Ito ang aming sala. Walang kakaiba: may telebisyon (hayun pa nga ang remote control na nasa foreground), may electric fan, bookshelf, at dalawang kolum ng magkakapatong na mga plastic shelves. May coffemaker na sumisilip sa likod ng mga plastik na kahon. Doon ang kusina. Nasisilip mula sa larawan ang kitchen table na pinagpapatungan ng mga thermos, kape, asukal, coffee creamer, mga spices at condiments. Doon, sa kasuluk-sulukan, matatanaw ang mga abubot ng aking asawa. Ang tray na kahoy na naglalaman ng mga pako, isang supot ng mga construction tools. Ang bahay ay kumbinasyon ng talyer at library. Mababaliw marahil ang isang host ng house make-over dito. Bukod sa walang papayag na isuko ang kaayusan ng kalat, wala rin akong naitatabing pondo para magmukhang kahali-halina ang espasyo.
Ito ang litratong ibinubulaga ko ngayon sa blog na ito dahil ibig kong magkomentaryo sa kung papaano ako nahuhubog ng espasyo. Malapit lang sa eryang nakalarawan ang aking mesang sulatan, kung saan naroroon ang computer at ang mga gadgets na kasama nito. Ilang oras pagkaraan ng log in ko dito sa blog na ito, inaasahan na namin ang tawag ng kapatid ng aking asawa, si Nick, na nakatira na ngayon sa Nevada. Naging regular na ang pag-uusap nila ni Bert at para na rin namin siyang kapitbahay dito.
Ipinakita niya, halimbawa, ang interior ng kanyang bahay. Nagsimula muna sa maliit. Dahil pagabi sa kanila (mga 8:00 pm daw) habang patanghali sa amin, kumakain sila ng hapunan habang kami'y kakain pa lang ng almusal o pananghalian. "Sandali at titingnan ko muna ang binebake ko." Nagtungo siya sa kusina at linabas ang tray marahil, inalis ang steak, linatag sa hapag. Si Bert ang kausap niya, at bigla itong nagtanong, "Ano 'yung coldwrap?" Sabi ko, "hindi ko alam." Naghahanda na ako ng materyales para sa klase ko kanina. Bumalik muli si Nick sa screen, at tinatanong niya kami kung magkano ang salad dressing na ganu'n kalaki sa Pilipinas. Sabi ko, mga 150 plus. Nanghuhula lang ako. Sa totoo lang, nakastock pa rin sa ref ang naisipan kong bilhin na mga dressing. Wala pa namang isang taon. Tinoyo ako noon na kumain ng salad noong kasagsagan ng aking determinasyon na magbawas ng timbang sa pagkain at sa gym. Sa dulo, nakornihan na rin ako sa lasa, bukod sa nahihirapan rin akong bumili lagi ng sariwang letsugas at kamatis na malalaki. "Ganda ng kusina mo Nick, ha." Talaga ngang maganda ang kanyang kusina -- maayos ang cabinet, may workspace, may dishwasher. Makalat ang pinaka-espasyo ng handaan ng pagkain. At hindi naman dapat asahan na lilitaw doon si Martha Stewart. Walang katulong doon kaya siguro toka toka rin ng gawain. Mukhang ikinalulugod naman ni Nick ang magluto. "Ganyan naman kami pinalaki. Kahit ang mga lalaki'y marunong magluto," sabi ni Des. Tuwing nasasabi nga niya ito'y nanliliit ako dahil natuto lang akong magluto nang mapilitan, mula sa pakikisama, at mula rin sa sariling gutom.
Pamaya-maya, hindi na lang interyor ng bahay ang ipinakikita. Natapos na sa tour ng kuwartong maluwag na may magandang kama (puting bedsheets); dining area; banyo; porch. Nagtungo na sa garahe, na automated ang sarahan ng pinto. Pinakita ang kotse. Mahal daw maningil ang mga mekaniko. "Aabutin daw ang repair ng 900 dollars kung minsan," sabi ni Bert sa akin.
"Aba'y yayaman ka doon Norberto," ang pabiro kong wika. Nagkutingting ng makina, pinakita kay Bert ang engine nito. Laptop camera lang ang katapat ng mga mata. Impressed na impressed si Des sa bahay, sa kotse. Umabot ang tour sa pakita ng refrigerator at ang nilalaman nito. Ang hamon, ang bacon, ang tray ng mga itlog. A virtual "paradise" -- isang bisyon ng "home" na napapanood lang namin sa cable, 'yung tipong may wall to wall carpetting at may nagdedemo ng pagluluto ng 30 minute meals gamit ang mga teflon coated pans at kuntodo sa mga ingredients. Ang realidad dito sa Pilipinas ay ibang iba, kahit may counterpart pang masasabi sa mga lifestyle shows o may mga bahay ring ganito ang tabas sa mga exclusibong subdibisyon.
Sa kabila ng lahat ng ito, maalala pa rin ang fable ni Aesop tungkol sa country at city mouse. And I don't mean to be mean by saying na naiinggit man kami sa buhay na nakikita namin sa camera, naiisip rin namin ang kapalit. Wala kang maasahang suporta mula sa mga pamilyang malapit lang. Ang kapitbahay, kapag nairita sa tahol ng iyong aso ay puwedeng tumawag ng pulis para patulugin iyon. Ang pagdisiplina sa anak -- ang okasyonal na palo -- ay ipinagbabawal. Child abuse. Ang away mag-asawa ay naiinterpreta bilang battery o domestic violence. Sa Amerika, ang comfort ng tao'y ubod ng taas na ng standard. Ironically, habang pataas iyon ng pataas, mas lalong nadedetach ang tao sa comfort na iyon. Ibang iba ang ginhawa sa comfort.
Ang ginhawa, ayon sa wika natin, ay sumasaklaw mula sa kaluguran ng pisikal na kontak (yakap, halik, haplos), pagkakontento sa pagkain, kaligtaasan sa ginaw o init, kalayaan sa anumang dusa o pahirap. Kung may comfort na iginigiit ang mga middle class homes at lifestyle network, ang ginhawa'y iginigiit rin ng mga nagtatanggol ng mga karapatang pantao. Siguro, hindi naman talaga black and white na mga city mouse o country mouse kami. Maybe we are a little of both. Wala ring mas nakatataas, dahil relatibo ang karanasan at pagbasa sa ginhawa o hirap na dulot ng mga karanasan.
No comments:
Post a Comment