Kung may nakakatuwang bagay sa nanay ko bilang subject ng litrato, ito 'yung wala siyang pakialam sa rehistro ng mukha niya sa litrato. Hindi niya alam ang angle, hindi siya nagmake up ni minsan, kahit noong nagtratrabaho pa siya noon bilang accountant. Ang batang kalong niya sa litratong ito ay ang bunso kong pamangkin, si Sophie. Hawig na hawig ang bata sa nanay niyang si Teya noong musmos pa ito. May kuha sila ng aking ina na parang ganito rin, maliban na lang sa edad ng nanay ko. Sa litratong iyon, wala pang 40 ang aking ina, at si Teya'y mga dalawang taon. Katulad ni Sophie, hindi rin nakangiti ang batang si Teya sa litrato. Nakaharap ang nanay ko hindi sa camera kundi sa karga niyang anak. Pensive ang mukha niya sa litratong iyon. Hindi ko na maalala kung kinunan ba ang litratong iyon sa Project 6 o sa bahay sa Montalban? Mas malaki ang probabilidad na sa Project 6, dahil medyo mataba pa si Teya, at alam kong noong mga pito hanggang siyam na gulang siya marahil, nasa Montalban na kami nakatira.
Halos ermitanyo na ang nanay ko ngayon. Hindi na lumalabas ng bahay, maliban na lang kung maggrogrocery. Dati, nakakasama ko pa siya sa mga ukay ukay, sa mall, sa sine. Nakalalabas rin kaming magkakapatid noon. Pero nitong mga huling taon, lalo na noong nagsettle na sila sa Firenze at pumanaw na ang aking lola, sa bahay na lang siya, naghahalaman, nagluluto, naglalaba, nag-aalaga ng mga apo. Ang nanay ko'y payak lang ang mga kaligayahan. Ni hindi niya natikman ang materyal na ginhawa. Kahit nakatira pa siya ngayon sa isang magandang bahay sa Villa Firenze, kontento na siya sa payak rin niyang pamamahay. Hindi sumasapat ang mga salitang naititipa ko ngayon sa keyboard para maunawaan ng mambabasa na siya ang pinaka payak na nilalang na nakilala ko sa aking buhay. Siya ang una kong guro. Siya rin, bukod sa aking ama, ang tunay na humubog sa pagtingin ko sa sining. Ngayon, nasasaksihan kong muli sa pag-aalaga niya sa kanyang mga apo 'yung parehas na open attitude sa environment. Pababayaan ka ng aking ina na hanapin mo ang iyong sarili. Binabasahan niya ng mga libro ang mga apo niya, gaya rin ng pagtitiyaga niya noon na basahan kami.
No comments:
Post a Comment