Malawak ang lupaing sakop ng Sacred Heart Novitiate. Malamang aabutin iyon ng dalawampu o higit pang hektarya. May gubat ng mga punong balete, apitong, lauan, narra. Isang gubat na maamo, isang gubat sa gitna ng lunsod. Nagtatagisan ang mga sanga sa driveway pero hindi naman nananakmal ng isa't isa. Mahaba ang driveway paloob. May dating ang lugar na tila ibinababad ang lupa sa tubig ng matagal hanggang sa tubuan na ito ng lumot. Panahon pa raw ng mga Amerikano ito naitatag, 1933 daw. Puti ang kabuuang monasteryo at kapansin pansin ang stained glass nitong mga tagiliran. Sa loob ng monasteryo, mamula mula ang mga tiles. Kapag nakatapak ka na sa loob ng gusali, tila may bulong na sumusunod sa iyo habang ika'y naglalakad. Tahimik ang pasilyo gaya ng hiningang inaasahan sa isang simbahan. Gustong gusto ko ang gusaling ito at matagal ko nang binabalak na pumunta rito't magsulat. Kahit ilang araw lang. Nakapagtanong na rin ako. Aabutin raw ng anim na libo ang isang linggo.
Hindi na masama. Ang kaso, kailangan ring i-adjust ang sariling iskedyul. Kahit tila walang mga panauhin ang novitiate, ito pala'y isang retreat center na bihirang mabakante. Dinadayo ito ng mga kabataang estudyante ng catholic schools, ng mga kasapi ng Couples for Christ, at iba pang relihiyosong organisasyon na hindi ko na inalam.
Walang telebisyon, Wala ni alingawngaw ng radyo. Napaliligiran ng bukid, bagamat tanaw mo rin ang mga tumutubong kalsada, hayun na ang pundasyon ng mga itatayong subdibisyon, parang ngipin ng bata ang mga kongkretong gila-gilagid. Sa loob ng gusali, may maririnig ka pang unga ng kambing. May porsiyon ang gusali na laan para sa pagkain ng almusal, tanghalian at hapunan. Ang sabi, dito raw tumungo si Amado V. Hernandez noon. Hindi malinaw kung bakit napadpad ang makata roon, kung para ba makipag-usap sa Diyos o para pa sa ibang bagay.
Setting ng isang eksena sa nobela ang retreat house na ito, para sa pagpapalawig ng kuwento ni Jo.
II. pagpapatuloy, Enero 25
Ang totoo, asiwa rin akong ilimbag sa blog na ito ang mga bahagi ng aking sinusulat. Baka mabasa pa ng mga tao. Pero, naiisip isip ko pa rin, e ano? Kaya ka nga nagsusulat. Iniisip ko na bahagi rin ito ng creative process ng pagtatapos ng dissertasyon. Pero, bunga na rin ng kawalan ng impormasyon sa kung paano ba magpost ng file sa blog, hindi ko maidikit ang natapos ko nang kuwento (kabanata) ukol kay Jo.
Ang porsiyon ng kuwento ni Jo ang tila "misplaced" na bahagi sa buong narratibo. Kuwento ito dapat ni Antonio, dahil siya ang peregrino, o ni Papang. Pero kamalayan ni Jo ang nananaig. Si Jo ay tinimpla mula sa dati nang karakter na si Laya Dimasupil mula sa Makinilyang Altar. Ang pagkakaiba lang nila, so far, ay ang pangalan. Hindi ko na rin gaanong binutingting sa borador ng ika-2 nobela ang backstory ni Jo. Basta, siya 'yung asawa ni Antonio na laging nasa background lamang, tinig na nagpapaala sa asawa ng iniwang lupain, sa partikular, ng iniwang tahanan. Kaya nasa Sacred Heart Novitiate si Jo ay dahil kasama na naman siya sa isang writers workshop, at may kung ano na nasa lugar na iyon na nagtutulak sa kanyang kumpruntahin ang sarili.
Gaya ng aking panaginip ukol sa attic. Wala namang attic ang bahay namin, pero sa panaginip, natuklasan kong may bukod na palapag pala sa itaas nito. At kumpleto halos ang gamit: libro, laruan, bisikleta, camera, kama. May sahig ring halos eksakto ng sahig sa "totoong" yunit na aming tinitirahan. May pamilyang umuuwi roon. May lola, may tatlo pang tauhan na hindi ko na masino ang mukha. Naroon pa nga sa attic ang nanay ko, mas bata ang kanyang edad, mga kuwarenta rin, kasingtanda ko. Suot niya 'yung damit niya lagi sa Montalban: maong na bellbottom, tshirt na pamigay sa hardware, asul. May inaamoy amoy siyang mga damit. 'Yung nanay ko, may inabot sa aking pares ng shorts? o palda? mula sa isang kahon na parang sa Gragero's underwear. Tumatanggi akong isuot iyon dahil hindi sa akin. At tamang tama naman na dumating na 'yung pamilya. May carcass sa loob ng bahay na iyon, sa attic na iyon, na alam ng nanay ko, at alam ko rin. Pero bakit hindi nangangamoy, at bakit parang wala lang na nakasupot iyon na parang hamon na pinuslit? Parang boarder pa nga na masungit ang dumating na pamilya, na parang nainis na naroon kaming mag-ina sa espasyo nila. At bago natapos ang panaginip, takang taka ako kung paano nakakapasok ang mag-anak na iyon sa loob ng aming bahay. At kung paano ko hindi mamamalayang naroon sila, gayong halos buong kisame ay sakop ng kanilang palapag? Ayon sa dream dictionary, ang attic ay sumisimbolo sa mga repressed na alaala na nabubunyag. Na kailangang kumpruntahin ng nananaginip. Simbolo rin daw ito ng higher self.
Ginising naman ako ngayon ng tila katuluyan ng panaginip sa attic. Isang pagsasakdal. Parang sa maliit na baranggay hall lamang. At ako ang nahatulang guilty. Nakikusap ang aking asawa. Pero tila nakapagpasya na ang hukom. May nababasa pa akong dokumento -- "no previous criminal record". Sa hindi maipaliwanag na dahilan, naalala ko ang buntot ng isang sinabi sa akin ni Bert: "may mga bagay na hindi na ako magsasalita, may mga bagay na tatahimik na lang ako. At dapat mong maunawaan kung bakit ako nananahimik." Nalulungkot ako sa tuwing naalala ko 'yung sinabi niyang ito. Panay ang bulalas ng aking asawa na mahal niya ako. Pero siguro para mapanatili niya ang sarili kailangang magbukod siya. May mundo siyang hindi ko mapasok. At ang nakakatawa, hindi naman siya ganu'n kakumplikado, ayon sa sarili. Pakiramdam ko hindi naman talaga ako ang pamilya niya. At kung magiging labis akong matapat, hindi rin siya ang aking pamilya. Nasaan ang aking pamilya?
Kailangan ko ba ng pamilya? Minsan, hindi kasing-bilis ng lintek ang sagot ko rito. Minsan, natatagalan akong umoo. At hindi naman dahil hindi ko na mahal ang aking pamilya.
III. pagpapatuloy, enero 26
Kumain kami kanina sa labas. Pananghalian lang. Habang tumitingin ng ilaw si Bert, dumating na ang pagkaing inorder namin. Medyo disappointed ako sa kinalabasan. Lalo na du'n sa catfish salad. Siguro, namiss ko lang 'yung pagkain du'n sa Muang Thai. Sinamahan ko pa si Bert doon sa shop ng ilaw, gusto niyang ikumpirma kung bagay 'yung naiisip niya. Ako ang kanyang unofficial consultant sa mga desisyong gaya nito. Noong huli niya akong tinanong, para naman sa kumbinasyon ng kulay sa pebble path. Natutuwa ako na may pinagkakaabalahan si Bert, at natutuwa rin ako sa magandang pakikisama at samahan niya sa aking ina, pati na rin sa aking mga kapatid. Bago kasi ang pananghalian, sinamahan ko pa siyang maningil ng upa sa bahay namin sa Don Jose. Nabalitaan ko na lang na nagkahiwalay ang mag-asawang nakatira doon, at medyo nalungkot rin ako. Bumigay sa selos ang babae, dahil naging mabigat na ang skedyul ng abogado niyang asawa. Bukod sa 8-5 job, may out of town trips. Kumikita nga ng malaki ang abogadong ito, at gusto niyang bilhin ang bahay namin kapag nakaipon na siya ng pera. Para magkaideya ka ng kanyang prosperidad, isipin mong may alaga siyang agila at may civilian guard (na pinsan nga lang niya). Mahilig siyang magtanim ng bonsai sa libreng oras, at kagaya rin siya ng tatay ko na libangang magtanim ng gulay. Ayon kay Bert, may nag-alok na sa abogadong ito ng milyon, pero tumanggi siya. Kinukuwento ito ni Bert sa akin para ipahayag ang respeto niya sa abogadong ito, na legal counsel rin ng eskuwelang pinapasukan ng aking anak.
Sumingit sa aking diwa ang detalyeng ito dahil sa naisip kong nagkakataon lang ba na kapag guminhawa na ang estado ng mag-asawang dating hikahos ay nagkakalabuan sila? Sa puntong ito, hindi ko alam kung maiinggit ako. Parang gusto ko na sabay -- 'yung prosperidad at 'yung pagsasama. Siguro nga, ang yaman ay iba iba. Ang kalusugan ay kayamanan. Salamat sa Diyos at wala kaming mga sakit. Salamat sa Diyos na kahit kasyang kasya lang ang budget sa isang buwan ay magkakasama pa kami.
Ang ayaw ko lang -- walang tigil ako sa kaiisip. Wala akong ka-kuntentuhan. Sa edad na 40, ang tanong na raw ng isang babae ay: ano ba'ng ginagawa ko? Purpose na raw ang key word. Hindi na itsura o damit. Hindi na identidad. Dahil realidad na rin ang pagtanda at pag-eexit. Dahil kapag narating mo na ang 40, kilala mo na kung sino ka na. Kilala ko nga ba?
III. pagpapatuloy, enero 27
Ilang araw na lang at hindi na ako kuwarenta. Kuwarenta'y uno na. Hawak ko nga ngayon ang isa sa tatlong notebook na kaban ng mga refleksiyon para sa Pasakalye. Binabasa basa ko iyon kagabi noong bumukod muna ako sa silid ng aking anak, napagod sa paulit ulit na pagtatalo naming mag-asawa. Ngayong madaling araw na ito, naalala ko na naman ang mga nangyari kanina. Kapag malapit nang matapos ang kanyang kontrata sa reboasyon o konstruksiyon, nagkakaganito siya. Lagi niyang nauungkat na mula nang nagbakasyon kaming magkakaibigan sa Lipa, naging "impediment" na sa akin 'yung pagkukuwestiyon sa legal na basis nito.
Tinanong ko siya, pointblank. Don't I deserve the legal procedure? I do, sabi niya. Pero hindi ko raw ba naiisip na ang dami daming mga Pilipino na ganito rin ang kalagayan? Tuluyan nang nabuwag ang institusyon ng kasal sa karupukan ng mga nagpakasal, na may kanya kanyang mga dahilan kung bakit nagkahiwalay. E alam ba ito ng mga nanghuhusga? Alam ba niyang napakalaki ng mental anguish na hindi ka kasali sa pala-palagay na "morally upright" at nagtuturo ka? At may mental image ang mga kabataan kung ano ka kahit hindi ka nila kilala? Dahil posibleng ang mismong pamilya nila'y winasak ng mga kagaya ko? Gusto kong sabihin sa kanila, kaya nabuwag ang pagsasama nila'y hindi dahil sa akin kundi dahil sa natagpuan ng legal ang tunay niyang katapat, kaya lang nakatali na siya. At ang lalaki ang iniwan, siya ang pinendeho. Pero hindi nagmamatter ito sa mga taong saksakan rin kung magmalinis. Tunay, wala namang ngipin ang batas dito sa bansa. Actually, tama rin ang aking asawa. Nabagabag nga ako. Nagfastforward bigla ang tingin ko sa buhay ko, at natakot ako sa prospect na saan namin pupuluting mag-ina ang aming sarili kung wala man lang kaming aasahan? Oo, tanggap ko nang hindi siya si Donald Trump. Wala naman akong bisyon na may uupuan kaming last will and testament. Ang legal pala na maaring mangyari ay makikihati pa sa aking anak ang dating karelasyon, dahil sa mata ng batas, ganu'n ang nararapat. Sabi ko na nga ba. Kahit hanggang sa bagay na iyon, talo ang babae. Naiinis lang ako sa sarili ko dahil naging napaka-careless ko sa aking kinabukasan. Isa rin pala itong pagpapatiwakal.
Ito ang tunay na dahilan kung bakit iba ang hubog ng karakter ni Jo sa karakter ni Laya. Ang identidad ni Laya ay anak siya ng manunulat na naghahanap ng sariling tinig. Samantala, ang identidad ni Jo ay naghahanap siya ng legitimacy bilang asawa.
At ano ang kaugnayan ng Sacred Heart Novitiate sa lahat ng pagmumuning ito? Iniisip ko lang na 'yung pagreretreat ni Jo sa lugar na iyon was actually an excuse to forgive herself for what she is about to do. Dalawang bagay lang 'yun -- leave her husband, or kill herself. (Pero puwede ring echo lang ang eksenang ito ni Jo ng isa pang eksena, na wala si Jo kundi tampok ang asawa ni Mitoy, si Fiona. Same options. Pero ang pinili ni Fiona, leave the husband. Pinag-iisipan ko pa ng mabuti kung tama ba 'yung artistic decision na piliin ni Jo 'yung kill herself option. Kasi parang napaka-derivative ng mga nauna nang modernist works. Besides, kung hindi ito masugid na naforeground, 'day, ang corny nito. Baka sa halip na maging poignant e maging comic. Pero puwede rin na bungled 'yung suicide attempt -- ganu'n talaga siya kapalpak. Ewan. Hindi ko pa alam. Basta ang tiyak ako, ang desisyon ni Jo ay kunektado dapat sa desisyon rin ni Antonio na umuwi. Isa pang option, what if ang gagawa ng pasyang ito ay si Wanda, at hindi si Jo? Equally powerful? Hmmm.)
Kakatwa ang desisyong magretreat kasi hindi naman pinalaking Katoliko si Jo. Laging critical ang standpoint ng mga magulang niya sa faith na 'yun, lalo na ang tatay niya. Bukod sa hindi na ito nagsisimba, pinagsusunog nito ang lahat ng mga akdang may kinalaman sa pananampalataya -- Bibliya, Mauriac, Moore. Ipinatapon ang mga santo sa altar. Akala mo nga hindi nag-aral sa UST. (O mas kapani-paniwala na galing nga siya doon?) Sa indiskrimasyon ng pagtatapon, hindi naman mahalaga kung ikaw ang sumulat ng Gospel o isa ka lamang medium para palaganapin ang christian faith as redeeming sa mga sinulat na katha. Wala na akong espasyo para sa iba ko pang libro, para sa mga mas mahahalagang libro, iyon ang katwiran ng tatay ni Jo. May mga alaala si Jo na linalampas-lampasan nila ang selebrasyon ng Pasko. Walang rega-regalo. O kahit na mahal na araw, Biyernes Santo. Doon pa siya magpapaluto ng corned beef.
Total opposite ito ng nanay ni Jo, na nangarap na maging madre noon. Na naniniwalang may kaluluwa ang bawat bagay, bago pa nauso ang mga New Age shit. Na laging nangangaral kay Jo, para tumigil ang mga bangungot niya, na laging magdasal bago matulog, at pagkagising. Malalaman ni Jo na hindi lang pala siya ang nakaranas ng sangandaan bilang katolikong babae. Dahil na rin sa pagproproseso ng tiyuhin niya (si Mitoy) ng mga papeles para ma-annull ang church marriage nito sa asawang paulit ulit siyang pinendeho, mababasa ni Jo mula sa isang dokumento na sinulat ng ina ang pagkakadawit nito sa isang sitwasyon na hindi niya akalaing maiisip man lang nito: ang magpalaglag. Sa dokumento, ginamit na rason ang paghikayat ng dating karelasyon ni Mitoy, si Fiona, na gawin ito ng nanay ni Jo. At the very last moment, nagbagong isip si Emilia, ang ina ni Jo.
Iniisip ko 'yung senaryo ng eksaktong pagpunta ng maghipag sa klinika. Isang may kuwarenta'y anyos na babae, may-asawa, na sinasamahan ng isang may trenta anyos na babae. Nakasakay silang dalawa sa bangkang de motor para mapuntahan ang klinika na nasa kabilang pampang. Malungkot ang mas nakatatandang babae, masuka suka sa pagtanaw sa mga lumulutang lutang na water lily sa mangitim ngitim na tubig, halos kabahan na may makikitang lumulutang lutang rin na laman doon -- saang pelikula ko nga ba napanood ito? Si Gina Alajar at Sandy Andolong, kasama ang boyfriend ng karakter ni Alajar na si Philip Salvador? Makararating ang dalawang babae sa klinika, kung saan ang duktor ay hindi mo rin aakalaing gumagawa ng prosesong ito na pagkitil ng buhay. Siya 'yung 'tipong makakasalubong mo pa sa mga cursillo, 'yung tipong palasimbang mama na makiki"peace be with you" sa 'yo, may kotseng puti na may rosaryo pa na binasbasan ng milagrosong tubig ng Agoo. Sa kritikal na sandali ng pagtanggi, paano kaya natapos ang eksena? Iniwan ba ng nakatatandang babae 'yung isa pa sa klinika? Ano'ng pumasok sa diwa niya noong nagdesisyon siya?
Samantala, may nakita akong entry sa journal ng Pasakalye na sa tingin ko'y magagamit ko sa konstruksiyon ng eksena ni Jo. Itinatala ko kasi sa aking journal ang mga balitang nasasagap ko, isa lang sa maraming mga balita, na dumadaloy sa araw araw. May inang linaslas ang leeg ng kanyang limang taong gulang na anak. Patay. Hindi pumanaw ang bata dahil sa paglaslas mismo, kundi sa kapurulan ng instrumentong ginamit. Ang isa pang anak, 'yung bunso, na sanggol pa lamang, ay linaslas rin. Patay. Ipinakita sa telebisyon ang suspekt. Hindi katulad ng inaasahan nating itsura ng baliw na ina: tulala? umiiyak? nagmumukhang Sisa? Hindi. Nakaupo lamang siya, ni walang bahid ng luha, hindi mukhang baliw, parang pagod na pagod lang, kagaya marahil ng aking mukha kapag napagod sa maghapong pagwawasto ng papel at humihigop ng kape.
Ipinakita sa telebisyon ang itsura ng asawa niya: lalakeng may kuwarenta anyos mahigit, payat, bakas sa pananamit at galaw na walang trabaho, lasing. Parang hindi pa niya nauunawaan ang pangyayari. Sa pagitan niya at ng kanyang asawa, siya pa ang mukhang wala nang ulirat, dahil hindi makontrol ang pagbibiling ng kanyang leeg sa kaiiling. Sabi ng voice over ng reporter, ipinauubaya na lamang daw ng mag-asawa sa DSWD ang mga anak nila habang wala pa silang mga trabaho. (May pakiramdam kang bola lang 'yung voice over kasi pa'no mo ba kakausapin ang dalawang taong kagaya nito matapos ang trahedya? Alangan namang itanong mo kung kumusta na sila di ba?) Binigyan ng network ang pamilyang ito ng ilang mga items para makapagsimula ng "negosyo": supot supot ng korniks, skyflakes at iba pang mga junk food items na matatagpuan sa bilihan ng tinging sigarilyo't kendi. Dulo ng segment, klaro na 'yung network ang bida, ang mga tagapagsagip. Dulo ng segment, masama't pabaya ang mga magulang, lalo na 'yung ina, na bukod sa pinakitang walang luha'y finocus pa ang kutsilyong ginamit sa paglaslas: kinakalawang na't mukhang nagkakahalaga lamang ng beinte pesos.
IV. Resolusyon
Masyadong sprawling ang tubo ng aking mga iniisip. Hindi ko na namalayang nawaglit 'yung dalawang opsiyon na binabanggit ko kanina, ukol kay Jo. At sa puntong ito, mukhang identifiable na rin sa akin 'yung major theme sa nobela: ano ba ang ibig sabihin ng pagsasama? Ano ba ang saysay ng pag-aasawa? Ano ang mangyayari sa pagsasama kapag binabatak ito ng hamon ng paghihiwalay dala ng pangingibang bansa? Mauulit ang temang ito hindi lang sa Pasakalye, o sa Mobilidad, kundi pati na rin sa 11 Chopin St. Habang nababalahaw pa ako sa kabanata ukol kay Antonio, itutuloy ko muna siguro 'yung Chopin segment.
Si Chopin ang pinakaromantikong kompositor ng 17th century, ayon na rin sa Wikipedia. Marami siyang sinulat na mga piyesa para sa piano, at marami siyang mga innobasyon sa paglikha, kabilang ang popularisasyon ng etude. Pinakadakilang kompositor raw siya ng piano. Bukod sa etudes, nakasulat ng mga polonaise (may dagundong ng digma't hidwaan), waltz (ang ballroom), nocturnes (tagpuan ng mga magsing-irog sa ilalim ng buwan), at ballades. Promising na sana ang career niya pero umalsa ang mga mga Polish sa mga Ruso. Nabigo ang himagsik. Nagkaroon ng rehimen ng batas militar, na naabutan ni Chopin sa Warsaw. Napilitan si Chopin na lumisan, at manirahan na ng tuluyan sa Pransiya. Trenta'y nuwebe siya nang mamatay, sa sakit na tuberkulosis. At siyangapala, naging kalaguyo siya ng nobelistang si George Sands. Pero mas interesado ako doon sa naging kapalaran ng piyano niya -- na winasak ng rehimen, nang literal itong itinulak palabas ng bintana. (Parang sa Looney Tunes cartoon.) Gusto ko 'yung image na 'yun at itinago ko ito sa aking utak, may kutob akong magagamit ko sa hinaharap sa narratibong ito.
Kinikilala ko ang kompositor na ito kahit na hindi ako nakatira sa isang pamamahay na balot ng alpombra, may Victorian inspired na muwebles, na may mga putaki-putaking platito ng mga tirang pastry o linalanggam na mga prutas. Tumubo ang inspirasyon ni Chopin sa espasyong may maalikabok na kuwarto't may bumabahing na babae na nagpupuyat ngayon sa pag-eencode ng mga unang salta ng isip.
Sa totoo lang, aliw na aliw ako sa aking ginagawa. Unti unting lumilinaw ang mga tema, kahit na nalulula na ako sa inaabot ng mga kuwento. Mahuhulog at mahuhulog rin ang mga pirasong ito sa dapat nilang kalagyang lugar. Kailangan ko lang na pagtiyagaan ang kanilang pamumukadkad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment