sumakay ng bullet train. Sumakay siya sa bus na talagang para sa mga bata, na kahit pahinto hinto'y mas mura. Wala rin siyang kaba nu'ng makarating siya ng Athens, ng London. Pero sa highway ng Lipa, kinakabahan siya. Paano kasi, kasama niya'y tatlo ring mga walang sense of direction. Na lumilipad ang diwa kapag sinabing, "Doon sa McDo, liliko. Pagdating sa Mantrade, isa pa..." Awtomatikong nadedelete ang direksiyon kapag nadistract.
Mag-aalas tres na ng hapon nang umalis kami ng Maynila, nakarating kami kina Ipat ng alas siyete na ng gabi. Pero hindi naman namin inalintana 'yung haba ng biyahe. Naging okasyon iyon para buuin ang isang narratibo ng organisasyon. Naungkat ang mga leksiyon ng mga tao -- mga pagkatuto sa mga batang talentado ngunit hindi marunong tumanaw ng utang na loob, mga realisasyon sa kabig ng pangungusap na nababaluktot sa pasahan, mga kahinaan sa kantiyaw. Ang Telon ay nakapagluwal ng mga produksiyong itinanghal sa Engineering Theatre, sa CCP. Kumita ng konti kahit paano. Ngunit ang maliit na kinita'y nalustay sa iba't ibang mga pangangailangan ng grupo: naging pangkasal, naging bayad-utang, naging tawid-sagip. Hindi makanti ng isang kaibigan ang kasalanan ng isa pa, dahil ang isang iyon ang susi para sa pagbabati muli nila ng gurong nagtampo.
Napaka-pribado na pala ng wikang pinatutunghan ng entry na ito. Hindi na masasakyan ng anonimong mambabasa, lalo na kung hindi siya naging kabahagi. Pero hayaan niyo na muna ang pagsesenti kong ito. Sigurado akong may nakaimbak din kayong ganitong uri ng samahan, at ganitong uri ng alaala.
No comments:
Post a Comment