Thursday, January 10, 2008

Hindi Muna Ako Gagamit Ng Mga Larawan

Awtomatiko na akong nagigising ng alas tres ng umaga. Kahit ga'no ako kapagod, o kahit pa puyat rin noong nakaraang araw. Nakakapaggym na rin ako ng mas madalas. Talagang pinagsisikapan ko na patuparin 'yung maxim na "a sound mind is a sound body". Kay rami na ngapalang nangyayari sa paligid na hindi ko na nababanggit rito. Natuklasan ko na lang kaninang tanghali, bago ako pumasok sa klase, na ang natupok na Narra Dorm kahapon ay inabandona na magmula pa noong Oct, 2003. Apat na taon na palang mahigit, at nadadaan-daanan ko pa, sa pag-aakalang may mga dormers pa roon. At saka ko rin lang napagtagpi na 'yung panaginip ng orchids na namumulaklak ay kakawing ng pagdaan ko sa dormitoryong iyon-- nasa langit ang mga orkidyas, malalaki, at kulay violeta ang lahat.

Bukod sa balitang pagtupok ng dorm, isang empleyado ng main lib ang tumalon. Kanina ko lang nakumpirma kung sino siya. Wala namang nakakaalam kung bakit, nanlambot lang ako ng malaman kong may naiwan pa siyang mga anak na nag-aaral, dalawa. At dahil sa opsiyon niyang pinili sa pag-exit sa mundong ibabaw, may posibilidad na hindi matatanggap ng kanyang mga anak ang mga benepisyo na para sa kanya. Doon ako nalungkot. Aktibo daw siya sa unyon. Iniisip ko nga kung nakita ko na siya. Madalas rin naman akong pumupunta sa lib noon, kung minsan pa nga'y nagsusulat ako sa archives section dala na rin ng mabait na alok ni Ms. Arlante na maari akong pumunta roon kung gusto kong makasulat. Ang sectiong tinutukoy ko ay ang archives. May isang kuwarto roon -- bukod sa pinaka silid ng mga kahon kahon ng mga manuskrito -- na aircon at nakapagsulat rin ako ng ilang beses roon. Iniisip ko kung nakasalubong ko ang lalaking iyon kahit minsan. Hindi ako makasiguro. Tahimik rin siyang tao. Mapag-isa. Nanghihinayang nga ang librarian na nakausap ko, si Lulu, na hindi na sila magkakasama dahil nadestino na sila sa new building ng arts and letters sa ground floor. Sabay sabay rin sila kasi kahit paano sa pananghalian, o may okasyon rin sila para magkumustahan. Napakahalaga ng maiikling kumustahan para sa mga katulad niya. Alam ko dahil may panahong naiisip isip ko 'yun -- hindi ang pagtalon, masyado akong duwag, kundi ang pag-eexit. Nakakasagip sa katinuan 'yung maiikling kumustahan. Kailangang ipadama sa kapwa guro, o sa kasamahan sa trabaho na ang nararanasang hirap ay dama at nauunawaan rin ng isa. Baka nakatulong pa sa di-kilalang empleyado (alam ko ang pangalan ngunit pinili ko na wag nang banggitin para na rin sa kanyang mga anak) ang malaman na hindi siya nag-iisa. Kahit na single parent siya at ipinagluluto pa ng hapunan ang kanyang mga anak. Kahit damang dama niya ang liit ng suweldo (wag nang banggitin ang mga kaltas sa mga utang) na pinagkakasya sa tumataas na presyo ng tubig, kuryente, gasul, pagkain.

Naging tuloy tuloy lang rin ang klase nang walang nangyayaring kakaiba. Ikinalulugod ko na lumipas na rin ang panahong taranta ako at blangko. Literal na naroon ang aking katawan sa klase pero ang diwa ko'y nasa ibang lugar. Isang manananggal sa campus. Na hindi naman takot sa bawang, na wala namang pangil o pakpak, na hindi naman sumisisipsip ng matris. Isang manananggal na nagtuturo ng panitikan na ibig makasulat ng panitikan, nilalang ng library, hikain, nakasalamin, edad kuwarenta. Buhay pa rin ang manananggal na iyon pero hindi na gaanong lumilipad. Nakapalupot ang identidad na iyon sa isang estrambre na rin ng sinulid na pansamantalang itinago muna. Lubhang mapanganib na pakawalan ng walang responsibilidad. Naawa lang ako sa mga naging estudyante ko sa partikular na semestreng iyon dahil casualty sila sa aking pagkangarag. Kaya bumabawi ako kahit paano sa mga nakaraang semestre. Nagpapaquiz na ako ng regular para hindi na rin masyadong magbibigay ng exam, nagpapaulat ako ng mas madalas at sinisikap ko talagang ibuod at ibahagi ang opinyon ko sa dulo. Gumagawa ako ng panahon para makapaghanda.

Nakasalubong ko rin ngapala si Jun. Siya naman ang huminga sa akin ng kanyang sama ng loob -- "ako naman ang magdradrama ngayon." Hindi ko na iisa-isahin ang kanyang mga sinabi, dahil tiniyak kong isasarili ko na lang 'yun para sa kanya. Ang buod, ayaw niyang magpatakot. Ayaw na rin niyang magpahigop sa intriga. Buhay writer, buhay tibak. Panga-pangarap ng imortalidad sa bansag ng "pambansang alagad ng sining", na nakapanghihilakbot na rin ang interpretasyon ng ibang nasa puwesto, na ginawa na iyong popularity contest o homage machine. Wala naman akong sinabing payo kay Jun. Ako pa? Kumain lang ako ng kakaning kulay berde, na sinabayan ng C2. Pinakita niya sa akin ang kanyang mga pen and ink drawings. Ang gaganda. Naiinggit nga ako. Parang gusto ko na ring gumuhit muli. Matagal na akong hindi nakapagdrodrowing, samantalang noong aking kabataan, ang aktibidad na ito, bukod sa pagsusulat, ang madalas kong gawin. Nanghinayang nga ako na may ilang mga drowing at painting ako na ginawang sobre. Pinadala ko sa mga kaibigan. Kay Lina Reyes halimbawa, na isang mahusay na makata sa Ingles. Ang nangyari, dala na rin ng kanyang "peripatetic lifestyle" ang kuleksiyon niya ng mga sulat ay nawaglit -- tinangay ng baha sa paglilipat lipat niya ng tahanan. Nalungkot ako nang malaman ko iyon. Bukod na lungkot pa ito sa pagkawalay ng mga kaibigan. Ipinagluksa ko rin ang mga likhang hindi ko na kailanman pa makikita. Parang hindi na rin ako ang gumuhit, parang hindi ako talaga gumuguhit, dahil nawala ang bakas.

Pero sino ang makapagsasabi? Baka isang araw mula ngayon, basta na lang akong bumili ng sketchpad at uupo rin ako sa isang tabi at gagawa muli ng mga larawan sa papel. Nahigop na rin kasi ng panulat ang interes kong ito. Nakakapinta rin ako ng mga salita. Parang painting rin ang teksto na halata kung patse patse at amateurish ang brushstrokes, na linalapatan ng makakapal na pahid ng pintura para retokehin ang mali.

Alas kuwatro na. Hindi ko na binubuksan ang draft ng Pasakalye. Nagtatampo na kaya ang mga tauhan na pinaiidlip ko muna? Hinahayaan ko lang. Gigisingin ko nga sila pero hindi ko naman talaga pinapagsalita, e di balewala rin. Para que pa na naging mga tauhan sila? Hindi maari na magpasapaw sila sa ventriloquista, ako 'yun. Gusto ko silang magkaroon ng sariling buhay, ng sariling biyahe. At hindi na muna ako magpapataranta, kahit na may rasong mataranta dahil ito na ang huling taon, at ibig kong makasagap rin ng benepisyo (research) para sa mga magtatapos sa centennial. Ngunit kagaya ng bihag na itinali ang mga kamay at paa sa apat na kabayo na patatakbuhin sa iba't ibang mga direksiyon, hindi ko alam kung hanggang saan ako dadalhin ng pagbabalanseng ito na hindi bumibigay ang aking laman at diwa. Kailangang pagsikapan na manatiling gising, mapanuri ngunit mapamiyaya sa pasasalamat sa mga maliliit na pagsagip, at laging nakatapak sa lupa.

Oo, kagaya nga ng sinabi ni Socrates, "kilalanin ang sarili," at ang buhay ay isang walang katapusang pag-aapuhap dito. Paano kikilalanin ang sarili na iba iba rin minu-minuto, habang umiimbay sa sayaw ng buhay sa araw araw? Guro kaninang ala una hanggang alas kuwatro ng hapon, kaibigan mula alas singko hanggang alas sais. Ina at asawa mula alas sais hanggang alas tres ng umaga kinabukasan. Manunulat mula alas tres hanggang alas singko. At mula alas sais ng umaga hanggang ala una uli ng hapon, ina at asawa uli. Nakokompartamentalisa ba ang sarili kung sino siya sa partikular na patak ng sandali? Hindi yata. Binubuo ako ng maraming mga sarili, at maraming mga pustura, maraming mga diwang nauutal na nasa dulo ng dilang interpetasyon. Makasarili o mapagbigay? Tanga o matalino? Maalaga sa katawan o pabaya sa isip? Hindi ko alam. Isang buong diskurso rin ang mga ganitong kamangmangan.

No comments: