Sa babasa nito, na posibleng kamag-anak, kaibigan, o kakilala. Pasintabi kung naungkat ko pang masyado ang personal kong buhay pati ang buhay ng may buhay. Hindi ko alam kung sapat na batayan ang "katotohanan" para sa mga gawaing katulad nito, dahil alam kong makakasakit ito, kung sakali. Ibig kong bawasan ang pait -- gaya ba ng pagluluto sa ampalaya. Ibinababad muna sa tubig, lalagyan ng konting asin. Pero ang pagluluto na ibig ko sa ampalaya'y naroon talaga ang lasa ng gulay. Ang pait ng ampalaya ay mula raw sa sama-samang lasa ng iba't ibang gulay na ginaya ng ampalaya, ayon sa isang kuwentong pambata. Tamis, alat, asim, lutong. Mapakla nga. Hindi ko na rin itinago ang mga pangalan sa mga inisyal o pseudonym -- kasi, ang katwiran ko, ang pagkakahawig nito sa mga tunay na tao'y talagang sinadya. Ngayon, hahatulan ako marahil. Iyan ba ang magiging kapalit ng pagpapakatotoo? Gusto kong isipin na ang responsibilidad ko'y sa imahinasyon, at sa insight. Sa aking mga masasaktan, pasintabi, kailangan ko itong ihinga kundi puputok ako.
Kailangang matutunan kong tahimik na tanggihan ang anumang dibersiyon na nakapaligid kapag naghahanda na sa pagtuturo. Kanina, kagaya ng nakasanayan, nakapag-email pa ako ng mahalagang sulat para sa tiyuhin ko na nagtatanong sa renobasyon ng bahay niya. Renobasyon ng bahay ang napasukang trabaho ngayon ni Bert. Siya ang contractor, supervisor. Magaling pala siya dito dahil may natural siyang kamada sa pakikipag-usap sa manggagawa, marunong siya ng manual labor (mula pagsesemento, pagiging tubero, elektronikal na paglalay-out), at may background siya sa accounting. Sinusuwerte rin siya dahil kapag patapos na siya ng isang proyekto sa aking mga kaanak, may ipagagawa naman sa kanya ang kanyang kapatid, o kamag-anak mula sa kanyang kapatid. Wala pa naman siyang propesyunal na lisensya para gawin ito. Minsan niyang nabanggit na ibig niya. Pero mukhang ok namang wala. "Dito sa Pilipinas, kahit wala kang license to operate pero may pondo ka, hala, sige."
Kagaya ng nakasanayan na rin dito sa bahay magmula nang unang mag-usap ang magkapatid ng harapan sa webcam, eksaktong alas 10 ng umaga ay tumatawag na si Nick. Sinet-up ko na lang ang laptop sa katabing mesa para doon na ako maghanda ng leksiyon para sa 2 subject. Mukhang naging mali ang aking pasya na ilagay roon ang aking kompyuter. Mas maganda siguro kung naglibrary na lamang ako't sa department na ako nagpaprint. Pero hindi rin naman sayang ang oras. May mga napag-usapan ang magkapatid na sa tingin ko'y malaki rin ang naitulong para sa isa't isa, at pati na rin sa aming mag-asawa'y may naklaro rin.
Noong una, masaya ang usapan nila. Linagay ni Nick ang laptop sa kanyang garahe, katabi ng kotse ng kanyang anak (na wala raw transmission, modernong moderno, wika ni Bert.) Nagbukas ito ng Smirnoff vodka. Inggit na inggit si Bert dahil hanggang kape lamang ang kanyang iniinom. "Magpadala ka naman ng ganyan dito, para matikman ko." Hiling ito ni Bert, matapos malaman na ang vodka dito sa Pilipinas na Absolut ay hindi naman "real thing" kasi hindi galing ng Russia, di tulad ng Smirnoff o Stolichnaya. "Magaling lang ang packaging ng Absolut."
Napag-usapan nila ang mga patakaran ng gobyerno doon sa US na ibang iba sa Pilipinas. Tampok doon 'yung hindi mo pupuwedeng suhulan ang isang police officer dahil baka makulong ka pa. "Yung may isisingit ka sa lisensiya mo na dolyar, aba, mapapahiya ka lang dahil ikaw ang aarestuhin at ikukulong." Pitong libo mahigit ang kinikita ng mga pulis doon, kaya bakit naman sila magkaka-interes sa barya? Ganu'n rin ang kalagayan ng teacher sa elementary o middle school, na ang starting salary ay isang libo limang daan pataas. "Di gaya sa Pilipinas na tatawagin 'yung estudyante na pumunta sa bahay niya para linisin 'yun, lalo na kung tagilid ang marka. O 'yung kailangan pang magbenta ng longganisa." Kahit ang freeway na dati rati niyang kinatatakutan na pasukan ay, sa bandang huli, naenjoy na rin niya. Mas mabilis ang takbo, nakakahilo sa umpisa, pero kapag nakasanayan, higit pang mas mabilis na paraan para makarating ng mabilis sa paroroonan. Hindi lang dahil modernong moderno ang Amerika pagdating sa mga materyal na bagay kagaya ng plasma tv, digicam o kotse. Kapag nag-uusap sila ni Bert, maalala mo 'yung set-up na napapanood mo sa Back to the Future or varieties of it. Isang sayantist ang magpapakilala ng mundong mangyayari pa lang, at natutuwa ang taong mula sa nakaraan dahil tila binibigyan siya ng kapangyarihang "baguhin" ang mangyayari pa lang.
Siguro, obertura lang ang mga pag-uusap na ito para sa naging liko ng kumbersasyon. Nang makumusta ni Nick ang lagay ni Ex, naging emosyonal na. Masakit marinig na tawaging isa't kalahating tanga ang nabanggit na kapatid. "Matagal na siyang ginagantso ng asawa niya, pakisabi sa kanya, gumising na siya." Naungkat ang paraan na ginawa ng mga magkakapatid para tulungan si Ex -- ang mahabang master narrative na dinala sila sa Davao, kung paano sinagot ang tuition ng mga bata, kung paano rin tumulong ang lahat ng mga kapatid na nasa Pilipinas, mula Baguio hanggang Quezon City. Kabit kabit na ang pagkakaungkat, parang tanikalang kalawangin na lagi lang na nakatago sa diwa ng isa't isa. Ipinaliwanag ni Nick kung bakit sumasama ang kanyang loob sa nangyayari -- at dito'y lubos ko siyang naiintindihan.
Sa mahabang panahon ng pagsasama nilang mag-asawa, kung masasabi mang pagsasama iyon, hindi niya talaga nakasama ang asawa sa tunay na mga tagpong kailangan niya ito. Lahat daw ng tinanong ni Nick ukol sa kondisyon ni Ex ay naniniwalang may ibang pamilya ang asawa. At lahat sila ay nagtataka kung bakit hindi pa niya iyon kinukumprunta. Inulit ni Bert ang naging sagot niya sa akin noong minsang itinanong ko na rin sa kanya ito. "ano'ng gusto mo magRambo sila?"
Bakit hindi, sa loob loob ko. She has every right. Saan ka nakakita ng isang pamilya na ganu'n kamahal ang isa't isa na isasakripisyo kahit ang katahimikan ng sarili nilang pamilya, kagaya ng nangyari sa amin ni Bert? Na ngayon lang niya inamin na ganu'n pala kalala ang sitwasyon at buong akala ko noo'y kami ang kanyang inabandona? Nagkasabay sabay iyon sa isang pangyayari rin ng aming buhay sa pamilya -- nakaratay ang tatay ko noon sa sakit niyang kanser sa baga. Pero gayunpaman mahalaga na marinig ko kay Bert 'yung sorry ukol sa bagay na ito.
Well, ano'ng kuneksiyon ng lahat ng ito sa aking pagtuturo? Nadrain ako emotionally, gayundin sina Des at Bert. "Kausapin niyo si Ex," ang paulit ulit na bilin ni Nick sa dalawa pa niyang kapatid. By this time, lasing na siya at nakahandusay na sa gilid ng kanyang kotse. Nag-aalala sina Bert na baka iwan niya na bukas ang pinto ng garahe. Paulit ulit rin nilang sinasabi sa kanya na isara na iyon. At isinara na nga niya. Naglog-off na.
Lumulutang ang diwa ko nang pumasok ako sa unang klase. Humiling ako ng moratorium. (At walang kamalay malay na ang salita palang ito ang ginagamit sa pagrerestructure ng utang sa government housing loans.) Sinikap kong maging sinsero sa pagtuturo, pero nabigo ulit ako. Mabuti, hindi kagaya ng dati, hindi ako naging emosyonal. Hindi malimutan ng dati kong estudyante halimbawa na umiyak ako sa klase pagkaraan ng isang away mula sa bahay. Ayaw ko nang mangyari iyon. Parang katulad iyon ng di sinasadyang pagdumi ng bata sa salawal. Napapahiya ka, tao ka, oo, pero napapahiya ka.
Kahit ang ikalawang klase ay hindi rin naging maganda, bagamat akala ko'y napaghandaan ko na ito. Naging defensive ang stance ko unconsciously -- na humantong rin sa resolve ko na huwag nang ituro ang artikulong "Ika-Anim na Utos" -- dahil pirme na lang akong humaharap na tila ako ang pinaka makasalanang babae sa mundong ibabaw. Hindi mapigilan ng kabataan na isiwalat ang nasa isip nila. Kagaya ko rin, bilang manunulat, na hindi macensor ang sarili sa pag-iisip at pagsulat mismo ng naiisip. Noon magpahanggang ngayon, tanggap ko na na hindi kami kailanman magkakasundo ng institusyon ng simbahan -- lagi nitong gagamasin ang mga kamalayang katulad ko, dahil mapanganib kami sa sangkalupaan ng mga masusunurin. (Kaya nga ang running joke ko sa anak ko'y kapag nagkita kami sa langit, batiin niya ako. Tiyak na hindi ako mapupunta roon dahil sa baba ako madedestino.)
Saan hahantong ang pag-uusap kanina nilang magkakapatid? Sa palagay mo ba, makikinig ang nasabing partido sa suhestiyon ng nagmamalasakit mula sa malayo? Mananatali marahil ang dating sistema -- uuwi at uuwi pa rin sa Marikina ang ama, magpapanggap ang pamilya na siya'y ama, at saka lilipad muli pabalik sa trabaho sa Saudi. Magpapadala ng sustento, na habang tumatagal ay pahirap nang pahirap na pagkasyahin ng asawa. "Hindi pa kasi tapos ang bunso." Lalong nanggalaiti si Nick sa katwirang iyon. Kasi, bakit ipuputong sa ulo ng isang sinungaling ang karangalan na pinagsikapan niyang maipagtapos ang anak, samantalang wala naman siya roon?
Unfair siguro dahil nagampanan naman ng amang iyon ang papel niya for the first ten or so years? But then the wounds have gone so deep that hey have festered. May malasakit kaming lahat sa aming kapatid (at isinasama ko na ang aking sarili rito) pero ang ibig ko'y mas maging confrontational. Putulin na ang anumang ugnayan doon. Huwag nang umasa at all sa padala. Para wala na rin siyang kapangyarihan. Pero ganu'n lang ba kadali? Nariyan na ang pagmamahal ng asawa, ang pagmamahal ng mga anak. 'Yun ang pinakamabigat na hadlang para magising. Isa pa'y ang pag-asang magkakatotoo rin balang araw ang pagkabuo nilang muli, bilang isang pamilya.
Sabi ko na. Ang pag-asa ang nagiging sanhi ng pagkabaliw, at pagpili na hindi talikuran ang isang toxic nang pagsasama.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment