Sa gabi, bago ako magsulat, umuungot ang asong ito. Buong maghapon siyang nakatali dahil siya ang bantay. Pakakawalan ko siya. Tuwang tuwa ang aso. Halos dambahin niya ako. Panay ang kawag ng buntot, nag-aaya sa akin na makipaglaro. Pero tatapikin ko lang ang ulo niya ng ilang beses, pagkatapos, papasok na muli ako ng bahay. Samantala, maririnig ko ang ingit ng yero sa harapan ng bahay. Dahil hindi siya makadaan sa gate, pipilitin niyang sumingit doon, at sa kasanayan, tila pintong nakaawang na rin ang yero. Naging kasa-kasama ko na sa proseso ng pagsusulat ang aso. Sa ngayon, nasa kanto na siya marahil. Nakaihi na siya ng ilang beses parang matandaan ang pabalik. Baka nakikipagkita sa kapwa aso. Mangangalkal ng basura. Maranasan ang maging asong malaya.
Mahal na mahal siya ng aking anak. Tamo't mas matino pa ang portrait ng asong ito kaysa sa aming mga magulang niya. O baka naman dahil sa vanidad ay naghahanap pa ako ng larawang ikukubli ang mga imperpeksiyon? Siyempre hindi iyon maasahan -- sa kamerang walang patawad at sa anak kong kahit na marunong nang magsinungaling ay nananatiling tapat pagdating sa paglalarawan. Halimbawa, patawid na sila noon ng tulay ng Marikina (ang mababa at lumang bersiyon nito sa tumana na sa tuwing umuulan ng malakas ay "lumulubog" na animo'y hinigop ni Captain Nemo). Kasama niya ang aking asawa, at isang kaanak ni Ex mula sa Zambales na nagtratrabaho noon sa renobasyon ng bahay ng aking lola Salud. Tahimik lang ang biyahe. Magkakatabi silang tatlong mga lalaki sa harap ng van. Ang dalawang nakatatanda ang parang mga book-ends sa magkabilang dulo, si Amado sa gitna. Walang kamukat mukat, nahawakan ni Amado ang tuhod ng kaanak. Ang sabi'y, "Buto." Hawak ulit sa tuhod ni Manong Romy. "Talagang buto." Napahagalpak ang dalawang matanda. Ubod nga ng payat si Manong Romy noong nabubuhay pa ito. Ngunit hindi naman niya ikinahihiya na talagang buto't balat ang deskripsiyon ng bata sa kanya. Bata, e.
Sa pagsusulat, sinisikap kong huwag pakakawalan ang kamalayang kagaya ng sa bata -- 'yung madalas na banggitin ng iba na "sense of wonder". Hindi ko alam kung matagumpay pa rin ako sa bagay na ito. Madalas sa hindi, kapag nirerebyu ko na ang aking mga sinabi, o kahit na ang paglalatag sa mga sanda-sandaling desisyon sa kabuuan ng araw, ang dami-daming beses na hindi ako nagpakatotoo sa diwang iyon. Totoo, naging isang gawing nakasanayan ang mundo. Wala na halos akong pinagtatakhan. O ikinagugulat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment