Thursday, January 31, 2008

Sa mga Sandali

Nagbago ang kalakaran ng pagsusulat ko rito sa blog magmula nang mawala ang aso naming si Bruce, at muli itong magbalik. Hindi ko na siya pinakakawalan, sa hiling na rin ng aking asawa, na nangangambang baka hindi na ito bumalik. Pinahirapan kasi siya ng aso. Hindi ko akalain na magmula pala nang tapikin niya ang ulo nito't nakiskis ng asong iyon ang pisngi sa kanyang kamay, natali na siya rito. Isang araw bago ang aking kaarawan, inikot namin ang community dog pound at baranggay hall. Umaasa kaming may nagdala sa kanya roon. Sa dalawang beses niyang pag-iimbestiga doon, walang Bruce na lumitaw. Iyon pa ring mga beteranong aso ang kanyang nasilip. Makuwento pa nga si Mang Tano -- ayon sa kanya, may isang aso roon na ang may-ari mismo ang sumuko, dala ng pangangagat nito. Sinabi ni Bert, "aba, kung ganyan ang aso, ipulutan na ninyo 'yan." Namamlano na akong bumili ng kapalit na aso, para lang maalis ang lungkot ng asawa ko't anak. Tapos, noong gabi ng aking kaarawan, nang ipinarada ng aking kapatid ang kotse niya dito sa bahay para madala ni Bert sa talyer bukas, biglang nagpakita ang asong iyon. Mula sa dilim. Sabay pa naming naisigaw ang pangalan niya. Pagkaraan lumapit na ito ng kusa sa garahe. Itinali na ng aking asawa. Sabi ni Bert, tila naunawaan ng aso na may atraso siya. Kamuntik pa raw siyang maiyak habang itinatali niya iyong aso. Kung anu-ano na kasing malalagim na wakas ng hayop ang kanyang naiisip.

Dahil sa pagbabalik ni Bruce, at dahil mahal namin ang alagang ito, mas maaga akong nagblablog. Bumabawi ako sa pagtulog sa tanghali, o sa hapong kauuwi ko lamang. May idinudulot ang pagblablog na ito na disiplina. Pakiwari ko, isa akong kolumnista na may editor. Pakiwari ko rin, malaya kong masusulat dito kung anong naiisip ko.

Medyo nalungkot ako para sa isang kaibigan na rinereto ko sa aking pinsan. Hindi sila nagkatugma. Napaka-iksi lang pala ng aking matchmaking career. Hindi pa pala sapat na pareho silang may hitsura, mabait, matalino, may background sa law at parehong mahilig magsulat. Magkakaiba pa rin talaga ng temperament ang mga tao. Ibinulalas ng isa ang interes niyang makipagkita sa maraming mga text, ipinakikilala ang sarili sa text, ngunit hindi iyon naging sapat para magkaroon ng opportunidad na magkita sila. Busy lang talaga 'yung isa, marahil may kaso siyang inaayos, pinaghahandaan. At hindi niya naibigan ang pagtetext. Naging asiwa siya sa labis nitong pagbubukas. Marahil, dapat pinangunahan ko ang aking pinsan at nasabing ganu'n lang talaga 'yung tao. O nasabi ko sa aking kaibigan na seryoso lang ang pinsan ko sa trabaho niya bilang abogada. Pero hindi naman nila ako sinisi. Hindi naman natapos ang isang pagkakaibigang 22 na ang gulang, o ang pagmamahal para sa kadugo.

Siyempre, hindi na alam ng pinsan ko na pinag-isipan rin namin ang pagtetext mismo ng kaibigan. Nangarap kaming magkakaibigan ng magandang kinabukasan nila bago pa man magsimula. Huminto muna sa isang Starbucks ang sasakyan na galing ng Lipa. Pinagkape muna kami ng kaibigan kong rinereto. Nakakatawa nga na para kaming mga sira na nag-iisip ng magandang pambungad para magkakilala sila. Dinownload pa muna ang litrato ng pinsan ko. Natuwa sa nakita. Lalo siyang naging interesado na makilala.

Pero sa kabila ng pagiging accessible ng mga mukha sa internet, at abilidad ng cellphone na magbulalas ng mga nararamdaman, hindi pa pala sapat ang teknolohiya.

Samantala, naidaos ko ng maayos ang aking ika-41 na kaarawan. Opo, kuwarenta'y uno na ako at hindi ko ito itatago. Namili kami ng handa sa palengke, kasama ko ang aking asawa. Noong una, akala ng asawa ko, liempo lang ang aking ipinabibili. Noong nagpapahiwa na ako ng tapa at nagpapagiling ng baboy at baka, umaangal na siya. (Pero binilhan pa niya ako ng cake, at siya na rin ang sumagot sa sangkap ng spaghetti. Masuyong pag-angal lang pala iyon.) Hindi pa rin ngumingiti ang matador. Patuloy ang pagkiskis niya ng kutsilyo sa hasaan. Kagaya ng istereotipong mga matador na kalbo, may bigote at mala-convict ang dating. Magiliw ang asawa niya, kinukuwento sa amin na parang aswang ang lalaki kapag nagpupuyat at naghihintay ng makakatay, tulog daw ang mga ito kapag araw at gising sa gabi. Lihim akong natuwa sa kanyang allusyon sa aswang, sa asawa niyang pihadong hindi naman talaga nakakatakot kundi mabait rin naman.

Mga hipag ko ang nagluto. Dumayo pa si Ex sa amin para iluto ang puso ng saging, spaghetti, at itimpla ang liempo. Si Des naman ang naghanda ng bistek. Hinayaan lang nila akong umidlip. Dala ng kakulangan ng oras, pinasya ko nang hindi pumasok sa mga klase ko noong Martes. Naunawaan naman ng aking mga estudyante.

Mga malalapit lang talaga ang nakadalo. Sina Mama, ang aking mga kapatid na sina Aurora at Manolo, si IC, ang girlfriend ni Manolo, si Julian, pamangkin, at si Le Kim. Nagdala pa ng balut si Le Kim dahil namimiss niya raw ang girlfriend niyang si Emily, na nasa London na. Hindi nakapasa si Emily sa balut initiation test ng aking asawa. Pero pinadalhan pa niya kami ng card upang magpasalamat sa pag-eestima namin sa kanya. Nakadalo rin si Joey. Hinihintay ko si Eugene, pero hindi na nakahabol.

Sa mga susunod ko pang mga kaarawan, sana maging kasing-saya iyon ng nagdaan. Simpleng handa, simpleng pagtatagpo, simpleng kaligayahan.

II.

Sinubukan ko rin na sundan ang kabanata ni Antonio ng isang masinsin na pagtatapos. Muli, bumalik ako sa eksena ng pag-ulan ng yelo, o hale, sa isang highway sa Fujairah. Ang kuwento sa akin ni Bert, pauwi sila noon galing ng Jebel Ali port. Kasama niya ang tiyuhin ko, si Tito Romy. May tinigilan silang gusali -- para sa pagproproseso ng working papers. Naghihintay sila sa labas. Hinihimas daw ng aking tiyuhin ang putaka niya -- 'yong labor card. Parang pag-uunat ng isang laspag na beinte pesos bago isuksok sa paperbill slot ng tren. Malungkot daw ang aking tiyuhin. Alam ni Bert na masama ang pakiramdam nito -- ikalawang araw ng lagnat -- ngunit sumama pa sa overtime nila sa Jebel Ali, dahil nanghinayang sa kikitain nito.

May pagbubukas ng buhay na naganap sa dalawang lalaki habang nagkukuwentuhan, habang naghihintay ng papeles sa gusaling iyon. Ito lang ang sinabi sa akin ni Bert, pero hindi ko alam ang aktuwal na dayalog dito. Nakaparada ang Nissan Patrol. Bigla, umulan ng yelo. Tok tok tok tok tok, sunod-sunod ang pukol nito sa sasakyan, sa kalsada, sa paligid. Maliliit na piraso ng yelo -- singlaki marahil ng bubog -- ang bumabagsak. Naglabas ng basyo ng bottled water ang Bengali nilang tsuper. Iniipon ang mga bubog ng yelo. Tuwang tuwa. May tubig na mula sa langit. May tubig na mula sa langit.

Iniisip ko na mas maganda ang eksenang ito kaysa sa pagkakuryente ni Vito (ang tauhang ibinatay ko sa aking tiyuhin) sa loob ng barkong Halliburton. Mas may drama. Ang problema ko, ano pa ba ang kanilang pinag-usapan? Ang kuwento sa akin ni Bert, hindi raw niya makasundo ang tiyuhin kong ito noong unang dating niya. Masama raw ang ugali nito, ma-epal. Hinihigop ang kredito kapag may natapos na trabaho, lalo na iyong mga aircon sa barko na ang hirap daw ayusin. May mga pagkakataon daw na halos sumuko na silang lahat sa pagkukumpuni at gusto na nilang ihagis ang aircon sa dagat. Pinakamalaki ang sahod ng tiyuhin kong ito kung ikukumpara sa kanilang lahat. Nauubos daw ang sahod nito dahil ipinapadala nito ang buong halaga sa asawa, na lagi na lang tumatawag. Kung anu-anong kahilingan. Kailangan ng bagong cellphone ng anak, kailangan ng pang-tuition sa mamahaling business school, kailangan ng pagpaayos ng sasakyan, pinalitan ang mga appliance dahil ipinamigay na ang luma sa kapatid, nagparedecorate ng kuwarto at di akalaing aabot ng malaki ang gastos, kailangan ng bagong supply ng mga isda sa petshop, etc. etc. Kanino kayang panig ang mas mahirap -- 'yung humihiling na kailangang burdahan ang hinihingi sa mga salitang makapagtutupi sa kausap, makakapag-paalala ng katungkulan, ng obligasyon nang hindi nauuwi sa iringan o away? O sa hinihilingan, na pikit mata na namang kinukuwenta ang kabawasan ng sahod, na tumatanda na sa pagiging OFW nang walang naiipon, pero ayaw namang umuwi sa Pilipinas dahil wala siyang pagkakakitaan?

Nagkaroon ng dependency para sa isang pangarap, na hindi naman nakamit. Umuwi ang tiyuhin kong ito sa Pilipinas noong 2004, at hindi na bumalik sa Dubai. May humalili na sa kanyang posisyon bilang Chief Engineer ng kumpanya. Samantala, bumalik siya sa tahanang magulo. Nagkagalit ang anak niyang dalaga't ang asawa niya. Naging kritikal ang pinsan ko sa gawi ng nanay niya na todo bigay sa mga kapatid. Naawa siya sa kinalalagyan ng tatay niyang nakakalbo na't nagkakasakit sa pagtratrabaho sa U.A.E. Pumangit na ng pumangit ang iringan, at kumilapsaw na sa pamilya, sa amin, ang kanilang suliranin. Naging tayngang handang makinig ang nanay ko para sa magkabilang panig. Nagkasundo rin naman ang mag-ina, pero hindi ito nangyari kaagad agad. Ang petshop ng pamilya'y maunlad noong mga unang taon nito, natetelevise pa nga sa mga programang nanghihikayat ng entrepreneurial skills ng Pinoy. Mahangin daw ang pinsan kong ito na namamahala ng petshop, ayon kay Bert. Tuwing dumadaan siya sa bahay ng aking tiyuhin sa Project 6, nakakainuman pa niya si Tito Romy, nakakapag-usap sila sa lebel na hindi masakyan at kinaiingitan ng anak. Ang alam ko, dahil matagal ko na ring hindi nakikita ang tiyuhin kong ito, nakabawi na siya ng konti sa kanyang kalusugan. Naninigarilyo pa rin, pero hindi sinasasal ng ubo. Guminhawa ng kaunti ang kalagayan ng pamilya nang nakaalis na ang isa niyang anak patungong California. Pinetisyon ng Tsinoy nitong boyfriend. Ito 'yung anak niyang nabiyuda rin, nang mamatay ang asawa nitong piloto sa isang Balikatan exercise.

Pinasakay kasi ito sa outmoded nang Huey helicopter, na nagcrash landing sa eskuwelahan sa Pampanga. Dumalo ang pangulo sa bahay nila, para makiramay, nangako ng suporta, ngunit nauwi sa pangako. Sa pagkakaalam ko, nag-alok rin ng 100,000 pesos ang pangulo. Ngunit kaunting porsiyento lamang ng halaga ang napunta sa palad ng pinsan kong nabiyuda. At nainip na rin siya sa paghihintay.

Ang namatay na pilotong iyon ang pag-asa ng aking tiyuhin. Kasama sa narratibo ng nobela ang pagdating mismo ng masamang balita ng Balikatan sa Dubai. Halos kasunod lang ng pangyayaring ito ang balita ng pagpanaw ni Papang.

Sunday, January 27, 2008

Mga Ale at Aso

Hindi na ako nagulat na gising rin ang magkapatid -- sina Bert at Des -- nang magising ako. Ang sabi ko sa aking asawa, "Napanaginipan ko naman ngayon ang namayapa ko nang kaibigan, kasama ko noon sa arts school, si James." Huwag daw akong maingay, dahil kaiidlip lang ni Des sa sopa. Bukas ang tv at nanonood siya ng palabas sa Discovery. Nagising rin naman si Des sa aking pagdating sa sala, pero mas nanaig ang antok niya. Ilang minuto pagkaraan, pumasok na ang asawa ko sa kuwarto at ako naman, sinimulan ko na ang pagbubukas ng blog na ito.

1997 pa pumanaw si James, may isang dekadang mahigit na siyang patay. Nalathala sa Philippine Star at Inquirer ang kanyang kuwento. Marahil, dala ng human interest value nito. Nagka-leukemia kasi siya, at wala pang beinte sais nang namayapa. Noong panahong iyon, teacher na siya ng Humanities sa UPLB. Paminsan minsan, dumadayo siya ng Diliman para kumustahin ako. Parang kapatid ko na rin siya. Tuwing naalala ko si James, laging sumasagi sa isip ko 'yung nag-uumapaw na pagmamahal ng mga tao sa kanya. Apat na mga babae ang nag-alaga sa kanya noon, sa kasagsagan ng homoepathic therapy sa bahay nila sa Makati. Dalawa sa tatlong babaeng nag-alaga sa kanya'y mga dati niyang karelasyon. Napakagandang eksena ng pagsasama, ng kapatawaran. Sa panaginip, nakasalubong ko siya sa pasilyo ng isang ospital. Kamukha raw siya ng isa kong estudyante -- na totoo nga, sa realidad. Pareho ng build, ng pananamit. Lamang, si James ay kakaiba ang mga mata. Parang mas bagay ang mga matang iyon sa mukha ng isang babae dahil ang amo amo nito, parang mata ng tubig na puwede kang higupin. May kasama akong matandang babae sa panaginip -- mga 50 o 60 mahigit ang edad. Sa eksaktong sandali na makakasalubong ko si James, may napunit sa aking damit, sa suot kong pambahay na pedalpushers, sa tagiliran. Pilit kong itinatago na napunit dahil sa bandang balakang iyon nasira. Wala namang nakakapansin, ni hindi nagreact ang matandang babae na kasama ko. Napunta kami sa elevator station. 'Yung usual na hinahati sa mga palapag -- kung even o odd number ba ang pupuntahan. Di ko na maalala kung alin ang pinili namin, basta, nakababa kami, at sa ground floor, kakatwang hindi iyon mukhang ospital. Parang lobby ng isang hotel, o resort. Bukas ang mga pinto, malinis ang paligid, at maraming halaman. Natatanaw ko mula sa pinto 'yung kalsada palabas. Excited 'yung matandang babae na katabi ko, na wala akong matandaang features kung sino ba ang kamukha, basta hindi naman siya kasing taas ko, at hindi siya ganu'n kahina, parang malakas pa, parang hindi rin senile.

Naalala ko sa babae 'yun ang matandang babae rin na nakikita ko sa labas ng chapel. Isang gabi, lumabas ako, nagpahangin, at napadpad sa simbahan. Hayun ang matanda, at para akong nakakita ng multo. Ang payat payat niya at hindi na siya makagalaw. May ibinubulong siya. Parang apparisyon nga. Pero linapitan ko. 'Yun pala nagpapatulong lang siya. Ibig daw niyang bumili ng gamot. May inaabot siya sa akin na piraso ng papel. Ayaw kong isipin na karaniwang taktika ito ng mga pulubi. Mukhang totoo kasi na nangangailangan siya ng tulong. Inabutan ko ng pera. Kalahati ng sahod ko sa linggong iyon. Sinamahan ko pa siya sa hintayan ng jeep at pinasakay doon. Halos buhatin na siya para lang makasakay.

Nakikita ko pa rin 'yung matandang iyon pero hindi ko na hinihintuan -- hindi na siya tumatapat sa kapilya tuwing gabi at sa halip ay tumatapat na lang siya sa bangko, malapit sa atm. Hindi dahil sa wala na akong pakialam sa kanya kundi sa ang dami dami ring mga katulad niya. Iba iba sila. Hindi ko na nakikita, halimbawa, 'yung baliw na madalas tumambay sa shopping center. Kasing katawan niya ang isang batang dose anyos, gusgusin, payat, hugis papaya ang mukha, at kagaya ng generikong baliw, salita nang salita at bakante ang mga mata. Ang babaeng iyon ay salit salit na marumi malinis ang damit. May inuuwian kaya na nagmamalasakit sa kanya? Si Aling Daleng, ang baliw na nakatambay sa may subdibisyon ng aking hipag, ay may kaanak na inuuwian. Iba naman ang kuwento niya. Nasiraan daw ng bait dahil nalunod ang anak sa pagtaas ng ilog sa Marikina. Isang tindahang nagsara na ang pirme niyang puwesto. Inaanunsiyo niya sa mga dumaraan, "mataas na ang tubig!" o "huwag mong kalilimutan ang patis!" Lagi akong naantig sa pagkakita sa mga baliw na kagaya niya. Marahil, dahil naalala ko mismo ang isa ko ring tiyahin na nagkagayon. Namayapa na rin siya. Siya lang ang babaeng kapatid ng tatay ko. Ikalima siya. Normal naman daw siya noong lumalaki, pero noong dose anyos, habang umiigib sa poso, nadulas. Nabagok ang ulo. Ayun, linagnat, at pagkaraan, naging sinto sinto. Siya ang tiyahin ko na wala nang ginawa maghapon kundi magwalis ng tuyong dahon sa bakuran. Pupulutin pa niya ng isa isa ang mga tuyong dahon. May Bataan matamis na laging nasa bibig, 'yung dulo ng sigarilyong umaaso ang nasa loob. Simple lang ang kaligayahan niya: bilhan mo ng isang supot ng bubblegum, o painumin ng Cali. 'Yung ikalawang opsiyon ay itinuro ng isa kong pinsan na nasa Dubai na ngayon. Tuwing nagkukuwento, mapapansin na hindi niya ginagamit ang "ako" o "ko" para tukuyin ang sarili. Laging "si nene..." Nagugutom na si nene, inaantok na si nene, etc. Lahat ng mga magkakapatid ay inaalala siya, lalo na noong pumanaw ang aking mga lolo't lola. Kasama siya sa bahay ng tiyuhin ko na dating nagtrabaho sa Papua New Guinea bilang teacher ng Practical Arts. Nagtuturo pa rin hanggang ngayon ang tiyuhin kong ito, sa elementarya, na malapit lang sa bahay sa Alua. Minsan, nabulabog kami ng balitang nasuntok ang tiyahin kong ito ng aking tiyuhin. Nambubulabog daw kasi ng mga kapitbahay, hinahanap siya, hindi maunawaan na ginagabi lang siya. Makulit ito kapag nalulungkot. Alam ko ito dahil nagbakasyon na siya rito sa amin. At naging kasama ko siya sa kuwarto, kapiling rin ng aking anak, na isang taong gulang pa lang noon. Bukod sa amoy na amoy ang Bataan matamis, tawa-iyak ang nangyayari sa kanya kapag sinusumpong, at dahil hindi ako masyadong pasensyosa, naging pagsusulit iyon ng karakter, at bumagsak ako. May dalawang araw pagkaraan, umuwi na sila sa Alua ng aking lola. Namatay ang tiyahin kong ito noong 2005, kung tama ang pagkakatanda ko, sa bahay sa Alua siya inabutan, ni hindi ko na napuntahan ang burol o libing.

Bakit ba umabot na rito ang aking pagmumuni? Ewan. Nag-iba ang ritwal ng aking pagsusulat ngayon. Hindi na kagaya ng dati na pakakawalan ko muna ang aso naming si Bruce. Nawala na kasi ang aso. Isang gabi na siyang hindi umuuwi matapos pakawalan. Inikot naming mag-asawa ang baranggay hall, ang local police station para ipagtanong. Noong nawala kasi siya noong nakaraang taon, tila naging napakadali ng proseso ng pagkakahanap sa kanya. Natagpuan namin siya sa dogpound ng isa sa mga opisina dito sa unibersidad. Kasama ang drayber ng aking pamangkin (wala si Bert noon at nasa probinsiya, kasama ang kapatid), pinuntahan namin ang lugar. Hayun siya, nakalagak sa isa sa mga kulungan. Hindi kaagad kumawag ang buntot. Parang bangag na hindi ako agad nakilala. Parang hindi makapaniwala na tutubusin siya. Noong araw ding iyon, pagkabayad ng limang daan sa cashier, hinatid na ng police car ang aso. May mga patpat pang hawak ang mga mamang naghatid, at may kaunting electric charge daw ang dumadaloy sa dulo niyon. Aalma sana si Bruce, pero isang wasiwas lang ng patpat, napatda siya. Tuwang tuwa ang aking anak nang makita siya. Ilang araw pagkatapos noon, hindi gumagalaw si Bruce sa puwesto at mahinang mahina kung kumain. Nang matanggap na niyang ok na siya, saka pa lang nagkagana, at saka pa lang nanumbalik sa dating gawi.

Ngayon, nagsisisi ako na pinakawalan ko pa. Naiisip kasi siya ni Bert, na matamlay sa kanyang pagkawala. Loyal daw ang asong iyon, na totoo naman. Kapag narinig na niyon ang sasakyan, humahabol ito. Kapag umuuwi kami sa bahay, sumasalubong siya. Kapag pinakakawalan ko siya, lagi siyang nag-aanyaya na makipaglaro. Na hindi ko naman ginagawa. Dahil ang nasa utak ko, uunahin ko ang pagsusulat, dahil babalik naman siya sa puwesto niya sa garahe kapag nagsawa na sa pag-iikot.

E hindi na nakabalik. 'Yun ang masaklap. Hindi pa rin talaga ako marunong mag-alaga ng kahit na anong hayop. Naiinip ako, nayayamot kapag masyado na silang naging demanding sa attensiyon. Ngayon, napapaisip ako sa posibleng brutal niyang kinahantungan. "Sana malason yung mga pumulutan kay Bruce," sabi ni Bert. Nakatitiyak na kasi siyang iyon ang nangyari. Ako? Umaasa akong makababalik pa rin ang aso. Siguro. O baka mananahan na lang siya sa panaginip, kagaya ni James, o kagaya ng mga matatandang babae na nakakasalubong ko sa daan.

Wednesday, January 23, 2008

Ang Sumali sa Kontest o MaPublish?

Nagtext ang kaibigan kong si Joey Baquiran. Finorward niya ang mensahe ni Edgar Samar, kapwa guro at manunulat mula sa Ateneo. Nakakuha raw si Egay ng funding para sa publikasyon ng journal, na laan sa nobelang serialized. Hinihingi ni Egay ang email ko para mapadala niya ang detalye. Kaagad rin akong tumugon. Siyempre, gusto ko ito dahil pagkakataon na iyon para sa aking sinusulat. Pero naiisip isip ko, paano kung madisqualify ang manuskrito para sa isa pang opportunidad -- ang Likhaan Centennial Prize?

Simple lang ang solusyon dito. Humanap ng kopya ng rules. Kung nakasaad na hindi maaring isali ang isang akda na nalimbag, hindi ko papasukan ang alok ni Egay. Or kung papasukin ko iyon, hahanap ako ng ibang manuskrito. Mayroon naman ako, actually. Pero Matagal ko na 'yung nasulat -- 1992 pa. Noong panahong iyon, balak kong isubmit sa Rosas iyon, sa experimento ng Anvil para sa romance novel. Tumaya noon si Karina Bolasco sa mga nobelista sa Pilipino, at kung tama ang tanda ko, si Lualhati Bautista pa ang punong editor nito. Naengganyo akong sumulat dito dahil ang kaibigan kong si Joi Barrios, Roland Tolentino, ay nakapagbigay na. Maaari raw na gawing literary ang pagkakasulat, kasi ang punto, behikulo lang ang romance para talakayin ang iba pang mga bagay, kagaya ng pambansang kalagayan, o ng oppresyon ng kababaihan. At, patunay nga na tama ang naalala ko, narinig ko mismo kay Karina ang reminiscence na ito nang magsalita siya sa isang kumperensiya na inorganisa nina Lily Rose Tope at Dr. Cristina Hidalgo ng DECL.

Hilarious ang dating ng pag-aalaala niya. Pumasa naman daw ang mga romance novel kay Lualhati -- gumamit daw ng stream of consciousness, binulabog ang plotline, nag-incorporate ng estilo ng magic realism. Ang kaso, ayon kay Karina, hindi iyon kinagat ng mambabasa. Mukhang mga kapwa manunulat lang rin ang nalugod sa experimento.

'Yung manuskrito kong hindi na nailimbag ay ukol sa babaeng umibig sa isang refrigerator. Pumayag siya sa isang weird na arrangement sa isang misteryosong lalaki na ayaw magpacommit rin, dahil sa refrigerator. Ibang klase ang refrigerator ng lalaki -- malaki, hindi tipikal ang brand, at luma. May naalala ang babae -- si Tess, na part-time installation artist na sumasideline sa window display at marketing officer -- sa ref na iyon, na nadaanan lang niya minsan sa isang garage sale. Pumatok na ang love scene ni Janice de Belen sa ref sa Shake, Rattle and Roll noon bago ko nailabas ang ideyang ito. Actually, linilingon ko naman ang ambag ng eksenang iyon. Pero para sa akin mas matindi 'yung gusto ko pang palabasin sa attachment ni Tess sa ref. Parang nanay niya iyon. Binubuksan niya ang ref kapag nalulungkot siya. Wala namang kalaman laman ang ref na binubuksan niya in the sense na wala naman itong pagkaing nakaimbak. Puro basyo ng tubig, stockings, film canisters, ketchup, kalamansi, week-old styrofoam packs na may fastfood o pancit na nabili sa tabi tabi.

Nakita ko nga ang burador ng nobelang iyon at tawa ako nang tawa sa mga eksena ni Tess sa boss niya noong sinisante siya nito. Inspirasyon ko rito 'yung mismong eksena ng pagkaka-annunsiyo ni Vertido na hindi na renewed ang kontrata ko bilang special instructor para sa Creative Writing sa arts school dahil wala raw akong civil service certificate. (What a lame excuse. Pero wala na akong galit sa mamang 'yun, matagal na. Huling balita ko nga'y nastroke daw ito, at aligaga ang kalagayan. Hindi siya makapagbasa o makapagsalita ng normal. Nalungkot ako doon.)

Anyway, yung espiritu ng pagiging punk ni Tess ang lumalabas, mula sa statement sa buhok hanggang sa choice niya ng installation materials (condom? na linagyan ng likidong iba't ibang mga kulay? at isinabit sa mga sulok na akala mo banderitas?). Ngayong naalala ko ito, naisip kong ang pagiging rebelde mismo ni Tess ay predictable at hindi na masyadong "iba". Marami na rin akong nakikitang nagkukulay ng buhok na asul, sabi nga ni Nerissa noon, lalo na raw sa Amerika. At hindi na shocking 'yung konsepto ng banderitas ng de-kulay na condom para sa statement ukol sa AIDs. Ngayong ibig ko rin itong malimbag, haharapin kong muli ang tanong na Bakit nga ba iba si Tess? Hindi lang dahil tinina niya ng asul ang buhok niya matapos siyang "kumalas" sa boypreng magulo rin ang isip. Hindi lang dahil mahal niya 'yung ref. Siguro kinulang pa sa honesty 'yung karakter. At hindi ko pa napag-isipan masyado ang tuhog ng mga pangyayari.

Ang lakas ng loob ko ano? Di pa nga ako matapos tapos sa aking dissertasyon. Naroon pa rin ang apat na bahagi na hindi mapagtagpi. Apat na kuwentong umiikot sa iba't ibang tauhan -- kay Antonio, ang OFW; kay Mitoy at Fiona; kay Jo at ang kuwento ni Papang. Kung isusuma, ganito ang diwa ng bawat chunk:

1. Antonio's story: ukol sa pagbibiyahe niya patungong Dubai, may rekoleksiyon rin ng nakaraan ng kanyang pamilya. Ukol rin sa turning point ng buhay niya nang namundok siya.
2. Mitoy's story: ukol sa pagfafile ng church annulment para mapakasalan ang tunay na minamahal; konting backstory sa karakter ni Fiona, ang ex ni Mitoy.
3. Jo's story: ukol sa recurrent dream ni Jo na lumalabas na alaala ng isang pang-aabuso na hindi na niya naharap pa.
4. Papang's story: ukol sa pagbibiyahe ng pamilya na backdrop para sa journey ni Papang sa pag-aalaala ng kanyang pagiging sundalo noong giyera, at pagkaraan.

Pag-aaralan ko pa kung paano ko ipopost ang mga kabanata sa blog na ito. Sa ngayon, hirap pa rin ako sa focus. Plodding through pa rin. Nakasalubong ko nga si Celeste at binalita niya sa akin na magdedefend na rin siya ng MA niya. Tuwang tuwa ako para sa kanya. At vinivisualize ko na rin ang sarili na nasa posisyon niya, na naging posisyon ng lahat ng maluwalhating nakatapos na. Kaya mo nang ngumiti sa mga tao pagkaraan kasi wala nang magtatanong na "kumusta na ang dissertasyon mo?"

Tuesday, January 22, 2008

Sa klase namin, sinisikap kong ilapag sa mga estudyante ang attitude na hindi sila dapat matakot sa teorya, o sa anumang kritikal na sanaysay. Mahina pa ang pundasyong teoretikal ng mga mag-aaral sa Malikhaing Pagsulat, bunga rin marahil ng tila natural na opposisyon ng kritiko at manunulat. Pero, kagaya nga ng natuklasan ko mula sa personal kong karanasan, hindi ito kinakailangang paniwalaan, o bitbitin. Siguro dahil nagkaroon ako ng mga kaibigang kagaya ni Roland, isa sa mga kasabayan ko sa Katha, na naging masigasig sa pag-aaral ng teorya, na nauwi sa pagkahasa mismo ng kanyang maikling kuwento bunga ng teorya. O sino bang makakalimot kay JJ, na hinikayat pa kaming magbasa ng magbasa ng mga critical theories? Noong panahong iyon ng Katha, may mga gumabay rin naman sa amin na mga mas nakakatandang mga manunulat, kagaya nina Fidel Rillo, Romulo Sandoval Jr. at Gelacio Guillermo. Halos linggo-linggo sa mga taon ng 1989 hanggang 1992, nagkikita kita ang grupo para magpaworkshop ng maikling kuwento.

Wala pang mga blog noon. Wala ring cellphone. May computer na, pero wordstar pa ang format. Ito 'yung tipong green pa ang kulay ng cursor at bulky pa ang monitor. Pinagtiyagaan naming magkakaibigan na i-encode nang isa isa ang mga kuwento namin sa Katha na winorkshop na. Puyatan 'yun. Salit-salitan sa pagtipa. Naging generous host si Joi Barrios sa grupo, na lagi na lamang naming kinakalampag sa apartment niya noon sa Kamuning. "My gad, this place is a brothel!" nawika noon ni Chris Millado, dahil sino ba naman ang hindi mamamangha sa bohemian na dating ng lugar. Hindi naman dahil psychedelic ang kulay ng apartment, o lagi kaming naghahashish. Kung tutuusin nga, napaka country style ng decor, pink ang paboritong kulay ni Joi noon. Pero wala naman sa decor ang vibes. Dahil pinupuntahan ang apartment na iyon ng mga tampok na personalidad sa sirkulo ng panulat, sa teatro, sa musika noong buntot ng dekada 80 hanggang mga unang taon ng dekada 90, ang apartment ay laging puno ng mga tao. May workshop, may miting. Nagkaroon ng kanya-kanyang eksena ang mga tao: mula sa kalmutan at kagatan ng dating magsyota hanggang sa sabuyan ng pabango ng mga badaf at melodramatikong mga deklarasyon ng pag-ibig at paalam. Sa bahay na iyon nabuo ang mahihigpit na pagkakaibigan, pero sa bahay ring iyon unang nakita ang pagkakalag ng mga mahigpit ring samahan. Hanggang ngayon, kaya ko pa ring hugutin ang imahe ng apartment na iyon sa aking diwa na parang kahapon lang ako nanggaling doon. Aakyat ka ng hagdang kahoy na kay liliit ng baitang, liliko sa isang alcove. Walang masyadong kasangkapan roon maliban sa isang eleganteng divan at bilog na mesang maliit. May hallway na patungo sa kusina, dining area at banyo. Katabi ng hallway ang kuwartong tinutulugan ni Joi. At may isa pang level ang espasyo, isang attic, na may bintana pa, at maliit na maliit na tulugan. Naranasan ng grupong iyon na puntahan ng mga iba't ibang mga manunulat na may samutsaring personalidad. May mga pula, siyempre. May mga manggagawa sa pabrika. May housewife na tumutulong sa baranggay health center at masipag magsubmit ng kuwento, si Marie Novella. May mga estudyanteng aktibista mula sa DLSU, na kung hindi editor in chief ng Malate'y staff doon. Minsan, may napadpad pang isang weirdo, na sumulat ng storyang science fiction. Ginunam gunam ang Jupiter. Siyempre, hindi naman kami bulag at natunugan namin na isa siyang ahente. Biglang sumulpot ang weirdong iyon sa party ng Katha, at natense ang lahat. Hindi ko na maalala masyado kung paano namin siya naitaboy. Ipinaubaya na lang namin (or at least ako) ang gawaing iyon sa hosting skills ni Joi.

Ngayon ko lang ito naisipang isulat, siguro dahil nasulat ko sa naunang blog entry ang Telon. Liningon ko ang gulugod ng pormasyon ng aking kamalayan bilang writer, na kasabay ng mga taong bumuo sa Katha at iba pang mga samahan. Noong bata ako, madalas akong mapangaralan ng tatay ko ukol sa pagsali ko sa mga grupong ito. "Bakit ka ba sumasama diyan? Sa tingin mo ba makakasulat ka niyan? Kung talagang gusto mong magsulat, dumito ka." Cinensor ko na sa pangungusap na iyan ang tadtad ng mura at singhal. Lagi kasi siyang nakamura't singhal sa identidad niya bilang "protective father". Bandang huli, napagtagpi kong kaya pala siya tumututol nang labis sa katigasan ko ng ulo'y bunga ng kanyang sariling karanasan, nang dibdibin niya ang puna sa kanya ng kanyang collective sa Paksa. Si Papa'y naniniwalang kinakailangang alagaan ng isang artista ang kanyang kamalayan, at ayaw niya ng kamalayang nagpapakuyog. Lumikha siya ng sarili niyang gubat at naligaw siya doon, sa kanyang pag-iisa, na kanyang inasam. Kahit kami ay hindi makapasok doon. Kung bata ka'y hindi mo ito mauunawaan. Pero ngayong mas matanda na ako, hindi na ito isyu, at napagtanto ko na produkto ito ng maraming bagay, hindi lang ng presyur ng mga writers' groups. Malakas ang impluwensiya ng interpellasyon sa kanya, na ito lang siya bilang manunulat: ikapitong anak ng isang mangingisda na dating empleyado ng munisipyo at isang babaeng anak ng may-kayang angkan na sumama sa pinakadakila niyang pag-ibig; nahinto sa pag-aaral sa Grade 5 dahil nawalan ng trabaho ang tatay, na nangisda nang nangisda para may makain ang pamilya, at dahil sa pagsasama sama niya sa tatay, natutunan niya ang wika ng katahimikan at pagmumuni. Tumanda siya ng isa, dalawang dekada bunga ng karanasang iyon, kaya nang tumuntong siya ng haiskul, iba ang hanay ng mga pangarap ng mga kaklase niya sa General de Jesus Academy sa kanya. Nagkaroon siya ng identidad na "writer" sa edad na 15, nang matuklasan ng adviser ng school paper niya na sensitibo siyang mamamahayag, at kritikal siya sa kahit na ano, pati ang gawi ng administrasyon at pati ang mga kubling kabuktutan ng mga guro'y nakikita niya. May kubo ang tatay niya na ginawa niyang sulatan. Doon siya sa kubong iyon kapag gusto niyang mag-isip. Napadpad ng Maynila para mag-aral. Naging working student. Nakisama sa panganay na kapatid at asawa nito. Sa gabi, nagmamakinilya. Pinuna ng asawa ang "ingay" ng pagtipa. Nagpasyang magsarili. Sumulat nang sumulat. Bumalik sa kubo, nagsulat ng nobela. Nagsimula nang manalo ng mga timpalak. Nagsimula na ring makabuo ng sirkulo ng mga kaibigang kagaya rin niyang mga anak ng alat. Nakilala ang isang bata't magandang accountant. Linigawan, nakasal, nagkapamilya. And so on, and so forth...

Sabi ko kaninang hapon sa klase, ang master narrative ay hindi lang matatagpuan sa mga tekstong historikal. Ito ay anumang narratibo na iginiit, at pinadaloy sa mga institusyon, sa mga aparato. At sinabi ko rin na kahit ang pamilya, kahit ang mga biograpiya'y may master narrative. Kahit ang kasaysayan ng panitikan ay may master narrative. Kahit na anong diskurso, actually, na maaring pagmulan ng relasyong amo-alipin ay may master narrative.

Monday, January 21, 2008

Telon








"Akala ng mga kabataan sa TELON ako ang nagturo sa kanila, hindi nila alam ako ang natuto mula sa kanila." -- mula sa (Im)personal, Rene Villanueva


Ninamnam ko pa rin, hanggang ngayon, ang sarap at gaan ng pakiramdam mula sa bakasyon naming magkakaibigan sa Telon, matapos kaming magkita kita sa Lipa, Batangas noong Enero 20. Nag-imbita si Ipat sa pista ng kanilang bayan. Naabutan pa ni Rene ang pagpaplanong ito - ngunit hindi na siya umabot sa araw na aming sabay-sabay na itinakda. Sinundo na siya noong Disyembre 5 noong nakaraang taon. Pagmasdan ninyong mabuti ang group picture. May silyang naroon. Na tila walang nakaupo. Ngunit alam namin, kagaya ng mga mag-anak na patuloy na naglalagay ng isa pang plato sa mesa na para sa isang hindi naman dumarating, naroon sa upuang iyon si Rene. Walang panghihilakbot, ni walang taas ng balahibo. Basta, ramdam lang namin na nakarating nga siya.

Kanina, sa klase, tinalakay namin ang tulang "Oda sa Wala" ni Jim Libiran, isa ring kaibigan. Nagpalaro ang estudyanteng nag-ulat. Pinatayo niya ang kanyang mga kaklase at sinabi, "kailangan, sa larong ito, ang tanong ay sasagutin rin ng isa pang tanong." Arangkada na. Natural, tawanan. Lalo na nuong may mga na-aout, dahil nasasagot nila ang pagbato ng tanong ng katabi. 'Yung iba naman, nahuli sa intonasyon ng pangungusap. Ang "ewan ko?" ay hindi itinuring na tanong. (Pero hindi nga ba tanong rin iyon?) Ang dami ko ring natuklasan kanina sa aking pagtuturo -- kapag pala inaamin ng guro ang sarili niyang fallibility, mas gumugulong ang tugon ng mga estudyante, mas bukas silang mag-isip. Nagpapasalamat nga ako at kahit pa'no, naipaliwanag ko kung paanong ang "pag-aalsa sa mayroon ay kisap-matang rebelyon". Hindi nga ba't kisapmata lang ang pagitan ng pagtanggap sa patuloy na oppresyon at pagtalikod na rin dito? Nakaawang lagi ang pinto sa sinumang interesadong umalis. May mga diwa tayong kayang humakbang.

Iyan ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko kay Rene. Tan'yo, hindi naman playwriting lang ang itinuro niya. Pinamalas niya sa amin na ang salita ay hindi basta salita, ito ay ideya rin. At malawak ang kayang lakdawin ng ideya. Tinuruan niya kaming mag-isip, mamilosopo. Lumipad.

Kasama sa gaan ng pagkikita kita ng mga kaibigan 'yung pagkatuklas na dalawang dekada na pala kaming magkakaibigan, kahit na nabungi ng ilang taon ng di pagtatagpo ang samahan, may pinagsamahan pa rin. Ang dulas lang ng kumusta, wala nang gatol sa pagsagot, kasi, naging totoo kami sa isa't isa kahit noong mga bata pa lang kami hanggang sa maging kuwarenta na, o mahigit pa. Wala ka nang maikukubli. Sa biyahe nga namin patungong Lipa, natuklasan ng mga magkakasama -- kami nina Joey, Tim, Rollie at ako -- na wala ni isa sa amin na nakaisip magdownload ng direksiyon mula sa egroup. Walang makaalala ng ruta. Paano kami nakarating ng Lipa? Simple. Nagtiwala kaming makakarating kami ng Lipa. Wika nga ni Rollie, kung saan saang siyudad at lupalop na ng mundo siya nakarating. Sa Japan, kahit na wala siyang kaalam alam sa Nippongo, nasubukan niyang magbiyahe ng mag-isa at makarating ng matiwasay sa destinasyon. Hindi siya sumakay ng bullet train. Sumakay siya sa bus na talagang para sa mga bata, na kahit pahinto hinto'y mas mura. Wala rin siyang kaba nu'ng makarating siya ng Athens, ng London. Pero sa highway ng Lipa, kinakabahan siya. Paano kasi, kasama niya'y tatlo ring mga walang sense of direction. Na lumilipad ang diwa kapag sinabing, "Doon sa McDo, liliko. Pagdating sa Mantrade, isa pa..." Awtomatikong nadedelete ang direksiyon kapag nadistract.

Mag-aalas tres na ng hapon nang umalis kami ng Maynila, nakarating kami kina Ipat ng alas siyete na ng gabi. Pero hindi naman namin inalintana 'yung haba ng biyahe. Naging okasyon iyon para buuin ang isang narratibo ng organisasyon. Naungkat ang mga leksiyon ng mga tao -- mga pagkatuto sa mga batang talentado ngunit hindi marunong tumanaw ng utang na loob, mga realisasyon sa kabig ng pangungusap na nababaluktot sa pasahan, mga kahinaan sa kantiyaw. Ang Telon ay nakapagluwal ng mga produksiyong itinanghal sa Engineering Theatre, sa CCP. Kumita ng konti kahit paano. Ngunit ang maliit na kinita'y nalustay sa iba't ibang mga pangangailangan ng grupo: naging pangkasal, naging bayad-utang, naging tawid-sagip. Hindi makanti ng isang kaibigan ang kasalanan ng isa pa, dahil ang isang iyon ang susi para sa pagbabati muli nila ng gurong nagtampo.

Napaka-pribado na pala ng wikang pinatutunghan ng entry na ito. Hindi na masasakyan ng anonimong mambabasa, lalo na kung hindi siya naging kabahagi. Pero hayaan niyo na muna ang pagsesenti kong ito. Sigurado akong may nakaimbak din kayong ganitong uri ng samahan, at ganitong uri ng alaala.








Thursday, January 17, 2008

More often than not, whenever I dream of that arts school, it is a sure sign that I am regaining my confidence as an artist. In reality, my experience in teaching in that school was a turning point in my career. If I had been more sensible in the choice of company, more mature in confrontations with fellow faculty and craftier in the decisions I've made regarding my rights as a teacher, perhaps I could have extended my stay, and perhaps I would still be there. But then again, is that the life I want? As I recall the dream I remember seeing Nancy, whom I haven't seen or conversed with for three or four years. We were dropped off at the foot of the hill. I didn't recognize the surroundings, it seemed so different the last time I was there. The upclimb route now had paved concrete steps. She was introducing me to her boyfriend, a fellow teacher whose face and name I couldn't recall. There was a large steel frame that we had to go under, and we had to wait for the next bus to pick us up. Nancy and friend transformed into another couple, and they told me they had to go. They did not even bother to ask if I wanted to take the ride with them. Oh well. Then I suddenly realized I was wearing my son's uniform at school and I was even carrying his knapsack.

Alarmed, I could not do anything about it. There was the president talking with the other students. She looked bigger than her original size, sported a bouffant 60s hairdo, had a lot more makeup, and was wearing a terno. She looked Imeldific. And I think I said something nasty, something about her being a lousy head of state. A woman approached me and got me into this debate about the books youths should read. I said I couldn't care less about the bestsellers on those shelves, as they aren't any good. They wouldn't last. Miffed, she asked me, "And what do you think will last?" And I couldn't recall exactly what I have said, but it seemed to please and impress her and she stopped the inquisition.

And then I noticed some smoke within the vicinity. Fire! I was staring at the rooftops, it looked familiar, and I realize it is my sister in law's Marikina home. And my son was in that house. And my nephew was taking him out, rescuing him.

So far the narrative involves a school, meeting the president, wearing my son's uniform and witnessing a rescue. What does this all mean? I have no answer. It's five thirty am and I have to go.

II.

Sa loob ng panaginip na ito, alam kong may isang germinal na ideya ng isang akda.
Kaya ko rin ito sinusulat ngayon (actually, ineedit) ay dahil na rin sa pinaplano ko na rin itong palawigin pa sa isang mas mahabang sulatin. Hindi pa talaga tungkol sa arts school na iyon, kung hindi pa sa kung paano ako nahubog noon. Hihingin ko muna siguro mula sa Aliww ang mga manuskrito kong ukol dito. May kaunting pagsisisi ako na ibinigay ko nang lahat ang mga burador ko doon. Paano kung ibasura? Paano kung itapon? Bagamat alam ko namang propesyunal ang paghawak ng materyal, hindi ko maipigilan ang alinlangan ko tungkol dito. Bakit? Oktubre 2007 ko pa idinonate ang mga manuskrito. Enero 2008 na. Wala pa akong natatanggap na imbentaryo man lang ng mga nasubmit ko.

Anyway, ang manuskritong tinutukoy ko ukol sa arts school na iyon ay nakalagak na sa isang makinilyadong journal na binuo ko doon nang araw araw (umaga-umaga) kong sinusulat ang mga naiisip ko. At that time, gumawa ako ng kontrata sa sarili na makatatapos ako ng nobela sa loob ng isang taon. Pinapirma ko pa ang nanay ko't tatay bilang mga saksi. At sa kasamaang palad, hindi ko na rin makita ang kontrata, na sa kadramahan ko'y naisipan ko pang pirmahan ng sarili kong dugo. (Talagang kagagahan.)

Interpretasyon ni Rollie, talagang buhay ko na ang pagsusulat. Kasi, bakit daw nasa panaginip na iyon ang head of state? My highest aspiration is to be a writer, sabi niya. Well, matagal ko nang alam 'yun. Pero dahil daw nakita ko 'yung apoy, at ang aking anak, pahiwatig iyon na mahalaga ang pagbabalanse sa pagsusulat at buhay pamilya. Sa sinabi niyang iyon, tumigil muna ang sasakyan, nawala muna lahat ng aking mga katabi at kasabayan sa biyahe pauwi ng Lipa. Ako na lang muna ang naiwan, at napatda sa aking "pagkapabaya" bilang ina. Noong week-end na pumunta kami sa Batangas, nag-away ang aking mag-ama. Nagrereact ang aking asawa sa pasa na nakita niya sa braso ni Amado -- "saan nanggaling 'yan?" -- 'yung tipo bang bumukas muli ang portal ng kabataan niya at naalala niya ang mga suntukan sa mga bullies sa Don Bosco. Talagang nakakatakot magpalaki ng anak, mahal na mahal mo ang bata, at walang kamukat mukat, nauulit sa kanya ang tapyas ng mga karanasan mo sa iyong kabataan. Ewan ko ba kung bakit ang mga hindi pa kanais nais na karanasan ang nauulit. Na para bang wala ka talagang kontrol maging sa kinabukasan ng pinakamumutya mo, dahil anak mo. To make it short, nanumbalik ang violent tendencies ng bata at ang tatay ang pinagdiskitahan. Pinagsusuntok. Hindi naman daw niya pinatulan. Pero noong popormahan na niya, natakot. Natulog muna ang bata sa bahay ng lola niya, pinayuhan ng tiyo niya, ang bunso kong kapatid na si Manolo.

Hay. Salamat naman at may kapatid akong kagaya ni Manolo na pakikinggan ng bata. Natutuwa ako dahil genuine 'yung concern niya sa aking anak. Pinagsabihan, inamo. Nakinig ang musmos. Wala ako ng mangyari ang igting at katapusan ng away. Ngayon, narito na uli ang bata sa bahay. Katabi pa nga ng tatay niya sa pagtulog. Parang walang nangyari.

Wednesday, January 16, 2008

Gym

I have an aging body, and I'm fully aware of it. Of course this shape would soon fall apart, being female and married guarantees that. Kapag pumupunta ako sa gym, alam kong ang binabayaran kong monthly charge doon ay hindi lang sumasaklaw sa paggamit ng equipment kagaya ng treadmill o exercise machines, hindi lang para sa pagligo mo sa mga shower rooms na laging tamang tama ang init ng tubig, malinis na banyo, malinis na locker rooms. Kasama rin sa binabayaran ko marahil 'yung illusyon na, may ginagawa ako para patagalin pa ang proseso ng pagkaagnas ng katawan kong ito. Kaya, lagi kong iniisip na masaya mag-gym. Susunduin ako ng kapatid ko, naka-taxi na siya. Lagi na lang akong nashoshock sa itsura niya: pinupudpod niya ang buhok, dahil anya'y gusto niyang kapag hinahaplos niya ang batok niya, may nararamdaman siyang tumutusok tusok. Lagi rin siyang nakikipag-chikahan sa driver, na parang tv talkshow host na namimingwit ng mga puna sa gobyerno, sa mga politiko, sa mga artista. Lagi rin namang magiliw ang tsuper sa komentaryo. Pagkababa, ako ang magbabayad. Ngingitian na lamang ako ng kapatid ko.

I don't do any special exercises. Basta, pumupunta lang ako sa treadmill, i-oon ko ang mp3 player, at 'yun na, I space myself out. I like the fact that I chose the music myself. Linulunod ng tunog ng mp3 player ko 'yung upbeat, 'yung nakakapagpalakas ng pintig ng puso na beat ng dance music. Techno ba 'yung tawag nila ro'n? Hindi ko na alam, at hindi ko na rin ma-appreciate. I knew that tumanda na talaga ako nang hindi na ako makarelate sa bagong mga tunog, sa bagong mga banda. Pinakamahusay sa akin 'yung e-heads, 'yung simon and garfunkel, at oo, may asin pa at johnny cash sa player ko. Habang nakatutok ng mga mata ng mga nag-eexercise sa gym, may isang dosenang tv screen na nagpapalabas ng iba't ibang mga programa mula National Geographic hanggang CNN hanggang BBC hanggang anime o talk show. Gaano kaya kalaki ang bill ng kuryente ng ganitong establishment. Parang ako lang ang nag-aabala pang mag-isip nito. Parang kuntento na sila -- mga lalaking nasa 30 hanggang 50 anyos na butod na ang mga tiyan sa exercise ng inuman, mga babaeng nasa 40 hanggang 50 na nag-oopisina rin marahil o mga housewives ng mga OFW, mga batang nasa 20 o kalalabas lang ng kolehiyo, nagtratrabaho sa call center o nasa kalagitnaan ng transisyon mula kolehiyo tungo sa "tunay na buhay". Honestly, wala naman akong tunay na ideya kung sino nga ba sila, itong mga nakakasabay ko sa gym. Hindi naman ako palakaibigan, at hindi ko masakyan ang pagka"friendly" ng iba, at ewan ko ba kung akin ngang ikalulugod na malaman na kaya pala ako kinakausap ay para bentahan lamang ng low fat na cheese dip, track suit, kuliling accessories para sa belly dancing, o alukin ng masahe sa bahay. Mas direct ang paraan ng kapatid ko para mangsupalpal. "Bakit ka naka-rollers?" ang tanong niya sa isang ale sa fitting room na naglatag na ng iba't ibang mga hikaw at sizes ng leggings. Nawala 'yung illusion ng female camaraderie. Nagligpitan ng gamit, bye, at nakalabas na pala sila sa locker room, kasabay ng pag-off ng blowdryer.

Minsan, may nakita akong babae na umiiyak sa sofa. Kagagaling ko lang ng shower room. Maaga akong nag gym at hindi ko nakasabay ang aking kapatid. I wasn't expecting anything out of the ordinary. But there was that woman, alone, nasa coral sofa, naka-fetal position pa nga, humahagulgol. Naghohormone therapy? Menopausal? Depressed? Stressed? Walang lumapit. Lahat ay nagkunwaring abala sa pagliligpit ng gamit -- binubuksan ang mga locker, tinitiklop ang mga tuwalya, sinusuksok sa plastik ang mga tsinelas, binabalik sa vanity case ang mga sachet/o bote ng shampoo, lotion, sabon, sinasara ang mga locker pagkaraan. 'Yung dryer, parang nanlilibak pa 'yung tunog sa umiiyak na babae, parang sinasabi, "ano, 'kala mo ba, madaling maging fit? Bzzzh bzzzh..."

I never saw that woman again. And I wonder if she did think that her body was also aging, just like everybody else.

Monday, January 14, 2008

Porosity

I long to work alone in the early morning. Unfortunately even if I wake at three or four a.m. everybody else in this house seem to feel this desire and they get up from their beds. I derive pleasure from the fact that I seem to be in control of a certain silence in this house, my mind is free to wander off and I can fully concentrate without any interruptions. As soon as another person is awake, that special time to be alone with one's thoughts is drastically altered. I am no longer alone, I have to share that time, and that particular space, with somebody else. Like my son, who automatically shuts himself in the toilet to pee, and I could hear the intermittent flow of water in the bidet. Or my husband, who looks for his cellphone, cigarettes and lighter, and loudly proclaims, "Asan ang cellphone ko?" and if you hand it to him, "Asan ang lighter ko?" and it doesn't stop until he settles into a chair and lights a stick. Even my gentle sister in law could not understand this need for solitude, as she would chat about our boarder's cats or some such concern. Of course I love them all. But they all seem to be some kind of drain that sucks my plenitude of space and time and freedom. Of course I'm babbling like a fool. What plenitude of time? Or space? Or freedom? Of course we are never alone. And we have to live with that. And so, if I write about a typical wakeful moment in the early morning, don't be surprised if I would also add, that, apart from me, my husband and my sister in law woke up. He thought he heard a screen door close, while she thought it was something else. "Narinig ko na 'yun e, parang bakal na hinihila."
"Hindi, parang screen na binubuksan."
"Baka naman artist ang kapitbahay niyo."
He went out, inspected the periphery and found nothing.
"'Yan din kasi ang narinig niya noon ng ninakawan ang kabila."
"Oo, parang may nagsarang screen door."
After a few more minutes, he decided to sleep, and so did she. I was thankful there weren't any intruders, but I was even more grateful by the fact that they left me alone. I have a
pet theory about all these sounds and noises, a running vision about burglary and theft. Of course I have learned to keep these thoughts to myself. My husband has always told me it's just my imagination.

This house is porous. All its walls, from front to back and sideways are. Even the ceilings are weak. A child couldn't do it. Perhaps a cat will, or a large rat. But a person? No, no, no. He dismisses all these possibilities. He says if a burglar will come in here, he wouldn't be interested in just a book, or a number of books. He wouldn't even take my son's toys. He would go for the big fish, like our tv, our laptop and computer, etc. To which I say, what if his or her intention is not to steal but simply to borrow? The house is porous and we always have uninvited guests. They manage to pilfer some creamer and detergents, sanitary napkins and frozen food, eggs and milk. A headset from the gym suddenly materializes after a long absence, its left ear foam missing and magnet exposed. Four silver coated earrings disappear and one pair suddenly shows up in my vanity case. A cd that I thought I lost was found under the computer table which I have cleaned and found clear of any debris. Clothes, from a pair of jeans to a blouse, get lost in limbo, only to be found hanged in a corner somewhere or kept in a plastic bag.

The Buddhists claim that in order to achieve Nirvana we must learn to be free from all desires.
Thank God I am not a Buddhist. I would always begrudge another person's interference in my space or time that I chose as mine alone. And it's not because I am just, technically, a selfish person. The things that are sucked away from this house, be they a piece of toy or plastic soldier, or a slim volume of poetry or a favorite novel, are no longer just things. I consider them a part of who we are, a part of the body that I call family, a part of the concept others vaguely say, memories. Like my father, I believe no one has the right to build a library from other people's books. As for my son's toys, every piece of lego is a solid atom of his childhood.

These things aren't just "material". They have clung to the very atoms of our being here, in this time and in this space. 'Yung makakain, hinahayaan ko na lang. 'Yung maisusuot, natutunan ko nang palampasin. Ang iniisip ko na lang, nilalang siguro siya -- buhay, hindi multo -- na walang masilungan. Naghahangad marahil. Ano ba naman ang tasa ng masarap na kape? O ilang piraso ng chocolate? Siguro, ikinalulugod niya iyon. Doon siya maligaya. Matagal na nalamatan ng mga nawawalang bagay ang pakikitungo ko sa mga tumira na ritong mga kasambahay. At kahit si Aling Gondina, na siyang pinakamatapat na kasambahay na nilikha ay hindi rin ligtas sa aking suspisyon, o teorya ng kupit. Kapag nagkakaganito ang iniisip ko, inaalala ko na lang ang ginawa niyang kabutihan sa aking lola.

Si Aling Dina ang nagdala sa ospital sa aking lola, ng atakehin ito sa puso noong isang tanghali ng Nobyembre 2004. Nahimatay na ang lola ko sa tapat ng refrigerator, na bukas pa. Siguro, idedefrost niya ang laman. Kung anu-ano ang iniimbak niya roon. Dadaigin ng mga laman ng styro roon ang anumang bulagaan ng premyo sa noontime show -- may expired na gamot, pustiso, bulok nang ulam, tsokolateng naaagnas, mumo. Dahil wala siyang tinapon halos. Sabi nga ni Bert, ultimo napkin ay huhugasan pa niya't isasabit para magamit muli.

Siguro, kung sinuman iyong napapadpad dito, ang bahay na ito'y isang malaking refrigerator. O imbakan. Isang warehouse. Isang library. Isang bookstore. Isang do-it-yourself hardware outlet. Duty free. Kagandang materyal nito para sa isang sitcom. Isang bahay na laging nagigising ang mga nakatira dahil sa pag-aalala nilang sila'y napapasukan. Isang babae na may teorya sa lahat ng pagkawalang ito pero hindi pinaniniwalaan, parang si Cassandra. Isang lalake na sayantipikong mag-isip pero numero uno namang matatakutin. Ang kapatid nitong babae na may sarili ring lipad, tapat, at simple. Batang siya palang susi ng lahat ng mga nawawala, dahil ito ang kumukuha ng mga gamit at ibinabaon sa lupa o ipinamimigay sa mga kaibigan. Isang kasambahay na malilimutin na laging napagbibintangan. Asong kumakahol sa mga multo, pero hindi kumakahol sa mga magnanakaw. At huwag kalilimutan sa cast ang bahay na ito na bukod sa luma na'y maaring portal rin ng mga dumaraan o napadaang mga kaluluwa. What a laugh. Parang Gothic story na may resident ghost. Unfortunately palpak akong sumulat ng mga patawa kasi ako lang ang natatawa. Kaya siguro kahit i-pitch ko pa ito, hindi ito papasa.

So natanggap ko na na nakatira ako sa isang bahay na lagusan. Silungan. At inaangkin ko, maging ang baliw na teoryang ito na ni ayaw seryosohin ng kahit sino, kahit ng aking asawa.
Malawak ang lupaing sakop ng Sacred Heart Novitiate. Malamang aabutin iyon ng dalawampu o higit pang hektarya. May gubat ng mga punong balete, apitong, lauan, narra. Isang gubat na maamo, isang gubat sa gitna ng lunsod. Nagtatagisan ang mga sanga sa driveway pero hindi naman nananakmal ng isa't isa. Mahaba ang driveway paloob. May dating ang lugar na tila ibinababad ang lupa sa tubig ng matagal hanggang sa tubuan na ito ng lumot. Panahon pa raw ng mga Amerikano ito naitatag, 1933 daw. Puti ang kabuuang monasteryo at kapansin pansin ang stained glass nitong mga tagiliran. Sa loob ng monasteryo, mamula mula ang mga tiles. Kapag nakatapak ka na sa loob ng gusali, tila may bulong na sumusunod sa iyo habang ika'y naglalakad. Tahimik ang pasilyo gaya ng hiningang inaasahan sa isang simbahan. Gustong gusto ko ang gusaling ito at matagal ko nang binabalak na pumunta rito't magsulat. Kahit ilang araw lang. Nakapagtanong na rin ako. Aabutin raw ng anim na libo ang isang linggo.

Hindi na masama. Ang kaso, kailangan ring i-adjust ang sariling iskedyul. Kahit tila walang mga panauhin ang novitiate, ito pala'y isang retreat center na bihirang mabakante. Dinadayo ito ng mga kabataang estudyante ng catholic schools, ng mga kasapi ng Couples for Christ, at iba pang relihiyosong organisasyon na hindi ko na inalam.

Walang telebisyon, Wala ni alingawngaw ng radyo. Napaliligiran ng bukid, bagamat tanaw mo rin ang mga tumutubong kalsada, hayun na ang pundasyon ng mga itatayong subdibisyon, parang ngipin ng bata ang mga kongkretong gila-gilagid. Sa loob ng gusali, may maririnig ka pang unga ng kambing. May porsiyon ang gusali na laan para sa pagkain ng almusal, tanghalian at hapunan. Ang sabi, dito raw tumungo si Amado V. Hernandez noon. Hindi malinaw kung bakit napadpad ang makata roon, kung para ba makipag-usap sa Diyos o para pa sa ibang bagay.

Setting ng isang eksena sa nobela ang retreat house na ito, para sa pagpapalawig ng kuwento ni Jo.

II. pagpapatuloy, Enero 25

Ang totoo, asiwa rin akong ilimbag sa blog na ito ang mga bahagi ng aking sinusulat. Baka mabasa pa ng mga tao. Pero, naiisip isip ko pa rin, e ano? Kaya ka nga nagsusulat. Iniisip ko na bahagi rin ito ng creative process ng pagtatapos ng dissertasyon. Pero, bunga na rin ng kawalan ng impormasyon sa kung paano ba magpost ng file sa blog, hindi ko maidikit ang natapos ko nang kuwento (kabanata) ukol kay Jo.

Ang porsiyon ng kuwento ni Jo ang tila "misplaced" na bahagi sa buong narratibo. Kuwento ito dapat ni Antonio, dahil siya ang peregrino, o ni Papang. Pero kamalayan ni Jo ang nananaig. Si Jo ay tinimpla mula sa dati nang karakter na si Laya Dimasupil mula sa Makinilyang Altar. Ang pagkakaiba lang nila, so far, ay ang pangalan. Hindi ko na rin gaanong binutingting sa borador ng ika-2 nobela ang backstory ni Jo. Basta, siya 'yung asawa ni Antonio na laging nasa background lamang, tinig na nagpapaala sa asawa ng iniwang lupain, sa partikular, ng iniwang tahanan. Kaya nasa Sacred Heart Novitiate si Jo ay dahil kasama na naman siya sa isang writers workshop, at may kung ano na nasa lugar na iyon na nagtutulak sa kanyang kumpruntahin ang sarili.

Gaya ng aking panaginip ukol sa attic. Wala namang attic ang bahay namin, pero sa panaginip, natuklasan kong may bukod na palapag pala sa itaas nito. At kumpleto halos ang gamit: libro, laruan, bisikleta, camera, kama. May sahig ring halos eksakto ng sahig sa "totoong" yunit na aming tinitirahan. May pamilyang umuuwi roon. May lola, may tatlo pang tauhan na hindi ko na masino ang mukha. Naroon pa nga sa attic ang nanay ko, mas bata ang kanyang edad, mga kuwarenta rin, kasingtanda ko. Suot niya 'yung damit niya lagi sa Montalban: maong na bellbottom, tshirt na pamigay sa hardware, asul. May inaamoy amoy siyang mga damit. 'Yung nanay ko, may inabot sa aking pares ng shorts? o palda? mula sa isang kahon na parang sa Gragero's underwear. Tumatanggi akong isuot iyon dahil hindi sa akin. At tamang tama naman na dumating na 'yung pamilya. May carcass sa loob ng bahay na iyon, sa attic na iyon, na alam ng nanay ko, at alam ko rin. Pero bakit hindi nangangamoy, at bakit parang wala lang na nakasupot iyon na parang hamon na pinuslit? Parang boarder pa nga na masungit ang dumating na pamilya, na parang nainis na naroon kaming mag-ina sa espasyo nila. At bago natapos ang panaginip, takang taka ako kung paano nakakapasok ang mag-anak na iyon sa loob ng aming bahay. At kung paano ko hindi mamamalayang naroon sila, gayong halos buong kisame ay sakop ng kanilang palapag? Ayon sa dream dictionary, ang attic ay sumisimbolo sa mga repressed na alaala na nabubunyag. Na kailangang kumpruntahin ng nananaginip. Simbolo rin daw ito ng higher self.

Ginising naman ako ngayon ng tila katuluyan ng panaginip sa attic. Isang pagsasakdal. Parang sa maliit na baranggay hall lamang. At ako ang nahatulang guilty. Nakikusap ang aking asawa. Pero tila nakapagpasya na ang hukom. May nababasa pa akong dokumento -- "no previous criminal record". Sa hindi maipaliwanag na dahilan, naalala ko ang buntot ng isang sinabi sa akin ni Bert: "may mga bagay na hindi na ako magsasalita, may mga bagay na tatahimik na lang ako. At dapat mong maunawaan kung bakit ako nananahimik." Nalulungkot ako sa tuwing naalala ko 'yung sinabi niyang ito. Panay ang bulalas ng aking asawa na mahal niya ako. Pero siguro para mapanatili niya ang sarili kailangang magbukod siya. May mundo siyang hindi ko mapasok. At ang nakakatawa, hindi naman siya ganu'n kakumplikado, ayon sa sarili. Pakiramdam ko hindi naman talaga ako ang pamilya niya. At kung magiging labis akong matapat, hindi rin siya ang aking pamilya. Nasaan ang aking pamilya?

Kailangan ko ba ng pamilya? Minsan, hindi kasing-bilis ng lintek ang sagot ko rito. Minsan, natatagalan akong umoo. At hindi naman dahil hindi ko na mahal ang aking pamilya.

III. pagpapatuloy, enero 26

Kumain kami kanina sa labas. Pananghalian lang. Habang tumitingin ng ilaw si Bert, dumating na ang pagkaing inorder namin. Medyo disappointed ako sa kinalabasan. Lalo na du'n sa catfish salad. Siguro, namiss ko lang 'yung pagkain du'n sa Muang Thai. Sinamahan ko pa si Bert doon sa shop ng ilaw, gusto niyang ikumpirma kung bagay 'yung naiisip niya. Ako ang kanyang unofficial consultant sa mga desisyong gaya nito. Noong huli niya akong tinanong, para naman sa kumbinasyon ng kulay sa pebble path. Natutuwa ako na may pinagkakaabalahan si Bert, at natutuwa rin ako sa magandang pakikisama at samahan niya sa aking ina, pati na rin sa aking mga kapatid. Bago kasi ang pananghalian, sinamahan ko pa siyang maningil ng upa sa bahay namin sa Don Jose. Nabalitaan ko na lang na nagkahiwalay ang mag-asawang nakatira doon, at medyo nalungkot rin ako. Bumigay sa selos ang babae, dahil naging mabigat na ang skedyul ng abogado niyang asawa. Bukod sa 8-5 job, may out of town trips. Kumikita nga ng malaki ang abogadong ito, at gusto niyang bilhin ang bahay namin kapag nakaipon na siya ng pera. Para magkaideya ka ng kanyang prosperidad, isipin mong may alaga siyang agila at may civilian guard (na pinsan nga lang niya). Mahilig siyang magtanim ng bonsai sa libreng oras, at kagaya rin siya ng tatay ko na libangang magtanim ng gulay. Ayon kay Bert, may nag-alok na sa abogadong ito ng milyon, pero tumanggi siya. Kinukuwento ito ni Bert sa akin para ipahayag ang respeto niya sa abogadong ito, na legal counsel rin ng eskuwelang pinapasukan ng aking anak.

Sumingit sa aking diwa ang detalyeng ito dahil sa naisip kong nagkakataon lang ba na kapag guminhawa na ang estado ng mag-asawang dating hikahos ay nagkakalabuan sila? Sa puntong ito, hindi ko alam kung maiinggit ako. Parang gusto ko na sabay -- 'yung prosperidad at 'yung pagsasama. Siguro nga, ang yaman ay iba iba. Ang kalusugan ay kayamanan. Salamat sa Diyos at wala kaming mga sakit. Salamat sa Diyos na kahit kasyang kasya lang ang budget sa isang buwan ay magkakasama pa kami.

Ang ayaw ko lang -- walang tigil ako sa kaiisip. Wala akong ka-kuntentuhan. Sa edad na 40, ang tanong na raw ng isang babae ay: ano ba'ng ginagawa ko? Purpose na raw ang key word. Hindi na itsura o damit. Hindi na identidad. Dahil realidad na rin ang pagtanda at pag-eexit. Dahil kapag narating mo na ang 40, kilala mo na kung sino ka na. Kilala ko nga ba?

III. pagpapatuloy, enero 27

Ilang araw na lang at hindi na ako kuwarenta. Kuwarenta'y uno na. Hawak ko nga ngayon ang isa sa tatlong notebook na kaban ng mga refleksiyon para sa Pasakalye. Binabasa basa ko iyon kagabi noong bumukod muna ako sa silid ng aking anak, napagod sa paulit ulit na pagtatalo naming mag-asawa. Ngayong madaling araw na ito, naalala ko na naman ang mga nangyari kanina. Kapag malapit nang matapos ang kanyang kontrata sa reboasyon o konstruksiyon, nagkakaganito siya. Lagi niyang nauungkat na mula nang nagbakasyon kaming magkakaibigan sa Lipa, naging "impediment" na sa akin 'yung pagkukuwestiyon sa legal na basis nito.

Tinanong ko siya, pointblank. Don't I deserve the legal procedure? I do, sabi niya. Pero hindi ko raw ba naiisip na ang dami daming mga Pilipino na ganito rin ang kalagayan? Tuluyan nang nabuwag ang institusyon ng kasal sa karupukan ng mga nagpakasal, na may kanya kanyang mga dahilan kung bakit nagkahiwalay. E alam ba ito ng mga nanghuhusga? Alam ba niyang napakalaki ng mental anguish na hindi ka kasali sa pala-palagay na "morally upright" at nagtuturo ka? At may mental image ang mga kabataan kung ano ka kahit hindi ka nila kilala? Dahil posibleng ang mismong pamilya nila'y winasak ng mga kagaya ko? Gusto kong sabihin sa kanila, kaya nabuwag ang pagsasama nila'y hindi dahil sa akin kundi dahil sa natagpuan ng legal ang tunay niyang katapat, kaya lang nakatali na siya. At ang lalaki ang iniwan, siya ang pinendeho. Pero hindi nagmamatter ito sa mga taong saksakan rin kung magmalinis. Tunay, wala namang ngipin ang batas dito sa bansa. Actually, tama rin ang aking asawa. Nabagabag nga ako. Nagfastforward bigla ang tingin ko sa buhay ko, at natakot ako sa prospect na saan namin pupuluting mag-ina ang aming sarili kung wala man lang kaming aasahan? Oo, tanggap ko nang hindi siya si Donald Trump. Wala naman akong bisyon na may uupuan kaming last will and testament. Ang legal pala na maaring mangyari ay makikihati pa sa aking anak ang dating karelasyon, dahil sa mata ng batas, ganu'n ang nararapat. Sabi ko na nga ba. Kahit hanggang sa bagay na iyon, talo ang babae. Naiinis lang ako sa sarili ko dahil naging napaka-careless ko sa aking kinabukasan. Isa rin pala itong pagpapatiwakal.

Ito ang tunay na dahilan kung bakit iba ang hubog ng karakter ni Jo sa karakter ni Laya. Ang identidad ni Laya ay anak siya ng manunulat na naghahanap ng sariling tinig. Samantala, ang identidad ni Jo ay naghahanap siya ng legitimacy bilang asawa.

At ano ang kaugnayan ng Sacred Heart Novitiate sa lahat ng pagmumuning ito? Iniisip ko lang na 'yung pagreretreat ni Jo sa lugar na iyon was actually an excuse to forgive herself for what she is about to do. Dalawang bagay lang 'yun -- leave her husband, or kill herself. (Pero puwede ring echo lang ang eksenang ito ni Jo ng isa pang eksena, na wala si Jo kundi tampok ang asawa ni Mitoy, si Fiona. Same options. Pero ang pinili ni Fiona, leave the husband. Pinag-iisipan ko pa ng mabuti kung tama ba 'yung artistic decision na piliin ni Jo 'yung kill herself option. Kasi parang napaka-derivative ng mga nauna nang modernist works. Besides, kung hindi ito masugid na naforeground, 'day, ang corny nito. Baka sa halip na maging poignant e maging comic. Pero puwede rin na bungled 'yung suicide attempt -- ganu'n talaga siya kapalpak. Ewan. Hindi ko pa alam. Basta ang tiyak ako, ang desisyon ni Jo ay kunektado dapat sa desisyon rin ni Antonio na umuwi. Isa pang option, what if ang gagawa ng pasyang ito ay si Wanda, at hindi si Jo? Equally powerful? Hmmm.)

Kakatwa ang desisyong magretreat kasi hindi naman pinalaking Katoliko si Jo. Laging critical ang standpoint ng mga magulang niya sa faith na 'yun, lalo na ang tatay niya. Bukod sa hindi na ito nagsisimba, pinagsusunog nito ang lahat ng mga akdang may kinalaman sa pananampalataya -- Bibliya, Mauriac, Moore. Ipinatapon ang mga santo sa altar. Akala mo nga hindi nag-aral sa UST. (O mas kapani-paniwala na galing nga siya doon?) Sa indiskrimasyon ng pagtatapon, hindi naman mahalaga kung ikaw ang sumulat ng Gospel o isa ka lamang medium para palaganapin ang christian faith as redeeming sa mga sinulat na katha. Wala na akong espasyo para sa iba ko pang libro, para sa mga mas mahahalagang libro, iyon ang katwiran ng tatay ni Jo. May mga alaala si Jo na linalampas-lampasan nila ang selebrasyon ng Pasko. Walang rega-regalo. O kahit na mahal na araw, Biyernes Santo. Doon pa siya magpapaluto ng corned beef.

Total opposite ito ng nanay ni Jo, na nangarap na maging madre noon. Na naniniwalang may kaluluwa ang bawat bagay, bago pa nauso ang mga New Age shit. Na laging nangangaral kay Jo, para tumigil ang mga bangungot niya, na laging magdasal bago matulog, at pagkagising. Malalaman ni Jo na hindi lang pala siya ang nakaranas ng sangandaan bilang katolikong babae. Dahil na rin sa pagproproseso ng tiyuhin niya (si Mitoy) ng mga papeles para ma-annull ang church marriage nito sa asawang paulit ulit siyang pinendeho, mababasa ni Jo mula sa isang dokumento na sinulat ng ina ang pagkakadawit nito sa isang sitwasyon na hindi niya akalaing maiisip man lang nito: ang magpalaglag. Sa dokumento, ginamit na rason ang paghikayat ng dating karelasyon ni Mitoy, si Fiona, na gawin ito ng nanay ni Jo. At the very last moment, nagbagong isip si Emilia, ang ina ni Jo.

Iniisip ko 'yung senaryo ng eksaktong pagpunta ng maghipag sa klinika. Isang may kuwarenta'y anyos na babae, may-asawa, na sinasamahan ng isang may trenta anyos na babae. Nakasakay silang dalawa sa bangkang de motor para mapuntahan ang klinika na nasa kabilang pampang. Malungkot ang mas nakatatandang babae, masuka suka sa pagtanaw sa mga lumulutang lutang na water lily sa mangitim ngitim na tubig, halos kabahan na may makikitang lumulutang lutang rin na laman doon -- saang pelikula ko nga ba napanood ito? Si Gina Alajar at Sandy Andolong, kasama ang boyfriend ng karakter ni Alajar na si Philip Salvador? Makararating ang dalawang babae sa klinika, kung saan ang duktor ay hindi mo rin aakalaing gumagawa ng prosesong ito na pagkitil ng buhay. Siya 'yung 'tipong makakasalubong mo pa sa mga cursillo, 'yung tipong palasimbang mama na makiki"peace be with you" sa 'yo, may kotseng puti na may rosaryo pa na binasbasan ng milagrosong tubig ng Agoo. Sa kritikal na sandali ng pagtanggi, paano kaya natapos ang eksena? Iniwan ba ng nakatatandang babae 'yung isa pa sa klinika? Ano'ng pumasok sa diwa niya noong nagdesisyon siya?

Samantala, may nakita akong entry sa journal ng Pasakalye na sa tingin ko'y magagamit ko sa konstruksiyon ng eksena ni Jo. Itinatala ko kasi sa aking journal ang mga balitang nasasagap ko, isa lang sa maraming mga balita, na dumadaloy sa araw araw. May inang linaslas ang leeg ng kanyang limang taong gulang na anak. Patay. Hindi pumanaw ang bata dahil sa paglaslas mismo, kundi sa kapurulan ng instrumentong ginamit. Ang isa pang anak, 'yung bunso, na sanggol pa lamang, ay linaslas rin. Patay. Ipinakita sa telebisyon ang suspekt. Hindi katulad ng inaasahan nating itsura ng baliw na ina: tulala? umiiyak? nagmumukhang Sisa? Hindi. Nakaupo lamang siya, ni walang bahid ng luha, hindi mukhang baliw, parang pagod na pagod lang, kagaya marahil ng aking mukha kapag napagod sa maghapong pagwawasto ng papel at humihigop ng kape.

Ipinakita sa telebisyon ang itsura ng asawa niya: lalakeng may kuwarenta anyos mahigit, payat, bakas sa pananamit at galaw na walang trabaho, lasing. Parang hindi pa niya nauunawaan ang pangyayari. Sa pagitan niya at ng kanyang asawa, siya pa ang mukhang wala nang ulirat, dahil hindi makontrol ang pagbibiling ng kanyang leeg sa kaiiling. Sabi ng voice over ng reporter, ipinauubaya na lamang daw ng mag-asawa sa DSWD ang mga anak nila habang wala pa silang mga trabaho. (May pakiramdam kang bola lang 'yung voice over kasi pa'no mo ba kakausapin ang dalawang taong kagaya nito matapos ang trahedya? Alangan namang itanong mo kung kumusta na sila di ba?) Binigyan ng network ang pamilyang ito ng ilang mga items para makapagsimula ng "negosyo": supot supot ng korniks, skyflakes at iba pang mga junk food items na matatagpuan sa bilihan ng tinging sigarilyo't kendi. Dulo ng segment, klaro na 'yung network ang bida, ang mga tagapagsagip. Dulo ng segment, masama't pabaya ang mga magulang, lalo na 'yung ina, na bukod sa pinakitang walang luha'y finocus pa ang kutsilyong ginamit sa paglaslas: kinakalawang na't mukhang nagkakahalaga lamang ng beinte pesos.

IV. Resolusyon

Masyadong sprawling ang tubo ng aking mga iniisip. Hindi ko na namalayang nawaglit 'yung dalawang opsiyon na binabanggit ko kanina, ukol kay Jo. At sa puntong ito, mukhang identifiable na rin sa akin 'yung major theme sa nobela: ano ba ang ibig sabihin ng pagsasama? Ano ba ang saysay ng pag-aasawa? Ano ang mangyayari sa pagsasama kapag binabatak ito ng hamon ng paghihiwalay dala ng pangingibang bansa? Mauulit ang temang ito hindi lang sa Pasakalye, o sa Mobilidad, kundi pati na rin sa 11 Chopin St. Habang nababalahaw pa ako sa kabanata ukol kay Antonio, itutuloy ko muna siguro 'yung Chopin segment.

Si Chopin ang pinakaromantikong kompositor ng 17th century, ayon na rin sa Wikipedia. Marami siyang sinulat na mga piyesa para sa piano, at marami siyang mga innobasyon sa paglikha, kabilang ang popularisasyon ng etude. Pinakadakilang kompositor raw siya ng piano. Bukod sa etudes, nakasulat ng mga polonaise (may dagundong ng digma't hidwaan), waltz (ang ballroom), nocturnes (tagpuan ng mga magsing-irog sa ilalim ng buwan), at ballades. Promising na sana ang career niya pero umalsa ang mga mga Polish sa mga Ruso. Nabigo ang himagsik. Nagkaroon ng rehimen ng batas militar, na naabutan ni Chopin sa Warsaw. Napilitan si Chopin na lumisan, at manirahan na ng tuluyan sa Pransiya. Trenta'y nuwebe siya nang mamatay, sa sakit na tuberkulosis. At siyangapala, naging kalaguyo siya ng nobelistang si George Sands. Pero mas interesado ako doon sa naging kapalaran ng piyano niya -- na winasak ng rehimen, nang literal itong itinulak palabas ng bintana. (Parang sa Looney Tunes cartoon.) Gusto ko 'yung image na 'yun at itinago ko ito sa aking utak, may kutob akong magagamit ko sa hinaharap sa narratibong ito.

Kinikilala ko ang kompositor na ito kahit na hindi ako nakatira sa isang pamamahay na balot ng alpombra, may Victorian inspired na muwebles, na may mga putaki-putaking platito ng mga tirang pastry o linalanggam na mga prutas. Tumubo ang inspirasyon ni Chopin sa espasyong may maalikabok na kuwarto't may bumabahing na babae na nagpupuyat ngayon sa pag-eencode ng mga unang salta ng isip.

Sa totoo lang, aliw na aliw ako sa aking ginagawa. Unti unting lumilinaw ang mga tema, kahit na nalulula na ako sa inaabot ng mga kuwento. Mahuhulog at mahuhulog rin ang mga pirasong ito sa dapat nilang kalagyang lugar. Kailangan ko lang na pagtiyagaan ang kanilang pamumukadkad.

Sunday, January 13, 2008

Cain

Kung naging Biblikal akong tauhan, hindi ako si Ruth, ang mapagmahal na biyuda, na sukat mamatay ang asawa'y pinili pa ring makasama ang kaanak ng kabiyak. Hindi rin ako si Magdalena, bagamat hinahangaan ko ang tibay ng kanyang pagkatao sa kabila ng pinagdaanan, at kahanga hanga rin ang kanyang debosyon kay Kristo. Ako kaya si Veronica, na pumunas ng mukha ni Kristo't namangha sa nakitang bakas ng mismong mukhang iyon?

Ang totoo, gusto ko si Hudas. Wala siyang takot. Marami siyang mga tanong. Kung tutuusin, kung hindi siya maurirat, aba'y hindi siguro ganu'n ka-interesante ang pag-uusap. Walang dayalektika, wika nga. Siya ang nagkanulo, at dahil hindi niya maatim ang kataksilang ginawa, nagbigti siya. Imbi ang kaluluwa niya, na hindi na nanahan sa anumang lugar.

Si Cain, para sa akin, ay isa rin sa pinaka-interesanteng tauhan ng Bibliya. Ramdam ko ang sama ng kanyang loob. 'Yung tipong alam niyang nagpakabuti siya bilang anak, ngunit hindi pala sumasapat iyon. Napatay pa niya ang kapatid sa inggit at selos.

Bago isipin ng mambabasa na pangarap kong magpari, sinasabi ko na sa inyong hindi po. Naisip ko lang ito dahil pinagmumunihan ko ngayon ang hinampo ng aking asawa. Biblikal ang uri ng kanyang hinampo. Hinanakit sa kitid ng unawa ng kapatid, na anya'y ayaw na niyang makatrabaho. Sa totoo lang, hindi naman kinulang ng biyaya ang aking asawa pagdating sa mga talent. Nag-iisa siyang nakilala ko na kayang mag-ayos ng mga bagay na sira o wasak. May oido sa teknikal na kaalaman, nakakapagpatino ng mga duling na tv, inaantok na elisi, hinihikang mga aircon. Tinitingnan niya ang kakayahan niya bilang bokasyon. Dati, bago ko raw siya makilala, libangan niya ang tumulong sa pag-aayos ng mga kotseng nasiraan sa Session road. Ilang beses ko nang nakita kung paano siya tumulong sa mga taong hindi niya kaano ano pagdating sa sasakyan. May sibol siya ng awa para sa karaniwan, magmula sa mga matatandang ale na humihingi ng plastik na basyo na bibigyan pa niya ng aming tirang ulam, hanggang sa mga batang palaboy na aabutan niya ng barya.

Hindi niya napakinabangan pagdating sa career ang kurso niya sa Economics sa UP. Naabutan siya ng aktibismo sa unibersidad, at may panahong pinili niyang kumilos sa kanayunan. Hindi na nagkaroon ng ganang magtrabaho sa opisina, hindi na rin pinilit ang sariling bumagay sa mundo ng korporasyon. Umunlad na marahil ang kanyang mga dating kaklase. Talagang isinabuhay ang diwa nina Adam Smith at iba pang mga kapitalista. Kung mapag-uusapan ang kanyang college days, paborito niyang anecdote 'yung kung paano siya gumanti sa dati niyang guro sa Macroeconomics. Sa parking lot. Binato niya ng itlog ang kotse, itlog na pinagtiyagaan pa niyang tusukin ng heringilyang may kemikal na sisira sa pintura, tutupukin ang kulay, pakakalawangin. Plinano niya ang lahat na akala mo'y isang paglusob sa enemy territory na may mapa pa't walkie talkie.

Musmos siya na naghahanap lagi ng undivided attention. Kapag nagkukuwento, kailangang all ears. Napipikon siya sa ugali kong kalahating diwa lang ang nasa kumbersasyon, dahil ang natira'y nakatutok sa pagmamasid at pagmumuni ng kung ano ano. Kailangan mong ibigay ang annotasyon ng pinapanood mong pelikula o telecast ng balita, kahit unang beses mo rin lang iyong napanonood. Kailangan mo ring asikasuhin siya pagdating -- tulungan sa pagbubuhat ng gamit, abutan ng malinis na kamiseta. Alukin ng makakain. Mga tungkulin ng asawa.

Maraming mga talento, may matalas na isip, may puso sa karaniwang tao. Pero laging minumulto ng sama ng loob sa kanyang mga pinili. Nasasaktan sa labis na pagtatanong. Masamang magalit. Madalas bangungutin. Maingay makipagtalo. Pumapatol sa bata. Bihasa sa blackmail. Isang Cain, isang Hudas, at isa ring Kristo, na binilot sa iisang katawan.

Saturday, January 12, 2008

Psychic Clutter

It was a relief, to finally speak about the things left unsaid, esp. about the domestic situation that I covered in my previous blog entry. For a long time I felt I was all alone in the position of confronting the matter head-on. It also didn't help that I didn't want to hurt my sister-in-law's feelings, nor my nephews'. This time, I know I have already done the damage by the precise nature of writing about it in a blog. It's like unloading a large black bag of psychic trash in a field. It's another kind of pollution, another kind of eco-clutter that is more psychic in range. Wrath is one of the seven deadliest sins and perhaps I am guilty. But wrath also gave birth to creative inspiration, to concentration, and to finding one's philosophy about approaching wrath. Can you imagine all the people logging on to their blogs and unloading all their thoughts, just like me? I am amazed at the computer's ability not only to store all that soup, but also how it manages not to let that soup leak.

Nakatulong talaga ng malaki na malaman ko na 'yung attitude rin ni Nick sa bagay na ito ay mas confrontational. Lahat kasi sila'y umiiwas. Hayaan mo na siya, marerealize rin niya 'yun, masesettle rin niya 'yun, kagaya nga ng winika ni Bert o ni Des. Ganu'n pala ang epekto kapag nakikita mo mula sa labas 'yung eksaktong sitwasyon na nakita ng mga kaibigan tungkol sa iyo.
That obstinacy not to take part in improving one's situation, one's clinging to that sliver of hope that perhaps, change will come. Hindi talaga darating ang kaligayahan sa buhay ng kusa, kailangang likhain ito. At para malikha ito, kailangang likhain rin mula sa kawalan, mula sa kalat ng kung ano-anong mga pagpasya, pagkabigo, pangarap, ang sarili. I am a consequence of all the things that I have done and failed to do, of all the things that I have thought and felt and have actually created. I am a construct of all the things that I have read, whether they are real books or real texts that breathe life. Lahat ng pinili kong maalala, lahat ng pinili kong kalimutan, lahat ng kusa kong naaalala, o nakalilimutan.

Kagabi, nasaling na naman ng aking asawa ang sugat na di na gumaling galing. Sinabi niya sa akin na bakit ko linalakad ang nominasyon ni Rene para sa national artist samantalang bago siguro si Rene, dapat ang tatay ko muna. "He is a great writer." To which I replied, "Of course he is. Everybody knows that. And I acknowledge it with all my heart. It just so happened that there are so many things that I have to do at hindi ko na alam kung ano ang uunahin ko." And then before I knew it, an image flashed from my memory: there he was bald, tanned and skinned to the bones with that disease that ravaged all the vitality he once had. There he was with his throat, with that hole, all possibilities of speech taken away. A hand, that same hand that simultaneously stroked my hair fondly when I was a child, the hand that gave me pen and paper to draw and write with, the hand that constantly tapped the typewriter keys in all those years spent in imposed solitude, that same hand that pushed me away and slapped me. The biggest obstacle that I have with what my husband is asking for is my past. I am now forty years old and yet I know, deep down, that I have been emotionally crippled by the experience of being the unloved daughter. It is no exaggeration to say that I have found my father, the nurturing father that I needed, in Rene. It is also sad to realize that even my dead mentor had issues involving his family, for he also alienated his own kin. I feel for them, because I was in that same position with my father and his sullen art.

We can re-create our family, we can redefine family. I have my own family now, which I would truly defend with my last breath. The friends that I have are also my family -- some of them, many of them, have all passed on literally, and figuratively. I'd like to think that some day, when I do meet my own father, that there would be no more hurts. Because even if I always assume that I've moved on, there would always be that slip, and I would remember. Perhaps there is a reverse movement somewhere, and I just haven't learned that -- yet. Nang narinig na ni Bert ang paliwanag ko kung bakit, hindi na siya nagtanong, o nagpilit na gawin ko iyon. Salamat naman -- at saktong ipinalalabas sa tv ang Milan nina Piolo at Claudine, isang kuwento sa karanasan ng mga OFW sa Italya. Tiyempong nasa eksena na ng aking epiphanic moment 'yung pagkikita nina Claudine at Piolo sa isang plaza na maraming mga kalapati. Talagang ibong mang may layang lumipad ang karanasan.

Siguro, ngayong naungkat na ito muli, puwede kaming magkita ni Coralu, isang kapwa guro at kaibigan, na ibig gawin ang pagtitipon ng mga sanaysay ni Papa. Nagkausap na kami ukol dito, katunayan, ibinigay ko na rin sa kanya ang tomo ng mga sanaysay, papeles, clippings. Isang maliit na porsiyon lamang iyon ng katawan ng naisulat ng aking ama. Narito pa sa bahay, diyan sa isang filing cabinet sa sulok, ang kanyang mga journals. Paminsan, kagaya ngayon, sumisigid ang guilt at habag sa sarili sa pag-aalala. Kahit na anong intellectualization ang gawin ko tungkol sa bagay na iyon. Kahit na isipin ko ang ilang mga oras na ibinuhos ko sa sesyon ng pakikipag-usap sa mabait na doktorang si Marge Holmes. Dumaraan ang lahat ng ito na parang tren na mabilis na mabilis, at nasa estasyon ako't nalilito kung sasakay ba ako sa susunod na tren o magpapaiwan na lang para sa susunod pa, kung mayroon pa.

Siguro, nakasakay na nga ako sa ibang tren. Dahil heto ako, buhay pa, dilat, mulat, at kahit paano'y may kaunting natutunan sa karanasan.

Friday, January 11, 2008

Back to the Future, Hitback sa Nakaraan

Sa babasa nito, na posibleng kamag-anak, kaibigan, o kakilala. Pasintabi kung naungkat ko pang masyado ang personal kong buhay pati ang buhay ng may buhay. Hindi ko alam kung sapat na batayan ang "katotohanan" para sa mga gawaing katulad nito, dahil alam kong makakasakit ito, kung sakali. Ibig kong bawasan ang pait -- gaya ba ng pagluluto sa ampalaya. Ibinababad muna sa tubig, lalagyan ng konting asin. Pero ang pagluluto na ibig ko sa ampalaya'y naroon talaga ang lasa ng gulay. Ang pait ng ampalaya ay mula raw sa sama-samang lasa ng iba't ibang gulay na ginaya ng ampalaya, ayon sa isang kuwentong pambata. Tamis, alat, asim, lutong. Mapakla nga. Hindi ko na rin itinago ang mga pangalan sa mga inisyal o pseudonym -- kasi, ang katwiran ko, ang pagkakahawig nito sa mga tunay na tao'y talagang sinadya. Ngayon, hahatulan ako marahil. Iyan ba ang magiging kapalit ng pagpapakatotoo? Gusto kong isipin na ang responsibilidad ko'y sa imahinasyon, at sa insight. Sa aking mga masasaktan, pasintabi, kailangan ko itong ihinga kundi puputok ako.

Kailangang matutunan kong tahimik na tanggihan ang anumang dibersiyon na nakapaligid kapag naghahanda na sa pagtuturo. Kanina, kagaya ng nakasanayan, nakapag-email pa ako ng mahalagang sulat para sa tiyuhin ko na nagtatanong sa renobasyon ng bahay niya. Renobasyon ng bahay ang napasukang trabaho ngayon ni Bert. Siya ang contractor, supervisor. Magaling pala siya dito dahil may natural siyang kamada sa pakikipag-usap sa manggagawa, marunong siya ng manual labor (mula pagsesemento, pagiging tubero, elektronikal na paglalay-out), at may background siya sa accounting. Sinusuwerte rin siya dahil kapag patapos na siya ng isang proyekto sa aking mga kaanak, may ipagagawa naman sa kanya ang kanyang kapatid, o kamag-anak mula sa kanyang kapatid. Wala pa naman siyang propesyunal na lisensya para gawin ito. Minsan niyang nabanggit na ibig niya. Pero mukhang ok namang wala. "Dito sa Pilipinas, kahit wala kang license to operate pero may pondo ka, hala, sige."

Kagaya ng nakasanayan na rin dito sa bahay magmula nang unang mag-usap ang magkapatid ng harapan sa webcam, eksaktong alas 10 ng umaga ay tumatawag na si Nick. Sinet-up ko na lang ang laptop sa katabing mesa para doon na ako maghanda ng leksiyon para sa 2 subject. Mukhang naging mali ang aking pasya na ilagay roon ang aking kompyuter. Mas maganda siguro kung naglibrary na lamang ako't sa department na ako nagpaprint. Pero hindi rin naman sayang ang oras. May mga napag-usapan ang magkapatid na sa tingin ko'y malaki rin ang naitulong para sa isa't isa, at pati na rin sa aming mag-asawa'y may naklaro rin.

Noong una, masaya ang usapan nila. Linagay ni Nick ang laptop sa kanyang garahe, katabi ng kotse ng kanyang anak (na wala raw transmission, modernong moderno, wika ni Bert.) Nagbukas ito ng Smirnoff vodka. Inggit na inggit si Bert dahil hanggang kape lamang ang kanyang iniinom. "Magpadala ka naman ng ganyan dito, para matikman ko." Hiling ito ni Bert, matapos malaman na ang vodka dito sa Pilipinas na Absolut ay hindi naman "real thing" kasi hindi galing ng Russia, di tulad ng Smirnoff o Stolichnaya. "Magaling lang ang packaging ng Absolut."

Napag-usapan nila ang mga patakaran ng gobyerno doon sa US na ibang iba sa Pilipinas. Tampok doon 'yung hindi mo pupuwedeng suhulan ang isang police officer dahil baka makulong ka pa. "Yung may isisingit ka sa lisensiya mo na dolyar, aba, mapapahiya ka lang dahil ikaw ang aarestuhin at ikukulong." Pitong libo mahigit ang kinikita ng mga pulis doon, kaya bakit naman sila magkaka-interes sa barya? Ganu'n rin ang kalagayan ng teacher sa elementary o middle school, na ang starting salary ay isang libo limang daan pataas. "Di gaya sa Pilipinas na tatawagin 'yung estudyante na pumunta sa bahay niya para linisin 'yun, lalo na kung tagilid ang marka. O 'yung kailangan pang magbenta ng longganisa." Kahit ang freeway na dati rati niyang kinatatakutan na pasukan ay, sa bandang huli, naenjoy na rin niya. Mas mabilis ang takbo, nakakahilo sa umpisa, pero kapag nakasanayan, higit pang mas mabilis na paraan para makarating ng mabilis sa paroroonan. Hindi lang dahil modernong moderno ang Amerika pagdating sa mga materyal na bagay kagaya ng plasma tv, digicam o kotse. Kapag nag-uusap sila ni Bert, maalala mo 'yung set-up na napapanood mo sa Back to the Future or varieties of it. Isang sayantist ang magpapakilala ng mundong mangyayari pa lang, at natutuwa ang taong mula sa nakaraan dahil tila binibigyan siya ng kapangyarihang "baguhin" ang mangyayari pa lang.

Siguro, obertura lang ang mga pag-uusap na ito para sa naging liko ng kumbersasyon. Nang makumusta ni Nick ang lagay ni Ex, naging emosyonal na. Masakit marinig na tawaging isa't kalahating tanga ang nabanggit na kapatid. "Matagal na siyang ginagantso ng asawa niya, pakisabi sa kanya, gumising na siya." Naungkat ang paraan na ginawa ng mga magkakapatid para tulungan si Ex -- ang mahabang master narrative na dinala sila sa Davao, kung paano sinagot ang tuition ng mga bata, kung paano rin tumulong ang lahat ng mga kapatid na nasa Pilipinas, mula Baguio hanggang Quezon City. Kabit kabit na ang pagkakaungkat, parang tanikalang kalawangin na lagi lang na nakatago sa diwa ng isa't isa. Ipinaliwanag ni Nick kung bakit sumasama ang kanyang loob sa nangyayari -- at dito'y lubos ko siyang naiintindihan.

Sa mahabang panahon ng pagsasama nilang mag-asawa, kung masasabi mang pagsasama iyon, hindi niya talaga nakasama ang asawa sa tunay na mga tagpong kailangan niya ito. Lahat daw ng tinanong ni Nick ukol sa kondisyon ni Ex ay naniniwalang may ibang pamilya ang asawa. At lahat sila ay nagtataka kung bakit hindi pa niya iyon kinukumprunta. Inulit ni Bert ang naging sagot niya sa akin noong minsang itinanong ko na rin sa kanya ito. "ano'ng gusto mo magRambo sila?"

Bakit hindi, sa loob loob ko. She has every right. Saan ka nakakita ng isang pamilya na ganu'n kamahal ang isa't isa na isasakripisyo kahit ang katahimikan ng sarili nilang pamilya, kagaya ng nangyari sa amin ni Bert? Na ngayon lang niya inamin na ganu'n pala kalala ang sitwasyon at buong akala ko noo'y kami ang kanyang inabandona? Nagkasabay sabay iyon sa isang pangyayari rin ng aming buhay sa pamilya -- nakaratay ang tatay ko noon sa sakit niyang kanser sa baga. Pero gayunpaman mahalaga na marinig ko kay Bert 'yung sorry ukol sa bagay na ito.

Well, ano'ng kuneksiyon ng lahat ng ito sa aking pagtuturo? Nadrain ako emotionally, gayundin sina Des at Bert. "Kausapin niyo si Ex," ang paulit ulit na bilin ni Nick sa dalawa pa niyang kapatid. By this time, lasing na siya at nakahandusay na sa gilid ng kanyang kotse. Nag-aalala sina Bert na baka iwan niya na bukas ang pinto ng garahe. Paulit ulit rin nilang sinasabi sa kanya na isara na iyon. At isinara na nga niya. Naglog-off na.

Lumulutang ang diwa ko nang pumasok ako sa unang klase. Humiling ako ng moratorium. (At walang kamalay malay na ang salita palang ito ang ginagamit sa pagrerestructure ng utang sa government housing loans.) Sinikap kong maging sinsero sa pagtuturo, pero nabigo ulit ako. Mabuti, hindi kagaya ng dati, hindi ako naging emosyonal. Hindi malimutan ng dati kong estudyante halimbawa na umiyak ako sa klase pagkaraan ng isang away mula sa bahay. Ayaw ko nang mangyari iyon. Parang katulad iyon ng di sinasadyang pagdumi ng bata sa salawal. Napapahiya ka, tao ka, oo, pero napapahiya ka.

Kahit ang ikalawang klase ay hindi rin naging maganda, bagamat akala ko'y napaghandaan ko na ito. Naging defensive ang stance ko unconsciously -- na humantong rin sa resolve ko na huwag nang ituro ang artikulong "Ika-Anim na Utos" -- dahil pirme na lang akong humaharap na tila ako ang pinaka makasalanang babae sa mundong ibabaw. Hindi mapigilan ng kabataan na isiwalat ang nasa isip nila. Kagaya ko rin, bilang manunulat, na hindi macensor ang sarili sa pag-iisip at pagsulat mismo ng naiisip. Noon magpahanggang ngayon, tanggap ko na na hindi kami kailanman magkakasundo ng institusyon ng simbahan -- lagi nitong gagamasin ang mga kamalayang katulad ko, dahil mapanganib kami sa sangkalupaan ng mga masusunurin. (Kaya nga ang running joke ko sa anak ko'y kapag nagkita kami sa langit, batiin niya ako. Tiyak na hindi ako mapupunta roon dahil sa baba ako madedestino.)

Saan hahantong ang pag-uusap kanina nilang magkakapatid? Sa palagay mo ba, makikinig ang nasabing partido sa suhestiyon ng nagmamalasakit mula sa malayo? Mananatali marahil ang dating sistema -- uuwi at uuwi pa rin sa Marikina ang ama, magpapanggap ang pamilya na siya'y ama, at saka lilipad muli pabalik sa trabaho sa Saudi. Magpapadala ng sustento, na habang tumatagal ay pahirap nang pahirap na pagkasyahin ng asawa. "Hindi pa kasi tapos ang bunso." Lalong nanggalaiti si Nick sa katwirang iyon. Kasi, bakit ipuputong sa ulo ng isang sinungaling ang karangalan na pinagsikapan niyang maipagtapos ang anak, samantalang wala naman siya roon?

Unfair siguro dahil nagampanan naman ng amang iyon ang papel niya for the first ten or so years? But then the wounds have gone so deep that hey have festered. May malasakit kaming lahat sa aming kapatid (at isinasama ko na ang aking sarili rito) pero ang ibig ko'y mas maging confrontational. Putulin na ang anumang ugnayan doon. Huwag nang umasa at all sa padala. Para wala na rin siyang kapangyarihan. Pero ganu'n lang ba kadali? Nariyan na ang pagmamahal ng asawa, ang pagmamahal ng mga anak. 'Yun ang pinakamabigat na hadlang para magising. Isa pa'y ang pag-asang magkakatotoo rin balang araw ang pagkabuo nilang muli, bilang isang pamilya.

Sabi ko na. Ang pag-asa ang nagiging sanhi ng pagkabaliw, at pagpili na hindi talikuran ang isang toxic nang pagsasama.

Thursday, January 10, 2008

Hindi Muna Ako Gagamit Ng Mga Larawan

Awtomatiko na akong nagigising ng alas tres ng umaga. Kahit ga'no ako kapagod, o kahit pa puyat rin noong nakaraang araw. Nakakapaggym na rin ako ng mas madalas. Talagang pinagsisikapan ko na patuparin 'yung maxim na "a sound mind is a sound body". Kay rami na ngapalang nangyayari sa paligid na hindi ko na nababanggit rito. Natuklasan ko na lang kaninang tanghali, bago ako pumasok sa klase, na ang natupok na Narra Dorm kahapon ay inabandona na magmula pa noong Oct, 2003. Apat na taon na palang mahigit, at nadadaan-daanan ko pa, sa pag-aakalang may mga dormers pa roon. At saka ko rin lang napagtagpi na 'yung panaginip ng orchids na namumulaklak ay kakawing ng pagdaan ko sa dormitoryong iyon-- nasa langit ang mga orkidyas, malalaki, at kulay violeta ang lahat.

Bukod sa balitang pagtupok ng dorm, isang empleyado ng main lib ang tumalon. Kanina ko lang nakumpirma kung sino siya. Wala namang nakakaalam kung bakit, nanlambot lang ako ng malaman kong may naiwan pa siyang mga anak na nag-aaral, dalawa. At dahil sa opsiyon niyang pinili sa pag-exit sa mundong ibabaw, may posibilidad na hindi matatanggap ng kanyang mga anak ang mga benepisyo na para sa kanya. Doon ako nalungkot. Aktibo daw siya sa unyon. Iniisip ko nga kung nakita ko na siya. Madalas rin naman akong pumupunta sa lib noon, kung minsan pa nga'y nagsusulat ako sa archives section dala na rin ng mabait na alok ni Ms. Arlante na maari akong pumunta roon kung gusto kong makasulat. Ang sectiong tinutukoy ko ay ang archives. May isang kuwarto roon -- bukod sa pinaka silid ng mga kahon kahon ng mga manuskrito -- na aircon at nakapagsulat rin ako ng ilang beses roon. Iniisip ko kung nakasalubong ko ang lalaking iyon kahit minsan. Hindi ako makasiguro. Tahimik rin siyang tao. Mapag-isa. Nanghihinayang nga ang librarian na nakausap ko, si Lulu, na hindi na sila magkakasama dahil nadestino na sila sa new building ng arts and letters sa ground floor. Sabay sabay rin sila kasi kahit paano sa pananghalian, o may okasyon rin sila para magkumustahan. Napakahalaga ng maiikling kumustahan para sa mga katulad niya. Alam ko dahil may panahong naiisip isip ko 'yun -- hindi ang pagtalon, masyado akong duwag, kundi ang pag-eexit. Nakakasagip sa katinuan 'yung maiikling kumustahan. Kailangang ipadama sa kapwa guro, o sa kasamahan sa trabaho na ang nararanasang hirap ay dama at nauunawaan rin ng isa. Baka nakatulong pa sa di-kilalang empleyado (alam ko ang pangalan ngunit pinili ko na wag nang banggitin para na rin sa kanyang mga anak) ang malaman na hindi siya nag-iisa. Kahit na single parent siya at ipinagluluto pa ng hapunan ang kanyang mga anak. Kahit damang dama niya ang liit ng suweldo (wag nang banggitin ang mga kaltas sa mga utang) na pinagkakasya sa tumataas na presyo ng tubig, kuryente, gasul, pagkain.

Naging tuloy tuloy lang rin ang klase nang walang nangyayaring kakaiba. Ikinalulugod ko na lumipas na rin ang panahong taranta ako at blangko. Literal na naroon ang aking katawan sa klase pero ang diwa ko'y nasa ibang lugar. Isang manananggal sa campus. Na hindi naman takot sa bawang, na wala namang pangil o pakpak, na hindi naman sumisisipsip ng matris. Isang manananggal na nagtuturo ng panitikan na ibig makasulat ng panitikan, nilalang ng library, hikain, nakasalamin, edad kuwarenta. Buhay pa rin ang manananggal na iyon pero hindi na gaanong lumilipad. Nakapalupot ang identidad na iyon sa isang estrambre na rin ng sinulid na pansamantalang itinago muna. Lubhang mapanganib na pakawalan ng walang responsibilidad. Naawa lang ako sa mga naging estudyante ko sa partikular na semestreng iyon dahil casualty sila sa aking pagkangarag. Kaya bumabawi ako kahit paano sa mga nakaraang semestre. Nagpapaquiz na ako ng regular para hindi na rin masyadong magbibigay ng exam, nagpapaulat ako ng mas madalas at sinisikap ko talagang ibuod at ibahagi ang opinyon ko sa dulo. Gumagawa ako ng panahon para makapaghanda.

Nakasalubong ko rin ngapala si Jun. Siya naman ang huminga sa akin ng kanyang sama ng loob -- "ako naman ang magdradrama ngayon." Hindi ko na iisa-isahin ang kanyang mga sinabi, dahil tiniyak kong isasarili ko na lang 'yun para sa kanya. Ang buod, ayaw niyang magpatakot. Ayaw na rin niyang magpahigop sa intriga. Buhay writer, buhay tibak. Panga-pangarap ng imortalidad sa bansag ng "pambansang alagad ng sining", na nakapanghihilakbot na rin ang interpretasyon ng ibang nasa puwesto, na ginawa na iyong popularity contest o homage machine. Wala naman akong sinabing payo kay Jun. Ako pa? Kumain lang ako ng kakaning kulay berde, na sinabayan ng C2. Pinakita niya sa akin ang kanyang mga pen and ink drawings. Ang gaganda. Naiinggit nga ako. Parang gusto ko na ring gumuhit muli. Matagal na akong hindi nakapagdrodrowing, samantalang noong aking kabataan, ang aktibidad na ito, bukod sa pagsusulat, ang madalas kong gawin. Nanghinayang nga ako na may ilang mga drowing at painting ako na ginawang sobre. Pinadala ko sa mga kaibigan. Kay Lina Reyes halimbawa, na isang mahusay na makata sa Ingles. Ang nangyari, dala na rin ng kanyang "peripatetic lifestyle" ang kuleksiyon niya ng mga sulat ay nawaglit -- tinangay ng baha sa paglilipat lipat niya ng tahanan. Nalungkot ako nang malaman ko iyon. Bukod na lungkot pa ito sa pagkawalay ng mga kaibigan. Ipinagluksa ko rin ang mga likhang hindi ko na kailanman pa makikita. Parang hindi na rin ako ang gumuhit, parang hindi ako talaga gumuguhit, dahil nawala ang bakas.

Pero sino ang makapagsasabi? Baka isang araw mula ngayon, basta na lang akong bumili ng sketchpad at uupo rin ako sa isang tabi at gagawa muli ng mga larawan sa papel. Nahigop na rin kasi ng panulat ang interes kong ito. Nakakapinta rin ako ng mga salita. Parang painting rin ang teksto na halata kung patse patse at amateurish ang brushstrokes, na linalapatan ng makakapal na pahid ng pintura para retokehin ang mali.

Alas kuwatro na. Hindi ko na binubuksan ang draft ng Pasakalye. Nagtatampo na kaya ang mga tauhan na pinaiidlip ko muna? Hinahayaan ko lang. Gigisingin ko nga sila pero hindi ko naman talaga pinapagsalita, e di balewala rin. Para que pa na naging mga tauhan sila? Hindi maari na magpasapaw sila sa ventriloquista, ako 'yun. Gusto ko silang magkaroon ng sariling buhay, ng sariling biyahe. At hindi na muna ako magpapataranta, kahit na may rasong mataranta dahil ito na ang huling taon, at ibig kong makasagap rin ng benepisyo (research) para sa mga magtatapos sa centennial. Ngunit kagaya ng bihag na itinali ang mga kamay at paa sa apat na kabayo na patatakbuhin sa iba't ibang mga direksiyon, hindi ko alam kung hanggang saan ako dadalhin ng pagbabalanseng ito na hindi bumibigay ang aking laman at diwa. Kailangang pagsikapan na manatiling gising, mapanuri ngunit mapamiyaya sa pasasalamat sa mga maliliit na pagsagip, at laging nakatapak sa lupa.

Oo, kagaya nga ng sinabi ni Socrates, "kilalanin ang sarili," at ang buhay ay isang walang katapusang pag-aapuhap dito. Paano kikilalanin ang sarili na iba iba rin minu-minuto, habang umiimbay sa sayaw ng buhay sa araw araw? Guro kaninang ala una hanggang alas kuwatro ng hapon, kaibigan mula alas singko hanggang alas sais. Ina at asawa mula alas sais hanggang alas tres ng umaga kinabukasan. Manunulat mula alas tres hanggang alas singko. At mula alas sais ng umaga hanggang ala una uli ng hapon, ina at asawa uli. Nakokompartamentalisa ba ang sarili kung sino siya sa partikular na patak ng sandali? Hindi yata. Binubuo ako ng maraming mga sarili, at maraming mga pustura, maraming mga diwang nauutal na nasa dulo ng dilang interpetasyon. Makasarili o mapagbigay? Tanga o matalino? Maalaga sa katawan o pabaya sa isip? Hindi ko alam. Isang buong diskurso rin ang mga ganitong kamangmangan.