Ito naman si Bert. Kinunan ko siya noong Pasko. Sa may basketball court sa likod ng bahay ito kinunan. Para siyang malungkot sa litratong ito. Lagi rin siyang nakahukot, at nacoconscious nang ngumiti dahil nabungi na ang ngipin niya sa harap. Pinareconstruct niya ang basketball court sa likod. Dati, poste na lang iyon. Pero isang araw, nag-uwi siya ng frame at ilang plywood. Ilang araw pagkatapos, yinayaya niya sa bahay ang mga manggagawa niyang sina Obet at Rey. Linagare, winelding, at pinintahan. Presto! May court na. Naglaro ang mga pamangkin ko sa court na iyon noong bisperas ng Pasko. Pero sasaglit lang. Napunta pa ang bola sa kabilang bakuran at kinailangan pang kalawitin ng patpat.
Isa sa mga naunsyaming pangarap ni Bert noon ang maging propesyunal na basketball player. Aktibo siya noon sa basketball team nila noong hayskul. Magaling daw siya dati sa sport na ito. "Kinulang lang kasi ako sa height." Ibig ni Bert na maging mahilig sa sports ang aming anak. Pero lukewarm ang interes ni Amado sa pagbabasketball. Mas ibig niyang magbisikleta, o di kaya'y magswimming. Pero umaasa si Bert na ngayong naitayo na ang basketball court sa likod, pagprapraktisan nilang mag-ama ang pagshoshoot ng bola rito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment